Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 15 (Ikaapat na Bahagi)
Sinasabi ng ilang tao na, “Kung ang mga tradisyon at pamahiing ito ay nabibilang sa mga partikular na tradisyonal na kaisipan at pamahiin sa labas ng Kristiyanismo, dapat nating batikusin at bitiwan ang mga ito. Ngunit pagdating sa mga partikular na kaisipan, pananaw, tradisyon, o pamahiin ng mga ortodoksong relihiyon, hindi ba’t dapat bitiwan ng mga tao ang mga ito? Hindi ba’t dapat ituring ang mga ito bilang isang pagdiriwang o isang pamumuhay na dapat gunitain at itaguyod sa ating pang-araw-araw na buhay?” (Hindi, dapat nating bitiwan ang pareho dahil ang mga ito ay hindi mula sa Diyos.) Halimbawa, ang pinakamalaking pagdiriwang na nagmumula sa Kristiyanismo ay ang Pasko—mayroon ba kayong alam tungkol dito? Sa panahon ngayon, ang ilang malalaking lungsod sa Silangan ay nagdiriwang din ng Pasko, nagpaplano ng mga salo-salo para sa Pasko, at nagdiriwang ng Bisperas ng Pasko. Bukod sa Pasko, mayroon ding Easter at Paskuwa, na parehong malalaking relihiyosong pagdiriwang. Ang ilang pagdiriwang ay may kasamang pagkain ng pabo at barbecue, samantalang ang iba naman ay may kasamang pagkain ng mga kending baston, na kulay pula at puti, na sumisimbolo sa pinakamamahal na dugo ng Panginoong Jesus bilang handog para sa kasalanan ng mga tao, na ginagawa silang banal. Ang pula ay kumakatawan sa pinakamamahal na dugo ng Panginoong Jesus, ang puti ay kumakatawan sa kabanalan, at kinakain ng mga tao ang ganitong klase ng kendi. Mayroon ding tradisyon ng pagkain ng mga Easter egg sa Easter. Lahat ng pagdiriwang na ito ay nauugnay sa Kristiyanismo. Mayroon ding mga partikular na imahen ng Kristiyanismo, tulad ng mga larawan ni Maria, Jesus, at ng krus. Ang mga bagay na ito ay nabuo mula sa Kristiyanismo at, sa Aking opinyon, ang mga ito ay isang uri din ng tradisyon. Sa likod ng mga tradisyong ito, tiyak na mayroong mga kasamang pamahiin. Anuman ang nilalaman ng mga mapamahiing kasabihang ito, sa madaling salita, hangga’t ang mga ito ay hindi kinapapalooban ng katotohanan, landas na tinatahak ng mga tao, o mga hinihingi ng Diyos para sa mga nilikha, walang kinalaman ang mga ito sa dapat ninyong pasukin ngayon, at dapat ninyong bitiwan ang mga ito. Ang mga ito ay hindi dapat ituring na banal at na hindi malalabag, siyempre, hindi rin kailangang kamuhian ang mga ito—tratuhin lamang ang mga ito nang tama. May kinalaman ba sa atin ang mga pagdiriwang na ito? (Wala.) Walang kinalaman ang mga ito sa atin. Minsan Akong tinanong ng isang dayuhan, “Nagdiriwang ba kayo ng Pasko?” Sabi Ko, “Hindi.” “Eh, nagdiriwang ba kayo ng Chinese New Year? Spring Festival?” Sabi Ko naman, “Hindi.” “Kung gayon, ano ang mga ipinagdiriwang ninyo?” Sabi Ko, “Wala kaming anumang pagdiriwang. Pare-pareho lang ang bawat araw para sa amin. Kumakain kami ng kahit anong gusto namin sa alinmang araw, hindi dahil sa mga pagdiriwang. Wala Akong mga tradisyon.” Tinanong niya Ako, “Bakit?” Sabi Ko, “Walang dahilan. Ang paraang ito ng pamumuhay ay napakalaya, walang anumang hadlang. Namumuhay kami nang walang anumang pormalidad, sinusunod lamang ang mga panuntunan, kumakain, nagpapahinga, nagtatrabaho, at kumikilos nang ayon sa oras at sukat na ibinigay ng Diyos, nang natural at malaya, walang anumang pormalidad.” Siyempre, pagdating sa isang espesyal na relihiyosong bagay, ang krus, may ilang taong naniniwala na ito ay banal. Ang krus ba ay banal? Mailalarawan ba ito na banal? Banal ba ang imahen ni Maria? (Hindi, hindi ito banal.) Banal ba ang imahen ni Jesus? Hindi kayo masyadong naglalakas-loob na sabihin ito. Bakit hindi banal ang imahen ni Jesus? Dahil ito ay ipininta ng mga tao, hindi ito ang tunay na wangis ng Diyos at wala itong kinalaman sa Diyos. Ito ay isang ipinintang larawan lamang. Bukod pa sa imahen ni Maria. Walang sinumang nakakaalam kung ano ang hitsura ni Jesus, kaya’t bulag lamang nila Siyang ginuguhit, at kapag natapos na ang ipinintang larawan, hinihiling nila sa iyo na sambahin ito. Hindi ba’t magiging mangmang ka lang para sambahin mo iyon? Ang Diyos ang Nag-iisang dapat mong sambahin. Hindi ka dapat gumawa ng pormal na pagpapakita ng pagyukod sa isang idolo, litrato o larawan; hindi ito tungkol sa pagyukod sa harap ng isang gamit. Dapat mong sambahin ang Diyos at tingalain Siya sa puso mo. Dapat magpatirapa ang mga tao sa harap ng mga salita ng Diyos at sa Kanyang tunay na persona, hindi sa harap ng krus o ng mga imahen ni Maria o Jesus, na pawang mga idolo lamang. Ang krus ay isang simbolo lamang ng ikalawang hakbang ng gawain ng Diyos. Wala itong kinalaman sa disposisyon ng Diyos, sa Kanyang diwa, o sa mga hinihingi Niya para sa sangkatauhan. Hindi ito kumakatawan sa imahen ng Diyos, lalo na sa Kanyang diwa. Kaya, ang pagsusuot ng krus ay hindi kumakatawan sa iyong takot sa Diyos, o na mayroon kang anting-anting na pamproteksiyon. Hindi Ko kailanman kinatawan ang krus. Wala Akong anumang simbolo ng krus sa Aking tahanan, walang mga ganitong bagay. Kaya, pagdating sa hindi pagdiriwang ng Pasko at Easter, maaaring madaling bitiwan ng mga tao ang mga bagay na ito, ngunit kung may kinalaman dito ang mga aspektong panrelihiyon tulad ng krus, mga imahen ni Maria at ni Jesus, o maging ng Bibliya, kapag sinabi mo sa kanila na itapon ang isang krus o isang imahen ni Maria o Jesus, iisipin nila na, “Naku, masyado na iyong walang galang o, napakawalang-galang. Bilisan mo, humingi ka ng kapatawaran sa Diyos, ng kapatawaran….” Pakiramdam ng mga tao ay magkakaroon ng mga kahihinatnan. Siyempre, hindi mo kailangang sadyang gumawa ng anumang nakakasira sa mga gamit na ito, hindi mo rin kailangang magkaroon ng anumang respeto sa mga ito. Mga gamit lamang ang mga ito at walang kinalaman sa diwa o pagkakakilanlan ng Diyos. Dapat mo itong malaman. Siyempre, pagdating sa mga pagdiriwang ng Pasko at Easter na itinakda ng mga tao, walang kinalaman ang mga ito sa pagkakakilanlan o diwa ng Diyos, sa Kanyang gawain, o sa Kanyang mga hinihingi para sa mga tao. Kahit na magdiwang ka ng isang daan o sampung libong Pasko, kahit gaano karaming buhay mo ipagdiriwang ang Pasko o Easter, hindi ito kapalit ng pag-unawa sa katotohanan. Hindi mo kailangang hangaan ang mga bagay na ito at sabihing, “Kailangan kong maglakbay patungong Kanluran. Sa Kanluran, pwede akong magdiwang ng Pasko. Ang Pasko ay banal. Ang Pasko ay isang araw para gunitain ang gawain ng Diyos. Ito rin ay isang araw na dapat tayong maggunita. Dapat tayong maging taimtim sa araw na iyon. Ang Easter ay higit na isang araw na umaakit sa atensiyon ng lahat. Isa itong araw para gunitain ang muling pagkabuhay ng Diyos na nagkatawang-tao mula sa pagkamatay. Dapat tayong sama-samang magsaya, magdiwang at bumati sa isa’t isa sa ganitong araw, ginugunita ang araw na ito magpakailanman.” Ang mga ito ay imahinasyon lahat ng tao, hindi kailangan ng Diyos ang mga ito. Kung kinailangan ng Diyos na gunitain ng mga tao ang mga araw na ito, sasabihin Niya sa iyo ang eksaktong taon, buwan, araw, oras, minuto at segundo. Kung hindi Niya sinabi sa iyo ang eksaktong taon, buwan, at araw, ipinapahiwatig nito sa iyo na hindi kailangan ng Diyos na gunitain ng mga tao ang mga araw na ito. Kung talagang ginugunita mo ito, malalabag mo ang mga pagbabawal ng Diyos at hindi Niya ito magugustuhan. Ayaw ng Diyos dito ngunit pinipilit mong gawin ito, at sinasabing sinasamba mo ang Diyos. Kaya lalo pang nasusuklam sa iyo ang Diyos, at karapat-dapat kang mamatay. Naiintindihan mo ba? (Naiintindihan ko.) Kung gusto mong idaos ang mga pagdiriwang na ito ngayon, hindi ka papansinin ng Diyos, at sa malao’t madali ay magbabayad ka ng halaga at mananagot para sa iyong mga maling pagkilos. Kaya, sinasabi Ko sa iyo, mas mahalaga para sa iyo na tunay na maunawaan ang isa sa mga salita ng Diyos at sumunod sa Kanyang mga salita kaysa magpatirapa ka at yumukod sa harap ng krus kahit gaano karaming beses. Kahit gaano karaming beses mo ito gawin, wala itong silbi at hindi nangangahulugan na sinusunod mo ang daan ng Diyos, tinatanggap ang Kanyang mga salita, o ginagawa ang mga bagay ayon sa mga prinsipyong hinihingi Niya. Hindi ito matatandaan ng Diyos. Kaya kung sa pakiramdam mo ay talagang banal ang krus, mula sa araw na ito, dapat mong bitiwan ang kaisipan at pananaw na ito at itapon ang iyong itinatanging krus palabas sa kaibuturan ng iyong puso. Hindi ito kumakatawan sa Diyos, at ang pagsamba rito ay hindi nangangahulugan na isa kang deboto. Ang pagpapahalaga rito, pagtatangi rito, o maging ang pagpapasan dito sa mga balikat mo buong araw ay hindi nangangahulugang sinasamba mo ang Diyos. Ang krus ay isa lamang kasangkapan na ginamit sa isang hakbang ng gawain ng Diyos, at wala itong kaugnayan sa diwa, disposisyon, o pagkakakilanlan ng Diyos. Kung iginigiit mong sambahin ang krus na para bang ito ang Diyos, ito ang kinapopootan ng Diyos. Bukod sa hindi ka tatandaan ng Diyos, itataboy ka rin Niya. Kung iginigiit mo ito at sinasabing, “Hindi ako makikinig sa Iyo. Ang krus ay banal at hindi malalabag sa aking mga mata. Hindi ko pinaniniwalaan o tinatanggap ang mga salita Mo na hindi importante ang krus at na hindi ito kumakatawan sa Diyos,” kung gayon, maaari kang kumilos ayon sa tingin mong naaakma at tingnan mo kung ano ang iyong mapapala sa huli. Matagal nang bumaba sa krus ang Diyos. Ito ang pinakahindi-kapansin-pansing kasangkapan na ginamit sa isang hakbang ng gawain ng Diyos. Isa lamang itong gamit at walang halaga sa mga mata ng Diyos para ingatan. Siyempre, hindi mo kailangang itangi, mahalin, o maging tingalain o respetuhin man lang ito. Lahat ito ay hindi kinakailangan. Ang Bibliya ay lubos ding itinatangi sa puso ng mga tao. Bagamat hindi na nila binabasa ang Bibliya, mayroon pa rin itong tiyak na puwang sa puso nila. Hindi pa rin nila kayang ganap na bitiwan ang kanilang mga pananaw sa Bibliya na ipinamana mula sa kanilang pamilya o mga ninuno. Halimbawa, minsan kapag isinasantabi mo ang Bibliya, maaaring iisipin mo na, “Naku, ano bang ginagawa ko? Bibliya iyon. Dapat itong pahalagahan ng mga tao! Ang Bibliya ay banal at hindi dapat labis na ipagsawalang-bahala, na parang isa lamang itong ordinaryong aklat. Napakarami na nitong alikabok at walang sinumang nag-abalang linisin ito. Nakayupi na ang mga gilid ng libro at walang sinumang nag-ayos sa mga ito.” Dapat bitiwan ng mga tao ang ganitong uri ng kaisipan at pananaw ng pagtrato sa Bibliya na para bang isa itong banal at hindi malalabag na bagay.
Ang mga tradisyon at pamahiing ito mula sa pamilya na kakatalakay lang natin, pati na ang iba’t ibang kaisipan, pananaw, at pamumuhay na kaugnay sa relihiyon, gayundin ang mga bagay na may pamahiin ang mga tao, o na kanilang hinahangaan o pinahahalagahan, lahat ng ito ay nagkikintal ng ilang maling pamumuhay, kaisipan, at pananaw sa mga tao, at hindi namamalayang inililigaw sila sa kanilang mga buhay, kanilang mga kabuhayan, at pag-iral. Sa pang-araw-araw na buhay, ang resultang pagkaligaw na ito ay hindi sinasadyang makakagambala sa mga tao sa kanilang pagtatangkang tanggapin ang mga tamang bagay, mga positibong kaisipan, at mga positibong bagay, at pagkatapos ay hindi nila sinasadyang gagawin ang ilang bagay na hangal, hindi makatwiran, at parang bata. Dahil dito, kinakailangang magkaroon ang mga indibidwal ng tumpak na pananaw, at mga tumpak na kaisipan at palagay sa mga bagay na ito. Kung may isang bagay na kinapapalooban ng katotohanan at umaayon dito, dapat kang tumanggap, magsagawa at magpasakop dito bilang isang prinsipyong susundin sa iyong buhay at pag-iral. Gayunpaman, kung hindi ito kinapapalooban ng katotohanan at isa lamang itong tradisyon o pamahiin, o na nagmumula lamang ito sa relihiyon, kailangan mong bitiwan ito. Panghuli, ang paksang pinagbabahaginan natin ngayon ay katangi-tangi dahil sa mga bagay na ito na nauugnay sa mga tradisyon, pamahiin, at relihiyon, kinikilala mo man ang mga ito o hindi, naranasan mo man ang mga ito o hindi, o gaano mo man kinikilala ang mga ito, sa madaling salita, may mga partikular na kasabihan sa tradisyon at pamahiin na umiiral kung ang pag-uusapan ay mga obhetibong katunayan, at sa ilang antas, nakakaapekto at nakakagambala sa pang-araw-araw na buhay ng sangkatauhan. Kung gayon, paano ninyo dapat tingnan ang usaping ito? Sinasabi ng ilang tao na, “Kailangan mong maniwala rito. Kung hindi mo susundin ang sinasabi nito, magkakaroon ng mga kahihinatnan—ano ang gagawin mo kung gayon?” Alam mo ba ang pinakamalaking pagkakaiba ng mga mananampalataya at ng mga hindi mananampalataya? (Ang pinakamalaking pagkakaiba ay na ang mga nananampalataya ay nagtitiwala na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, samantalang ang mga hindi mananampalataya ay palaging nagtatangkang baguhin ang kanilang kapalaran nang sila lang mismo.) Ang isa pang punto ay na ang mga nananampalataya ay may presensiya at proteksiyon ng Diyos, kaya hindi sila maaapektuhan nitong iba’t ibang mapamahiing penomena na umiiral sa totoong buhay. Ngunit ang mga hindi mananampalataya, dahil wala silang proteksiyon ng Diyos at hindi sila naniniwala sa alinman sa Kanyang proteksiyon o kataas-taasang kapangyarihan, ay kinokontrol ng iba’t ibang maruming demonyo at masasamang espiritu sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Kaya, kinakailangan nilang bigyang-pansin ang mga taboo sa lahat ng kanilang ginagawa. Saan nanggagaling ang mga taboo na ito? Galing ba sa Diyos ang mga ito? (Hindi.) Bakit nila kailangang iwasan ang mga bagay na ito? Paano nila nalalaman na dapat silang umiwas sa mga ito? Ito ay dahil naranasan na ng ilang tao ang mga bagay na ito, nagkamit ng ilang karanasan at aral mula sa mga ito, at pagkatapos ay ipinalaganap ang mga ito sa mga tao. Ang mga karanasan at aral na ito ay malawakang ipinalaganap pagkatapos, na lumilikha ng isang uri ng kalakaran sa gitna ng mga tao, at ang lahat ay nagsisimulang mamuhay at kumilos nang ayon dito. Paano nagkaroon ng ganitong kalakaran? Kung hindi mo susundin ang mga patakaran na itinakda ng masasamang espiritu at maruruming demonyo, aabalahin ka nila, gagambalain, at guguluhin ang iyong normal na buhay, pipilitin kang maniwala na umiiral ang mga taboo na ito at na magkakaroon ng mga kahihinatnan kung lalabag ka sa mga ito. Sa paglipas ng libo-libong taon, naipon ng mga tao ang mga karanasang ito sa kanilang pang-araw-araw na buhay, ipinapasa ang mga ito sa sunod-sunod na mga henerasyon, at natutuhan ng mga tao na mayroong isang di-nakikitang puwersa na kumokontrol sa kanila sa likod ng eksena, at dapat nila itong pakinggan. Halimbawa, kung hindi ka magpapaputok tuwing Chinese New Year, hindi magiging maayos ang takbo ng iyong negosyo sa taong ito. Isa pang halimbawa ay kung sisindihan mo ang unang insenso tuwing Bagong Taon, magiging maayos ang takbo ng lahat ng bagay sa buong taon mo. Ang mga karanasang ito ay nagtuturo sa mga tao na kailangan nilang paniwalaan ang mga pamahiin at ang mga kasabihang ito na nagmumula sa kulturang katutubo, at sa sunod-sunod na henerasyon, ang mga tao ay namumuhay nang ganito. Ano ang sinasabi ng mga penomenang ito sa mga tao? Sinasabi nila sa mga tao na ang mga pagbabawal at taboo na ito ay pawang mga karanasang naiipon ng mga tao sa buhay sa paglipas ng panahon, at na ang mga ito ay mga bagay na kailangang gawin ng mga tao, mga bagay na dapat nilang gawin dahil mayroong ilang di-nakikitang puwersa na kumokontrol sa lahat sa likod ng mga eksena. Sa bandang huli, mula sa sunod-sunod na henerasyon, sinusunod ng mga tao ang mga panuntunang ito. Ang mga taong hindi nananampalataya sa Diyos ay dapat sumunod sa mga pamahiin at tradisyong ito upang mamuhay nang medyo maayos sa mga grupong panlipunan. Namumuhay sila nang naghahangad ng kapayapaan, kaginhawaan, at kagalakan. Kaya, bakit hindi kailangang sundin ng mga taong nananampalataya sa Diyos ang mga pamahiin at tradisyong ito? (Dahil sila ay protektado ng Diyos.) Sila ay protektado ng Diyos. Ang mga taong nananampalataya sa Diyos ay sumusunod sa Kanya, at dinadala ng Diyos ang mga taong ito sa Kanyang presensiya at sa Kanyang sambahayan. Kung walang pahintulot ng Diyos, hindi mangangahas si Satanas na saktan ka. Kahit na hindi ka sumusunod sa mga patakaran nito, hindi ito mangangahas na hawakan ka. Gayunpaman, para sa mga hindi nananampalataya sa Diyos at hindi sumusunod sa Kanya, kayang-kaya silang manipulahin ni Satanas kung naisin nito. Ang paraan ng pagmamanipula ni Satanas sa mga tao ay ang magtatag ng iba’t ibang kasabihan at kakaibang patakaran na dapat mong sundin. Kung hindi mo susundin ang mga ito, parurusahan ka nito. Halimbawa, kung hindi mo sasambahin ang diyos ng kusina sa ika-23 araw ng ikalabindalawang buwan ng lunar, hindi ba’t magkakaroon ng mga kahihinatnan? (Oo.) Magkakaroon ng mga kahihinatnan, at hindi mangangahas ang mga walang pananampalataya na laktawan ang ritwal na ito. Sa araw na iyon, kailangan din nilang kumain ng kendi na gawa sa sesame para isara ang bibig ng diyos ng kusina at pigilan ito sa pagsumbong sa kanila sa langit. Paano nagkaroon ng mga ganitong patakaran at mapamahiing kasabihan? Si Satanas ang gumagawa ng ilang bagay na ipinapamana sa pamamagitan ng pasalitang tradisyon. Sa ugat, nagmumula ang mga ito kay Satanas at sa iba’t ibang maruruming demonyo, masasamang espiritu, at mga pinunong demonyo. Itinatatag ng mga ito ang mga patakarang ito at kinokontrol ang mga tao gamit ang mga mapamahiing kasabihan at patakarang ito, hinihikayat ang mga tao na makinig sa mga ito. Kung hindi ka makikinig sa mga ito, tatamaan ka nila gamit ang isang malupit na bagay—parurusahan ka nila. May mga taong hindi naniniwala sa mga mapamahiing kasabihang ito, at palaging magulo ang kanilang mga tahanan. Kapag pumupunta sila sa isang templo ng mga Budista para magpahula ng kanilang kapalaran, sinasabi sa kanila, “Naku, nilabag mo ang ganito-at-ganyang taboo. Kailangan mong hukayin ang lupa sa ilalim ng iyong bahay, ayusin ang tsimenea, palitan ang mga kagamitan sa iyong bahay, at maglagay ng anting-anting sa lintel ng pintuan. Pagkatapos, hindi na mangangahas lumapit ang mumunting demonyong iyon.” Sa katunayan, isang mas malaking demonyo ang sumupil sa maliit na demonyo, kaya hindi ka na aabalahin ng munting demonyo. Sa ganitong paraan, mas nagiging mapayapa ang buhay. Sa una, hindi naniniwala rito ang taong ito, pero ngayong nakikita niya ito, sinasabi niya, “Naku, talaga ngang mayroong maliit na demonyong nagsasanhi ng napakalaking gulo!” Wala silang magawa kundi maniwala rito. Ang mga hindi nananampalataya sa Diyos at nagsusumikap na makaraos at mabuhay sa mundong ito ay ganap na kontrolado ng masasama, wala silang karapatan o anumang pagkakataon na magpasya para sa kanilang sarili—kailangan nilang maniwala. Sa kabilang banda, kayong mga nananampalataya sa Diyos, kung magpapatuloy ka sa mga pamahiing ito o sa mga tradisyonal na kaisipan, pananaw, o sa mga bagay ng relihiyon, kung ipinagdiriwang mo ang mga kapistahan nito, naniniwala ka sa mga kasabihan nito, at ipinagpapatuloy mo ang mga tradisyon nito, mga paraan ng pamumuhay, at mga saloobin sa buhay, at ang pinagmumulan ng iyong kagalakan sa buhay ay batay sa mga kasabihang ito, kung gayon ay nagsasabi ka sa Diyos nang hindi deretsahan na, “Hindi ako naniniwala sa Iyong mga pamamatnugot, ni ayaw kong tanggapin ang mga ito,” at hindi ka rin deretsahang nagsasabi sa masasamang espiritu, maruruming demonyo, at kay Satanas na, “Sige na, naniniwala ako sa mga kasabihan ninyo, at payag akong makipagtulungan sa inyo.” Dahil pagdating sa iba’t ibang saloobin na iyong itinataguyod, at sa iyong mga kaisipan, pananaw, at mga gawi, hindi mo tinatanggap ang katotohanan, bagkus ay umaayon ang mga ito sa mga kaisipan at pananaw ng masasamang espiritu, maruruming demonyo, at ni Satanas, at isinasakatuparan mo ang kanilang mga kaisipan at pananaw habang umaasal ka at kumikilos, kung gayon ay namumuhay ka sa ilalim ng kanilang kapangyarihan. Dahil payag kang mamuhay sa ilalim ng kanilang kapangyarihan, gumagawa ng mga dumpling kapag ikaw ay lumalabas at kumakain ng pansit kapag ikaw ay umuuwi, at kumakain ng mga kakanin at isda tuwing Chinese New Year, sige, sumama ka na lang sa kanila. Hindi mo kailangang manampalataya sa Diyos, at hindi mo kailangang ipahayag na nananampalataya ka sa Diyos. Sa bawat lugar at sa bawat usapin, ikaw ay tumitingin sa mga tao at bagay, umaasal at kumikilos, at namumuhay at umiiral ayon sa pamamaraan ng buhay at kaisipan at pananaw na ikinintal ni Satanas sa iyo, o ayon sa mga kuru-kurong panrelihiyon, at walang kinalaman ang ginagawa mo sa itinuro sa iyo ng Diyos, o sa katotohanan. Nangangahulugan ito na isa kang tunay na tagasunod ni Satanas. Dahil sinusunod mo si Satanas sa iyong puso, bakit nakaupo ka pa rin dito? Bakit nakikinig ka pa rin sa sermon? Hindi ba’t ito ay panlilinlang? Hindi ba’t ito ay kalapastanganan sa Diyos? Dahil masyado kang nahuhumaling sa mga tradisyon, pamahiin at mga kuru-kurong panrelihiyon na ikinintal ni Satanas, nakatali ka sa mga ito, at mayroon ka pa ring mga kaugnayan sa mga ito, hindi ka na dapat manampalataya sa Diyos. Dapat kang manatili sa templo ng Budista, magsunog ng insenso, magbigay-galang, gumawa ng palabunutan, at bumigkas ng banal na kasulatan. Hindi ka dapat manatili sa sambahayan ng Diyos, hindi ka karapat-dapat na makinig sa mga salita ng Diyos o tumanggap sa gabay ng Diyos. Samakatuwid, dahil ipinahayag mong isa kang tagasunod ng Diyos, dapat mong bitiwan ang mga tradisyong ito ng pamilya, ang mga pamahiin, at mga kuru-kurong panrelihiyon. Kahit na ang iyong mga pangunahing paraan ng pamumuhay: Hangga’t may kinalaman sa mga ito ang tradisyon at pamahiin, kailangan mong bumitiw at hindi kumapit sa mga ito. Ang pinaka-kinasusuklaman ng Diyos ay ang tradisyon ng tao, mga araw ng kapistahan, mga kaugalian, at ilang partikular na patakaran ng pamumuhay na nagmumula sa kulturang katutubo at sa pamilya, na kung saan sa likod ng mga ito ay may mga partikular na interpretasyon. Halimbawa, kinakailangang maglagay ng ilang tao ng salamin sa lintel ng pinto kapag nagtatayo ng bahay, sinasabing ito ay para itaboy ang masasamang espiritu. Nananampalataya ka sa Diyos, ngunit natatakot ka pa rin sa mga demonyo? Nananampalataya ka sa Diyos, kaya paanong nagagawa pa rin ng mga demonyo na guluhin ka nang ganoon kadali? Talaga bang isa kang tunay na mananampalataya sa Diyos? Sa panahon ng Chinese New Year, kung ang isang bata ay magsasabi ng isang bagay na malas tulad ng “kung mamamatay ako” o “kung mamamatay ang nanay ko,” kaagad silang sumasabad sa pamamagitan ng pagsasabing, “Pah, pah, pah, hindi malalabag ng mga salita ng isang bata ang taboo, hindi malalabag ng mga salita ng isang bata ang taboo.” Takot na takot sila, natatakot na magkatotoo ang sinasabi ng bata. Ano ang kinatatakutan mo? Kahit magkatotoo nga ito, hindi mo ba matatanggap ang realidad na ito? Malalabanan mo ba ito? Hindi ba’t dapat mo itong tanggapin mula sa Diyos? Walang mga taboo sa Diyos, may mga bagay lamang na umaayon o hindi umaayon sa katotohanan. Bilang isang mananampalataya sa Diyos, hindi ka dapat sumunod sa anumang taboo, bagkus ay dapat mong pangasiwaan ang mga usaping ito ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo.
Ang pagbabahaginan ngayon ay kinapapalooban ng mga paksang nauugnay sa kung paano kinokondisyon ng mga pamilya ang mga tradisyon, pamahiin, at relihiyon sa mga tao. Bagamat maaaring wala tayong gaanong nalalaman tungkol sa mga paksang ito, sapat na para sabihin sa iyo sa pamamagitan ng pagbabahaginan kung anong uri ng saloobin ang dapat mong itaguyod, at kung paano mo dapat harapin ang mga ito ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga prinsipyo. Kahit papaano, ang pagsasagawang dapat mong itaguyod ay ang bitiwan ang anumang may kaugnayan sa mga paksang ito, at huwag isapuso ang mga ito o panatilihin ang mga ito bilang isang normal na pamamaraan ng pamumuhay. Ang pinakanararapat mong gawin ay ang bumitiw at huwag magpapabagabag o magpapagapos sa mga ito. Hindi mo dapat husgahan ang iyong buhay at kamatayan, kapalaran at kalamidad batay sa mga ito, at siyempre, lalong hindi mo dapat harapin o piliin ang iyong landas sa hinaharap batay sa mga ito. Kung makakakita ka ng isang itim na pusa paglabas mo, at sasabihin mong, “Magiging malas ba ang araw na ito? May mangyayari bang masama?” ano ang tingin mo sa pananaw ito? (Hindi ito tama.) Ano ba ang magagawa ng isang pusa sa iyo? Kahit na mayroong mga mapamahiing kasabihan tungkol dito, walang kinalaman ang mga ito sa iyo, kaya hindi mo kailangang matakot. Ni huwag kang matakot sa isang itim na tigre, lalo na sa isang itim na pusa. Ang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos, at hindi mo dapat katakutan si Satanas o ang anumang masasamang espiritu, lalo na ang isang itim na pusa. Kung ikaw ay walang mga taboo sa puso mo, naghahangad lamang sa katotohanan, at naniniwala na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, kahit pa may mga partikular na kasabihan tungkol dito o maaaring maghatid ito sa iyo ng kasawian, hindi mo kailangang mag-alala. Halimbawa, isang araw ay bigla kang makarinig ng isang kuwagong humuhuni sa tabi ng iyong kama. Sa alamat ng mga Tsino, sinasabing, “Huwag matakot sa huni ng kuwago, matakot sa tawa ng kuwago.” Ang kuwagong ito ay parehong humuhuni at tumatawa, tinatakot ka nito nang husto at nakakaapekto ito sa iyo nang kaunti sa puso mo. Pero isipin mo saglit, “Ang nakatakdang mangyari ay mangyayari, at ang hindi nakatakdang mangyari ay hindi pahihintulutan ng Diyos. Ako ay nasa mga kamay ng Diyos, at gayundin ang lahat ng bagay. Hindi ako natatakot o naaapektuhan ng mga ito. Mamumuhay ako ayon sa nararapat, hahangarin ko ang katotohanan, isasagawa ang mga salita ng Diyos, at magpapasakop ako sa lahat ng pamamatnugot ng Diyos. Hinding-hindi ito mababago!” Kapag walang anumang makakagulo sa iyo, kung gayon, iyon ay tama. Kung isang araw ay nananaginip ka nang masama, natatanggal ang iyong mga ngipin, nalalagas ang iyong mga buhok, nakakabasag ka ng isang mangkok, nakikita mo ang iyong sarili na patay, at sabay-sabay na nangyayari ang lahat ng masamang bagay sa iisang panaginip, wala sa mga eksanang ito ang mabubuting pangitain para sa iyo—ano ang magiging reaksiyon mo? Malulugmok ka ba sa depresyon? Sasama ba ang loob mo? Magiging apektado ka ba? Noon, maaaring sumama ang loob mo sa loob ng isang buwan o dalawa, at sa huli ay wala namang nangyari, kaya nakahinga ka nang maluwag. Pero ngayon, bahagya ka lamang nababagabag, at sa sandaling naiisip mo na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, agad na humihinahon ang puso mo. Lumalapit ka sa Diyos nang may mapagpasakop na saloobin, at tama ito. Kahit na talagang humantong sa masamang pangyayari ang masasamang pangitaing ito, mayroong paraan para lutasin ito. Paano mo ito malulutas? Hindi ba’t nasa mga kamay rin ng Diyos ang masasamang bagay? Kung walang pahintulot ng Diyos, hindi mapipinsala ni Satanas at ng mga diyablo ang kahit isang buhok sa katawan mo. Lalo na sa mga usapin na may kinalaman sa buhay at kamatayan, hindi ito ang magdedesisyon. Kung walang pahintulot ng Diyos, hindi mangyayari ang malalaki at maliliit na bagay na ito. Kaya, anuman ang masamang penomena na nasasaksihan mo sa isang panaginip sa isang gabi, o anumang kakaibang nararamdaman mo sa iyong katawan, huwag kang mag-alala, huwag mabahala, at lalong huwag mong isiping umiwas, tumanggi, o lumaban. Huwag mong subukang gamitin ang mga pamamaraang pantao tulad ng mga voodoo doll, pakikipag-ugnayan sa mga patay, paggawa ng palabunutan, panghuhula, o paghahanap ng impormasyon online para iwasan ang mga panganib na ito. Hindi na kailangan ang alinman dito. Posible na ang iyong panaginip ay nagpapahiwatig na talagang may mangyayaring masama, gaya ng pagiging bankrupt, pagbagsak ng iyong mga stock, pagkuha ng iba sa iyong negosyo, pag-aresto sa iyo ng gobyerno sa isang pagtitipon, ang maiulat habang ipinapalaganap ang ebanghelyo, at iba pa. Ano ngayon? Ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos; huwag matakot. Huwag mag-alala, huwag magdalamhati, at huwag katakutan ang anumang masamang bagay na hindi pa nangyayari, at siyempre, huwag labanan o tutulan ang paglitaw ng anumang masamang bagay. Gawin kung ano ang dapat gawin ng isang nilikha, gampanan ang iyong mga responsabilidad at obligasyon bilang isang nilikha, at akuin ang posisyon at perspektiba na dapat taglay ng isang nilikha—ito ang saloobing dapat mayroon ang bawat isa kapag nahaharap sa mga bagay-bagay; ibig sabihin, pagtanggap at pagpapasakop, ipinagkakatiwala ang mga bagay-bagay sa Kanyang mga pamamatnugot nang walang mga reklamo. Sa ganitong paraan, ang anumang relihiyoso, tradisyonal, o mapahamahiing kasabihan o kahihinatnan ay hindi magiging problema para sa iyo, at hindi magdudulot ng anumang kaguluhan; tunay kang makakaalis mula sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at mula sa impluwensiya ng kadiliman, hindi kinokontrol ng impluwensiya ng kadiliman o ng anumang kaisipan ni Satanas. Ang iyong mga kaisipan, ang iyong kaluluwa, ang iyong buong pagkatao ay malulupig at makakamit ng mga salita ng Diyos. Hindi ba’t ito ay kalayaan? (Oo.) Ito ay ganap na kalayaan, pamumuhay sa liberasyon at kalayaan, at pagkakaroon ng wangis ng isang tao. Napakaganda niyon!
Sa pangkalahatan, ito ang nilalaman ng pagbabahaginan ngayong araw. Tungkol sa mga partikular na taboo sa mga kagawian ng pang-araw-araw na buhay, halimbawa, anong mga pagkain ang hindi dapat kainin kapag dumaranas ng mga partikular na sakit, at ang ilang tao ay hindi pwedeng kumain ng maanghang na pagkain dahil may tsansa silang magkaroon ng labis-labis na panloob na init, ang mga ito ay walang kinalaman sa kung paano umasal ang isang tao o sa anumang kaisipan at pananaw, lalong walang kinalaman ang mga ito sa landas na tinatahak ng isang tao. Ang mga ito ay wala sa saklaw ng ating pagbabahaginan. Ang paksa ng ating pagbabahaginan na kinapapalooban ng pagkokondisyon ng pamilya ay may kinalaman sa mga kaisipan at pananaw ng mga tao, sa kanilang normal na paraan ng pamumuhay at mga patakaran sa pamumuhay, pati na sa kanilang mga kaisipan, pananaw, posisyon, at perspektiba sa iba’t ibang bagay. Sa pamamagitan ng paglutas ng mga maling kaisipan, pananaw, at saloobin na ito sa bawat aspekto, ang susunod na papasukin ng mga indibidwal ay ang maghanap at tumanggap ng mga tamang kaisipan, pananaw, saloobin, at perspektiba sa mga bagay-bagay. Sige na, iyon na ang lahat para sa pagbabahaginan tungkol sa paksa ngayong araw. Paalam!
Marso 25, 2023
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.