Paano Hangarin ang Katotohanan (7) Ikaapat na Bahagi

Paano Komprehensibong Susuriin ang Kakayahan ng mga Tao

Natapos na natin ngayong talakayin ang huli sa labing-isang abilidad para sa pagsuri sa kakayahan ng isang tao, ang abilidad na maging inobatibo. Pagkatapos magbahaginan tungkol sa labing-isang abilidad na ito, medyo mas malinaw na ba sa inyo ang sarili ninyong kakayahan? (Oo.) Nagagawa na ba ninyong suriin ito, kung gayon? Kaya ba ninyong tumpak na suriin kung ano ang sarili ninyong tunay na kakayahan? May pamantayan ng pagsukat pagdating sa pagtukoy kung ang iyong sariling kakayahan ba ay mahusay, katamtaman, mahina, o hindi umiiral—hindi mo maaaring tingnan ang isang aspekto lamang; dapat itong masuri nang komprehensibo. Kung gayon, aling mga aspekto ang dapat tingnan para suriin kung ano ang kakayahan ng isang tao? Batay sa mga pagpapamalas ng labing-isang abilidad na pinagbahaginan natin, para ang isang tao ay masuri na mayroong mahusay na kakayahan, sa pinakamababa, dapat siyang magtaglay ng ilang medyo mahalagang abilidad. Isaalang-alang ito sandali: Alin sa labing-isang abilidad ang mga pangunahin na kayang magpakita na ang isang tao ay may mahusay na kakayahan? Kaya ba ninyo itong alamin? Ang pagkakasunod-sunod ay dapat magmula sa huling abilidad hanggang sa una: Ang isang taong may mahusay na kakayahan, kahit papaano, ay dapat magtaglay ng abilidad na maging inobatibo; susunod ay ang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay, abilidad na makagawa ng mga desisyon, at ang abilidad na tumugon sa mga bagay; susunod ay ang abilidad na tumukoy ng mga bagay, ang abilidad na gumawa ng mga paghusga, at kognitibong abilidad; sa huli, nariyan ang abilidad na tanggapin ang mga bagay, abilidad na makaarok, ang abilidad na makaunawa ng mga bagay, at abilidad na matuto. Ganito ang pagkakasunod-sunod. Bakit baligtad ang pagkakasunod-sunod? Ang pagkakasunod-sunod na una nating isinaayos ay mula sa mababa patungo sa mataas, pero para suriin kung ang isang tao ay may mahusay na kakayahan, ito ay nakaayos mula sa mataas papunta sa mababa. Ang isang taong may mahusay na kakayahan, kahit papaano, ay dapat magtaglay ng abilidad na maging inobatibo. Naaabot ito sa pundasyon ng pagtataglay na ng abilidad na makagawa ng mga desisyon, ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay, at ng abilidad na tumukoy ng mga bagay. Kung kaya mong maging kognitibo, tumukoy, at maghusga sa mga bagay, at taglay mo rin ang abilidad na makaunawa ng mga bagay, at pagkatapos ay kaya mong maging inobatibo, ginagawa ka niyon na isang taong may mahusay na kakayahan. Ang gayong mga tao ay ang mga may abilidad na mamuno, kayang pumasok sa antas ng mga tagapagpasya; may talento sila sa pagiging lider, at kaya nilang mamuno sa isang partikular na larangan ng gawain. Ang mga ito ay mga taong may mahusay na kakayahan. Ang mga taong may katamtamang kakayahan ay iyong mga may abilidad sa lahat ng aspekto, mula sa abilidad na maging inobatibo hanggang sa abilidad na matuto, na pawang katamtaman. Ang kanilang pagiging episyente at ang kanilang mga resulta sa paggawa ng mga bagay ay kapwa katamtaman. Ang mga ito ay mga taong may katamtamang kakayahan. Ano ang pangunahing pagpapamalas ng mga taong may katamtamang kakayahan? Ito ay na ang kanilang pagkaarok at pagkaunawa sa mga prinsipyo ay kulang sa lalim at hindi masyadong tumpak. Kapag nagpapatupad at nagsasagawa, palaging may mga butas at paglihis. Palagi nilang nakakaligtaan ang mga bagay, nakakalimutan ang ganito at ganyan, at hindi nila komprehensibong maisaalang-alang ang lahat ng bagay. Halimbawa, napili sila na maging mga lider ng iglesia pero hindi nila magawang pamahalaan ang lahat ng aspekto ng gawain nang komprehensibo. Kapag responsable sila para sa gawain ng ebanghelyo, tumutuon lang sila sa gawain ng ebanghelyo at hindi nila maasikaso ang ibang gawain. Maaari nilang maisulong ang gawain ng ebanghelyo pero wala silang oras para mangumusta tungkol sa gawaing nakabatay sa teksto o tungkol sa gawain ng paggawa ng pelikula. Bakit ganito? Dahil lubusang katamtaman ang kakayahan nila at kaya lang nilang pangasiwaan ang isang aspekto ng gawain; halos hindi nila kayang maging may kakayahan sa isang larangan ng gawain, pero sa sandaling hiniling sa kanila na asikasuhin din ang ibang gawain, mapait silang nagrereklamo at nalulunod sila sa dami ng gagawin, hindi magawa nang maayos ang anumang gawain. Sa kanilang gawain, dapat palaging may taong nangangasiwa, nagpapaalala, nag-iinspeksiyon, at nagsusuri sa ginagawa nila. Palaging dapat na mayroong tao sa tabi nila para sumuporta sa kanila, para makipagbahaginan sa katotohanan, para paulit-ulit na bigyang-diin ang mga prinsipyo ng gawain at ang iba’t ibang paglihis at butas na malamang na lumitaw. Palaging dapat na mayroong taong nagpapaalala sa kanila. Bakit palagi nilang kailangan na mayroong taong nagpapaalala at nagbibigay ng mga patnubay sa kanila? Hindi dahil sa hindi sapat ang kanilang karanasan sa gawain, kundi dahil katamtaman ang kanilang kakayahan. Hindi nila kayang maisip nang maaga ang mga sitwasyon at problema na malamang na lumitaw, o napakalimitado ng kaya nilang maisip nang maaga. Samakatwid, kailangan na palaging mayroong isang tao sa tabi nila para gabayan, suriin, at subaybayan sila, kailangan silang madalas na kumustahin. Kapag kinukumusta, lumalabas na maaaring hindi nila nagawa ang aytem na ito ng gawain o na nalimutan nila ang aytem na iyon ng gawain; kung hindi naman, napabayaan nila ang isang aspekto o hindi nila alam kung paano magpapatuloy, pero hindi pa rin nila alam kung sino ang tatanungin o kung paano maghahanap, at naghihintay pa rin sila. Sa madaling salita, lubos na katamtaman ang kanilang abilidad na maging may kakayahan para sa gawain. Ang “katamtamang” ito ay walang kinalaman sa kung gaano kalakas na determinasyon ang mayroon sila, kung gaano sila kalakas, kung gaano nila kagustong gumawa ng gawain, o kung gaano nila kayang magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga—wala itong kinalaman sa mga ito. Sa halip, tumutukoy ito tanging sa pagiging katamtaman ng kanilang kapabilidad sa gawain. Ang mga taong may mahusay na kakayahan, sa kabilang banda, ay halos hindi nakakagawa ng malalaking pagkakamali sa kanilang gawain. Ang mga prinsipyo, ang direksyon, at ang pangkalahatang balangkas na sinusunod nila ay tumpak sa pangkalahatan. Bagama’t maaaring madalas nilang makaligtaan ang ilang maliit na detalye, ang mga detalyeng ito ay hindi nakakaapekto sa pagiging episyente at sa mga resulta ng pangkalahatang gawain. Ang mga ito ay mga taong may mahusay na kakayahan. Siyempre, walang taong perpekto. Maging ang mga taong may mahusay na kakayahan ay maaaring magkaroon ng ilang maliit na butas sa kanilang gawain, na minsan ay panandaliang nakakaligtaan ang isang bagay, o medyo napapabayaan ang isang aytem ng gawain dahil naging abala sila sa ibang gawain kamakailan. Gayumpaman, kung sa usapin lang ng kanilang kakayahan, kaya nilang mabilis na ituwid ang sitwasyon at pamahalaan at kontrolin ito, nang tinitiyak na ang kabuuang gawain ay halos walang kamalian, at na ang kabuuang gawain ay naisasakatuparan sa pangkalahatan nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, sa mga pagsasaayos ng gawain, o sa mga probisyon ng mga atas administratibo, nang umuusad sa isang maayos na paraan. Kahit kapag lumilitaw ang mga anticristo o masasamang tao para magdulot ng mga kaguluhan sa loob ng saklaw ng kanilang gawain, dahil nagtataglay sila ng abilidad na tumugon sa mga bagay, mabilis nilang papangasiwaan ang sitwasyon. Papangasiwaan at lulutasin nila ang usapin sa lalong madaling panahon, nang tinitiyak na ang gawain ng iglesia ay mabilis na makakabalik sa tamang landas at na ang kapaligiran kung saan ginagawa ng mga kapatid ang kanilang tungkulin ay hindi naaapektuhan. Kahit kapag lumilitaw ang mga di-inaasahang sitwasyon, alam ng mga taong may mahusay na kakayahan kung paano pangasiwaan ang mga ito. Kahit hindi pa nila napapangasiwaan ang gayong mga sitwasyon dati, malalaman nila kung paano hanapin ang mga prinsipyo. Dahil taglay nila ang abilidad na tumukoy, humusga, at maging kognitibo sa mga bagay, mabilis nilang lulutasin ang mga problema nang ayon sa mga prinsipyo. Talagang mayroon silang abilidad na maglutas ng mga problema. Ang kanilang mga abilidad na tumukoy ng mga bagay, tumugon sa mga bagay, at gumawa ng mga paghusga ay nagbibigay-kakayahan sa kanila na mabilis na pahupain at pakalmahin ang mga di-inaasahang sitwasyon, nang nakakamit ang pangangalaga sa normal at maayos na pag-usad ng gawain ng iglesia at ang pangangalaga sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, nang tinitiyak na ang gayong mga sitwasyon ay hindi mauulit o mananatiling hindi kalmado sa loob ng mahabang panahon. Kasabay nito, kapwa ang mga prinsipyong sinusunod nila para pangasiwaan ang mga bagay at ang mga pinal na resulta na nakakamit nila ay nagsisilbi para protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ang pagiging napaka-episyente at ang mabubuting resulta ang kayang makamit ng mga taong may mahusay na kakayahan sa kanilang gawain. Gayumpaman, kapag pinapangasiwaan ng mga taong may katamtamang kakayahan ang mga problemang lumilitaw sa gawain ng iglesia o sa pang-araw-araw na buhay, medyo nalulunod sila at medyo nahihirapan sila rito. Madalas na ang pangangasiwa nila sa mga problema ay hindi episyente at napakabagal. Para sa mga isyu na dapat malutas sa loob ng isa o dalawang araw, dahil hindi nila makilatis ang mga ito, maaaring kailangan nilang maghintay, at maaaring kailangan nilang magnilay-nilay sa loob ng tatlo o limang araw. Hindi nila kayang gumawa ng mga matatag na pagdedesisyon para ituwid ang sitwasyon bagkus ay wala silang magawa, at kaya lang nilang hayaang patuloy na lumala ang sitwasyon. Kaya lang nilang pangasiwaan ang ilang simpleng gampanin, tulad ng pagbeberipika ng mga katunayan, pagtatanong sa mga nauugnay na tao tungkol sa sitwasyon, o pagbubukod-bukod sa mga problema at pag-uulat sa mga ito sa nakatataas. Ang mga problemang kayang lutasin ng iba sa loob ng dalawang araw ay maaaring abutin ng kalahating buwan para sa kanila. Bagama’t nalulutas ang mga problema sa huli, ang matagal na pagkaantala ay nagdudulot ng ilang kawalan sa gawain ng iglesia. Sa panahong ito, maaaring mailihis ng mga anticristo ang ilang tao, maaaring mawala ang mga handog, o maaaring magdusa ng mga kawalan ang ilang aytem ng gawain dahil hindi agad na nalutas ang mga problema. Bagama’t naibibigay ang mga kompensasyon o kabayaran pagkatapos, at ang mga taong dapat pangasiwaan ay napapangasiwaan din sa huli, katamtaman lang ang mga resulta at ang pagiging episyente. Para itong pagpuksa ng apoy: Ang mga taong may mahusay na kakayahan ay may diskarte sa pagpuksa ng mga apoy, nagkakamit ng magagandang resulta at nakakapagpigil ng mga pinansiyal na pagkalugi. Gayumpaman, ang mga taong may katamtamang kakayahan, dahil sa mga di-wastong pamamaraan, kawalan ng mga hakbang sa panahon ng kagipitan, pagkilos nang mabagal, at kawalan ng abilidad na gumawa ng matatag na mga desisyon at maarok ang mahahalagang punto para lutasin ang problema, ay nauuwi sa pagdudulot ng mas malalaking kawalan. Sinasabi ng ilang tao na, “Handa akong magbigay ng kabayaran para sa mga kawalang naidulot ko.” Kung ito ay pang-ekonomikong kawalan lamang, maaaring malutas ng kabayaran ang problema. Pero kapag nahaharap sa mga pag-aaresto ng malaking pulang dragon at nabibigo kang pangasiwaan ito nang maayos, na nagdudulot ng mga kawalan sa gawain ng iglesia, kaya mo bang mabayaran iyon? Kaya mo bang mabayaran ang halaga ng naantalang gawain at nawalang oras? Kapag nangyayari ang mga di-inaasahang kaganapan, dahil ang mga abilidad na tumugon sa mga bagay, gumawa ng mga paghusga, tumukoy sa mga bagay, at maging ang abilidad na gumawa ng mga desisyon ng mga taong may katamtamang kakayahan ay pawang katamtaman, pinapangasiwaan nila ang mga problema nang mabagal at nang may sobrang mababang pagka-episyente, at hindi epektibo ang kanilang mga hakbang sa panahon ng kagipitan, na sa huli ay nagreresulta sa mga di-kasiya-siyang resulta ng gawain at sa ilang kawalan. Kahit na nalulutas ang mga problema sa huli, dahil nagaganap ang matatagal na pagkaantala at nababawasan ang pagka-episyente, katumbas ito ng isang kawalan. Samakatwid, ang mga taong ito ay inilalarawan bilang mayroong katamtamang kakayahan. Sinasabi ng ilang tao na, “Hindi iyan patas. Nagsikap din sila, nagtrabaho nang husto, at nilutas nila ang mga problema. Paanong nasasabi Mo pa rin na katamtaman ang kanilang kakayahan?” Ang pagsusuri sa gayong mga usapin ay hindi puwedeng nakabatay sa mga emosyon o sentimyento. Sa obhetibo at patas na pananalita, at pagdating sa usapin ng antas na kayang makamit ng kakayahan ng isang tao, katamtaman ang iyong kakayahan. Bakit ito katamtaman? Dahil may mga taong may mas mataas na kakayahan kaysa sa iyo; sa mga sitwasyon kung saan ang kanilang pagkatao ay halos kaparehas ng sa iyo, ang mga taong may mahusay na kakayahan ay pinapangasiwaan ang mga problema nang mas episyente at nang may mas mahuhusay na resulta kaysa sa iyo, at ang mga kawalan ay mas maliit kaysa sa mga kawalan mo. Samakatwid, ang kakayahan mo ay maaari lamang maklasipika bilang katamtaman. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Ang dahilan kaya ang gayong mga tao ay inilalarawan bilang may katamtamang kakayahan ay dahil may mga taong may mahusay na kakayahan na nakakapagkamit ng mas mainam na pagka-episyente at mga resulta sa kanilang mga kilos kaysa sa nagagawa nila. Samakatwid, ang kanilang kakayahan ay katamtaman. Ang paliwanag na ito ay patas at may katwiran. Sinasabi ng ilang tao na, “Mayroon silang sinseridad, at isinasapuso nila ang gampaning ito; nagtiis sila ng maraming paghihirap at hindi maliit na halaga ang ibinayad nila.” Ano ang silbi ng pagsasabi niyon? Ibig bang sabihin niyon ay may mahusay silang kakayahan? Anuman ang kanilang pagkatao, mga emosyon, o mga kahilingan, kung sa usapin lang ng kanilang kakayahan, ang mga ito ay mga pagpapamalas ng pagkakaroon ng katamtamang kakayahan.

Ano ang mga pagpapamalas ng mga taong may mahinang kakayahan? Kung titingnan ito mula sa perspektiba ng iba’t ibang abilidad, ang mga taong may mahinang kakayahan ay medyo nagtataglay ng kaunting abilidad na matuto at abilidad na makaunawa ng mga bagay. Kapag nag-aaral sila ng ilang kaalaman, mga teorya, mga propesyonal na kasanayan, o mga pang-akademikong paksa, kaya nilang maalala ang mga ito nang solido at tumpak, nang nagtatala ng mahahalagang punto sa kanilang kwaderno. Dahil nakatanggap sila ng edukasyon, ang kanilang abilidad na makaunawa ng mga bagay ay hindi masyadong mahina; maaari itong umabot sa isang katamtamang antas. Gayumpaman, hindi nila tinataglay ang mga abilidad na kasunod ng abilidad na makaarok, gaya ng abilidad na tumanggap ng mga bagay at ng abilidad na tumukoy ng mga bagay. Ibig sabihin, ang mga abilidad nila ay nananatiling limitado sa pagkatuto at pagkaunawa ng mga teorya, kaalaman, mga teknikal na kasanayan, o mga propesyon sa antas na panteksto. Pagdating sa pagtingin sa mga tao, pangangasiwa sa mga usapin, paglutas sa mga problema, at pagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain sa tunay na buhay, nagkukulang sila. Ang mga abilidad nila ay nananatiling limitado sa abilidad na matuto at sa abilidad na makaunawa ng mga bagay; kaya nilang magkamit ng abilidad na makaarok, pero nagkukulang sila pagdating sa abilidad na tumanggap ng mga bagay. Ang mga taong nagtataglay ng abilidad na tumanggap ng mga bagay ay kayang malaman kung sa aling mga bagay sa tunay na buhay nauukol ang mga prinsipyo, teorya, at pundamental na ito, pati na kung alin ang praktikal at aplikable, kung alin ang hindi praktikal, at kung alin ang mga nababagay para sa kanilang sarili at alin ang hindi. Gayumpaman, ang mga taong may mahinang kakayahan ay hindi kayang makilatis ang mga bagay na ito. Halimbawa, may mga materyales na makikita sa internet tungkol sa iba’t ibang kaalaman sa kalusugan at pagsasanay para sa pangangatawan. Ang mga taong may mahinang kakayahan ay kaya ring matuto kung paano mag-ehersisyo at alagaan ang kanilang sarili mula sa mga materyales na ito. Nagtataglay sila ng abilidad na matuto, ng abilidad na makaunawa ng mga bagay, at ng abilidad na makaarok, at alam din nila kung paano hanapin kung ano ang gusto nila. Gayumpaman, pagdating sa kung alin sa mga bagay na ito ang praktikal, epektibo, at tunay na kailangan ng mga tao, hindi ito kayang tukuyin ng mga taong may mahinang kakayahan. Nagkukulang sila pagdating sa abilidad na tumanggap ng mga bagay. Ngayong araw, sinasabi sa internet na ang nilagang spinach na may tokwa ay labis na masustansya, kaya kinakain nila ito araw-araw. Pero pagkatapos itong kainin sa loob ng ilang panahon, wala silang ideya kung kumusta ang mga epekto o kung ito ba ay may epekto na gaya ng sinasabi sa internet. Kalaunan, sinasabi sa internet na ang spinach at tokwa ay hindi dapat pagsabayin, at pagkarinig nila rito, hindi na sila muling gumagawa ng nilagang spinach na may tokwa. Tungkol naman sa kung ang spinach at tokwa ba ay tunay na labis na masustansya o hindi dapat pagsabayin, hindi nila alam at hindi sila magtatanong; ang alam lang nila ay ang bulag na sumunod. Ang impormasyon ay labis na maunlad sa panahon ngayon; ang iba’t ibang balita ay labis na masalimuot. Hindi nila kayang matukoy kung ano ang wasto at mali o kung ano ang tama at hindi tama. Binabasa at pinapakinggan nila ang lahat ng bagay, naniniwala na ang anumang bagay na hindi pa nila narinig dati, anumang bagay na bago o mukhang malalim, ay tiyak na mabuti. Halimbawa, sinasabi sa internet na ang pagkain ng tsokolate ay mabuti para sa puso, kaya araw-araw silang kumakain ng tsokolate. Bilang resulta, nagkakaroon sila ng panloob na init, nagkakaroon sila ng mga singaw sa bibig, namumula ang kanilang mga mata, at nakakaranas sila ng tinnitus. Sa katunayan, ang sinabi ay na ang pagkain ng tsokolate nang katamtaman ay mabuti para sa puso, pero hindi nila naalala ang mga salitang “nang katamtaman.” Hindi nila kayang maarok ang pangunahing punto at sa huli ay naipapahamak nila ang kanilang sarili. Pagkalipas ng ilang araw, sinasabi na ngayon sa internet: “Ang pagkain ng tsokolate ay masama sa puso, at ang pagkain nang labis-labis ay maaari ding magdulot ng pagbigat ng timbang.” Ang mga taong kayang tumukoy ay malalaman na ang pagkain nang labis-labis ay masama sa katawan, pero ang pagkain nang katamtaman ay ayos lang. Gayumpaman, hindi nila ito kayang matukoy; pagkarinig dito, ganap na silang tumitigil sa pagkain ng tsokolate. Mula sa isang sukdulan ay lumilipat sila sa kabilang sukdulan, nang kumikiling nang masyadong pakaliwa o nang masyadong pakanan, pero iniisip nila na sila ay sunod sa uso: “Tingnan mo, kung anuman ang sinasabi ng internet na mabuti, kakainin ko iyon; kung anuman ang sinasabi nitong masama, hindi ko iyon kakainin. Ako ay isang taong sumasabay sa mga kalakaran ng panahon.” Sa aktuwal, sila ay mga taong walang abilidad na tumukoy ng mga bagay, mga taong naguguluhan na bulag na sumusunod sa karamihan. Mayroong lahat ng uri ng impormasyon sa internet, at karamihan ng mga pahayag ay hindi tumpak. Siyempre, mayroon ding kaunting impormasyon at mga pahayag na tama. Kailangang magawa mong matukoy ang mga ito. Tungkol naman sa kung anong impormasyon ang tatanggapin, dapat mo itong sukatin ayon sa iyong mga pangangailangan, kung ito ba ay kapaki-pakinabang sa iyo, at kung positibo ba ang impormasyon. Ang mga taong may mahinang kakayahan ay wala ng abilidad na tukuyin ang gayong mga bagay. Hindi nila maabot ang lahat ng abilidad mula sa antas ng abilidad na tumanggap ng mga bagay paitaas. Nananatili silang limitado sa pagkatuto at pagkaunawa ng mga bagay sa mga antas na pantekstuwal, panteoretikal, at pangkaalaman, nang nagtataglay ng kaunting abilidad na makaarok. Gayumpaman, tungkol naman sa higit pang pagtukoy sa pagiging tama ng iba’t ibang pahayag at kung ang mga ito ba ay mahalaga at makabuluhan, ang mga taong may mahinang kakayahan ay wala ng abilidad na husgahan at tukuyin ito. At nariyan ang abilidad na tumugon sa mga bagay, na hindi rin taglay ng mga taong may mahinang kakayahan. Pagdating sa iba’t ibang problemang lumilitaw sa tunay na buhay o sa landas ng pananatiling buhay, hindi nila kayang pangasiwaan ang mga ito batay sa mga katotohanang prinsipyong nalalaman o naaarok nila. Gaano man karaming salita at doktrina ang kaya nilang sabihin, ang mga ito ay hungkag at hindi praktikal. Para sa mga problemang lumilitaw sa paligid nila o sa landas ng pananatiling buhay, umaasa sila sa sarili nilang mga tusong diskarte para harapin ang mga ito; sinusubukan lang nilang iwasan ang magdusa ng mga kawalan, at iyon na iyon, habang nabibigong maabot ang antas ng pagdanas, pagkaunawa, o pagbeberipika sa mga prinsipyong naaarok nila. Higit pa rito, iyong mga taong may mahinang kakayahan ay wala ring kognitibong abilidad. Ibig sabihin, kapag lumilitaw ang anumang problema, hindi nila kayang bumuo ng mga kongklusyon o kilalanin ang diwa ng mismong usapin, ang ugat na sanhi sa likod nito, o ang maaaring maging mga kahihinatnan nito sa hinaharap. Ang mga taong may mahinang kakayahan ay hindi talaga alam kung paano pag-isipan ang mga bagay na ito, lalong hindi nila alam kung paano ilapat ang katotohanan o ang mga prinsipyo at batas ng iba’t ibang bagay na naaarok nila para harapin at pangasiwaan ang gayong mga problema. Dahil mahina ang kanilang kakayahan, ang kanilang pag-iisip ay simple at paimbabaw, at may mga paglihis ang kanilang perspektiba sa mga usapin. Dagdag pa rito, ang mas malaki pang problema ay na hindi nila alam kung mula sa anong perspektiba nila maaaring tingnan nang tama ang mga bagay. Samakatwid, hindi nila kayang makilatis ang diwa ng anumang bagay, ni hindi nila kayang husgahan ang pagiging tama o ang wasto at mali sa anumang bagay. Kung walang paghusga, hindi nila kayang tumukoy; kung gayon, siyempre, wala rin silang abilidad na tumugon sa mga bagay, lalong wala silang abilidad na makagawa ng mga desisyon. Sinasabi ng ilang tao na, “Ang mga taong may mahinang kakayahan ay alam rin kung ano ang kakainin at susuutin araw-araw, at kayang pamahalaan ang kanilang pang-araw-araw na buhay.” Hindi iyon ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng kakayahan. Ang pagkakaroon ng kakayahan ay tumutukoy sa abilidad na pangasiwaan ang iba’t ibang esensiyal na problema na nakakaharap sa buhay at sa landas ng pananatiling buhay nang ayon sa mga katotohanang prinsipyong nauunawaan ng isang tao. Ang iba’t ibang problemang nakakaharap sa buhay ay kinasasangkutan ng pagsusuri sa isang tao, pangangasiwa sa isang usapin, at iba pa. Ang mga problemang nakakaharap sa landas ng pananatiling buhay ay kinabibilangan ng pagharap sa malalaking isyu ng wasto at mali, ng mga kapaligirang inihanda ng Diyos para sa iyo, ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, ng mga usaping kinasasangkutan ng kinabukasan at hantungan at kung paano pipiliin ang landas sa harapan, at iba pa—ang lahat ng ito ay nabibilang sa mga problemang nauugnay sa pananatiling buhay. Kung ang isang tao ay walang abilidad na pangasiwaan ang mga problemang lumilitaw sa buhay o sa landas ng pananatiling buhay, ibig sabihin nito na wala siyang abilidad na makagawa ng mga desisyon. Ang gayong mga tao ay blangko ang isipan, kaya ang pagtalakay tungkol sa abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay tungkol sa kanila ay medyo hindi na naaangkop. Siyempre, ang huling abilidad, ang abilidad na maging inobatibo, ay lalong mas malayo sa kapabilidad ng mga taong may mahinang kakayahan. Katulad ito ng pagtatalakay kung ang leon ba o ang tigre ang hari ng mga hayop. Sa pinakamababa, ang mga ito ay parehong kalipikadong kandidato dahil ang mga leon at tigre ay kanya-kanyang nagtataglay ng tindig at ng mga abilidad ng isang namumuno sa mga hayop. May kanya-kanya silang kalakasan, at kapag pinagtapat sila sa isa’t isa, maaaring magkapantay sila, kaya kalipikado sila na magpaligsahan para sa titulo ng hari ng mga hayop. Kung ikukumpara mo ang mga wildebeest, elk, o yak sa mga leon at tigre para pagdesisyunan kung sino ang hari ng mga hayop, pagtatawanan ka ng mga tao. Bakit ka nila pagtatawanan? (Dahil ang mga hayop na ito ay hindi maikukumpara sa mga leon at tigre.) Ang mga ito ay wala sa parehong antas, wala sa parehong kategorya ng timbang; hindi sila maikukumpara sa mga leon at tigre. Gayundin, ang mga taong may mahinang kakayahan ay walang anumang mga kaisipan, at wala silang abilidad na suriin at pahalagahan ang sinumang tao, anumang pangyayari, o anumang bagay sa antas ng kaisipan. Samakatwid, ni hindi karapat-dapat pang pag-usapan kung ang gayong mga tao ba ay nagtataglay ng abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay. Ang abilidad na magsuri at magpahalaga ng mga bagay ay medyo abante at aplikable sa mga taong may mahusay na kakayahan. Kung gayon, ang abilidad na maging inobatibo ay lalong mas aplikable sa mga taong may mahusay na kakayahan. Ang abilidad na maging inobatibo ay hinuhusgahan batay sa abilidad ng isang tao na praktikal na pangasiwaan ang anumang bagay sa tunay na buhay. Ang mga taong may mahinang kakayahan ay hindi lang walang mga kaisipan at hakbang sa anumang bagay na ginagawa nila, kundi wala rin silang anumang abilidad na gawin ang mga bagay, kaya hindi masasabi na mayroon silang anumang abilidad na maging inobatibo. Kaya, anong mga abilidad mayroon ang mga taong walang kakayahan? Ang karamihan sa mga taong walang kakayahan ay may parehong katangian: Wala silang mga kalakasan. Pagdating sa abilidad na magpahayag, wala sila nito; pagdating sa anumang mga teknikal o propesyonal na kalakasan, wala rin sila ng mga ito; kahit sa paggampan sa pinakasimpleng gampanin, tulad ng paglilinis, wala silang mabibilis at maiiksing solusyon, walang mga hakbang, at walang kaayusan. Mula sa paggampan ng isang simpleng trabaho, makikita mo na kung ano nga ba ang mga katangian ng mga taong walang kakayahan. Ang pinakahalatang katangian ng mga taong walang kakayahan ay na wala silang abilidad sa bawat aspekto. Sa madaling salita, ni hindi nila kayang pamahalaan ang sarili nilang buhay bilang tao o ang mga pinakabatayang pangangailangan—ang lahat ng ito ay ganap na gulo-gulo at walang anumang mga prinsipyo. Ang pinakatumpak na paglalarawan sa mga taong walang kakayahan ay na hindi nila kayang isakatuparan ang anumang bagay at namumuhay sila para lang tugunan ang kanilang mga batayang pang-araw-araw na pangangailangan—wala nang iba pa. Ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga taong may iba’t ibang antas ng kakayahan, kasama na ang mga katangian ng kakayahan at mga abilidad na taglay nila, ay pawang naipaliwanag na nang malinaw. Kung nauunawaan ninyo, matututunan ninyo kung paano kilatisin at tratuhin ang mga tao na may iba’t ibang kakayahan.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.