Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 12 (Unang Bahagi)

Sa mga huling pagtitipon, nagbahaginan tayo sa mga paksa hinggil sa pag-aasawa sa “pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao,” hindi ba? (Oo.) Natapos na natin ang pagbabahaginan sa mga paksang tungkol sa pag-aasawa. Sa pagkakataong ito, dapat tayong magbahaginan sa mga paksang tungkol sa pamilya. Tingnan muna natin kung anong mga aspekto ng pamilya ang may kinalaman sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao. Dapat alam ng mga tao ang konsepto ng pamilya. Ang mga unang bagay na pumapasok sa isipan ng mga tao sa tuwing nababanggit ang paksang ito ay ang komposisyon at mga miyembro ng isang pamilya, at ang ilang gawain at taong may kinalaman sa pamilya. Maraming paksang may kinalaman sa pamilya. Gaano man karaming imahe at kaisipan ang umiiral sa isip mo, nauugnay ba ang mga ito sa “pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng isang tao,” na pagbabahaginan natin ngayong araw? Ni hindi mo alam kung may kaugnayan ang mga bagay na ito bago natin simulan ang ating pagbabahaginan. Kaya bago tayo magpatuloy sa pagbabahagi, maaari ba ninyong sabihin sa Akin kung ano ba ang isang pamilya sa isip ng mga tao, o ang anumang bagay na maiisip ninyo na dapat bitiwan pagdating sa pamilya? Noong nakaraan, pinag-usapan natin ang tungkol sa ilang aspektong nauugnay sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao. Natukoy ba ninyo kung ano ang nakapaloob sa bawat aspekto nitong paksang pinagbabahaginan natin? Alinmang aspekto ang nakapaloob, ang kailangang bitiwan ng mga tao ay hindi ang usapin mismo, kundi ang mga maling ideya at pananaw na ginagamit nila sa pagharap dito, gayundin ang iba’t ibang problema na mayroon ang mga tao kaugnay sa usaping ito. Ang iba’t ibang problemang ito ay ang pinakamahalagang punto na dapat nating pagbahaginan tungkol sa mga gayong aspekto. Ang iba’t ibang problemang ito ay mga isyu na nakakaapekto sa paghahangad ng mga tao sa katotohanan, o mas tiyak na sabihing lahat ng ito ay mga isyu na humahadlang sa mga tao sa paghahangad at pagpasok sa katotohanan. Ibig sabihin, kung mayroong mga paglihis o problema sa kaalaman mo sa isang usapin, magkakaroon din ng mga katumbas na problema sa iyong saloobin, diskarte, o pangangasiwa sa usaping ito, at ang mga katumbas na problemang ito ay ang mga paksa na kailangan nating pagbahaginan. Bakit natin kailangang pagbahaginan ang mga ito? Dahil ang mga problemang ito ay may malaki o labis-labis na epekto sa iyong paghahangad ng katotohanan at sa iyong mga wasto, maprinsipyong pananaw tungkol sa isang bagay, at likas ding nakakaapekto ang mga ito sa kadalisayan ng iyong pamamaraan ng pagsasagawa tungkol sa bagay na ito, pati na rin ng iyong mga prinsipyo sa pangangasiwa nito. Gaya noong nagbahaginan tayo tungkol sa mga paksa ng mga personal na hilig, libangan, at pag-aasawa, nagbabahaginan tayo sa paksa ng pamilya dahil maraming maling ideya, pananaw at saloobin ang mga tao tungkol sa pamilya, o dahil ang pamilya mismo ay nagdudulot ng maraming negatibong impluwensiya sa mga tao, at ang mga negatibong impluwensiyang ito ay likas na magtutulak sa kanila na panghawakan ang mga maling ideya at pananaw. Ang mga maling ideya at pananaw na ito ay makakaapekto sa iyong paghahangad sa katotohanan, at magtutulak sa iyo na gumawa ng mga hindi normal na bagay, upang sa tuwing mahaharap ka sa mga bagay na may kaugnayan sa pamilya, o mahaharap ka sa mga isyu na may kaugnayan sa pamilya, hindi ka magkakaroon ng mga tamang pananaw o landas sa pagdiskarte o pagharap sa mga usapin at isyung ito, at sa paglutas sa iba’t ibang problemang idinudulot nito. Ito ang prinsipyo para sa ating mga pagbabahaginan sa bawat paksa, at ito rin ang pangunahing problema na dapat lutasin. Kaya, tungkol sa paksa ng pamilya, naiisip ba ninyo kung ano ang mga negatibong impluwensiya ang idinudulot ng pamilya sa inyo, at sa anong mga paraan humahadlang ang pamilya sa inyong paghahanap sa katotohanan? Sa takbo ng iyong pananampalataya at pagganap sa iyong tungkulin, at habang hinahanap mo ang katotohanan o hinahangad ang mga katotohanang prinsipyo, at isinasagawa ang katotohanan, sa anong mga paraan iniimpluwensiyahan at hinahadlangan ng pamilya ang iyong pag-iisip, ang iyong mga prinsipyo ng pag-asal, at ang iyong mga prinsipyo, at pananaw sa buhay? Sa madaling salita, ipinanganak ka sa isang pamilya, kaya anong mga impluwensiya, anong mga maling ideya at pananaw, at anong mga hadlang at pagkagambala ang idinudulot ng pamilyang ito sa iyong pang-araw-araw na buhay bilang isang mananampalataya, at sa iyong paghahangad at kaalaman sa katotohanan? Kung paanong sumusunod sa isang prinsipyo ang pagbabahaginan sa paksa ng pag-aasawa, ganoon din ang pagbabahaginan sa paksa ng pamilya. Hindi nito hinihingi na bitiwan mo ang konsepto ng pamilya sa isang tiyak na pamamaraan, o ayon sa iyong pag-iisip at pananaw, o na bitiwan mo ang iyong aktuwal, pisikal na pamilya, o sinumang miyembro ng iyong pisikal na pamilya. Sa halip, hinihingi nito na bitiwan mo ang iba’t ibang negatibong impluwensiya na idinudulot sa iyo ng pamilya mismo, at bitiwan ang mga hadlang at pagkagambala na idinudulot ng pamilya mismo sa iyong paghahangad sa katotohanan. Sa mas partikular na salita, masasabing ang iyong pamilya ay nagdudulot ng mga partikular at mahigpit na obligasyong pampamilya at mga problema na nararamdaman at nararanasan mo habang hinahangad mo ang katotohanan at ginagampanan ang iyong tungkulin, at napipigilan ka nito kung kaya’t hindi ka makaramdam ng pagpapalaya o hindi mo epektibong magampanan ang iyong mga tungkulin at mahanap ang katotohanan. Ang mga obligasyon at problemang ito ay nagpapahirap sa iyo na maiwaksi ang mga hadlang at impluwensiyang dulot ng salitang “pamilya” o ng mga tao o bagay na sangkot dito, at ipinaparamdam nito sa iyo na nasisiil ka habang nananampalataya at gumaganap ka sa iyong tungkulin dahil sa pagkakaroon ng pamilya o dahil sa kahit anong negatibong impluwensiyang idinudulot ng pamilya sa iyo. Madalas ding pinapahirapan ng mga obligasyon at problemang ito ang iyong konsensiya at pinipigilan ang iyong katawan at isipan na makaramdam ng paglaya, at malimit na ipinaparamdam sa iyo na, kung sasalungat ka sa mga ideya at pananaw na nakukuha mo mula sa iyong pamilya, kung gayon, wala kang pagkatao, at mawawala ang iyong kabutihang-asal at ang mga pinakamababang pamantayan at prinsipyo ng pag-asal. Pagdating sa mga isyu sa pamilya, madalas kang naiipit sa pagitan ng kabutihang-asal at ng pagsasagawa ng katotohanan, hindi makalaya at mapakawalan ang iyong sarili. Anong mga partikular na problema ang nariyan—may naiisip ba kayo? Kahit minsan ba ay nararamdaman ninyo ang ilang bagay na kababanggit Ko lang ngayon sa inyong pang-araw-araw na buhay? (Sa pamamagitan ng pagbabahagi ng Diyos, naaalala ko na dahil nagkaroon ako ng mga maling pananaw tungkol sa aking pamilya, hindi ko maisagawa ang katotohanan, at inusig ako ng aking konsensiya tungkol sa pagsasagawa ko nito. Dati-rati, noong katatapos ko lang sa aking pag-aaral at nais kong ilaan ang sarili ko sa pagganap ng aking tungkulin, nagtatalo ang kalooban ko. Pakiramdam ko, dahil pinalaki ako ng aking pamilya at ginastusan nila ang aking pag-aaral sa buong panahong ito, ngayong nakapagtapos na ako sa unibersidad, kung hindi ako kikita ng pera at hindi ko tutustusan ang aking pamilya, magiging isa akong taong walang galang sa magulang at walang pagkatao, na mabigat sa aking konsensiya. Noong panahong iyon, nahirapan ako tungkol sa bagay na ito sa loob ng ilang buwan, hanggang sa wakas ay nakahanap ako ng paraan upang makalaya sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, at nagpasya akong gawin ang aking makakaya para magampanan ang aking tungkulin. Pakiramdam ko ay talagang nakakaapekto sa mga tao ang mga maling pananaw na ito tungkol sa pamilya.) Ito ay isang tipikal na halimbawa. Ito ay mga hindi nakikitang kadena na iginagapos ng pamilya sa mga tao, at ito rin ay mga problema na idinudulot ng mga damdamin, ideya o pananaw ng mga tao tungkol sa kanilang pamilya, na nakakaapekto sa kanilang buhay, mga paghahangad, at pananampalataya. Sa isang banda, nagsasanhi ng kagipitan at pasanin sa kaibuturan ng iyong puso ang mga problemang ito, na paminsan-minsan ay nagdudulot ng masasamang damdamin. Sino ang may anumang idadagdag? (Diyos ko, nagkikimkim ako ng isang pananaw na bilang isang bata na ngayon ay malaki na, dapat akong magpakita ng paggalang sa magulang at mag-asikaso sa lahat ng alalahanin at problema ng mga magulang ko. Pero dahil ginagawa ko ang tungkulin ko nang full-time, hindi ko magawang maging masunurin sa aking mga magulang o gumawa ng ilang bagay para sa kanila. Kapag nakikita kong nagpapakaabala pa rin ang mga magulang ko sa paghahanap-buhay, nararamdaman ko sa puso ko na may utang ako sa kanila. Noong una akong manalig sa Diyos, muntik ko Siyang ipagkanulo dahil dito.) Isa rin itong negatibong epekto ng pag-impluwensiya ng pamilya ng isang tao sa kanyang pag-iisip at mga ideya. Muntik mo nang ipagkanulo ang Diyos, ngunit ang ilang tao ay talagang nagkanulo sa Diyos. Ang ilang tao ay hindi kayang bumitiw sa kanilang pamilya dahil sa kanilang mga matatag na kuru-kuro tungkol sa pamilya. Sa huli, pinili nilang patuloy na mamuhay alang-alang sa kanilang pamilya at isuko ang pagganap ng kanilang mga tungkulin.

Ang lahat ay may pamilya, lahat ay lumaki sa isang natatanging pamilya, at nagmumula sa isang natatanging kapaligiran ng pamilya. Ang pamilya ay napakahalaga para sa lahat, at isa itong bagay na nag-iiwan ng pinakamalaking impresyon sa buhay ng isang tao, isang bagay mula sa kaibuturan na mahirap isuko at bitiwan. Ang hindi kayang bitiwan ng mga tao at ang para sa kanila ay mahirap isuko, ay hindi ang bahay ng pamilya o ang lahat ng aparato, kasangkapan, at kagamitan na nasa loob nito, kundi ang mga miyembrong bumubuo sa pamilyang iyon, o ang kapaligiran at damdamin na dumadaloy rito. Ito ang konsepto ng pamilya sa isip ng mga tao. Halimbawa, ang mga nakatatandang miyembro ng pamilya (lolo’t lola at mga magulang), ang mga kapareho mo ng edad (mga kapatid at asawa), at ang nakababatang henerasyon (ang sarili mong mga anak): Ito ang mahahalagang miyembro sa konsepto ng pamilya ng mga tao, at sila rin ay mahahalagang bahagi ng bawat pamilya. Ano ang ibig sabihin ng pamilya sa mga tao? Para sa mga tao, nangangahulugan ito ng emosyonal na pagtustos at isang espirituwal na kakapitan. Ano pa ang ibang kahulugan ng pamilya? Isang lugar kung saan nakakaranas ang isang tao ng kasiglahan, kung saan malayang nasasabi ng isang tao ang nasa puso niya, o kung saan maaari siyang maging mapagpalayaw at kapritsoso. Sinasabi ng ilan na ang pamilya ay isang ligtas na kanlungan, isang lugar kung saan ang isang tao ay makakakuha ng emosyonal na pagtustos, isang lugar kung saan nagsisimula ang buhay ng isang tao. Ano pa? Ilarawan ninyo ito sa Akin. (Diyos ko, sa tingin ko, ang tahanan ng pamilya ay isang lugar kung saan lumalaki ang mga tao, isang lugar kung saan sinasamahan ng mga miyembro ng pamilya ang isa’t isa at nakadepende sila sa isa’t isa.) Magandang sagot. Ano pa? (Madalas kong isipin noon na ang pamilya ay isang komportableng kanlungan. Gaano man karaming kawalang-katarungan ang naranasan ko sa mundo, sa tuwing umuuwi ako, lubusang gumagaan ang isip at kalooban ko dahil sa suporta at pag-unawa ng pamilya ko, kaya sa ganyang diwa ko naramdaman na ang pamilya ay isang ligtas na kanlungan.) Ang tahanan ng pamilya ay isang lugar na puno ng kaginhawahan at kasiglahan, hindi ba? Mahalaga ang pamilya sa isip ng mga tao. Sa tuwing masaya ang isang tao, nais niyang ibahagi sa pamilya niya ang kanyang kagalakan; sa tuwing nababagabag at nalulungkot ang isang tao, umaasa rin siya na maipagtatapat niya ang kanyang mga problema sa kanyang pamilya. Sa tuwing nakakaramdam ang mga tao ng anumang kagalakan, galit, kalungkutan, at kaligayahan, nakakagawian nilang ibahagi ang mga ito sa kanilang pamilya, nang walang anumang bigat sa pakiramdam o pasanin. Para sa bawat tao, ang pamilya ay isang magiliw at magandang bagay, isang uri ng panustos para sa espiritu na hindi kayang bitiwan ng mga tao o na hindi kaya ng mga tao na wala sa kanila sa anumang punto ng kanilang buhay, at ang tahanan ng pamilya ay isang lugar na nagbibigay ng napakalaking suporta sa isipan, katawan, at espiritu ng mga tao. Samakatuwid, ang pamilya ay isang bahagi ng buhay ng bawat tao na hindi maaaring mawala. Ngunit anong uri ng mga negatibong impluwensiya mayroon ang lugar na ito sa kanilang paghahangad sa katotohanan, na napakahalaga sa pag-iral at buhay ng mga tao? Una sa lahat, masasabi nang may katiyakan na gaano man kahalaga ang pamilya sa pag-iral at buhay ng mga tao, o kung ano ang papel na ginagampanan nito at kung ano ang silbi nito sa kanilang pag-iral at buhay, lumilikha pa rin ito ng ilang problema—kapwa malalaki man o maliliit—sa mga tao sa kanilang landas ng paghahangad sa katotohanan. Bagamat gumaganap ito ng mahalagang papel sa paghahangad ng mga tao sa katotohanan, lumilikha din ito ng lahat ng uri ng gulo at problema na mahirap iwasan. Ibig sabihin, habang naghahangad at nagsasagawa ang mga tao sa katotohanan, ang iba’t ibang sikolohikal at ideolohikal na problemang nilikha ng pamilya, pati na ang mga problemang may kinalaman sa mga pormal na aspekto, ay nagdudulot ng malaking problema sa mga tao. Kaya, ano ba talaga ang kaakibat ng mga problemang ito? Siyempre, sa proseso ng paghahangad sa katotohanan, naranasan na ng mga tao ang iba’t ibang dami at kalubhaan ng mga problemang ito, kaya lang, hindi nila maingat na pinag-isipan at pinagnilay-nilayan ang mga ito, upang malaman kung ano talaga ang mga likas na isyu. Higit pa rito, hindi nila nakilala ang diwa ng mga problemang ito, lalo na ang mga katotohanang prinsipyo na dapat maunawaan at sundin ng mga tao. Kaya, ngayon, magbahaginan tayo sa paksa ng pamilya, at kung anong mga problema at hadlang ang idinudulot ng pamilya sa daan ng paghahangad ng mga tao sa katotohanan, pati na kung anong mga paghahangad, mithiin, at hangarin ang dapat bitiwan ng mga tao pagdating sa isyu ng pamilya. Ito ay talagang totoong problema.

Bagamat malawak ang paksa ng pamilya, nagdudulot pa rin ito ng mga partikular na problema. Ang problemang pagbabahaginan natin ngayon ay ang negatibong impluwensiya, panghihimasok at hadlang na kinakaharap ng mga tao sa landas ng paghahangad sa katotohanan dahil sa pamilya. Ano ang unang problemang dapat bitiwan ng isang tao tungkol sa pamilya? Ito ay ang pagkakakilanlan na namamana ng isang tao mula sa pamilya. Isa itong mahalagang usapin. Partikular nating pag-usapan kung gaano kahalaga ang usaping ito. Ang bawat isa ay nagmumula sa isang natatanging pamilya, bawat isa ay may sariling natatanging pinagmulan at kapaligiran ng pamumuhay, sariling kalidad ng buhay, at partikular na paraan ng pamumuhay at mga gawi sa buhay. Ang bawat tao ay nagmamana ng isang natatanging pagkakakilanlan mula sa kapaligiran ng pamumuhay at pinagmulan ng kanyang pamilya. Ang natatanging pagkakakilanlan na ito ay hindi lamang kumakatawan sa partikular na halaga ng bawat tao sa lipunan at sa ibang tao, kundi isa ring natatanging simbolo at tatak. Kaya ano ang ipinapahiwatig ng tatak na ito? Ipinapahiwatig nito kung ang isang tao ay itinuturing na respetado o aba sa grupong kinabibilangan niya. Itinatakda ng natatanging pagkakakilanlan na ito ang katayuan ng isang tao sa lipunan at sa ibang tao, at ang katayuang ito ay minana mula sa pamilya kung saan siya isinilang. Samakatuwid, ang pinagmulan ng iyong pamilya at ang uri ng pamilyang kasama mo sa buhay ay napakahalaga, dahil may kaugnayan ang mga ito sa iyong pagkakakilanlan at katayuan sa ibang tao at sa lipunan. Kaya, ang iyong pagkakakilanlan at katayuan ang nagtatakda kung respetado o aba ang iyong katayuan sa lipunan, kung ikaw ay iginagalang, hinahangaan, at tinitingala ng iba, o kung ikaw ay kinasusuklaman, dumaranas ng diskriminasyon, at niyuyurakan ng iba. Dahil tiyak na nakakaapekto sa kanilang sitwasyon at kinabukasan sa lipunan ang pagkakakilanlan na minana ng mga tao sa kanilang pamilya, ang minanang pagkakakilanlan na ito ay napakaseryoso at napakahalaga sa bawat tao. Dahil tiyak na nakakaapekto ito sa iyong katanyagan, katayuan, at kahalagahan sa lipunan, at sa iyong pakiramdam ng karangalan o kahihiyan sa buhay na ito, ikaw mismo ay may tendensiyang lubos na pahalagahan ang iyong pamilya at ang pagkakakilanlan na minana mo mula sa iyong pamilya. Dahil may napakalaking epekto sa iyo ang bagay na ito, ito ay isang napakahalaga at napakamakabuluhang bagay para sa iyo sa landas ng iyong pag-iral. Dahil ito ay isang napakahalaga at napakamakabuluhang bagay, sinasaklaw nito ang isang mahalagang puwang sa kaibuturan ng iyong kaluluwa, at napakahalaga nito sa iyong pananaw. Hindi lamang napakahalaga sa iyo ang pagkakakilanlan na minana mo mula sa iyong pamilya, kundi tinitingnan mo rin ang pagkakakilanlan ng sinumang kilala mo o hindi mo kilala mula sa parehong perspektiba, gamit ang parehong mga paningin at sa parehong paraan, at ginagamit mo ang perspektibang ito para timbangin ang pagkakakilanlan ng lahat ng nakakasalamuha mo. Ginagamit mo ang pagkakakilanlan nila para husgahan ang kanilang pagkatao, at para tukuyin kung paano humarap at makipag-ugnayan sa kanila—kung makikipag-ugnayan ka sa kanila sa mga paraang magiliw at pantay, o magiging sunud-sunuran sa kanila at susundin ang bawat salita nila, o basta lang na makikipag-ugnayan sa kanila at titingnan sila nang mapanghamak at may diskriminasyon, o makikisama at makikipag-ugnayan pa sa kanila sa mga paraang hindi makatao at hindi pantay. Ang mga ganitong paraan ng pagtingin sa mga tao at pagharap sa mga bagay-bagay ay pangunahing itinatakda ng pagkakakilanlan na nakukuha ng isang tao mula sa kanyang pamilya. Ang pinagmulan at katayuan ng iyong pamilya ang nagpapasya ng magiging katayuan mo sa lipunan, at ang uri ng katayuan mo sa lipunan ang nagpapasya sa mga paraan at prinsipyo ng iyong pagtingin at pagharap sa mga tao at mga bagay-bagay. Samakatuwid, ang saloobin at mga paraang pinaiiral ng isang tao sa pagharap sa mga bagay-bagay ay nakasalalay, sa malaking bahagi, sa pagkakakilanlan na minana niya sa kanyang pamilya. Bakit Ko sinasabing, “sa malaking bahagi”? May ilang partikular na sitwasyon, na hindi natin pag-uusapan. Para sa karamihan ng tao, ang sitwasyon ay katulad ng inilarawan Ko ngayon. Ang lahat ay may tendensiyang maimpluwensiyahan ng pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan na nakukuha nila mula sa kanilang pamilya, at ang lahat ay may tendensiya ring pairalin ang mga kaukulang pamamaraan ng pagtingin at pagharap sa mga tao at bagay ayon sa pagkakakilanlang ito at sa katayuan sa lipunan—ito ay napakanatural. Dahil tiyak na ito ay isang bagay na hindi maiiwasan at isang pananaw sa pag-iral na likas na nanggagaling sa pamilya ng isang tao, ang pinagmulan ng pananaw ng isang tao sa pag-iral at paraan ng pamumuhay ay nakasalalay sa pagkakakilanlan na namamana niya mula sa kanyang pamilya. Ang pagkakakilanlan na namamana ng isang tao mula sa kanyang pamilya ang nagtatakda sa mga paraan at prinsipyo ng kanyang pagtingin at pagharap sa mga tao at mga bagay-bagay, pati na rin sa kanyang saloobin sa pagpili at paggawa ng mga desisyon habang tinitingnan at hinaharap ang mga tao at mga bagay-bagay. Hindi maiiwasang nagdudulot ito ng napakalubhang problema sa mga tao. Ang pinagmulan ng mga ideya at pananaw ng mga tao sa pagtingin at pagharap sa mga tao at mga bagay-bagay ay, sa isang punto, hindi maiiwasang naiimpluwensiyahan ng pamilya at, sa kabilang punto, ito ay naiimpluwensiyahan ng pagkakakilanlan na namamana ng isang tao mula sa kanyang pamilya—napakahirap para sa mga tao na lumayo mula sa impluwensiyang ito. Bilang resulta, hindi magawang tratuhin ng mga tao ang kanilang sarili nang tama, makatwiran, at patas, o tratuhin ang iba nang patas, at hindi rin nila magawang tratuhin ang mga tao at lahat ng bagay sa paraang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo na itinuro ng Diyos. Sa halip, ibinabagay nila ang kanilang pagharap sa mga bagay-bagay, ginagamit ang mga prinsipyo, at nagpapasya, batay sa mga kaibahan sa pagitan ng kanilang sariling pagkakakilanlan at ng sa iba. Dahil naiimpluwensiyahan ng katayuan ng kanilang pamilya ang mga paraan ng pagtingin at pagharap ng mga tao sa mga bagay sa lipunan at sa ibang tao, ang mga paraang ito ay tiyak na salungat sa mga prinsipyo at paraan ng pagharap sa mga bagay-bagay na ipinabatid ng Diyos sa mga tao. Sa mas tumpak na salita, ang mga paraang ito ay tiyak na kumokontra, sumasalungat, at lumalabag ito sa mga prinsipyo at paraang itinuro ng Diyos. Kung ang mga paraan ng mga tao sa paggawa ng mga bagay-bagay ay nakabatay sa pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan na namamana nila mula sa kanilang pamilya, kung gayon, hindi maiiwasang panghahawakan nila ang iba-iba o mga partikular na paraan at prinsipyo ng paggawa ng mga bagay-bagay, dahil sa kanilang mga sariling natatangi o espesyal na pagkakakilanlan at sa iba. Ang mga prinsipyong ito na pinanghahawakan nila ay hindi ang katotohanan, ni hindi rin naaayon ang mga ito sa katotohanan. Hindi lamang nilalabag ng mga ito ang pagkatao, konsensiya at katwiran, ngunit ang mas malala pa, nilalabag ng mga ito ang katotohanan, dahil ang mga ito ang nagtatakda kung ano ang dapat tanggapin o tanggihan ng isang tao batay sa kanyang mga kagustuhan at interes, at kung gaano kalaki ang hihingin ng mga tao sa isa’t isa. Samakatuwid, sa loob ng kontekstong ito, ang mga prinsipyo ng pagtingin at pagharap ng mga tao sa mga bagay-bagay ay hindi patas at hindi rin naaayon sa katotohanan, at ganap na nakabatay ang mga ito sa mga emosyonal na pangangailangan ng mga tao at sa kanilang pangangailangan na makinabang. Hindi mahalaga kung nagmana ka ng isang respetado o abang pagkakakilanlan mula sa iyong pamilya, sinasaklaw ng pagkakakilanlang ito ang isang bahagi sa puso mo, at para sa ilang tao, ito ay isang napakahalagang posisyon pa nga. Kaya, kung gusto mong hangarin ang katotohanan, ang pagkakakilanlang ito ay tiyak na makakaimpluwensiya at makakasagabal sa iyong paghahangad sa katotohanan. Ibig sabihin, sa proseso ng paghahangad sa katotohanan, hindi maiiwasang mahaharap ka sa mga isyu gaya ng kung paano tatratuhin ang mga tao at kung paano haharapin ang mga bagay-bagay. Pagdating sa mga isyung ito at mahahalagang bagay, hindi maiiwasang titingnan mo ang mga tao at mga bagay-bagay sa pamamagitan ng pagpapairal ng mga perspektiba o pananaw na nauugnay sa pagkakakilanlang minana mo sa iyong pamilya, at hindi mo maiiwasang gamitin ang napakasinauna o panlipunang paraan ng pagtingin sa mga tao at pagharap sa mga bagay-bagay. Respetado man o mababang katayuan sa lipunan ang nararamdaman mo dulot ng pagkakakilanlang minana mo mula sa iyong pamilya, ano’t anuman, magkakaroon ng epekto ang pagkakakilanlang ito sa iyong paghahangad sa katotohanan, sa iyong tamang pananaw sa buhay, at sa iyong tamang landas ng paghahangad sa katotohanan. Sa mas tiyak, makakaapekto ito sa iyong mga prinsipyo ng pagharap sa mga bagay-bagay. Nauunawaan mo ba?

Ang iba’t ibang pamilya ay nagbibigay sa mga tao ng iba’t ibang pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan. Ang pagkakaroon ng isang magandang katayuan sa lipunan at isang respetadong pagkakakilanlan ay isang bagay na ikinatutuwa at ipinagdiriwang ng mga tao, samantalang iyong mga nagmamana naman ng kanilang pagkakakilanlan mula sa isang hamak at abang pamilya ay nakakaramdam ng pagiging mas mababa at nahihiyang humarap sa iba, at nararamdaman din nila na hindi sila sineseryoso o pinahahalagahan. Madalas ding dumaranas ng diskriminasyon ang gayong mga tao, na nagiging dahilan para makaramdam sila ng pagdadalamhati at mababang kumpiyansa sa sarili sa kaibuturan ng kanilang puso. Halimbawa, maaaring mga magsasakang nagtatanim at nagbebenta ng mga gulay ang mga magulang ng ilang tao; maaari namang mga mangangalakal na may maliit na negosyo ang mga magulang ng ilan, tulad ng pagpapatakbo ng isang puwesto sa kalye o pagtitinda sa kalye; maaaring ang magulang ng ilang tao ay nagtatrabaho sa craft industry, gumagawa at nagkukumpuni ng mga damit, o umaasa sa mga handicraft para maghanapbuhay at masuportahan ang kanilang buong pamilya. Ang mga magulang ng ilang tao ay maaaring nagtatrabaho sa industriya ng pagsisilbi bilang mga tagapaglinis o yaya; ang ilang magulang ay maaaring nagtatrabaho sa negosyo ng paghahakot o transportasyon; ang ilan ay maaaring mga masahista, beautician, o barbero, at ang ilang magulang ay maaaring nagkukumpuni ng mga bagay para sa mga tao, tulad ng mga sapatos, bisikleta, salamin sa mata, at iba pa. Ang ilang magulang ay maaaring may mas mahusay na mga kasanayan sa paggawa at pagkumpuni ng mga bagay tulad ng alahas o mga relo, samantalang ang iba naman ay maaaring may mas mababang katayuan sa lipunan at umaasa sa pangongolekta at pagbebenta ng basura para masuportahan ang kanilang mga anak at maitaguyod ang kanilang pamilya. Medyo mababa ang propesyonal na katayuan sa lipunan ng lahat ng magulang na ito, at malinaw na bunga nito, magiging mababa rin ang katayuan sa lipunan ng bawat isa sa kanilang pamilya. Kaya, sa paningin ng mundo, ang mga taong nagmumula sa mga pamilyang ito ay may abang katayuan at pagkakakilanlan. Dahil tiyak na tinatangkilik ng lipunan ang ganitong paraan ng pagtingin sa pagkakakilanlan ng isang tao at pagsukat sa halaga ng isang tao, kung ang iyong mga magulang ay magsasaka at may isang taong magtatanong sa iyo ng, “Ano ang trabaho ng mga magulang mo? Ano ang hitsura ng pamilya mo?” sasagot ka ng “Ang mga magulang ko … ah sila ay … hindi na mahalagang pag-usapan ito,” at hindi ka maglalakas-loob na sabihin kung ano ang trabaho nila, dahil masyado kang nahihiya. Kapag nakikipagkita ka sa mga kaklase at kaibigan o lumalabas para maghapunan, ipinapakilala ng mga tao ang kanilang sarili at ikinukuwento ang magandang pinagmulan ng kanilang pamilya o ang kanilang mataas na katayuan sa lipunan. Ngunit kung mula ka sa isang pamilya ng mga magsasaka, mga hamak na mangangalakal, o mga naglalako, hindi mo gugustuhing sabihin ito at makakaramdam ka ng hiya. Mayroong isang sikat na kasabihan sa lipunan na nagsasabing, “Huwag tanungin ang isang bayani tungkol sa kanyang pinanggalingan.” Napakarangal pakinggan ng kasabihang ito, at para sa mga may mababang katayuan sa lipunan, nagbibigay ito ng isang maliit na pag-asa at isang kislap ng liwanag, pati na rin ng kaunting kapanatagan. Ngunit bakit sikat ang ganitong kasabihan sa lipunan? Dahil ba masyadong binibigyang-pansin ng mga tao sa lipunan ang kanilang pagkakakilanlan, halaga, at katayuan sa lipunan? (Oo.) Iyong mga nanggagaling sa mabababang pinagmulan ay palaging walang tiwala sa sarili, kaya’t ginagamit nila ang kasabihang ito para panatagin ang kanilang sarili, at para na rin bigyan ng katiyakan ang iba, iniisip na bagamat mababa ang kanilang katayuan at pagkakakilanlan, mayroon naman silang isang nakatataas na estado ng pag-iisip, na isang bagay na hindi matututunan. Gaano man kababa ang iyong pagkakakilanlan, kung nakatataas ang iyong estado ng pag-iisip, nagpapatunay ito na isa kang marangal na tao, higit pa kaysa sa mga taong may respetadong pagkakakilanlan at katayuan. Anong isyu ang ipinahihiwatig nito? Habang lalong sinasabi ng mga tao na, “Huwag tanungin ang isang bayani tungkol sa kanyang pinanggalingan,” lalo nitong pinatutunayan na inaalala nila ang kanilang pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan. Lalo na kapag ang pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan ng isang tao ay lubhang payak at abang-aba, ginagamit nila ang kasabihang ito para panatagin ang kanilang sarili at makabawi sa kahungkagan at pagkadismaya sa puso nila. Ang mga magulang ng ilang tao ay mas masahol pa kaysa sa mga hamak na mangangalakal at mga naglalako, mga magsasaka at artesano, o mas masahol pa kaysa sa mga magulang na gumagawa ng alinman sa mga walang kabuluhan, hamak, at lalo na iyong mga trabahong mababa ang kita sa lipunan, kaya ang pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan na namamana nila mula sa kanilang mga magulang ay lalo pang mas aba. Halimbawa, ang mga magulang ng ilang tao ay tunay na may masamang reputasyon sa lipunan, hindi talaga nila ginagawa ang mga bagay na dapat nilang gawin, at wala silang hanapbuhay na katanggap-tanggap sa lipunan o permanenteng kita, kaya nahihirapan silang tustusan ang mga gastos sa pamumuhay ng kanilang pamilya. Ang ilang magulang ay madalas na nagsusugal at nalulugi sa bawat taya. Sa huli, naiiwang hikahos at walang pera ang pamilya, hindi kayang bayaran ang pang-araw-araw na gastusin. Ang mga batang ipinanganak sa pamilyang ito ay nagsusuot ng maruruming damit, nagugutom, at namumuhay sa kahirapan. Sa tuwing nagdaraos ang paaralan ng mga pagpupulong ng mga magulang at guro, hindi kailanman sumisipot ang kanilang mga magulang, at alam ng mga guro na nasa sugalan ang mga ito. Halatang-halata kung anong uri ng pagkakakilanlan at katayuan mayroon ang mga batang ito sa mga mata ng kanilang mga guro at kaklase. Tiyak na mararamdaman ng mga batang ipinanganak sa ganitong uri ng pamilya na hindi nila maipagmamalaki ang kanilang sarili sa paligid ng iba. Kahit na mag-aral sila nang mabuti at magsikap, at kahit na matalas ang isip nila at namumukod-tangi sa karamihan, itinakda na ng pagkakakilanlang minana nila sa pamilyang ito ang kanilang katayuan at halaga sa mga mata ng ibang tao—maaaring makaramdam ang isang tao na siya ay nahihigpitan at nagdadalamhati dahil dito. Saan nagmumula ang dalamhati at paghihigpit na ito? Nagmumula ito sa paaralan, sa mga guro, sa lipunan, at lalo na sa mga maling pananaw ng sangkatauhan ukol sa pakikitungo sa mga tao. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Ang ilang magulang ay walang partikular na masamang reputasyon sa lipunan ngunit nakagawa sila ng ilang hindi kanais-nais na bagay. Halimbawa, isipin ninyo ang mga magulang na nakulong at nasentensiyahan dahil sa pagdispalko at pagtanggap ng mga suhol, o dahil sa nilabag nila ang batas sa pamamagitan ng paggawa ng ilegal na bagay o pagsali sa pangangapital at panghuhuthot. Ang resulta, mayroon silang negatibo at masamang epekto sa kanilang pamilya, sa pamamagitan ng pagpilit sa kanilang mga kapamilya na tiisin ang kahihiyang ito kasama nila. Kaya, ang mapabilang sa ganitong uri ng pamilya ay mabisang mas may malaking epekto sa pagkakakilanlan ng isang tao. Hindi lamang aba ang kanyang pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan, kundi minamaliit din siya, at binabansagan pa nga ng mga titulong gaya ng “despalkador” at “miyembro ng pamilyang magnanakaw.” Sa sandaling mabansagan ang isang tao ng mga ganitong titulo, magkakaroon ito ng mas malaki pang epekto sa kanyang pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan, at higit pang palalalain ang kanyang suliranin sa lipunan, at dahil dito ay mas mararamdaman niyang hindi niya maipagmalaki ang kanyang sarili. Gaano ka man labis na magsikap o gaano ka pa kapalakaibigan, hindi mo pa rin mababago ang iyong pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan. Siyempre, ang mga gayong kahihinatnan ay ang epekto rin na dala ng pamilya sa pagkakakilanlan ng isang tao. Mayroon ding mga kaayusan ng pamilya na medyo kumplikado. Halimbawa, ang ilang tao ay walang totoong ina kundi isang madrasta lamang, na hindi masyadong mabait o maunawain sa kanila, at hindi nagbigay sa kanila ng labis na pag-aalaga o pagmamahal ng isang ina habang lumalaki sila. Kaya para sa kanila, ang mapabilang sa ganitong pamilya ay epektibong nakapagbibigay sa kanila ng isang partikular na pagkakakilanlan, iyong walang may gusto sa kanila. Sa konteksto ng partikular na pagkakakilanlang ito, lalo silang nalulungkot at pakiramdam nila ay mas mababa ang kanilang katayuan kaysa sa sinumang iba pa. Wala silang nararamdamang kaligayahan, walang pakiramdam ng pag-iral, ni walang layon para mabuhay, at lalo nilang nararamdaman na mas mababa at kapus-palad sila. Mayroong iba pang mga tao na may masalimuot na kaayusan ng pamilya dahil ang kanilang ina, sanhi ng ilang partikular na sitwasyon, ay ilang ulit nang nag-asawa, kaya’t mayroon silang mangilan-ngilan na amain at hindi nila alam kung sino ang tunay nilang ama. Tinutukoy nito kung anong uri ng pagkakakilanlan ang makukuha ng gayong tao sa pagiging parte ng ganitong partikular na pamilya. Magiging mababa sa mga mata ng iba ang kanilang katayuan sa lipunan, at paminsan-minsan ay magkakaroon ng mga taong gagamit sa mga isyung ito o ilang opinyon tungkol sa pamilya para ipahiya ang taong ito, at para siraan at galitin ito. Hindi lamang nito mapapababa ang pagkakakilanlan at katayuan ng tao sa lipunan, kundi mapapahiya rin sila at hindi magagawang harapin ang iba dahil dito. Bilang buod, ang partikular na pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan na namamana ng mga tao mula sa pagiging parte ng isang partikular na pamilya katulad ng mga nabanggit Ko, o ang karaniwang, ordinaryong pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan na namamana ng mga tao mula sa pagiging parte ng isang karaniwang, ordinaryong pamilya, ay isang uri ng bahagyang kirot sa kaibuturan ng kanilang puso. Ito ay parehong isang kadena at isang pasanin, ngunit hindi ito kayang iwaksi ng mga tao, at hindi sila handang iwanan ito. Dahil para sa bawat tao, ang tahanan ng pamilya ay ang lugar kung saan sila ipinanganak at lumaki, at ito rin ay isang lugar na puno ng kabuhayan. Para sa mga taong may pamilyang nagpapapasan sa kanila ng isang hamak at mababang katayuan sa lipunan at pagkakakilanlan, parehong mabuti at masama ang pamilya, dahil sa sikolohikal na aspekto, ang mga tao ay hindi mabubuhay nang walang pamilya, ngunit pagdating sa kanilang mga aktuwal at obhetibong pangangailangan, ang pamilya ay nagdulot sa kanila ng iba’t ibang antas ng kahihiyan, pinipigilan silang makuha ang paggalang at pag-unawa na nararapat nilang makuha mula sa ibang tao at sa lipunan. Kaya para sa pangkat na ito ng populasyon, ang tahanan ng pamilya ay isang lugar na pareho nilang minamahal at kinamumuhian. Ang ganitong uri ng pamilya ay hindi pinahahalagahan o hinahangaan ng sinuman sa lipunan, bagkus ay dinidiskrimina at minamaliit ng iba. Tiyak na dahil dito, ang mga taong ipinanganak sa ganitong uri ng pamilya ay nagmamana rin ng parehong pagkakakilanlan, katayuan, at halaga. Ang kahihiyang nararamdaman nila dahil sa pagiging parte ng pamilyang ito ay kadalasang nakakaapekto sa kanilang pinakamalalim na emosyon, sa kanilang mga pananaw sa mga bagay-bagay, at gayundin sa mga paraan ng kanilang pagharap sa mga bagay-bagay. Hindi maiiwasang lubos itong makakaapekto sa kanilang paghahangad sa katotohanan, at gayundin sa kanilang pagsasagawa ng katotohanan habang hinahangad nila ito. Ito ay tiyak na dahil makakaapekto ang mga bagay na ito sa paghahangad at pagsasagawa ng mga tao sa katotohanan, na anuman ang pagkakakilanlang minana mo sa iyong pamilya, kailangan mong bitiwan ito.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.