Paano Malalaman ang Kataas-taasang Kapangyarihan ng Diyos (Unang Bahagi)
Ang pagkaalam sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay isang napakalalim na aralin. Para makita ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, dapat magkaroon ng espirituwal na pagkaunawa ang isang tao, at dapat na maunawaan din ng isang tao ang maraming katotohanan. Pagdating sa pagkaunawa sa Diyos, madalas ay makitid ang utak ng mga tao at tinitingnan lamang nila kung ano ang nasa harap nila. Lagi nilang hinuhusgahan ang Diyos batay sa mga pananaw nila ukol sa tama at mali, wasto at di-wasto, at itim at puti, o batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at sinasabi nila na mali ang Diyos sa paggawa nito o mali sa paggawa noon. Pero ano ba ang tama? Basta’t ang Diyos ang gumawa sa isang bagay, ito ay tama. Tama ba na lipulin ng Diyos ang mga tao? (Oo.) Iniangat ng Diyos ang isang lahi at ginawa itong maunlad, pero sa tingin mo ay hindi dapat maging maunlad ang lahing ito. Kung gayon, paano ito umunlad? Sinalungat ng mga Hudyo ang Diyos, kaya sa mata ng mga tao, noong nagalit ang Diyos at sinumpa sila, dapat ay nilipol na Niya sila. Subalit iyon ay kuru-kuro at imahinasyon lamang ng tao. Pagkatapos isumpa at parusahan ng Diyos ang mga Hudyo, hinayaan Niya silang makaligtas, at nangako Siya sa kanila na ang pinagmulan nila ay mananatili, na sila ay ikakalat sa ibang mga bansa sa buong mundo, at sa huli ay ipapanumbalik nila ang sarili nilang bansa. Hindi maaaring baguhin ang mga pangako ng Diyos, at kailangan ding matupad ang mga salita ng kaparusahan na binigkas ng Diyos. Napakakamangha-mangha ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung susubukan mong husgahan ang gawain ng Diyos at ang mga bagay na nangyayari sa tao mula sa perspektiba ng tama at mali, at ng wasto at di-wasto, tatanggihan mo ang mga iyon. Iisipin mo na ang mga iyon ay parang hindi gawain ng Diyos at na hindi naaayon ang mga iyon sa iyong mga kuru-kuro at mga imahinasyon, at tatanggihan mo ang mga iyon. Kung tatanggihan mo ang mga iyon, paano mo magagawang magpasakop sa mga iyon bilang ang katotohanan? Magiging imposible ito. Bakit tinatanggihan ng mga tao ang mga ito? Ang sanhi nito ay mga kuru-kuro ng tao, na nangangahulugan na may mga limitasyon sa mga kayang kilalanin ng utak ng tao, at sa kung ano ang kayang makita ng mga tao sa mga gawa ng Diyos, at na may mga limitasyon sa mga katotohanang kayang maintindihan ng mga tao. Paano mo malalampasan ang mga limitasyong ito para tunay mong makilala ang Diyos? Dapat mong tanggapin ang mga bagay mula sa Diyos, at huwag basta-bastang bigyan ng kahulugan ang mga bagay na kinakaharap mo na hindi mo naman nauunawaan, at huwag manghusga nang pikit-mata kung hindi mo kayang lutasin ang ilang problema. Ito dapat ang katwirang pinakataglay ng mga tao. Kung sinasabi mong, “Hindi iyon ang ginagawa ng Diyos, hinding-hindi iyon gagawin ng Diyos!” kung gayon ay kulang ka sa katwiran. Ano ang talagang maiintindihan mo? Kung mangangahas kang manghusga sa ngalan ng Diyos, talagang wala kang katwiran. Hindi naman kikilos ang Diyos nang ganap na katulad sa iniisip mo o sa saklaw ng mga imahinasyon mo. Ang Diyos ay napakadakila, labis na hindi maarok, napakalalim, napakakamangha-mangha, at napakarunong! Bakit Ko idinagdag ang salitang “napaka”? Sapagkat hindi maarok ng mga tao ang Diyos. Isa kang nilikha, kaya huwag mong tangkaing arukin ang Diyos. Sa sandaling wala ka nang ganitong kaisipan, magkakaroon ka ng kaunting katwiran. Huwag mong subukang maglatag ng mga panuntunan para sa Diyos, at kung maiiwasan mo iyong gawin, magkakaroon ka ng katwiran. Maraming tao ang laging naglalatag ng mga panuntunan para sa Diyos at nagsasabing dapat kumilos ang Diyos sa isang partikular na paraan, na siguradong gagawin ito ng Diyos sa paraang ito o siguradong hindi iyon gagawin ng Diyos sa paraang iyon, na ito ay talagang pagkilos ng Diyos, at ang iba pa ay siguradong hindi pagkilos ng Diyos. At paano naman itong idinagdag na salitang “sigurado”? (Wala itong katwiran.) Sinasabi mong napakakahanga-hanga at napakarunong ng Diyos subalit sinasabi mo na hinding-hindi kikilos ang Diyos sa isang partikular na paraan. Hindi ba’t magkasalungat iyon? Hindi iyon totoong pagkakilala sa Diyos. Labis na walang katwiran ang palagiang pagpilit ng mga pananaw ng isang tao at palagiang paglatag ng mga panuntunan para sa Diyos.
Ginagawa ng Diyos ang huling yugtong ito ng gawain, at walang nag-akalang magpapakita Siya at gagawa sa Tsina. Hindi ba’t ang katunayan na hindi mo ito inakala ay dahil sa mga kuru-kuro at imahinasyon sa iyong puso, at mga limitasyon sa iyong pag-iisip? Maaaring inisip mo na posible ito sa Amerika, sa United Kingdom, o sa Israel, pero hindi mo lubos maisip na gagawa ang Diyos sa Tsina. Hindi mo ito maisip. Hindi ito maabot ng mga kuru-kuro at mga imahinasyon ng tao, subalit kasisimula pa lamang ng Diyos sa Kanyang gawain sa Tsina, isinasakatuparan ang Kanyang huli at pinakamahalagang gawain. Salungat na salungat ito sa mga kuru-kuro ng tao. Ano, kung gayon, ang natutuhan mo mula rito? (Na hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao ang gawain ng Diyos, at na ito ay kahanga-hanga at di-maarok.) Ang gawain ng Diyos ay hindi kayang abutin ng mga imahinasyon ng tao, ito ay kahanga-hanga at di-maarok, may karunungan, malalim—ito ay mga salita ng tao na ginagamit upang ilarawan ang lahat ng mayroon at kung ano ang Diyos, ang Kanyang disposisyon at diwa, at itinuturing itong makatwiran. Sa pamamagitan ng paggawa ng Diyos sa mga bagay-bagay na salungat sa mga kuru-kuro ng tao na maibubuod ito ng mga tao gamit ang mga salitang ito—ang gawain ng Diyos ay kahanga-hanga at di-maarok, salungat sa mga kuru-kuro ng tao. Ano pa ang maaaring matutuhan ng mga tao mula rito? Na ang dating mga kuru-kuro at imahinasyon ng sangkatauhan ay napabagsak nang lahat. Kung gayon saan galing ang mga kuru-kurong ito? Mula sa makikita mo, ang Tsina ay dukha at atrasado, taglay ng Partido Komunista ang kapangyarihan, inuusig ang mga Kristiyano, walang kalayaan, walang karapatang pantao, at ang mga Tsino ay mabababa ang pinag-aralan, mabababa ang katayuan sa mundo, at tila sila ang kaawa-awang pinakamahihinang tao sa Silangang Asya. Paanong nagkatawang-tao ang Diyos sa Tsina upang gawin ang Kanyang gawain? Hindi ba’t isa itong kuru-kuro? Ngayon, tingnan mo kung tama o mali ang kuru-kurong ito. (Maling-mali ito.) Una, huwag nating pag-usapan kung bakit gagawa ang Diyos sa ganitong paraan, kung dahil ba ito sa gusto Niyang maging mapagpakumbaba at nakatago, o kung ang paggawa ba sa paraang ito ay may malalim na kahulugan at halaga. Huwag nating pag-usapan ang antas na ito, kundi pag-usapan natin kung sumasalungat ba sa maraming kuru-kuro ng tao ang paggawa ng Diyos sa paraang ito. Talagang oo! Hindi ito maisip ng tao. Misteryo ito ng Langit, at walang nakaaalam. Kahit na tawagin pa ang mga astronomo, heograpo, historyador, at propeta, may makaiintindi ba rito? Walang sinumang makaiintindi nito, kahit na tipunin pa ang lahat ng taong may kakayahan, buhay man o patay, para magsuri at magsiyasat, o mag-obserba at mag-aral gamit ang mga astronomikal na teleskopyo—lahat ng iyon ay walang saysay. Ano ang ibig sabihin nito? Na ang sangkatauhan ay napakawalang halaga, napakamangmang, masyadong kulang sa pang-unawa para maarok ang mga usapin ng Diyos. Kung hindi ka makaarok, huwag ka nang mag-abala pa. Ano ang kalalabasan kung susubukan mo? Ang mga kuru-kuro mo ay hindi katumbas ng katotohanan, at sa katunayan ay malayung-malayo sa kung ano ang nais gawin ng Diyos. Hindi talaga magkapareho ang mga bagay na iyon. Walang silbi ang katiting na kaalaman ng mga tao, hindi nito kayang maunawaan ang anuman o malutas ang anumang problema. Ngayon na nababasa ninyo ang mga salita ng Diyos, at nakakapakinig kayo sa mga sermon at pagbabahagi, mas nakakaunawa na ba kayo nang kaunti sa inyong mga puso? May kaunting kaalaman na ba kayo tungkol sa Diyos? Maaaring sabihin ng isang tao: “Hindi ipinaliliwanag ng Diyos kung ano ang ginagawa Niya sa atin, kung magbibigay man lang sana Siya ng tanda sa kalangitan para maunawaan natin kung ano ang plano Niyang gawin, o magbibigay inspirasyon man lang sa isang propeta para magbigay ng prediksyon.” Hindi mo ito makikita, kahit pa may tanda sa langit, at hindi rin ito makikita ng isang propeta. Nananatiling lihim ang ginagawa ng Diyos sa espirituwal na mundo mula pa noong sinaunang panahon hanggang sa ngayon, at napakasekreto nito na walang makakaalam ni isang tao. Gaano man katalentado ang isang propeta o astronomo, o iskolar, dalubhasa, o siyentipiko sa anumang larangan, mag-aral man sila hangga’t gusto nila, hindi nila maiintindihan ang mga usapin ng Diyos. Maaaring pag-aralan ng mga tao ang mga nakalipas na gawain ng Diyos, at maaaring makapulot sila ng ilang sekreto o kahulugan na maaaring may kinalaman sa kung bakit ito ginawa ng Diyos, pero walang nakaaalam kung ano ang gagawin ng Diyos sa hinaharap, o ang Kanyang mga plano. Dahil dito, hindi dapat isipin ng mga tao na arukin ang Diyos o sa huli ay arukin kung paano Siya gumagawa sa pamamagitan ng obserbasyon at pag-aaral, mahabang pagsisiyasat at karanasan, iba’t ibang klaseng pagsusuri, o ng labis na pagsisigasig at matinding pagsisikap. Imposible ito, at hinding-hindi uubra. Kung gayon, kung hindi maaarok ng tao ang Diyos, ano ang dapat nilang gawin? (Dapat silang magpasakop.) Pinakamakatwiran para sa mga tao na magpasakop, at lubos itong alinsunod sa mga layunin ng Diyos; pagpapasakop ang batayan. Ano ang layunin nito? Ito ay ang mas makilala Siya, makamit ang katotohanan, at matamo ang buhay, batay sa karanasan sa gawain ng Diyos. Ito ang dapat mong makamit, at ang kayamanang dapat mong hangarin. Tungkol naman sa malalaking panlabas na pangyayari, gaya ng mga pandaigdigang usapin, kung paano ginagawa ng Diyos ang mga bagay-bagay at kung paano Niya pinamumunuan ang lahi ng tao—kung mauunawaan mo ang mga bagay na ito, mas mainam iyon. Mainam din kung sasabihin mong: “Wala talaga akong pakialam tungkol sa mga bagay na iyon. Wala akong kahusayan o pag-iisip para doon; may pakialam lamang ako sa kung paano ako binibigyan ng Diyos ng katotohanan at kung paano Niya binabago ang disposisyon ko.” Hangga’t mayroon kang pusong mapagpasakop at may-takot sa Diyos, sa huli ay makakamit mo ang katotohanang mula sa Diyos, pati na rin ang karunungan. Binabago ng katotohanan ang mga disposisyon ng tao; ito ang buhay na dapat hangaring makamit ng mga tao, at ang landas na dapat nilang tahakin. Ano, kung gayon, ang karunungang nakukuha ng mga tao? Nang hindi mo namamalayan, makikita mo ang paraan kung paano ginagawa ng Diyos ang mga bagay-bagay, kung bakit Niya ginagawa ang mga iyon, kung ano ang mga layunin at layon Niya, at kung ano ang mga prinsipyo Niya sa paggawa ng ilang bagay. Mababatid mo ito nang hindi mo namamalayan sa pamamagitan ng proseso ng pagdanas sa katotohanan ng mga salita ng Diyos. Marahil ang mga salitang ito at mga bagay na ito ay napakalalim, at hindi mo ito maipapahayag gamit ang mga salita, pero mararamdaman mo ito sa iyong puso, at magkakaroon ka ng tunay na pagkaunawa kahit na hindi mo ito namamalayan.
Simulan natin sa kasaysayan ni Abraham. Nang nabuhay na siya ng 85 taon pero wala pa ring anak, nangako ang Diyos na bibigyan siya ng anak. Ano ang tugon ng kanyang asawang si Sarah? Inisip niyang: “Matanda na ako at baog. Paano ako magkakaanak?” Hindi ba ito kuru-kuro ng tao? Ginamit niya ang mga kuru-kuro ng tao para sukatin ang gawain ng Diyos, at dahil dito ay nagawa niyang magduda at isipin na imposible ang ganitong bagay. Pagkatapos ay ano ang ginawa niya? Ibinigay niya ang kanyang katulong na si Hagar kay Abraham bilang concubina. Kung ganoon, sabihin mo sa Akin, nakita kaya ng Diyos ang ginawa ni Sarah? Alam ng Diyos. Nang sumunod na taon, nagsilang si Hagar ng isang anak na lalake na pinangalanang Ismael. Nang si Abraham ay 99 na taong gulang, nagpakita at nangako sa kanya ang Diyos na si Jehova na magkakaanak sa kanya si Sarah ng isang anak na lalake noong panahon ding iyon sa susunod na taon, at ang buong lupain ng Canaan ay ibibigay sa kanya at sa kanyang mga inapo bilang walang hanggan nilang pag-aari. Nang sumunod na taon, nagsilang si Sarah ng isang anak na lalake na pinangalanang Isaac. Bilang anak ng maybahay, si Isaac ang tagapagmana samantalang si Ismael, na anak ng isang concubina, ay hindi makakapagmana. Kalaunan, pinaalis sina Hagar at Ismael, at dinala ni Hagar si Ismael sa disyerto, kung saan walang pagkain ni tubig. Sa harap ng kamatayan, nagdasal si Hagar sa Diyos na si Jehova, nagsabing: “Wala nang mapupuntahan. May anak ako, at gusto kong mabuhay.” Nagpadala ng anghel ang Diyos na si Jehova para bigyan sila ng tubig, at nabuhay sila. Kalaunan ay naging tahanan na nila ang disyerto, at nag-ugat na roon at nagkaroon ng maraming inapo—mga tao sa kasalukuyan, gaya ng mga Arabo na nakatira sa Gitnang Silangan. Tingnan mo, may mabuting kalooban ang Diyos sa pagpapahintulot nito. Isa itong pangunahing panlabas na pangyayari, na hindi pinag-aralan ninuman, pero hindi ibig sabihin na wala ang pagkilos ng Diyos—naroon ito. Hindi ito tila isang tao na may ginawa nang palihim na hindi nakita ng Diyos, hindi ganoon. May mabuting kalooban ang Diyos dito. Pinahintulutan at ipinangako ng Diyos na mabubuhay ang angkan ni Ismael upang balansehin ang mundo at magamit kung kakailanganin. Lagi silang nakikipaglaban sa mga Israelita para sa teritoryo, para sa Gaza Strip at Jerusalem. Dapat mong makita ang pagkilos ng Diyos sa bagay na ito. May ginawa ang Diyos na sa paningin ng mga tao ay masama, at inisip nila na siguro ay nagkamali Siya ng kalkula, o hindi naging maingat sa pagbabantay, at sinamantala ng mga tao ang mga butas. Ito ang maaabot at mailalarawan ng karaniwang pag-iisip ng tao. Iniisip ng tao na nakatulog ang Diyos at hindi nabantayan ang mga bagay-bagay, na nagresulta sa pagsilang ni Hagar kay Ismael, at naawa ang Diyos sa kanila at hinayaan silang mabuhay, isinaayos ang paninirahan nila sa disyerto. Ganito ba talaga ang nangyari? (Hindi, hindi ganito.) May plano ang Diyos, at ang pagsilang at pag-iral ng iba’t ibang lahi—ang iba’t ibang etnisidad at kulay ng balat ng sangkatauhan—lahat ay may ginagampanang papel sa pagbalanse ng buong lahi ng tao, at eksakto mong makikita ang papel na ginagampanan nila kapag tiningnan mo ang kalagayan ng mundo. Gawain ba ito ng Diyos? Kinokontrol ng Diyos kung gaano kabilis magparami ang isang lahi, ang pandaigdigang populasyon nito, kung ano ang papel na ginagampanan nito sa mundo at sa buong sangkatauhan, at kung ano ang ginagawa ng mga tao nito, kapwa mabubuti at masasamang bagay. Tungkol sa masasama, naniniwala ang mga tao na ang mga ganitong bagay ay hindi posibleng manggaling sa Diyos, at ang lahat ay gawain ni Satanas. Pero hindi ba’t nasa mga kamay rin ng Diyos si Satanas? Sinasabi ng ilang tao, “Ginagawa ni Satanas ang magustuhan nito, at walang kontrol ang Diyos.” Ito ba ang paliwanag? Ang bagay na ito ay hindi lohikal na maikakatwiran, at maling gawin iyon. May ilang bagay na mukhang masama sa labas, at ang ilan ay mukhang mabuti, ngunit ang lahat ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Hindi mo puwedeng sabihin na may kataas-taasang kapangyarihan lamang ang Diyos sa mabuti at hindi sa masama sapagkat parehong nasa mga kamay ng Diyos ang mga iyon, pinangangasiwaan at kinokontrol Niya, at ang Kanyang mabuting kalooban ay nasa likod ng lahat ng bagay. Ito ang katotohanan, at kung malinaw mo itong nakikita, nauunawaan mo ang katotohanan. Hindi tamang magkaroon ka ng kongklusyon na masama ang mga bagay at sumilip sa lenteng iyon lamang, sapagkat madaling hindi maunawaan at labanan ang Diyos. May mabuting kalooban ang Diyos sa lahat ng ginagawa Niya. Kung ganoon, ano ba ang mabuting kalooban ng Diyos? Ang nakikita lang ng mga tao ay ang mga masasamang bagay na nangyayari sa harapan nila, at hindi nila nakikita kung ano ang mga kahihinatnan ng mga katotohanan makalipas ang sampu o dalawampung taon. Kung ano ang mangyayari isa o dalawang libong taon pagkatapos, anong puwesto ang makakamit nito at anong pangunahing papel ang gagampanan nito sa paghubog ng kalagayan ng mundo at sa buong sangkatauhan—hindi ito nakikita ng mga tao, subalit ito ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang pag-unlad ba ng kalagayan ng mundo at ng buong sangkatauhan ay isang simpleng bagay? Saanman may nangyayaring isang bagay, saanman may nagaganap na malaking pangyayari, o saanman may salot o lindol, ang Diyos ang may kontrol. Maaaring itanong ng ilang di-makatwirang tao, na mga walang pagkaunawa: “Kung kinokontrol ng Diyos ang lahat ng bagay, ang pagpigil sa mga diyablo at ang pagpatay at ang walang awang pang-uusig sa mga taong hinirang ng Diyos ay nasa ilalim din ng Kanyang kontrol? Inudyukan ba ito ng Diyos?” Tama bang tingnan ito sa ganitong paraan? May katwiran ba ito? Nilalagay nito ang Diyos sa negatibong posisyon, at ito ay mali. Kung ganoon, paano mo dapat tingnan ang bagay na ito? Inuudyukan ng Diyos ang lahat ng bagay, at ano ba ang kabilang sa “lahat ng bagay”? Kabilang dito ang lahat ng bagay: anumang makikita ng mata, tulad ng mga kabundukan at ilog, puno, halaman, tao, at iba pa. Kabilang din dito ang napakaliliit na organismong hindi nakikita ng mga mata, gayundin ang mga diyablo, si Satanas, at lahat ng uri ng espiritu at multo ng espirituwal na mundo. Lahat ng ito ay nasa ilalim ng kontrol ng Diyos. Ginagawa nila kung ano ang nais ng Diyos na gawin nila. Hinahayaan Niya silang makalabas tuwing kailangan sila, at ginagawa nila kung ano ang dapat nilang gawin. Ito ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Paano man namamahala at nagsasaayos ang Diyos, makikita mo na naisasagawa ang kalooban ng Diyos sa huli, at bawat isa sa mga salita ng Diyos ay matutupad.
Maaaring ngayon ay hindi makita ng mga tao ang epekto ng isang bagay na ginagawa ng Diyos, o malaman ang adhikain nito, bakit ito ginagawa ng Diyos, o kung ano ang Kanyang layunin. Maaaring hindi pa rin ito makikita pagkatapos ng dalawandaang taon, at hindi pa rin malalaman ng sangkatauhan, pero makukumbinsi matapos ang isang libong taon: “Tamang-tama at kahanga-hanga ang Diyos sa paggawa nito! Ang Diyos ay talagang Diyos!” Matutuklasan ng sangkatauhan na lahat ng ginagawa ng Diyos ay ang katotohanan, at walang anumang kamalian. Halimbawa, ang pagkapako at kamatayan ng Panginoong Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya ay tinitingnan ng mundo noong panahong iyon na isang kabiguan sa yugtong iyon ng gawain. Inakala nila na, “Hindi sinunod ng Panginoong Jesus ang mortal na kapalaran ng kapanganakan, pagtanda, pagkakaroon ng sakit, at kamatayan, pero ipinagkanulo Siya ni Hudas bago pa Siya makagawa ng gawain, dinakip ng mga sundalo, nilatigo, sinuotan ng koronang tinik, kinutya, at sa huli ay ipinako sa krus. Hindi ba’t kabiguan ito?” Kabiguan ba ang pagkapako sa krus? Ipinagkanulo ni Hudas ang Panginoong Jesus sa gobyerno, ngunit ano ba ang kinakatawan ng gobyerno? Kinakatawan nito ang puwersa ni Satanas. Mabuti ba o masama na inihatid si Cristo sa mga kamay ni Satanas? (Mukhang masama ito kung ayon lamang sa nakikita.) Inakala ng mga tao, “Naku! Inabala ng diyablo ang gawain ng Diyos. Hindi ito mabuti, masamang tanda ito, dahil hindi nagbantay ang Diyos, at hindi Siya ganoon kalakas! Paano pa rin nagawang ipagkanulo at dalhin ang nagkatawang-taong Cristo sa mga kamay ng mga namumuno? Hindi ba’t malinaw na ipinaubaya na lang iyon sa kapamahalaan ni Satanas? Dapat na mabilis na makahanap ang Panginoong Jesus ng paraan para makatakas, kung hindi, hindi ba’t matatapos ang gawaing ito? Mayroon pa ring ministeryo si Cristo.” Hindi ba’t ganito ang iisipin ng mga tao? Kaya sinabi ni Pedro, “Panginoon, malayo ito sa Iyo: hindi ito mangyayari sa Iyo” (Mateo 16:22), at lumabas na nga ang mga kuru-kuro ng tao. Inisip nila, “Hindi posibleng madala ang Diyos sa mga kamay ng mga namumuno, kung ganoon nga, hindi Siya Diyos.” Hindi ba’t isang kuru-kuro ito ng tao? Dahil lamang sa mayroon silang ganitong uri ng kuru-kuro na nasasabi ng mga tao ang ganitong bagay-bagay, kumikilos o gumagawi sa ganoong paraan, at hinahadlangan ang pagsasakatuparan ng kalooban ng Diyos. Ano ang sinabi ni Jesus kay Pedro? “Lumagay ka sa likuran Ko, Satanas” (Mateo 16:23). Itinuring ng Panginoong Jesus si Pedro bilang si Satanas. Sa huli, dinala ang Panginoong Jesus sa mga kamay ni Satanas, at ang mga taong iyon ay naging mga gamit-panserbisyo upang maisakatuparan ang gawain ng pagpapako sa krus ng Panginoong Jesus. Mabuti ba o masamang bagay na madala ang Panginoong Jesus sa mga kamay ni Satanas? (Isang mabuting bagay.) Kung titingnan ito sa ganitong paraan, mabuting bagay ito, hindi masama, sapagkat natupad ang gawain ng Diyos sa pamamagitan ng pamamaraang ito. May ginawa ba ang Diyos mula sa pagkakanulo ni Hudas hanggang sa maipako sa krus ang Panginoong Jesus? Nagplano ba Siyang tumakas, o may dumating ba para iligtas Siya? (Wala.) Nag-isip ba ang Diyos ng paraan para magpakita ng isang himala, iakyat ang Panginoong Jesus diretso sa langit at itago Siya sa likod ng mga ulap kung saan walang makakakita sa Kanya? Napakamaluwalhati, napakadakilang pag-akyat sa langit! Pero walang nakakita sa mga bagay na ito, dahil hindi ito ginawa ng Diyos. Ang hindi ba paggawa nito ng Diyos ay nagpapatunay na hindi Niya kaya? Magagawa ba ito ng Diyos? (Oo, kaya Niya.) Kung ganoon, bakit hindi Niya ginawa? (Naroon ang mabuting kalooban ng Diyos, at mayroon Siyang plano.) Ano ang plano ng Diyos? Iyon ay ang isuko ang Sarili Niya kay Satanas, at pagkatapos ay halinhan ang mga makasalanan sa krus, isinakripisyo Niya ang Kanyang Sarili upang tubusin ang sangkatauhan. Ito ang nais gawin ng Diyos; hindi Niya ginagawa ang mga bagay na iniisip ng mga tao sa kanilang mga kuru-kuro. Iniisip ng maraming tao, “Dapat nagpadala ng mas maraming kidlat ang Diyos para tamaan ang lahat niyong masamang tao na lumaban sa Kanya at, pagkatapos silang patamaan, aakyat na sa langit ang Panginoong Jesus. Magiging maluwalhati at kahanga-hanga iyon, at ibubunyag nito ang awtoridad ng Diyos! Hayaan ang lahat ng mga diyablo at Satanas na ito, at ang mga taong ito na makita ang kahihinatnan ng pagpapako sa Diyos, pagkatapos ay hindi na sila mangangahas sa hinaharap, tama ba?” Maaaring hindi mangahas lumaban ang mga tao, pero hindi ba ito hadlang kapag hindi natupad ang gawain ng Diyos? Laging ginagambala ng mga kuru-kuro ng tao ang gawain ng Diyos, kaya hindi Siya gumagawa sa ganoong paraan. May ilang taong tunay na nananampalataya sa Panginoong Jesus dahil ipinako Siya para gawin ang gawain ng pagtubos, pero sinasabi rin nila nang may mabuting intensyon na, “Hindi dapat ipinako ang Panginoong Jesus. Hindi madaling magkatawang-tao, at kinailangan Niyang gumawa nang may kababaang-loob at nang patago, maranasan ang pagtalikod ng mga tao at paninirang-puri ng mga eskriba at Pariseo. Lubhang kaawa-awa ito. Dapat ay iniwasan Niya ang pagkapako sa krus, hindi ibinaba ang sarili Niya Mismo sa antas na iyon, hindi na iyon kailangan.” Tama bang tingnan ito ng tao nang ganito? (Hindi, hindi ito tama.) Kung titingnan ito ngayon, matapos ang dalawang libong taon, ang ganitong pag-iisip ay mali. May katotohanan ba sa isip ng tao? (Wala.) Kung gayon, ano ang nasa isip ng mga tao? Lahat ay pawang mga imahinasyon at kuru-kuro ng tao, pati na rin ang mga mabubuting intensyon, damdamin, habag, at pagkamakasarili. Matutupad ba ng mga ito ang gawain ng Diyos? Maisasagawa ba ng mga ito ang Kanyang kalooban? Hindi ito magagawa, kaya ito ang mga salita ng Panginoong Jesus, “Lumagay ka sa likuran Ko, Satanas.” Gusto ng Diyos na ihatid nang personal ang sarili Niya sa mga kamay ni Satanas, hayaang si Satanas mismo ang magpapako kay Cristo, at sa pamamagitan ng pagpako sa krus ay maisasakatuparan ang gawaing pagtubos. Hindi nagpakita ng anumang himala ang Diyos. Sinabi na ng Diyos nang ilang beses, “Nananatiling tahimik ang Diyos.” Ano ang ibig sabihin nito? Nangangahulugan ba itong hindi nakikita ng Diyos, hindi Siya nagmamalasakit, hindi nakikinig, hindi nagsasalita, at nananatiling ganap na tahimik? (Hindi, hindi ganoon.) Kung gayon, ano ang ibig sabihin ng “nananatiling tahimik”? Naglalaman ito ng layunin, karunungan, at disposisyon ng Diyos. Ano ang disposisyon ng Diyos na nabunyag sa pananatiling tahimik Niya? Mayroong karunungan ng Diyos dito. Gusto Niyang kumpletuhin ang Kanyang gawain ng pamamahala. Gaano man karami ang mga kuru-kuro o imahinasyon ng mga tao, iniiwasan Niya muna ang mga ito nang hindi nag-aalok ng paliwanag, subalit tahimik at praktikal Siyang gumagawa hanggang sa dumating ang araw na ang Kanyang mga hinirang na tao ay nakakaunawa na sa katotohanan at kayang magpasakop sa Kanya, naisagawa na ang Kanyang kalooban at kumpleto na ang Kanyang gawain sa kanila, at ganap na Niyang natalo si Satanas at nakamit na ang kaluwalhatian. Ginagamit Niya ang mga katunayan at resultang ito bilang katibayan para makita ng buong sangkatauhan, katibayan para makita ni Satanas—ito ang disposisyon at layunin ng Diyos na nabunyag sa pananahimik Niya. Anong disposisyon ito ng Diyos? Ipinakikita ba nito ang pagtitiis ng Diyos? (Ipinakikita nito.) Bakit nagtitiis ang Diyos sa panahong ito? Bakit Siya nananahimik? Narito ang karunungan ng Diyos. May ilang bagay na misteryo na walang nilikha, di-nilikha, o anghel, ang pinahihintulutang makaunawa o makaintindi. Ito ang karunungan ng Diyos. Hindi makakapagsalita ang Diyos nang wala sa panahon, at mayroon bang pakinabang sa pagbigkas Niya ng kahit isa pang salita? Walang pakinabang, sapagkat hindi naman nila mauunawaan. Kung nakipag-usap Siya sa isang tao, mauunawaan ba nito? (Hindi nito mauunawaan.) Kung ganoon, walang pakinabang ang pagsasalita. Mauunawaan kaya ng mga tao kung, dalawang libong taon na ang nakararaan, sinabi ng Diyos sa sangkatauhan na, “Gusto Kong maipako, ihandog ang Aking mahalagang dugo upang tubusin ang sangkatauhan sa wangis ng isang makasalanang laman”? (Hindi nila mauunawaan.) Ano lang ang mga sinalita ng Diyos? Sinabi Niya, “Mangagsisi kayo: sapagkat malapit na ang kaharian ng langit,” at ipinasagawa sa mga tao ang pagtitiis at pagpaparaya. May sinabi pa ba ang Diyos sa tao? (Hindi, wala na.) Bakit wala na Siyang sinabi? (Hindi mauunawaan ng tao.) Walang paraan para maunawaan ng sangkatauhan. Ito ang dahilan kung bakit napilitan ang Diyos na ibunyag ang Kanyang disposisyon at mga kaisipan sa katahimikan. Kahit na makipag-usap pa ang Diyos sa anumang nilikha o di-nilikha, hindi nila mauunawaan. Kaya, magagamit lamang Niya ang Kanyang mga gawa at katunayan para patunayan sa sangkatauhan at isakatuparan ang Kanyang kalooban. Ngayon lamang, matapos ang dalawang libong taon, inilantad ng Diyos ang mga bagay na ito habang ginagawa Niya ang gawain ng paghatol sa mga huling araw; nililingon ng mga tao ang mga pangyayari dalawang libong taon na ang nakararaan at ngayon lamang nauunawaan ang kahulugan ng pagkapako ng Panginoong Jesus noon. Tungkol sa dahilan ng pagkapako ng Diyos, paghahatid ng Kanyang sarili kay Satanas, pagkakanulo ni Hudas sa mga sitwasyong iyon at, pagkatapos ng pagkakanulo, nagdusa nang matindi ang Panginoong Jesus, sinaid ang huling patak ng dugo upang tuparin ang kalooban ng Diyos, bakit ito ginawa ng Diyos, at ang kahulugan nito—binibigkas lamang ng Diyos ang tungkol dito kapag nagpapatotoo Siya sa pagkakatawang-tao habang nagpapakita at gumagawa Siya sa mga huling araw at, dagdag pa rito, isinisiwalat Niya ang maraming misteryo gaya ng kalooban at pamamahala ng Diyos. Ngayong nakita na ng mga tao ang koneksyon ng tatlong yugto ng gawain, alam na nila sa wakas ang pangitain ukol sa plano ng pamamahala ng Diyos, at nauunawaan na nila ang mga katotohanang ito at ang mga mabuting layunin ng Diyos. Kung napaaga nang isanlibong taon ang pagsabi ng Diyos sa sangkatauhan, maiintindihan kaya ng mga tao? (Hindi nila maiintindihan.) Dahil dito, madalas na ginagawa ng Diyos ang lahat ng bagay habang nananatiling tahimik. Ano ang dahilan ng pananahimik na ito? Dahil ang gawaing ginagawa ng Diyos ay napakarunong, napakakahanga-hanga, at napakalalim—kung maagang nagsalita ang Diyos, anupaman ang nasabi, hindi maiintindihan o mauunawaan ng mga tao. Kaya nakapagpatuloy lamang ang Diyos nang tahimik, laging nagsasalita upang gawin ang Kanyang gawain at pamunuan ang sangkatauhan. Tama na sumunod ang mga tao sa Diyos, at habang mas malayo ang nararating mas lalo itong nagiging maliwanag. Hindi ka ililigaw ng Diyos, at kahit na dalhin ka Niya kay Satanas, responsabilidad pa rin ito ng Diyos sa huli. Dapat kang magkaroon ng ganitong pananalig, at ito ang saloobing dapat na taglay ng mga nilikha tungo sa Diyos. Kung masasabi mong, “Kahit na dalhin ako ng Diyos kay Satanas bilang isang laruan, Siya ay Diyos pa rin, at hindi ko mababago ang aking puso na sumusunod sa Kanya, hindi ko mababago ang pananalig ko sa Kanya,” ito, kung gayon, ay isang tunay na pananampalataya sa Diyos.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.