Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 16 (Ikalawang Bahagi)
Ngayon lang, nagbahaginan tayo tungkol sa kung paanong madalas na ipinaparamdam ng pamilya sa isang tao na maguluhan at mabalisa. Gusto niyang ganap na bumitiw, ngunit nakakaramdam siya ng paninisi sa kanyang konsensiya at wala siyang lakas ng loob na gawin ito. Kung hindi siya bibitiw, bagkus ay buong-pusong mamumuhunan sa kanyang pamilya at makikipag-kaisa rito, madalas niyang mararamdaman na hindi niya alam kung ano ang gagawin dahil ang ilan sa kanyang mga pananaw ay salungat sa kanyang pamilya. Kaya, nararamdaman ng mga tao na talagang mahirap na pakitunguhan ang kanyang pamilya; hindi niya makamit ang ganap na pagkakasundo sa mga ito, pero hindi rin niya tuluyang maputol ang ugnayan sa mga ito. Ngayon, magbahaginan tayo kung paano dapat pangasiwaan ng isang tao ang kanyang relasyon sa kanyang pamilya. Ang paksang ito ay naglalaman ng ilang pasanin na nagmumula sa kanyang pamilya, na siyang ikatlong paksa sa nilalaman ng pagbitiw sa pamilya—pagbitiw sa mga pasanin na nagmumula sa pamilya ng isang tao. Isa itong mahalagang paksa. Ano ang ilan sa mga bagay na nauunawaan ninyo kaugnay sa mga pasaning nagmumula sa pamilya? Nauukol ba ang mga ito sa mga responsabilidad, obligasyon, pagiging mabuting anak, at iba pa? (Oo.) Ang mga pasaning nagmumula sa pamilya ay naglalaman ng mga responsabilidad, obligasyon, at pagiging mabuting anak na dapat tuparin ng isang tao para sa kanyang pamilya. Sa isang banda, ito ay ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat tuparin ng isang tao, ngunit sa kabilang banda—sa tiyak na mga partikular na sitwasyon at sa mga partikular na indibidwal—nagiging mga kaguluhan sa buhay ng isang tao ang mga ito, at ang mga kaguluhang ito ang tinatawag nating mga pasanin. Pagdating sa mga pasanin mula sa pamilya, maaari nating talakayin ito mula sa dalawang aspekto. Ang isang aspekto ay ang mga ekspektasyon ng magulang. Ang bawat magulang o nakatatanda ay may iba’t ibang ekspektasyon, malalaki at maliliit, para sa kanilang mga anak. Umaasa sila na ang kanilang mga anak ay mag-aaral nang mabuti, magpapakabait, magiging mahusay sa eskuwela, at magkakaroon ng pinakamataas na marka, at hindi magpapakatamad. Nais nilang respetuhin ang kanilang mga anak ng mga guro at kaklase, at maging regular na lampas sa 80 ang grado ng kanilang mga anak. Kung makakakuha ng 60 na marka ang kanilang anak, mapapalo ito, at kung makakakuha ito ng mas mababa pa sa 60, dapat itong humarap sa pader at pag-isipan ang mga mali nito, o pinapanatili itong nakatayo bilang isang parusa. Hindi ito tutulutang kumain, matulog, manood ng TV, o maglaro ng computer, at ang ipinangakong magagandang damit at laruan noon ay hindi na bibilhin para sa anak. May iba’t ibang ekspektasyon ang bawat magulang para sa kanilang mga anak at malalaki ang kanilang mga inaasam para sa mga ito. Umaasa sila na magiging matagumpay sa buhay ang kanilang mga anak, mabilis na susulong sa kanilang propesyon, at magdadala ng karangalan at kaluwalhatian sa kanilang mga ninuno at pamilya. Walang mga magulang ang nagnanais na ang kanilang mga anak ay maging pulubi, magsasaka, o magnanakaw at tulisan pa nga. Ayaw rin ng mga magulang na maging pangalawang uri na mamamayan ang kanilang mga anak pagkatapos pumasok sa lipunan, na mamumulot ng basura, magtitinda sa mga bangketa, magiging isang maglalako, o na mamaliitin ng iba. Maisasakatuparan man ng mga anak ang mga ekspektasyong ito sa kanila ng kanilang mga magulang, ano’t anuman, ang mga magulang ay may iba’t ibang ekspektasyon sa kanilang mga anak. Ang mga ekspektasyon nila ay ang presentasyon ng kung ano ang sa tingin nila ay magaganda at mararangal na bagay o paghahangad sa kanilang mga anak, binibigyan ang mga ito ng pag-asa, umaasa na maisakatuparan nila ang mga kahilingang ito ng magulang. Kaya, ano ang di-sinasadyang idinudulot ng mga pagnanais na ito mula sa magulang para sa kanilang mga anak? (Kagipitan.) Naglilikha ang mga ito ng kagipitan, at ano pa? (Mga pasanin.) Ang mga ito ay nagiging kagipitan at nagiging mga tanikala rin. Dahil mayroong mga ekspektasyon sa kanilang mga anak ang mga magulang, didisiplinahin, gagabayan, tuturuan nila ang kanilang mga anak ayon sa mga ekspektasyong iyon; mamumuhunan pa nga sila sa kanilang mga anak para maisakatuparan ang kanilang mga ekspektasyon, o magbabayad ng anumang halaga para sa mga ito. Halimbawa, umaasa ang mga magulang na magiging mahusay sa eskuwela ang kanilang mga anak, na mangunguna sa klase, makakakuha ng mahigit sa 90 na marka sa bawat pagsusulit, palaging magiging numero uno—o, ang pinakamalala, hindi bababa sa ikalimang ranggo. Pagkatapos ipahayag ang mga ekspektasyong ito, hindi ba’t gumagawa rin ng mga partikular na sakripisyo ang mga magulang kasabay niyon para tulungan ang kanilang mga anak na maabot ang mga layong ito? (Oo.) Upang makamit ng kanilang mga anak ang mga layong ito, gigising nang maaga ang mga anak para mag-review ng mga aralin at isaulo ang mga teksto, at gigising din nang maaga ang kanilang mga magulang para samahan sila. Sa mga mainit na araw, tutulong sila sa pagpapaypay ng kanilang mga anak, pagtitimplahan ang mga ito ng malalamig na inumin, o bibilhan ng sorbetes na makakain. Ang una nilang ginagawa sa umaga ay gigising para maghanda ng taho, mga pritong tinapay, at mga itlog para sa kanilang mga anak. Lalo na sa panahon ng mga pagsusulit, pinapakain ng mga magulang ang kanilang mga anak ng pritong tinapay at dalawang itlog, umaasa na makakatulong ito sa kanilang mga anak na makakuha ng 100 na marka. Kung sasabihin mong, “Hindi ko kayang kainin lahat ng ito, sapat na ang isang itlog lang,” sasabihin nila, “Hangal na bata, sampung puntos lamang ang makukuha mo kung isang itlog ang kakainin mo. Kumain ka pa ng isa para kay Nanay. Gawin mo ang lahat ng iyong makakaya; kung magawa mong kainin ito, makakakuha ka ng isangdaang puntos.” Sasabihin ng anak, “Kagigising ko lang, hindi pa ako pwedeng kumain.” “Hindi, kailangan mong kumain! Magpakabait ka at makinig ka sa nanay mo. Ginagawa ito ni Nanay para sa sarili mong ikabubuti, kaya sige na at kainin mo na ito para sa nanay mo.” Magninilay-nilay ang anak, “Sobrang nagmamalasakit si nanay. Lahat ng ginagawa niya ay para sa aking ikabubuti, kaya kakainin ko ito.” Ang kinakain ay isang itlog, ngunit ano ba talaga ang nilulunok? Ito ay kagipitan; ito ay pag-aalinlangan at hindi pagsang-ayon. Ang pagkain ay mabuti at matataas ang ekspektasyon ng kanyang ina, at mula sa pananaw ng sangkatauhan at konsensiya, dapat itong tanggapin ng tao, ngunit batay sa katwiran, dapat labanan ng tao ang ganitong uri ng pagmamahal at hindi tanggapin ang ganitong paraan ng paggawa sa bagay-bagay. Subalit, naku, wala ka namang magagawa. Kung hindi ka kakain, magagalit ang nanay mo, at ikaw ay papaluin, pagagalitan, o mumurahin pa nga. Ang ilang magulang ay nagsasabing, “Tingnan mo ang sarili mo, masyadong walang silbi na kahit ang pagkain ng itlog ay kailangan pang pagsikapan. Isang tinustang tinapay at dalawang itlog, hindi ba’t isangdaang puntos iyon? Hindi ba’t lahat ng ito ay para sa ikabubuti mo? Pero hindi mo pa rin ito kayang kainin—kung hindi mo ito kayang kainin, sa hinaharap, mamamalimos ka para sa pagkain. Bahala ka na nga!” May mga anak din na talagang hindi makakain, ngunit pinipilit silang kumain ng kanilang mga magulang, at pagkatapos ay isinusuka nila lahat ito. Ang pagsusuka mismo ay hindi gaanong malaking problema, pero mas lalong nagagalit ang kanilang mga magulang, at bukod sa hindi nakakatanggap ng simpatiya o pag-unawa ang mga anak, sisisihin din sila. Kasabay ng pagsisi sa kanila, mas lalo rin nilang mararamdaman na binigo nila ang kanilang mga magulang at mas lalo nilang sisisihin ang kanilang sarili. Hindi madali ang buhay para sa mga anak na ito, hindi ba? (Hindi madali.) Pagkatapos magsuka, lihim kang umiiyak sa banyo, nagkukunwaring nagsusuka ka pa rin. Paglabas mo ng banyo, agad mong pinupunasan ang iyong mga luha, sinisigurong hindi makikita ng iyong ina. Bakit? Kung makikita niya, pagagalitan ka at maaaring murahin pa nga: “Tingnan mo ang sarili mo, napakawalang-silbi; ano ang iniiyakan mo? Wala kang kwenta, ni hindi mo kayang kumain ng masarap na pagkain. Ano ang gusto mong kainin? Kung magugutom ka sa susunod na kainan, hindi mo pa ba kakainin ito? Ipinanganak ka para magdusa! Kung hindi ka mag-aaral nang mabuti, kung hindi mo huhusayan sa mga pagsusulit, hahantong ka sa pamamalimos ng pagkain!” Ang bawat salita ng iyong ina ay tila naglalayong magturo, ngunit tila paninisi rin ito—pero ano nga ba ang nararamdaman mo? Nararamdaman mo ang mga ekspektasyon at pagmamahal ng iyong mga magulang. Kaya, sa sitwasyong ito, gaano man kalupit magsalita ang iyong ina, kailangan mong tanggapin at lunukin ang kanyang mga salita habang may luha sa iyong mga mata. Kahit hindi ka makakain, kailangan mong tiising kumain, at kahit nasusuka ka na, kailangan mo pa ring kumain. Madali bang tiisin ang buhay na ito? (Hindi, hindi madali.) Bakit hindi madali? Anong uri ng pagtuturo ang natatanggap mo mula sa mga ekspektasyon ng iyong mga magulang? (Ang pangangailangan na maging mahusay sa mga pagsusulit at magkaroon ng matagumpay na hinaharap.) Kailangan mong magpakita ng pag-asa, kailangan mong tugunan ang pagmamahal ng iyong ina at ang kanyang pagsisikap at mga sakripisyo, at kailangan mong tuparin ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang at huwag silang biguin. Mahal na mahal ka nila, ibinigay nila ang lahat para sa iyo, at ginagawa nila ang lahat para sa iyo sa kanilang mismong buhay. Kaya, ano ang naging bunga ng lahat ng kanilang sakripisyo, pagtuturo, at maging ng kanilang pagmamahal? Ang mga ito ay nagiging isang bagay na dapat mong suklian, at kasabay nito, nagiging pasanin mo ang mga ito. Ganito nagkakaroon ng pasanin. Hindi mahalaga kung ginagawa man ng mga magulang ang mga bagay-bagay dahil sa kanilang likas na gawi, dahil sa pagmamahal, o dahil sa mga pangangailangan ng lipunan, sa huli, ang paggamit ng mga pamamaraang ito para magturo at magtrato sa iyo, at magkintal pa nga ng iba’t ibang ideya sa iyo, ay hindi nagbibigay ng kalayaan, liberasyon, kaginhawahan, o kagalakan sa iyong kaluluwa. Ano nga ba ang hatid ng mga ito sa iyo? Ito ay kagipitan, ito ay takot, ito ay pagkondena at pagkabalisa ng iyong konsensiya. Ano pa? (Mga tanikala at hadlang.) Mga tanikala at hadlang. Higit pa riyan, sa ilalim ng mga ekspektasyong ito ng iyong mga magulang, hindi mo maiwasang mamuhay para sa kanilang mga inaasam. Para matugunan ang kanilang mga ekspektasyon, para hindi mo mabigo ang kanilang mga ekspektasyon, at para hindi sila mawalan ng pag-asa sa iyo, masigasig at maingat mong pinag-aaralan ang bawat asignatura araw-araw, at ginagawa mo ang lahat ng ipinapagawa nila sa iyo. Hindi ka nila pinapayagang manood ng TV, kaya’t masunurin kang tumatangging manood nito, kahit na gusto mo talagang manood. Bakit nagagawa mong tumanggi? (Dahil sa takot na mabigo ang aking mga magulang.) Natatakot ka na kung hindi ka makikinig sa iyong mga magulang, talagang babagsak ang iyong marka sa eskuwela, at hindi ka makakapasok sa isang prestihiyosong unibersidad. Hindi ka nakatitiyak sa sarili mong kinabukasan. Para bang kung walang pagkontrol, paninisi, at pagpipigil mula sa iyong mga magulang, hindi mo malalaman kung ano ang naghihintay sa unahan ng iyong landas. Hindi ka nangangahas na kumawala mula sa kanilang mga paghihigpit, at hindi ka nangangahas na kumawala mula sa kanilang mga tanikala. Maaari mo lang silang hayaang magtakda ng iba’t ibang patakaran para sa iyo, hayaan silang manipulahin ka, at hindi ka nangangahas na suwayin sila. Sa isang punto, wala kang katiyakan sa iyong kinabukasan; sa isa pang punto, dahil sa konsensiya at pagkatao, ayaw mong suwayin at saktan sila. Bilang kanilang anak, pakiramdam mo ay dapat kang makinig sa kanila dahil ang lahat ng ginagawa nila ay para sa iyong kabutihan, para sa iyong kinabukasan at para sa iyong mga inaasam. Kaya, kapag nagtakda sila ng iba’t ibang uri ng mga patakaran para sa iyo, tahimik mo na lamang na sinusunod ang mga ito. Kahit na isangdaang beses na ayaw mo sa puso mo, hindi mo pa rin maiwasang sundin ang kanilang mga utos. Hindi ka nila pinahihintulutang manood ng TV o magbasa ng mga librong panlibangan, kaya hindi ka na lang nanonood o nagbabasa ng mga ito. Hindi ka nila pinapayagang makipagkaibigan sa kaklaseng ito o iyan, kaya’t hindi ka nakikipagkaibigan sa kanila. Sinasabi nila sa iyo kung anong oras ka dapat gumising, kaya’t gumigising ka sa oras na iyon. Sinasabi nila sa iyo kung anong oras ka dapat magpahinga, kaya’t nagpapahinga ka sa oras na iyon. Sinasabi nila sa iyo kung gaano katagal ka dapat mag-aral, kaya’t nag-aaral ka nang ganoon katagal. Sinasabi nila sa iyo kung ilang libro ang dapat mong basahin, kung ilang ekstrakurikular na kasanayan ang dapat mong matutuhan, at hangga’t binibigyan ka nila ng pinansiyal na panustos para mag-aral ka, hinahayaan mo silang diktahan at kontrolin ka. Sa partikular, may ilang magulang na may mga espesyal na ekspektasyon sa kanilang mga anak, umaasa na malalampasan sila ng kanilang mga anak, at higit pang umaasa na matutupad ng kanilang mga anak ang isang pangarap na hindi nila natapos. Halimbawa, maaaring may ilang magulang na nagnais na maging mananayaw sila mismo, ngunit dahil sa iba’t ibang kadahilanan—tulad ng panahong kinalakhan nila o mga sitwasyong pampamilya—hindi nila nagawang isakatuparan ang pangarap na iyon sa bandang huli. Kaya, ipinapasa nila ang pangarap na iyon sa iyo. Bukod pa sa hinihingi nila sa iyo na maging isa ka sa mga pinakamahusay sa iyong eskuwela at makapasok ka sa isang prestihiyosong unibersidad, ini-enroll ka rin nila sa mga klase ng pagsasayaw. Pinapaaral ka nila ng iba’t ibang estilo ng sayaw sa labas ng paaralan, higit na pinapaaral sa klase ng pagsasayaw, higit na pinapasanay sa bahay, at hinikikayat kang maging ang pinakamahusay sa iyong klase. Sa huli, hindi lamang nila hinihingi na makapasok ka sa isang prestihiyosong unibersidad, kundi hinihingi rin nila na maging isa kang mananayaw. Ang mga pagpipilian mo ay ang maging isang mananayaw o pumasok sa isang prestihiyosong unibersidad, at pagkatapos ay pumunta sa graduate school at kumuha ng Ph.D. Mayroon ka lamang nitong dalawang landas na pagpipilian. Sa kanilang mga ekspektasyon, sa isang aspekto, umaasa sila na mag-aaral ka nang mabuti sa paaralan, makakapasok sa isang prestihiyosong unibersidad, mamumukod-tangi sa iyong mga kasamahan, at magkakaroon ng maunlad at maluwalhating kinabukasan. Sa isa pang aspekto, ipinapasa nila sa iyo ang kanilang mga hindi natupad na pangarap, umaasang matutupad mo ang mga ito para sa kanila. Sa ganitong paraan, pagdating sa akademya o sa iyong propesyon sa hinaharap, dalawa ang dinadala mong pasanin nang sabay. Sa isang punto, kailangan mong tugunan ang kanilang mga ekspektasyon at suklian sila para sa lahat ng kanilang nagawa para sa iyo, nagsisikap na sa huli ay mamumukod-tangi ka sa iyong mga kasamahan upang matamasa nila ang magandang buhay. Sa isa pang punto, kailangan mong tuparin ang mga pangarap na hindi nila naisakatuparan noong kabataan nila at tulungan silang matupad ang kanilang mga kahilingan. Nakakapagod, hindi ba? (Oo.) Alinman sa mga pasaning ito ay sapat na para tiisin mo; pareho itong mabigat sa iyo at ikaw ay hihingalin. Lalo na sa kasalukuyang panahon ng napakatinding kompetisyon, sadyang hindi matitiis at hindi makatao ang iba’t ibang hinihingi ng mga magulang sa kanilang mga anak; talagang hindi makatwiran ang mga ito. Ano ang tawag ng mga walang pananampalataya rito? Emosyonal na panggigipit. Kahit ano pa ang itawag ng mga walang pananampalataya rito, hindi nila malutas ang problemang ito, at hindi nila maipaliwanag nang malinaw ang diwa ng problemang ito. Tinatawag nila itong emosyonal na panggigipit, ngunit ano ang tawag natin dito? (Mga tanikala at pasanin.) Tinatawag natin itong mga pasanin. Pagdating sa mga pasanin, dapat ba itong dalhin ng isang tao? (Hindi.) Isa itong bagay na dagdag, isang karagdagan na iyong pinapasan. Hindi ito bahagi ng iyong pagkatao. Hindi ito isang bagay na mayroon o kailangan ng iyong katawan, puso, at kaluluwa, bagkus ay isa itong bagay na idinagdag. Nagmumula ito sa labas, hindi mula sa loob ng iyong sarili.
Ang iyong mga magulang ay may iba’t ibang ekspektasyon para sa iyong pag-aaral at sa iyong mga pagpipilian ng propesyon. Samantala, gumawa sila ng iba’t ibang sakripisyo, at naglaan ng maraming oras at lakas, upang matupad mo ang kanilang mga ekspektasyon. Sa isang banda, ito ay upang tulungan kang matupad ang kanilang mga kahilingan; sa kabilang banda, ito rin ay upang matugunan ang kanilang sariling mga ekspektasyon. Makatwiran man o hindi ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang, sa madaling salita, ang mga pag-uugaling ito mula sa mga magulang, kasama na ang kanilang mga pananaw, saloobin, at pamamaraan, ay nagsisilbing mga di-nakikitang tanikala para sa bawat indibidwal. Hindi mahalaga kung ang kanilang dahilan ay pagmamahal sa iyo, sa iyong hinaharap, o para sa ikagaganda ng iyong buhay sa hinaharap, ano man ang kanilang mga dahilan, sa madaling salita, ang layon ng mga hinihinging ito, ang mga pamamaraan ng mga hinihinging ito, at ang pinagmumulan sa kanilang pag-iisip ay isang uri ng pasanin para sa sinumang indibidwal. Ang mga ito ay hindi isang pangangailangan ng sangkatauhan. Dahil hindi isang pangangailangan ng sangkatauhan ang mga ito, ang mga kahihinatnang hatid ng mga pasaning ito ay maaari lamang na magdulot ng pagkabaluktot, pagkalihis, at pagkawatak-watak sa pagkatao ng isang tao; inuusig, pinipinsala, at sinusupil ng mga ito ang pagkatao ng isang tao. Ang mga kahihinatnang ito ay hindi kanais-nais, kundi masamang-masama, at nakakaapekto pa nga sa buhay ng isang tao. Sa kanilang papel bilang mga magulang, hinihingi nila sa iyo na gawin ang iba’t ibang bagay na sumasalungat sa mga pangangailangan ng sangkatauhan, o ang ilang bagay na sumasalungat o lumalampas sa mga likas na gawi ng sangkatauhan. Halimbawa, maaaring payagan lamang ng mga magulang ang kanilang mga anak na matulog ng lima o anim na oras bawat gabi habang lumalaki ang mga ito. Hindi pinapayagan ang mga anak na magpahinga bago mag-alas-onse ng gabi, at kailangan nilang bumangon ng alas-singko ng umaga. Hindi sila pinapayagang gumawa ng anumang aktibidad na panlibangan, ni magpahinga tuwing Linggo. Dapat silang makatapos ng patikular na dami ng takdang-aralin at makagawa ng partikular na dami ng ekstrakurikular na pagbabasa, at iginigiit pa nga ng ilang magulang na dapat matuto ang kanilang mga anak ng isang wikang banyaga. Sa madaling salita, bukod sa mga kursong itinuturo sa paaralan, dapat ka ring mag-aral ng ilang dagdag na kasanayan at kaalaman. Kung hindi ka mag-aaral, hindi ka isang mabait, masunurin, masipag, o matinong anak; sa halip, ikaw ay walang kwenta, walang silbi, at hangal. Dahil umaasa sila sa kung ano ang pinakamainam para sa kanilang mga anak, sa ilalim ng pangunahing batayang ito, pinagkakaitan ka ng mga magulang ng kalayaan na matulog, ng kalayaan ng iyong kabataan, at pati na rin ng mga masasayang sandali ng iyong kabataan, habang kasabay nito, pinagkakaitan ka rin ng iba’t ibang karapatan na dapat mayroon ka bilang isang menor de edad. Sa pinakamababa, kapag nangangailangan ang iyong katawan ng pahinga—halimbawa, kailangan mo ng pito hanggang walong oras ng tulog para makabawi ang iyong katawan—pinahihintulutan ka lamang nilang magpahinga ng lima hanggang anim na oras, o kung minsan naman ay natutulog ka ng pito hanggang walong oras, ngunit may isang bagay na hindi mo kayang tiisin, ito ay ang walang humpay kang pupunahin ng iyong mga magulang, o sasabihan ka nila ng mga bagay tulad ng, “Simula ngayon, hindi mo na kailangang pumunta sa paaralan. Manatili ka na lang sa bahay at matulog! Dahil mahilig ka namang matulog, pwede kang matulog buong buhay mo sa bahay. Dahil ayaw mong pumasok sa paaralan, mamamalimos ka ng pagkain sa hinaharap!” Sa pagkakataong ito lang na hindi ka bumangon nang maaga at ganito na ang pagtrato nila sa iyo; hindi ba’t ito ay hindi makataong pagtrato? (Oo.) Kaya, upang maiwasan ang gayong nakakaasiwang sitwasyon, ang magagawa mo lang ay magkompromiso at magtimpi; tinitiyak mong magigising ka ng alas-singko ng umaga, at hihiga ka lang pagkatapos ng alas-onse ng gabi. Kusa mo bang pinipigilan ang iyong sarili nang ganito? Kontento ka bang gawin ito? Hindi. Wala kang ibang pagpipilian. Kung hindi mo gagawin ang hinihiling ng iyong mga magulang, baka bigyan ka nila ng masamang tingin o pagalitan ka. Hindi ka nila papaluin, sasabihan ka lang nila ng, “Itinapon namin ang iyong schoolbag sa basurahan. Hindi mo na kailangang pumasok. Manatili ka na lang nang ganito. Kapag 18 ka na, pwede kang maging basurero!” Sa ganitong pagdagsa ng kritisismo, hindi ka nila pinapalo o pinagsasabihan, kundi ginagalit ka na lang nila nang ganito, at hindi mo ito kayang tiisin. Ano ba ang hindi mo kayang tiisin? Hindi mo na kayang tiisin kapag sinasabi ng mga magulang mo na, “Kung matutulog ka ng dagdag na isa o dalawang oras, kakailanganin mo nang magpalimos ng pagkain sa hinaharap bilang isang palaboy.” Sa kaloob-looban mo, talagang balisa at malungkot ka tungkol sa pagtulog sa dagdag na dalawang oras na iyon. Pakiramdam mo ay may utang ka sa iyong mga magulang para sa dalawang oras na iyon ng pagtulog, na binigo mo sila matapos ang lahat ng pagsisikap na inilaan nila para sa iyo sa loob ng napakaraming taon, pati na rin ang kanilang taimtim na pagmamalasakit para sa iyo. Kinamumuhian mo ang iyong sarili, iniisip na, “Bakit ba napakakawalang-kwenta ko? Ano ang magagawa ko sa dagdag na dalawang oras na iyon ng pagtulog? Mapapabuti ba nito ang aking mga marka o makakatulong ba ito sa akin na makapasok sa isang prestihiyosong unibersidad? Bakit masyado akong nagpabaya? Kapag tumunog na ang alarm, dapat akong bumangon. Bakit ako nagpaliban pa ng ilang minuto?” Pag-iisipan mo ito: “Talagang pagod na pagod na ako. Kailangan ko talagang magpahinga!” Pagkatapos ay higit kang magninilay-nilay: “Hindi ako dapat mag-isip nang ganito. Hindi ba’t ang pag-iisip nang ganito ay pagsuway sa aking mga magulang? Kung mag-iisip ako nang ganito, hindi ba’t talagang magiging pulubi ako sa hinaharap? Ang mag-isip nang ganito ay pagbibigay ng kabiguan sa aking mga magulang. Dapat ko silang pakinggan at huwag masyadong maging sutil.” Sa ilalim ng iba’t ibang parusa at patakarang itinakda ng iyong mga magulang, pati na rin ng kanilang iba’t ibang hinihingi—kapwa makatuwiran at hindi makatwiran—mas lalo kang nagiging masunurin, ngunit kasabay nito, ang lahat ng ginagawa ng iyong mga magulang para sa iyo ay nagiging mga tanikala at pasanin para sa iyo nang hindi mo namamalayan. Kahit gaano mo subukan, hindi mo ito maiwawaksi o matatakasan; ang tanging magagawa mo ay dalhin ang pasaning ito kahit saan ka magpunta. Anong pasanin iyon? “Ang lahat ng ginagawa ng mga magulang ko ay para sa aking kinabukasan. Ako ay bata pa at walang alam, kaya dapat akong makinig sa aking mga magulang. Lahat ng ginagawa nila ay tama at mabuti. Nagdusa sila nang husto at naglaan nang sobra para sa akin. Dapat akong magsikap para sa kanila, mag-aral nang mabuti, maghanap ng magandang trabaho sa hinaharap at kumita ng pera para suportahan sila, bigyan sila ng magandang buhay, at suklian sila. Iyon ang dapat kong gawin at ang dapat kong isipin.” Gayunpaman, kapag iniisip mo ang mga pagtrato sa iyo ng iyong mga magulang, kapag naaalala mo ang mahihirap na taon na iyong pinagdaanan, ang masayang kabataang nawala sa iyo, at lalo na ang emosyonal na panggigipit ng iyong mga magulang, nararamdaman mo pa rin sa kaloob-looban mo na ang lahat ng ginawa nila ay hindi para sa mga pangangailangan ng iyong pagkatao, ni sa mga pangangailangan ng iyong kaluluwa. Isa iyong pasanin. Bagamat ganito ang iniisip mo, hindi ka kailanman nangahas na mapoot, hindi kailanman nangahas na harapin ito nang maayos at deretsahan, at hindi kailanman nangahas na makatwirang suriin ang lahat ng ginawa ng iyong mga magulang o ang kanilang saloobin sa iyo sa paraang sinabi sa iyo ng Diyos. Hindi ka kailanman nangahas na tratuhin ang iyong mga magulang sa pinakawastong paraan; hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Hanggang ngayon, sa mga usapin ng pag-aaral at pagpili ng propesyon, malinaw ba ninyong naunawaan ang pagsisikap at halagang binayaran ng inyong mga magulang para sa inyo, at kung ano ang ipinagagawa nila sa inyo at kung ano ang sinasabi nilang dapat ninyong hangarin? (Hindi ko malinaw na naunawaan ang mga bagay na ito noon at inakala ko na ang ginawa ng aking mga magulang ay dahil sa pagmamahal nila sa akin at para sa ikabubuti ng aking kinabukasan. Ngayon, sa pagbabahagi ng Diyos ay mayroon na akong kaunting pagkakilala, kaya’t hindi na ganoon ang tingin ko rito.) Kaya, ano ang nasa likod ng pagmamahal na ito? (Ito ay mga tanikala, pagkaalipin, at isang pasanin.) Sa katunayan, ito ay ang pagkakait ng kalayaan ng tao at ang pagkakait ng kaligayahan sa kabataan; ito ay hindi makataong pagsupil. Kung tinatawag itong pang-aabuso, maaaring hindi ninyo magawang tanggapin ang terminong ito mula sa posisyon ng iyong konsensiya. Kaya’t maaari lamang itong ilarawan bilang ang pagkakait ng kalayaan ng tao at kaligayahan sa pagkabata, gayundin bilang isang uri ng pagsupil sa mga menor de edad. Kung sasabihin natin na ito ay pang-aapi, hindi iyon magiging angkop. Sadyang bata ka pa lang at mangmang, at sila ang may huling salita sa lahat ng bagay. Mayroon silang ganap na kontrol sa mundo mo at hindi sinasadyang nagiging tau-tauhan ka nila. Sinasabi nila sa iyo kung ano ang gagawin, kaya ginagawa mo ito. Kung nais nilang mag-aral ka ng pagsasayaw, kailangan mong pag-aralan ito. Kung sasabihin mong, “Ayaw kong mag-aral ng pagsasayaw; hindi ako nasisiyahan dito, hindi ko masabayan ang ritmo, at hindi ako magaling bumalanse,” sasabihin nila na, “Sayang naman. Kailangan mo itong pag-aralan dahil gusto ko ito. Kailangan mo itong gawin para sa akin!” Kailangan mong mag-aral kahit naluluha ka na. Minsan ay sasabihin pa nga ng iyong ina na, “Mag-aral ka ng pagsasayaw para kay Nanay, pakinggan mo ang sinasabi ng nanay mo. Bata ka pa ngayon at hindi mo naiintindihan, pero paglaki mo, maiintindihan mo rin ito. Ginagawa ko ito para sa ikabubuti mo; kita mo, wala akong mga mapagkukunan noong bata pa ako, walang sinumang nagbayad sa mga aralin sa sayaw para sa akin. Hindi masaya ang kabataan ni Nanay. Pero ikaw, napakaganda ng kabataan mo ngayon. Kumikita kami ng iyong tatay at nag-iipon ng pera para makapag-aral ka ng pagsasayaw. Para kang isang munting prinsesa, isang munting prinsipe. Napakaswerte mo! Ginagawa ito ni Nanay at Tatay dahil mahal ka namin.” Paano ka sumasagot kapag naririnig mo ito? Wala kang masabi, hindi ba? (Oo.) Madalas na naniniwala ang mga magulang na walang anumang nauunawaan ang mga bata, at na ang anumang sasabihin ng mga nasa hustong gulang ay totoo; sa palagay nila ay hindi makakilatis ang mga bata kung ano ang tama at mali o makapagsuri kung ano ang tama para sa kanilang mga sarili. Kaya, bago pa man umabot sa hustong gulang ang kanilang mga anak, madalas na nagsasabi ang mga magulang ng mga bagay na kahit sila mismo ay walang gaanong kumpiyansa para mailigaw ang kanilang mga anak at gawing manhid ang mga batang puso ng mga ito, pinipilit ang kanilang mga anak, nang kusang-loob o hindi, na sumunod sa kanilang mga pagsasaayos nang walang anumang pagpipilian. Marami pang mga magulang, pagdating sa edukasyon, sa pagkikintal ng mga ideya, at sa ilang bagay na hinihingi nilang gawin ng kanilang mga anak, ang madalas na nagbibigay-katwiran sa kanilang sarili, sinasabi ang kahit anong gusto nila. Dagdag pa rito, karaniwan na 99.9 porsyento ng mga magulang ang hindi gumagamit ng mga tama at positibong pamamaraan sa paggabay ng kanilang mga anak sa kung paano gawin at unawain ang lahat ng bagay. Sa halip, pilit nilang ikinikintal ang sarili nilang mga kagustuhan lamang at ang mga bagay na sa tingin nila ay mabuti para sa kanilang mga anak at pinipilit ang kanilang mga anak na tanggapin ito. Siyempre, 99.9 porsyento ng mga bagay na tinatanggap ng mga anak, bukod sa hindi umaayon sa katotohanan, ay hindi rin ang mga kaisipan at pananaw na dapat taglayin ng mga tao. Kasabay nito, hindi rin tumutugma ang mga ito sa mga pangangailangan ng pagkatao ng mga bata sa ganitong edad. Halimbawa, ang ilang lima o anim na taong gulang na mga bata ay naglalaro ng mga manika, tumatalon sa lubid, o nanonood ng mga cartoon. Hindi ba’t normal lang ito? Ano ang tanging responsabilidad ng mga magulang sa ganitong sitwasyon? Para pangasiwaan, kontrolin, bigyan ng positibong bagay, tulungan ang kanilang mga anak na huwag tumanggap ng mga negatibong bagay sa panahong ito, at hayaan silang tanggapin ang mga positibong bagay na dapat tanggapin ng mga nasa ganitong edad. Halimbawa, sa ganitong edad, dapat silang matutong makisama sa ibang mga bata, mahalin ang kanilang pamilya, at mahalin ang kanilang ina at ama. Dapat turuan sila ng mga magulang nang mas mabuti, ipaunawa sa kanila na ang tao ay nagmumula sa Diyos, na dapat silang maging mabubuting anak, at matutong makinig sa mga salita ng Diyos, at magdasal kapag sila ay problemado o nag-aalinlangang sumunod, at ng iba pang positibong aspekto ng edukasyon—ang iba ay tungkol sa pagtugon sa kanilang mga pambatang hilig. Halimbawa, hindi dapat sisihin ang mga bata kung nais nilang manood ng mga cartoon at maglaro ng mga manika. May ilang magulang na nakakakita sa kanilang lima o anim na taong gulang na anak na nanonood ng mga cartoon at naglalaro ng mga manika, at pinapagalitan ang mga ito: “Wala kang silbi! Hindi ka tumutuon sa pag-aaral o sa paggawa ng wastong trabaho sa ganitong edad. Ano ba ang silbi ng panonood ng mga cartoon? Puro daga at pusa lang naman iyan, hindi ka ba makagawa ng mas mabuting bagay? Puro tungkol sa hayop ang mga cartoon na iyon, hindi ba pwedeng manood ka ng palabas na may mga tao? Kailan ka ba tatanda? Itapon mo na ang manikang iyan! Masyado ka nang matanda para maglaro ng mga manika. Napakawalang-silbi mo!” Sa palagay mo ba ay maiintindihan ng mga bata ang ibig sabihin ng mga nasa hustong gulang kapag narinig nila ito? Ano ba ang gagawin ng isang batang nasa ganitong edad kung hindi naglalaro ng mga manika o putik? Dapat ba ay gumagawa sila ng atomic bomb? Nagsusulat na ng mga code ng software? Kaya ba nila iyon? Sa edad na ito, dapat silang maglaro ng mga bagay tulad ng mga bloke, laruang sasakyan, at manika; normal lang iyon. Kapag pagod na sila sa paglalaro, dapat silang magpahinga at maging malusog at masaya. Kapag kumikilos sila nang sutil o hindi tinatablan ng katwiran, o sadyang gumagawa ng gulo, dapat silang turuan ng mga nasa hustong gulang: “Hindi ka nag-iisip. Hindi ganito dapat kumilos ang isang mabuting anak. Hindi ito gusto ng Diyos, at ayaw rin ni Nanay at Tatay ng ganito.” Responsabilidad ng mga magulang na payuhan ang kanilang mga anak, hindi ang gamitin ang sarili nilang mga panghustong-gulang na pamamaraan at kabatiran, kasama na ang mga pagnanais at ambisyon ng isang taong nasa hustong gulang, para ikintal o ipataw ang isang bagay sa kanilang mga anak. Anuman ang edad ng mga anak, ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng mga magulang sa kanilang mga anak ay ang magbigay ng positibong gabay, edukasyon, pangangasiwa, at pagpapayo. Kapag nakikita ng mga magulang ang kanilang mga anak na nagpapakita ng mga labis-labis na kaisipan, pagkilos, at pag-uugali, dapat silang magbigay ng positibong payo at gabay para ituwid ang mga anak, ipaalam sa mga ito kung ano ang mabuti at masama, ano ang positibo at negatibo. Ito ang responsabilidad na dapat tuparin ng mga magulang. Sa ganitong paraan, sa ilalim ng mga tamang pamamaraan ng pagtuturo at gabay ng kanilang mga magulang, hindi namamalayang matututunan ng mga anak ang maraming bagay na hindi nila alam noon. Kaya, kapag tinatanggap ng mga tao ang maraming positibong bagay at natututunan nang kaunti ang tungkol sa tama at mali mula sa murang edad, magiging normal at malaya ang kanilang kaluluwa at pagkatao—ang kanilang kaluluwa ay hindi mapapasailalim sa anumang pinsala o pagsupil. Anuman ang kanilang pisikal na kalusugan, kahit papaano, ang isipan ay malusog at hindi baluktot, dahil lumaki sila sa isang kanais-nais na kapaligiran ng edukasyon, hindi lumaki nang nasusupil sa isang napakasamang kapaligiran. Habang lumalaki ang kanilang mga anak, ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat tuparin ng mga magulang ay ang hindi gipitin ang kanilang mga anak, gapusin ang mga ito, o pakialaman ang mga pagpapasya ng kanilang mga anak, sunod-sunod na dinadagdagan ang pasanin. Sa halip, habang lumalaki ang kanilang mga anak, anuman ang personalidad at kakayahan ng kanilang mga anak, ang responsabilidad ng mga magulang ay ang gabayan sila patungo sa isang positibo at kanais-nais na direksiyon. Kapag lumilitaw ang mga kakaiba at hindi wastong pananalita, pag-uugali, o pag-iisip sa kanilang mga anak, dapat magbigay sa tamang oras ang mga magulang ng espirituwal na payo at patnubay sa pag-uugali, at pagtutuwid. Tungkol naman sa kung handa bang mag-aral ang kanilang mga anak, gaano kahusay mag-aral ang mga ito, gaano ka-interesado sa pagkatuto ng kaalaman at mga kasanayan, at kung ano ang kayang gawin ng mga ito sa paglaki, ang mga bagay na ito ay dapat iayon sa kanilang mga likas na kaloob at kagustuhan, at sa direksyon ng kanilang mga hilig, upang bigyang-daan sila na lumaki nang malusog, malaya, at matatag sa proseso ng kanilang pagpapalaki—ito ang responsabilidad na dapat tuparin ng mga magulang. Bukod pa rito, ito ang saloobin na dapat taglayin ng mga magulang sa paglaki, pag-aaral, at propesyon ng kanilang mga anak, sa halip na ipilit ang sarili nilang mga pangarap, hangarin, kagustuhan, at maging mga pagnanais sa kanilang mga anak para maisakatuparan ng mga ito. Sa ganitong paraan, sa isang banda, hindi na kailangang maglaan pa ng karagdagang sakripisyo ang mga magulang; at sa kabilang banda, maaaring lumaki nang malaya ang mga anak at makakapagtamo ng mga dapat nilang matutunan mula sa tama at wastong pagtuturo ng kanilang mga magulang. Ang pinakamahalagang punto ay ang tratuhin ng mga magulang ang kanilang mga anak nang tama ayon sa mga talento, hilig, at pagkatao ng mga ito; kung tatratuhin nila ang kanilang mga anak ayon sa prinsipyo na “ang kapalaran ng mga tao ay nasa mga kamay ng Diyos,” kung gayon, tiyak na magiging mabuti ang panghuling resulta. Ang pagtrato sa mga anak ayon sa prinsipyo na “ang kapalaran ng mga tao ay nasa mga kamay ng Diyos” ay hindi tungkol sa pagpigil sa iyo na pangasiwaan ang iyong mga anak; dapat mo silang disiplinahin kapag kailangan silang disiplinahin, at maging mahigpit kung kinakailangan. Mahigpit man o maluwag, ang prinsipyo ng pagtrato sa mga anak ay, gaya ng kababanggit lang natin, ang pahintulutan silang sundin ang kanilang natural na paraan, magbigay ng ilang positibong gabay at tulong, at pagkatapos, ayon sa mga aktuwal na sitwasyon ng mga anak, magbigay ng kaunting tulong at suporta pagdating sa mga kasanayan, kaalaman, o mga mapagkukunan sa abot ng iyong makakaya. Ito ang responsabilidad na dapat tuparin ng mga magulang, sa halip na pilitin ang kanilang mga anak na gawin ang ayaw nilang gawin, o gawin ang anumang bagay na lumalabag sa pagkatao. Sa madaling salita, ang mga ekspektasyon para sa mga anak ay hindi dapat nakabatay sa kasalukuyang kompetisyon at mga pangangailangan sa lipunan, sa mga panlipunang kalakaran o pahayag, o iba’t ibang ideya tungkol sa kung paano tratuhin ng mga tao ang kanilang mga anak sa lipunan. Higit sa lahat, dapat nakabatay ang mga ekspektasyong ito sa mga salita ng Diyos at sa prinsipyo na “ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos.” Ito ang pinakanararapat na gawin ng mga tao. Tungkol sa kung magiging anong klase ng tao sa hinaharap ang mga anak ng isang tao, anong uri ng trabaho ang pipiliin nila, at kung ano ang magiging hitsura ng kanilang materyal na buhay, kaninong mga kamay nakasalalay ang mga bagay na ito? (Mga kamay ng Diyos.) Ang mga ito ay nasa mga kamay ng Diyos, hindi sa mga kamay ng mga magulang, o ng kahit sino pa man. Kung hindi kayang kontrolin ng mga magulang ang kanilang sariling kapalaran, kaya ba nilang kontrolin ang kapalaran ng kanilang mga anak? Kung hindi kayang kontrolin ng mga tao ang kanilang sariling kapalaran, kaya ba ng kanilang mga magulang na kontrolin ito? Kaya, bilang mga magulang, hindi dapat gumawa ang mga tao ng mga kahangalan pagdating sa pangangasiwa sa pag-aaral at propesyon ng kanilang mga anak. Dapat nilang tratuhin ang kanilang mga anak sa matinong paraan, hindi gawing mga pasanin para sa kanilang mga anak ang kanilang sariling mga ekspektasyon; hindi gawing mga pasanin para sa kanilang mga anak ang kanilang sariling mga sakripisyo, gastos, at paghihirap; at hindi gawing parang purgatoryo para sa kanilang mga anak ang pamilya. Isa itong katunayan na kailangang maunawaan ng mga magulang. Maaaring itatanong ng ilan sa inyo na, “Anong uri ng relasyon dapat mayroon ang mga anak sa kanilang mga magulang? Dapat ba nilang ituring ang mga magulang nila bilang mga kaibigan, katrabaho, o panatilihin ang isang nakatatanda-nakababatang relasyon?” Maaari mo itong pangasiwaan ayon sa tingin mo na naaangkop. Hayaan ang mga anak na pumili kung ano ang gusto nila at gawin mo ang sa tingin mo ay pinakamabuti. Ang lahat ng ito ay maliliit na bagay lamang.
Paano dapat pangasiwaan ng mga anak ang mga ekspektasyon ng kanilang mga magulang? Kung makatagpo ka ng mga magulang na emosyonal na ginigipit ang kanilang mga anak, kung makatagpo ka ng mga ganitong hindi makatwiran at demonyong magulang, ano ang gagawin mo? (Hihinto ako sa pakikinig sa kanilang mga turo; titingnan ko ang mga bagay-bagay ayon sa salita ng Diyos.) Sa isang aspekto, dapat mong maintindihan na ang kanilang mga pamamaraan sa edukasyon, pagdating sa mga prinsipyo, ay mali, at ang paraan ng kanilang pagtrato sa iyo ay nakasasama sa iyong pagkatao at nagkakait din sa iyo ng iyong mga karapatang pantao. Sa isa pang aspekto, dapat mong paniwalaan na ang kapalaran ng mga tao ay nasa mga kamay ng Diyos. Kung ano ang gusto mong pag-aralan, kung saan ka magaling, o kung ano ang kayang matamo ng iyong kakayahan bilang tao—ang lahat ng ito ay pauna nang itinakda ng Diyos, at walang sinumang makapagpapabago nito. Bagamat ipinanganak ka ng iyong mga magulang, hindi rin nila kayang baguhin ang alinman sa mga bagay na ito. Kaya, anuman ang hinihingi ng iyong mga magulang na gawin mo, kung isa itong bagay na hindi mo kayang gawin, hindi matamo, o na ayaw mong gawin, maaari kang tumanggi. Maaari ka ring mangatwiran sa kanila at pagkatapos ay bumawi rito sa iba pang aspekto, para mabawasan ang kanilang pag-aalala tungkol sa iyo. Sinasabi mo: “Kalma lang; nasa mga kamay ng Diyos ang kapalaran ng mga tao. Talagang hindi ako tatahak sa maling landas; tiyak na tatahakin ko ang tamang landas. Sa gabay ng Diyos, siguradong magiging isa akong tunay na tao, isang mabuting tao. Hindi ko bibiguin ang inyong mga ekspektasyon sa akin, hindi ko rin kakalimutan ang inyong kabutihan sa pagpapalaki sa akin.” Ano ang magiging reaksiyon ng mga magulang matapos marinig ang mga salitang ito? Kung ang mga magulang ay mga walang pananampalataya o nabibilang sa mga diyablo, magagalit sila nang husto. Dahil kapag sinasabi mong, “Hindi ko kakalimutan ang inyong kabutihan sa pagpapalaki sa akin at hindi ko kayo bibiguin,” mga walang kabuluhang salita lamang ang mga ito. Naisakatuparan mo ba ito? Ginawa mo ba ang hinihiling nila? Nagagawa mo bang mamukod-tangi sa iyong mga kasamahan? Kaya mo bang maging isang opisyal na may mataas na ranggo o magpayaman para makapamuhay sila nang maginhawa? Matutulungan mo ba silang makamit ang mga materyal na benepisyo? (Hindi.) Hindi ito batid; ang lahat ng ito ay walang katiyakan. Sila man ay galit, masaya, o tahimik na nagtitiis, ano dapat ang saloobing mayroon ka? Ang mga tao ay pumarito sa mundo upang tuparin ang misyon na ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos. Ang mga tao ay hindi dapat mamuhay para lang matugunan ang mga ekspektasyon ng kanilang mga magulang, para pasayahin ang mga ito, para maghatid ng kaluwalhatian sa mga ito, o para magkaroon ang mga ito ng prestihiyosong buhay sa harap ng iba. Hindi mo ito responsabilidad. Pinalaki ka nila; anuman ang halaga nito, ginawa nila ito nang buong kusa. Responsabilidad at obligasyon nila na palakihin ka. Kung gaano karaming ekspektasyon ang kanilang ipinatong sa iyo, kung gaano sila nagdusa dahil sa mga ekspektasyong ito, kung gaano karaming pera ang ginastos nila, kung gaano karaming tao ang tumanggi at nangmaliit sa kanila, at kung gaano sila nagsakripisyo, lahat ng iyon ay kusa nilang ginawa. Hindi mo hiningi iyon; hindi mo iyon ipinagawa sa kanila, at hindi rin iyon ipinagawa ng Diyos. Mayroon silang kanilang sariling mga motibo sa paggawa nito. Sa pananaw nila, ginawa lamang nila ito para sa kanilang sarili. Sa panlabas, ito ay para magkaroon ka ng magandang buhay at magandang kinabukasan, ngunit sa katunayan, ito ay para magdala ng kaluwalhatian sa kanila at para hindi sila mapahiya. Samakatuwid, hindi ka obligadong suklian sila, o tuparin ang kanilang mga kahilingan at mga ekspektasyon sa iyo. Bakit wala kang ganitong obligasyon? Dahil hindi ito ang ipinagagawa sa iyo ng Diyos; hindi ito isang obligasyon na ibinigay Niya sa iyo. Ang responsabilidad mo sa kanila ay ang gawin ang dapat gawin ng mga anak kapag kailangan ka nila, ginagawa ang iyong makakaya para tuparin ang iyong mga responsabilidad bilang anak. Kahit na sila ang mga nagsilang at nagpalaki sa iyo, ang mga responsabilidad mo sa kanila ay ang maglaba, magluto, at maglinis lamang kapag kinakailangan ka nila para maglingkod, at ang samahan sila sa tabi ng kanilang kama kapag sila ay may sakit. Iyon lang. Hindi ka obligadong gawin ang anumang sabihin nila, at hindi ka rin obligadong maging alipin nila. Bukod pa rito, hindi ka obligadong isakatuparan ang kanilang mga hindi natupad na pangarap, tama ba? (Tama.)
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.