Mga Salita sa Kung Paano Danasin ang mga Pagkabigo, Pagbagsak, Pagsubok, at Pagpipino (Sipi 62)

Nasabi na “ang sumusunod hanggang wakas ay maliligtas,” ngunit madali ba itong isagawa? Hindi, at marami sa tinutugis at inuusig ng malaking pulang dragon ang lubhang nakikimi at natatakot na sumunod sa Diyos. Bakit sila nabigo? Dahil wala silang tunay na pananampalataya. Ang ilang tao ay kayang tanggapin ang katotohanan, manalangin sa Diyos, umasa sa Diyos, at manindigan sa mga pagsubok at kapighatian, habang ang iba ay hindi makasunod hanggang wakas. Balang araw sa panahon ng mga pagsubok at kapighatian, mabibigo sila, mawawala ang kanilang patotoo, at hindi sila makakabangon at makakapagpatuloy. Lahat ng bagay na dumarating sa bawat araw, malaki man o maliit, na kayang yumanig sa iyong pagpapasya, sakupin ang iyong puso, o pigilan ang iyong kakayahang gawin ang iyong tungkulin at ang iyong pasulong na pag-unlad ay nangangailangan ng masigasig na pakikitungo; dapat mong siyasating mabuti ang mga ito at hanapin ang katotohanan. Lahat ng ito ay mga problemang dapat malutas habang nararanasan mo. Ang ilang tao ay nagiging negatibo, nagrereklamo, at nagbibitiw sa kanilang mga tungkulin kapag nahaharap sila sa mga suliranin, at hindi nila nagagawang tumayong muli matapos ang bawat dagok. Lahat ng taong ito ay mga hangal na hindi nagmamahal sa katotohanan, at hindi nila ito makakamtan kahit pa buong buhay silang manampalataya. Paano makasusunod hanggang katapusan ang mga hangal na ito? Kung sampung beses nangyari sa iyo ang isang bagay, ngunit wala kang nakamtan mula rito, isa kang mababang uri at walang silbing tao. Ang mga matatalinong tao at ang mga may totoong kakayahan na mayroong espirituwal na pang-unawa ay mga naghahanap ng katotohanan; kung may mangyari man sa kanila nang sampung beses, marahil sa walo sa mga kasong iyon, magagawa nilang magkamit ng kaunting kaliwanagan, matuto ng kaunting aral, makaunawa ng kaunting katotohanan, at makagawa ng kaunting pagsulong. Kapag ang mga bagay ay sampung beses na nangyayari sa isang hangal—isang tao na walang espirituwal na pang-unawa—ni isang beses ay hindi makikinabang ang buhay niya, ni isang beses ay hindi siya babaguhin nito, at ni isang beses ay hindi ito magiging sanhi na malaman niya ang kanyang pangit na mukha, sa gayon ay katapusan na para sa kanya. Sa tuwing may nangyayari sa kanila, natutumba sila, at sa tuwing natutumba sila, kailangan nila ang iba upang alalayan sila at himukin; kung walang pag-alalay at paghimok, hindi sila makatatayo, at, sa tuwing may nangyayari, nanganganib silang matumba at mapasama. Hindi ba’t ito ang katapusan para sa kanila? May iba pa bang katwiran upang maligtas ang mga ganoong tao na walang silbi? Ang pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan ay pagliligtas sa mga nagmamahal sa katotohanan, pagliligtas sa bahagi nila na may kalooban at kapasyahan, at sa bahagi nila na nananabik sa katotohanan at katarungan sa kanilang puso. Ang kapasyahan ng isang tao ay ang bahagi nila sa kanilang puso na nananabik sa katarungan, kabutihan, at katotohanan, at nagtataglay ng konsensiya. Inililigtas ng Diyos ang bahaging ito ng mga tao, at sa pamamagitan nito, binabago Niya ang kanilang tiwaling disposisyon, upang maunawaan at makamit nila ang katotohanan, upang malinis ang kanilang katiwalian, at mabago ang kanilang disposisyon sa buhay. Kung wala sa loob mo ang mga bagay na ito, hindi ka maliligtas. Kung sa loob mo ay walang pagmamahal sa katotohanan o pagnanais para sa katarungan at liwanag; kung sa tuwing makakatagpo ka ng masasamang bagay ay wala kang hangaring itakwil ang mga ito ni kapasyahang dumanas ng paghihirap; kung, bukod dito, manhid ang iyong konsensiya; kung ang iyong kakayahang tumanggap sa katotohanan ay namanhid din, at hindi ka mapang-unawa sa katotohanan o sa mga pangyayaring dumarating; at kung sa lahat ng bagay ay hindi ka nakakakilatis, at sa harap ng anumang dumarating sa iyo, hindi mo nagagawang hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga problema at palagi kang negatibo, walang paraan upang maligtas ka. Ang ganitong tao ay walang anumang mairerekomenda sa kanila, walang anuman na karapat-dapat sa paggawa ng Diyos. Ang kanilang konsensiya ay manhid, ang kanilang isip ay magulo, at hindi nila minamahal ang katotohanan, ni nananabik para sa katarungan sa kaibuturan ng kanilang puso, at gaano man kaliwanag o kalinaw ang paghahayag ng Diyos ng katotohanan, wala sila ni katiting na reaksyon; na para bang patay na ang kanilang puso. Hindi pa ba huli ang lahat para sa kanila? Ang isang taong may natitira pang hininga ay maaari pang mailigtas sa pamamagitan ng artipisyal na paghinga, ngunit, kung siya ay pumanaw na at lumisan na ang kanyang kaluluwa, walang magagawa ang artipisyal na paghinga. Kung, kapag naharap sa mga problema at paghihirap, umuurong ang isang tao at umiiwas sa mga ito, hindi niya talaga hinahanap ang katotohanan, at pinipili niyang maging negatibo at pabaya sa kanyang gawain, pagkatapos ay nabubunyag kung sino talaga siya. Ang gayong mga tao ay wala talagang patotoong batay sa karanasan. Mga mapagsamantala lang sila, pabigat, walang silbi sa sambahayan ng Diyos, at tiyak na mapapahamak. Ang mga naghahanap lang sa katotohanan para lutasin ang mga problema ang mga taong may tayog, at sila lang ang may kakayahang manindigan sa patotoo. Kapag nahaharap ka sa mga problema at paghihirap, dapat mong harapin ang mga iyon nang kalmado, at tumugon sa mga iyon sa tamang paraan, at dapat kang pumili. Dapat mong matutunang gamitin ang katotohanan para lutasin ang mga problema. Malalim man o mababaw ang mga katotohanang karaniwan mong nauunawaan, dapat mong gamitin ang mga iyon. Ang mga katotohanan ay hindi lang mga salitang lumalabas sa bibig mo kapag may nangyayari sa iyo, ni hindi ginagamit ang mga ito para lang lutasin ang mga problema ng iba; sa halip, dapat gamitin ang mga ito para lutasin ang mga problema at suliraning mayroon ka. Iyon ang pinakamahalaga. At kapag nalutas mo ang sarili mong mga problema, saka mo lang malulutas ang sa iba. Bakit sinasabing si Pedro ay isang bunga? Sapagkat may mahahalagang bagay na nasa kanya, mga bagay na sulit gawing perpekto. Hinanap niya ang katotohanan sa lahat ng bagay, may paninindigan, at matatag ang kalooban; siya ay may katwiran, nakahandang dumanas ng paghihirap, at minahal ang katotohanan sa kanyang puso; hindi niya kinalimutan ang nakalipas, at natuto siya ng mga aral mula sa lahat ng bagay. Lahat ng ito ay magagandang katangian. Kung wala ka ng ganitong magagandang katangian, problema iyan. Hindi magiging madali para sa iyo na matamo ang katotohanan at maligtas. Kung hindi mo alam kung paano makaranas o wala kang karanasan, hindi mo malulutas ang mga paghihirap ng ibang mga tao. Dahil hindi mo kayang isagawa at danasin ang mga salita ng Diyos, wala kang ideya kung ano ang gagawin kapag may nangyayari sa iyo, nagagalit ka at napapaluha kapag nahaharap ka sa mga problema, nagiging negatibo ka at tumatakbo kapag dumaranas ka ng kaunting dagok, at hindi mo kayang tumugon sa tamang paraan. Dahil dito, imposible para sa iyo na magkamit ng buhay pagpasok. Paano mo matutustusan ang iba kung wala kang buhay pagpasok? Para matustusan ang buhay ng mga tao, dapat mong ibahagi nang malinaw ang katotohanan at maibahagi nang malinaw ang mga prinsipyo ng pagsasagawa upang malutas ang mga problema. Para sa isang taong may puso at espiritu, kailangan mo lang magsalita nang kaunti, at maiintindihan na niya iyon. Pero hindi sapat ang pag-unawa lang sa kaunting katotohanan. Dapat din silang magkaroon ng landas at mga prinsipyo ng pagsasagawa. Ito lang ang makakatulong sa kanila na isagawa ang katotohanan. Kahit na ang mga tao ay mayroong espirituwal na pang-unawa, at ilang salita lang ang kailangan para maunawaan nila ang mga iyon, kung hindi nila isinasagawa ang katotohanan, walang buhay pagpasok. Kung hindi nila kayang tanggapin ang katotohanan, katapusan na ng lahat sa kanila, at hindi sila makakapasok kailanman sa mga katotohanang realidad. Maaari mong hawakan ang kamay ng ilang tao habang tinuturuan mo sila, at tila makakaunawa sila sa oras na iyon, pero kapag bumitaw ka na, nalilito silang muli. Hindi ito isang taong mayroong espirituwal na pang-unawa. Kung, anumang mga problema ang nakakaharap mo, negatibo ka at mahina, wala ka talagang patotoo, at hindi ka nakikipagtulungan sa kung anong dapat mong gawin at sa kung anong dapat mong ipakipagtulungan, nagpapatunay ito na wala ang Diyos sa puso mo, at hindi ka isang taong nagmamahal sa katotohanan. Huwag nang isipin kung paano inaantig ng gawain ng Banal na Espiritu ang mga tao, sa pagdanas lang ng gawain ng Diyos sa loob ng maraming taon, pakikinig sa napakaraming katotohanan, pagkakaroon ng kaunting konsensiya, at pag-asa sa pagpipigil sa sarili, dapat ay matugunan man lang ng mga tao ang pinakamabababang pamantayan at hindi sila usigin ng kanilang konsensiya. Hindi dapat maging manhid at mahina ang mga tao na tulad ngayon, at mahirap talagang isipin na nasa ganitong kalagayan sila. Marahil ay namuhay kayo nitong huling ilang taon nang wala sa huwisyo, nang hindi hinahangad ni paano man ang katotohanan o hindi talaga umuunlad. Kung hindi ganito ang sitwasyon, paanong manhid ka pa rin at matamlay? Kapag ganito ka, ito ay dahil lang sa sarili mong kahangalan at kamangmangan, at hindi mo masisisi ang sinumang iba pa. Hindi itinatangi ng katotohanan ang ilang tao kaysa sa iba. Kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan, at hindi mo hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga problema, paano ka magbabago? Pakiramdam ng ilang tao ay napakababa ng kanilang kakayahan at wala silang kakayahang makaunawa, kaya nililimitahan nila ang kanilang sarili, at nadarama nila na gaano man nila hangarin ang katotohanan, hindi nila matutugunan ang mga hinihingi ng Diyos. Iniisip nila na gaano man sila magsumikap, walang saysay iyon, at iyon lang iyon, kaya lagi silang negatibo, at dahil dito, kahit pagkaraan ng maraming taong paniniwala sa Diyos, wala pa silang natatamong anumang katotohanan. Kung sinasabi mo, nang hindi ka nagsusumikap na hangarin ang katotohanan, na napakahina ng iyong kakayahan, sinusukuan ang sarili mo, at lagi kang namumuhay sa negatibong kalagayan, at dahil dito, hindi mo nauunawaan ang katotohanang dapat mong maunawaan o isinasagawa ang katotohanan nang ayon sa iyong kakayahan—hindi ba’t ikaw ang humahadlang sa sarili mo? Kung lagi mong sinasabi na hindi sapat ang iyong kakayahan, hindi ba’t pag-iwas at pagpapabaya ito sa responsabilidad? Kung kaya mong magdusa, magbayad ng halaga, at matamo ang gawain ng Banal na Espiritu, tiyak na mauunawaan mo ang ilang katotohanan at makakapasok ka sa ilang realidad. Kung hindi ka humihingi ng tulong o umaasa sa Diyos, at sinusukuan mo ang sarili mo nang hindi ka nagsisikap kahit paano o nagbabayad ng halaga, at sumusuko ka na lang, ikaw ay isang walang silbi, at wala ka ni katiting na konsensiya at katwiran. Mahina man o mahusay ang iyong kakayahan, kung mayroon ka mang kaunting konsensiya at katwiran, dapat mong tapusin nang wasto ang dapat mong gawin at ang iyong misyon; ang pagtakas ay isang mahirap na bagay at isang pagtataksil sa Diyos. Hindi na ito maitatama pa. Ang paghahangad sa katotohanan ay nangangailangan ng matatag na kalooban, at ang mga taong masyadong negatibo o mahina ay walang magagawa. Hindi nila magagawang manalig sa Diyos hanggang wakas, at, kung nais nilang matamo ang katotohanan at magkamit ng pagbabago ng disposisyon, mas maliit pa rin ang pag-asa nila. Yaon lamang mga may matibay na pagpapasya at naghahangad sa katotohanan ang magtatamo nito at magagawang perpekto ng Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.