Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (9) Ikaapat na Seksiyon
Paano Tumpak na Ipagbigay-alam at Ipatupad ang mga Pagsasaayos ng Gawain
I. Paano Ipagbigay-alam ang mga Pagsasaayos ng Gawain
Ang 10 aytem na ito ng mga pagsasaayos ng gawain ay ang saklaw at nilalaman ng lahat ng iba’t ibang gawain na ginagampanan ng Diyos sa iglesia at sa hinirang na mga tao ng Diyos. Ang pag-unawa sa nilalaman at saklaw ng gawaing ito ay nakakatulong sa hinirang na mga tao ng Diyos na pangasiwaan ang mga lider at manggagawa sa paggawa nang maayos sa gawaing ito. Sa kabilang banda, ito ay pangunahing tumutulong sa mga lider at manggagawa na maunawaan at maarok ang saklaw ng kanilang mga responsabilidad, at ang gawaing dapat nilang ginagawa at ang mga responsabilidad na dapat nilang tinutupad, at na magkaroon ng tumpak na depinisyon sa titulong “mga lider at manggagawa.” Ano ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa? Anong wangis ang dapat nilang isabuhay? Dapat ba silang maging katulad ng mga opisyal ng isang estado ng gobyerno? (Hindi.) Ang “mga lider at manggagawa” ay hindi isang opisyal na posisyon o titulo. Dapat maunawaan ng isang tao kung ano ang mga lider o manggagawa mula sa mga tungkuling ginagawa ng mga lider at manggagawa, at mula sa atas na ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanila, at sa mga pamantayang hinihingi Niya sa kanila. Sa ganitong paraan, magkakaroon ng medyo kongkretong pagkaunawa ang isang tao tungkol sa designasyon ng “mga lider at manggagawa,” at magiging mas malinaw sa kanya ang depinisyon ng mga lider at manggagawa. Anong mga responsabilidad ang dapat tuparin ng mga lider at manggagawa sa pinakamababa? Dapat tumpak nilang ipagbigay-alam, iatas, at ipatupad ang bawat pagsasaayos ng gawain nang ayon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos, tulad ng binanggit sa ikasiyam na aytem. Anuman ang aspektong nauugnay sa pagsasaayos ng gawain, basta’t ipinagbigay-alam ito sa pamamagitan ng mga lider at manggagawa, ang kailangan nilang gawin ay ipagbigay-alam ang pagsasaayos ng gawain sa mga iglesia nang walang pagkaantala at walang tigil, matapos silang magkaroon ng ganap na tumpak na pagkaunawa rito. Tungkol naman sa kung kanino dapat ipagbigay-alam ang mga pagsasaayos ng gawain, kung hinihingi ng sambahayan ng Diyos na ipagbigay-alam ang pagsasaayos ng gawain sa lahat ng antas ng mga lider at manggagawa, kabilang na ang mga tao sa antas ng mga mangangaral, mga lider ng iglesia, at mga diyakono ng iglesia, dapat ipagbigay-alam ang mga ito hanggang umabot sa mga tao sa antas na ito, at iyon na iyon; kung kinakailangang ipagbigay-alam ang mga pagsasaayos ng gawain sa bawat kapatid, kailangang ipagbigay-alam ang mga ito sa bawat kapatid nang mahigpit na naaayon sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Kung dahil sa kapaligiran ay hindi madali na ipagbigay-alam ang mga pagsasaayos ng gawain nang nakasulat, at ang paggawa nito ay magdudulot ng mga panganib sa seguridad o mas malalaking problema, ang mahalaga at pangunahing nilalaman ng mga pagsasaayos ng gawain ay dapat tumpak na maipagbigay-alam sa bawat tao nang pasalita. Kaya, paano ito dapat gawin para masabing naipagbigay-alam na ang mga pagsasaayos ng gawain? Kung ipinagbibigay-alam ang mga pagsasaayos ng gawain nang nakasulat, kailangang makumpirma na natanggap ng lahat ang mga ito, na alam ng lahat ang mga ito, at na sineseryoso ng lahat ang mga ito; kung ipinagbibigay-alam ang mga ito nang pasalita, sa sandaling naipagbigay-alam na ang mga ito, kailangang paulit-ulit na tanungin ang mga tao kung nauunawaan ba nila nang malinaw ang mga ito at kung naaalala nila ang mga ito, at maaari pang hilingin sa kanila na sabihin ulit ang mga pagsasaayos ng gawain—sa ganitong paraan lamang maituturing na tunay na naipagbigay-alam ang mga pagsasaayos ng gawain. Kung kaya ng mga tao na ulitin at malinaw na isalaysay kung ano ang mga hinihinging prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, at kung ano ang partikular na nilalaman, pinatutunayan nito na naipagbigay-alam na sa kanilang isipan ang mga pagsasaayos ng gawain, na natatandaan nila ang mga ito, at nauunawaan nang malinaw ang mga ito. Saka lang maituturing na tunay nang naipagbigay-alam ang mga pagsasaayos ng gawain. Kung ang mga kalagayan, kapaligiran at iba pang gayong salik ay pawang naaangkop sa pagbibigay-alam sa mga pagsasaayos ng gawain nang nakasulat, tiyak na dapat ipagbigay-alam ang mga ito nang nakasulat; kung ang mga ito ay hindi maaaring maipagbigay-alam nang nakasulat dahil hindi ito pinahihintulutan ng kapaligiran at sa halip ay dapat itong ipagbigay-alam nang pasalita, dapat makumpirma na ang ipinagbibigay-alam nang pasalita ay pareho sa mga pagsasaayos ng gawain, na ang mga ito ay hindi baluktot, at walang idinagdag na sariling pagkaunawa sa mga ito, at ang orihinal na teksto ang ipinagbibigay-alam—sa ganitong paraan lamang maituturing na tunay at tumpak na naipagbigay-alam ang mga pagsasaayos ng gawain. Ang mga pagsasaayos ng gawain ay dapat ipagbigay-alam nang ganap na naaayon sa mga partikular na pagkakasulat ng mga ito; ang mga ito ay hindi dapat ipagbigay-alam sa iresponsableng paraan o nang may mga baluktot o kakatwang pagpapakahulugan batay sa mga personal na pang-unawa at imahinasyon ng mga tao. Pagdating sa tumpak na pagbibigay-alam tungkol sa mga ito, dapat maunawaan ng mga tao ang antas ng kahigpitan para sa pagbibigay-alam ng mga pagsasaayos ng gawain; ibig sabihin, ang pagbibigay-alam tungkol sa mga ito ay kailangang gawin nang tumpak. Sinasabi ng ilang tao, “Kailangan ba naming ipagbigay-alam ang mga ito nang eksakto?” Hindi, hindi naman kinakailangan iyon. Ang pagiging eksakto ay hinihingi sa mga makina; kung maipagbibigay-alam lamang ito nang tumpak ng mga tao, maayos na iyon. Halimbawa, patungkol sa buhay iglesia, hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos sa hinirang na mga tao ng Diyos na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos sa pagkilala sa Diyos—madali bang ipagbigay-alam ito? (Oo.) Ang mga pagsasaayos ng gawain ay nagbibigay sa mga tao ng isang saklaw at maaari nilang basahin ang lahat ng nauugnay na salita ng Diyos. Gayumpaman, kung magkakamali ng interpretasyon ang isang tao sa mga pagsasaayos ng gawain, idinadagdag ang personal niyang pagkaunawa, mga kuru-kuro, at mga imahinasyon, at ipinagbibigay-alam ang ilang karagdagang salita, hindi ba’t nangangahulugan ito na lumihis siya sa mga pagsasaayos ng gawain? Tumpak ba niyang ipinagbibigay-alam ang mga pagsasaayos ng gawain? (Hindi.) Ipinagbibigay-alam niya ang mga pagsasaayos ng gawain nang may sarili niyang mga karagdagan—ito ay pawang walang katuturan. Dapat basahin ng isang tao ang bawat pagsasaayos ng gawain na nagmumula sa ang Itaas nang ilang beses at maging malinaw sa tamang kahulugan nito, ang kahalagahan ng pag-aatas ng pagsasaayos na ito ng gawain, at kung anong mga resulta ang nilalayon nitong makamit, at pagkatapos ay alamin ang wastong paraan ng pagsasagawa sa mga partikular na aytem ng gawain na isinaayos ng ang Itaas, iniiwasan na makagawa ng anumang pagkakamali. Ang pagbibigay-alam tungkol sa pagsasaayos ng gawain pagkatapos mapagbahaginan at maunawaan ang mga bagay na ito ay ganap na tumpak. Ang unang kailangang gawin ay ang ipadala ang mga pagsasaayos ng gawain mula sa mga lider at manggagawa sa mga pastoral na lugar papunta sa lahat ng ibang antas ng mga lider at manggagawa, na siya namang magpapadala sa mga ito, sa wakas, sa superbisor ng bawat grupo sa bawat iglesia. Pagkatapos, kailangang pagbahaginan nang ilang beses sa mga pagtitipon ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos upang maunawaan ng lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos ang mga ito at malaman nila kung paano isagawa ang mga ito—kapag nakamit na ang ganitong resulta, saka lang maituturing na naipagbigay-alam na ang mga pagsasaayos ng gawain. Ang mga pagsasaayos ng gawain ay kailangang ipagbigay-alam ayon sa pamamaraan at saklaw na hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Siyempre, ang nilalaman na ipinagbibigay-alam ay kailangang tumpak at walang pagkakamali. Hindi dapat basta-bastang bigyan ng mga lider at manggagawa ng maling pakahulugan ang mga ito at idagdag ang sarili nilang mga ideya—hindi iyon tumpak na pagbibigay-alam ng mga pagsasaayos ng gawain, at maituturing itong pagkabigo na matupad ang mga responsabilidad nila bilang lider o manggagawa. Ganito dapat maunawaan ang tumpak na pagbibigay-alam at pagpapatupad sa mga pagsasaayos ng gawain.
Ano ang dapat gawin ng mga lider at manggagawa kung hindi pa rin sila sigurado kung paano tumpak na ipagbigay-alam ang mga pagsasaayos ng gawain? Mayroong napakasimple at napakadaling paraan para dito. Pagkatapos matanggap ng mga lider at manggagawa ang mga pagsasaayos ng gawain, dapat muna silang makipagbahaginan tungkol sa mga pagsasaayos ng gawain kasama ang iba pang mga lider at manggagawa, tingnan kung ilang partikular na aytem ang hinihingi ng ang Itaas para sa mga pagsasaayos na ito ng gawain, at isa-isang ilista ang mga ito. Pagkatapos, batay sa mga pagsasaayos na ito ng gawain, dapat nilang isaalang-alang ang aktuwal na sitwasyon ng lokal na iglesia, gaya ng mga kalagayan ng gawain ng ebanghelyo, ang iba’t ibang uri ng propesyonal na gawain, at ang buhay iglesia, pati na ang kakayahan at mga kalagayan ng pamilya ng iba’t ibang uri ng tao, at iba pa, iniuugnay ang lahat ng bagay na ito para makita kung paano ipapatupad ang mga bahaging ito ng gawain. Sa pamamagitan ng pagbabahaginan, kailangang humantong ang lahat ng lider at manggagawa sa isang magkakapareho at tumpak na pagkaunawa sa mga pagsasaayos ng gawain, at magkaroon ng mga kaukulang pamamaraan sa pagbibigay-alam tungkol sa mga ito—sa ganitong paraan lamang tumpak na maipagbibigay-alam ang mga pagsasaayos ng gawain. Kung ang isang lider o manggagawa ay nakatanggap ng mga pagsasaayos ng gawain, at, nang hindi nalalaman kung ano ang partikular na nilalaman ng mga ito, bulag lang na tinitipon ang mga kapatid at iniatas at ipinagbibigay-alam ang mga pagsasaayos ng gawain, naaangkop ba ito? Ang resulta nito ay na makalipas ang isa o dalawang buwan matapos maipagbigay-alam ang mga pagsasaayos ng gawain, natuklasan na may mga paglihis sa kung paano ipinatupad ang mga ito sa bawat iglesia, at, nang masusing tingnan ng lider o manggagawa ang mga pagsasaayos ng gawain, saka lamang nila natuklasan na may mga paglihis sa pagbibigay-alam tungkol sa mga pagsasaayos ng gawain. Kung maingat na binasa at ibinahagi ng lider o manggagawa na iyon ang mga pagsasaayos ng gawain noon, wala sanang problema, pero dahil naging tamad at pabaya sila noong sandaling iyon, nagdulot sila ng maraming pagkakamali at paglihis sa gawain ng iglesia, at pagkatapos, kinakailangan nilang itama ang mga ito. Nagdaragdag ito ng isang ganap na di-kinakailangang hakbang at sayang ito sa oras. Mas maigi sana kung direkta nilang pinagbahaginan nang malinaw ang mga pagsasaayos ng gawain at pagkatapos ay isa-isang ipinagbigay-alam at ipinatupad ang mga ito. Hindi ba’t isang pagkakamali kapag hindi nagawa nang maayos ang gawain? (Ganoon na nga.) Samakatwid, may mga hakbang para tumpak na ipagbigay-alam ang mga pagsasaayos ng gawain. Kailangang magkaroon muna ang mga lider at manggagawa ng tunay na pagkaarok at tumpak na pagkaunawa sa partikular na nilalaman ng mga pagsasaayos ng gawain, at pagkatapos, kailangan nilang makaisip ng mga partikular na plano sa pagpapatupad, pamamaraan ng pagpapatupad, at mga target na indibidwal para sa pagpapatupad—sa ganitong paraan lamang tumpak na maipagbibigay-alam ang mga pagsasaayos ng gawain. Tama ba na basta na lang bulag na mag-atas at magbigay-alam ang mga lider at manggagawa ng mga pagsasaayos ng gawain kapag mayroon lang silang hindi kompletong pagkaunawa sa mga ito, kapag tila nakakaunawa lang sila sa mga ito, kapag ang mga ito ay malabo at hindi malinaw sa kanila, o kapag sadyang hindi nila nauunawaan ang mga partikular na hinihingi at nilalaman ng mga ito? (Hindi ito tama.) Magagampanan ba nang maayos ng gayong mga lider at manggagawa ang gawain? Malinaw na hindi. Kaya naman, sa mga sitwasyong hindi alam ng mga kapatid kung ano ang mga partikular na hinihinging pamantayan at prinsipyo sa mga pagsasaayos ng gawain, o kung paano mismo isasakatuparan ang mga ito, ang mga lider at manggagawa ay magkakaroon na ng tumpak na pagkaunawa sa mga pagsasaayos ng gawain, pati na ng mga kongkretong plano at hakbang para sa pagpapatupad ng mga ito—sa ganitong paraan lamang maisasakatuparan ng mga lider at manggagawa ang unang hakbang, iyon ay ang pagbibigay-alam tungkol sa mga pagsasaayos ng gawain. Sa sandaling naipagbigay-alam na ang mga pagsasaayos ng gawain, at tumpak nang nauunawaan ng mga kapatid ang nilalaman ng mga pagsasaayos ng gawain, at mayroon na silang kaunting kaalaman sa katuturan, halaga, at mga pamantayan ng paggawa ng sambahayan ng Diyos sa gawaing ito, kung gayon, dapat agad na magbahagi ang mga lider at manggagawa sa kung paano magtalaga ng mga tao at partikular na detalye ng mga gawain, at magbahagi tungkol sa partikular na plano kung sino ang magpapatupad at magsasagawa ng gawaing ito—ito ang mga hakbang para sa paggampan ng gawain. Ano ang palagay mo sa pagsusubaybay sa gawain sa ganitong paraan? Maituturing ba ito na mahigpit na pagsusubaybay sa gawain? Ito ba ay agarang pagsusubaybay sa gawain? (Oo.)
II. Paano Ipatupad ang mga Pagsasaayos ng Gawain
Hindi ibig sabihin na sa sandaling makatanggap ang mga lider at manggagawa ng pagsasaayos ng gawain, kailangan lang nilang ipagbigay-alam at iatas ito, at iyon na iyon. Maituturing ba na naipatupad na ang pagsasaayos ng gawain sa sandaling malaman ng hinirang na mga tao ng Diyos sa bawat iglesia na naiatas ito? Hindi ito tunay na pagsasakatuparan at pagpapatupad sa isang pagsasaayos ng gawain, hindi ito pagtupad sa kanilang mga responsabilidad, ni ang pamantayan na hinihingi ng Diyos sa huli. Ang pagbibigay-alam at pag-aatas ng isang pagsasaayos ng gawain ay hindi ang layon—ang pagpapatupad dito ay ang layon. Kaya, paano dapat partikular na ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain? Kailangang tipunin ng mga lider at manggagawa ang lahat ng kaugnay na mga superbisor at mga kapatid at makipagbahaginan sa kanila tungkol sa kung paano dapat gawin ang gawain, habang kasabay nito ay pumipili ng isang pangunahing superbisor at mga miyembro ng pangkat para magsagawa sa gawain. Ang unang dapat gawin ng mga lider at manggagawa kapag nagpapatupad ng gawain ay ang makipagbahaginan—makipagbahaginan kung paano gagawin ang gawain nang ayon sa mga prinsipyo at nang umaayon sa pagsasaayos na ito ng gawain mula sa sambahayan ng Diyos, at kung paano ito gawin sa paraan na nangangahulugang ang pagsasaayos na ito ng gawain mula sa sambahayan ng Diyos ay naipatupad at naisakatuparan. Habang nakikipagbahaginan, kailangang magmungkahi ang mga kapatid at ang mga lider at manggagawa ng iba’t ibang plano, at sa huli ay pumili ng paraan, sistema, at mga hakbang na pinakaangkop at pinakanaaayon sa mga prinsipyo, pinagpapasyahan kung ano ang unang gagawin, at kung ano ang susunod na gagawin, upang makapagpatuloy ang gawain sa organisadong paraan. Kapag naunawaan na ito sa teorya, at wala nang mga paghihirap o imahinasyon ang mga tao, kapag hindi na sila makakaramdam ng anumang paglaban sa gawaing ito, at nauunawaan na nila ang kahulugan at layon ng pagsasaayos na ito ng gawain ng sambahayan ng Diyos, hindi pa rin maituturing na naipatupad na ang gawain. Dapat ding pagpasyahan kung sino ang pinakaangkop at pinakabihasa sa gawaing ito, kung sino ang kayang pumasan sa responsabilidad ng gawaing ito, at kung sino ang may abilidad na tapusin ang gawaing ito. Kailangang piliin ang mga tao na aako ng gawaing ito, kailangang itakda ang plano ng pagpapatupad at ang takdang panahon na dapat itong tapusin, at kailangan ding ihanda at malinaw na isaad ang mga pagkukunan, materyales at iba pang gayong bagay na kinakailangan para matapos ang gawain—saka pa lang maituturing na naipatupad na ang gawain. Siyempre, bago ang pagpapatupad, kinakailangan ding magsagawa ng partikular na pagbibigay-alam at mga talakayan sa mga taong responsable sa gawaing ito nang paisa-isa, tanungin kung nagawa na ba nila ang ganitong gawain dati at kung ano ang mga pananaw at ideya nila tungkol dito. Kung magbibigay sila ng mga plano at ideya na naaayon sa mga prinsipyo, maaaring gamitin ang mga ito. Dagdag pa rito, sa pagpapatupad ng bawat gawain, kailangan ding maglaan ng atensiyon sa pagtuklas kung gaano karaming problema ba ang aktuwal na umiiral—hindi dapat kaligtaan ang hakbang na ito. Pagkatapos matuklasan ang mga problema, kailangang makapag-isip ng mga paraan para maagap na malutas ang mga problema, at pagkatapos na lubusang malutas ang lahat ng umiiral na problema, saka lang masasabing tunay na naipatupad na ang pagsasaayos ng gawain. Higit pa rito, hindi ba’t kailangan mo ring hanapin kung paano gawin ang gawaing ito nang naaayon sa mga hinihinging prinsipyo ng sambahayan ng Diyos? Dagdag pa rito, kung mayroon bang anumang hinihingi ang sambahayan ng Diyos tungkol sa itinakdang panahon para sa gawaing ito, kung kailan ito dapat matapos, kung mayroon bang anumang kongkretong tuntunin pagdating sa mga propesyonal na kasanayan, at iba pa, ay pawang mga paksa na dapat pagbahaginan ng mga lider at manggagawa kasama ang mga kaugnay na superbisor. Ito ang pagpapatupad. Ang pagpapatupad ay hindi natatapos sa pagbibigay-alam nang pasalita o sa teorya, kundi, kabilang dito ang aktuwal na pag-usad ng kaugnay na gawain, pati na ang mga partikular na problema at paghihirap na kailangang malutas. Ang mga ito ay pawang mga bagay na dapat isaalang-alang ng mga lider at manggagawa kapag ipinapatupad ang pagsasaayos ng gawain kasama ang mga superbisor. Ibig sabihin, bago gampanan ang partikular na gawaing ito, ang mga lider at manggagawa ay dapat magsagawa ng ganitong uri ng pagbabahaginan, pagsusuri, at talakayan kasama ang mga superbisor—ito ang pagpapatupad. Ang pagpapatupad na ito ay ang responsabilidad ng mga lider at manggagawa, at ito ang dapat makamit ng mga lider at manggagawa. Ang magsagawa sa ganitong paraan ay ang gumampan ng tunay na gawain. Ipagpalagay nang sinasabi ng isang lider, “Ngayon, hindi ko rin alam kung paano gawin ang gawaing ito. Ano’t anuman, ipinasa ko na ito sa iyo. Ipinagbigay-alam at iniatas ko na rin ang pagsasaayos ng gawain sa iyo, at nasabi ko na sa iyo ang lahat ng nauugnay na usapin dito. Alam mo man itong gawin o hindi, paano mo man ito gawin, gawin mo man ito nang maayos o hindi, at gaano katagal mo man itong gawin, nasa sa iyo na ang lahat ng iyon. Walang kinalaman sa akin ang mga bagay na ito. Sa paggawa ko ng ganito karaming gawain, natupad ko na ang responsabilidad ko.” Dapat ba itong sabihin ng mga lider at manggagawa? (Hindi.) Kung sasabihin ito ng isang lider, anong klaseng tao siya? Isa siyang huwad na lider. Sa tuwing may mga hinihingi ang ang Itaas at kinakailangang gampanan ang gawain nang alinsunod sa mga pagsasaayos ng gawain, ganap itong ipinapasa ng ganitong uri ng tao sa iba, sinasabi niya, “Ikaw na ang gumawa nito, hindi ako marunong. Tutal, naiintindihan mo naman ang lahat ng ito. Eksperto ka, karaniwang tao lang ako.” Isa itong “sikat na kasabihan” na madalas sinasabi ng mga huwad na lider; naghahanap sila ng palusot at pagkatapos ay tumatakas na.
Sa pagbubuod, hindi responsable sa kanilang gawain ang mga huwad na lider. Hindi mahalaga kung mahusay o mahina ang kakayahan nila, o kung kaya nila ang gawain, ang pangunahing bagay ay na hindi sila nakatutok at hindi nila isinasapuso ang gawain, at palagi silang pabaya. Ito ang mga pagpapamalas ng hindi pagiging responsable. Sabihin nang medyo kulang sa kakayahan at lalim ng karanasan ang isang lider o manggagawa, pero kaya niyang maging tutok sa paggawa at isapuso ang gawain niya. Bagama’t hindi gaanong mahusay ang resultang nakakamit niya sa kanyang gawain, kahit papaano, isa siyang responsableng tao, ibinubuhos niya ang kanyang buong puso sa gawain niya, at ibinibigay ang lahat ng kanyang makakaya. Ang tanging dahilan na hindi niya nagagawa nang maayos ang gawain ay dahil medyo kulang siya sa kakayahan at mababa ang tayog niya. Kung magiging ganap siyang mahusay sa gawain niya matapos magsanay sa loob ng ilang panahon, dapat patuloy na linangin ang ganitong klase ng lider. Kung ang isang lider ay walang kahit katiting na konsensiya o katwiran, at kumakapit lang siya sa kanyang posisyon at nagpapasasa sa mga pakinabang ng katayuan, pero hindi man lang gumagawa ng tunay na gawain, isa siyang tunay na huwad na lider at dapat siyang tanggalin kaagad, at hindi na kailanman muling pahintulutan na iangat o gamitin pa. Ang isang tunay na lider, isang responsableng lider, ay nagbubuhos ng lahat ng makakaya niya sa kanyang gawain—iniaalay niya ang isipan niya rito, naghahanap siya ng iba’t ibang paraan para isakatuparan ang atas ng Diyos, at ginagawa niya ang pinakamalaking pagsisikap na makakaya niya—sa ganitong paraan, tinutupad niya ang kanyang mga responsabilidad. Habang ipinatutupad ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, oobserbahan at susubaybayan din ng mga responsableng lider ang estado ng pagpapatupad. Kung lilitaw ang isang di-inaasahang sitwasyon, magagawa nilang gamitin ang mga hakbang at solusyon sa pagtugon, sa halip na tumakas at maghugas-kamay tungkol sa usapin. Ang pagpapatupad ng gawain sa ganitong paraan ay tinatawag na pagiging responsable. Kapag iniatas ang isang pagsasaayos ng gawain, dapat ituring ng mga lider at manggagawa ang gawaing iyon bilang ang pinakamahalagang gawain sa kasalukuyan at pangasiwaan ito; dapat nilang personal na subaybayan ito, maging responsable para dito mula umpisa hanggang katapusan, at bitiwan lang ang gawain kapag nasa tamang landas na ito at kapag marunong na ang mga lider ng bawat pangkat kung paano ito gampanan. Subalit pagkatapos itong bitiwan, kailangan pa ring maunawaan ng mga lider at manggagawa ang estado ng gawain at inspeksiyonin ito paminsan-minsan, sa ganitong paraan lamang matitiyak na maayos na nagagawa ang gawain. Ang mga lider at manggagawa na hindi umaalis sa kanilang posisyon, nagpupursige mula umpisa hanggang katapusan, naglalagay sa gawain sa tamang landas—ito ay tinatawag na paggawa ng tunay na gawain. Sa panahong ito, kailangan ding asikasuhin at suriin ng mga lider at manggagawa ang pag-usad ng iba pang aytem ng gawain. Anuman ang mga paghihirap o problemang lumilitaw sa gawain, dapat mabilis na pumunta ang mga lider at manggagawa sa lugar ng gawain para magbigay ng direksiyon at solusyon. Kailangang tutukan ng pangunahing lider ang pinakakritikal na gawain, at kasabay nito, kinakailangan din niyang subaybayan, unawain, inspeksiyonin, at pangasiwaan ang iba pang gawain ng iglesia at tiyakin na ang lahat ng ito ay magpapatuloy nang normal. Pagdating sa pinakakritikal na gawain, kailangang personal na gumawa ang pangunahing lider sa lugar ng gawain at pamunuan ang gawaing ito, at lalo na pagdating sa mga kritikal na parte ng gawain, tiyak na hindi siya dapat umalis sa lugar ng gawain. Kung hindi sapat ang isang tao, dapat magsaayos ng isa pang tao na makikipagtulungan sa kanya at mamamahala sa gawain—ito ay ang paggawa ng lahat ng makakaya at ang pagkakaisa nang may parehong layon na gawin nang maayos ang kritikal na gawain. Dahil ang sambahayan ng Diyos ay mayroong pinakakritikal na gawain sa bawat yugto at panahon, kung hindi magagawa nang maayos ng pangunahing lider ang kritikal na gawain, nangangahulugan ito na may problema sa kakayahan niya at kailangan siyang tanggalin. Ang pangunahing lider ay dapat mangasiwa sa pinakakritikal na gawain habang ganoon din ang iba pang lider para sa ordinaryong gawain; kailangang matutunan ng mga lider at manggagawa kung paano magbigay prayoridad sa gawain ayon sa kahalagahan at kaapurahan, at paano timbangin ang mga pakinabang at kawalan. Kung magiging bihasa ang mga lider at manggagawa sa mga prinsipyong ito, pasok sila sa pamantayan bilang mga lider at manggagawa.
Karamihan sa mga lider at manggagawa sa sambahayan ng Diyos ay mga kabataan, mga baguhan, at nagsasanay silang gumampan ng gawain, kaya ang pinakamahalagang bagay para sa kanila ay ang matutong maging bihasa sa mga prinsipyo. Maaaring sabihin ng ilan, “Hindi ba’t masyadong mataas ang mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa mga lider at manggagawa?” Hindi naman talaga, sa totoo lang. Paanong naging mataas ang hingin sa mga tao na maging bihasa sa mga prinsipyo? Paano magagampanan nang maayos ng isang tao ang gawain ng iglesia kung hindi siya magiging bihasa sa mga prinsipyo? Paano magiging lider o manggagawa ang isang tao kung wala siyang mga prinsipyo sa pangangasiwa ng mga usapin? Ang pagiging bihasa sa mga prinsipyo ay isang hinihingi para sa mga lider at manggagawa, hindi para sa mga ordinaryong tao; kung hindi kaya ng isang tao na maging bihasa sa mga prinsipyo, hindi niya magagawa nang maayos ang gawain. Ang mga taong masyadong kulang sa kakayahan ay hindi nakakatugon sa mga prinsipyo, hindi sila lilinangin ng sambahayan ng Diyos, at hindi rin sila kalipikado na maging lider. Palaging nararamdaman ng ilang tao na mahirap maging lider, at may dalawang dahilan para dito: Ang isa ay na hindi nila nauunawaan ang katotohanan kahit kaunti at hindi nila kayang gamitin ang katotohanan para lutasin ang mga problema; ang isa pang dahilan ay na kulang sila sa kakayahan, hindi nila alam kung ano ang ibig sabihin ng paggawa ng gawain, hindi nila maipaliwanag nang malinaw ang mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa ng gawain, at ni hindi nila kayang magsalita ng mga doktrina nang malinaw. Ang ganitong mga tao ay hindi angkop na maging lider. Sabihin nang masyadong mahina ang kakayahan ng isang tao, hindi siya marunong gumawa ng gawain, at hindi talaga siya mahusay sa paggawa ng tungkulin niya—ibig sabihin, umaabot ng ilang araw ang paggawa niya ng isang trabaho na dapat ay isang araw lang matatapos, at anim na buwan niyang ginagawa ang isang trabaho na dapat ay isang buwan lang matatapos—ang gayong mga tao ay walang silbi, at wala silang kuwenta. Ang mga taong may napakahinang kakayahan ay hindi kayang gumawa ng anumang tungkulin nang maayos. Kapwa patas at makatwiran na may ganito Akong mga hinihingi sa mga tao, at ang mga ito ay mga bagay na kayang makamit ng mga lider at manggagawa. Pakiramdam ng ilang tao na masyadong mataas ang mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos—ipinapakita nito na masyadong mahina ang kakayahan nila, na hindi sila kalipikado na maging mga lider at manggagawa, at na dapat silang managot at magbitiw. Hindi mo kayang umako ng mga responsabilidad ng isang lider o manggagawa, at hindi ka angkop sa ganitong posisyon, kaya, kahit na isa kang lider, isa kang huwad na lider. Kung ni hindi mo kayang gawin nang maayos ang kahit isang gawain, paano mo pa maaasikaso ang iba pang gawain nang sabay-sabay? Karapat-dapat bang maging lider o manggagawa ang mga taong may napakahinang kakayahan? Kung hindi man lang sila kasinghusay ng isang asong-bantay, hindi sila karapat-dapat na tawaging tao. Kapag nagbabantay ang aso sa isang bahay, hindi lang nito binabantayan ang harap at likod na bakuran, at ang taniman ng gulay, pero kaya pa nitong bantayan ang mga manok, gansa, at tupa ng bahay. Kapag may nakita itong isang estrangherong papalapit, tumatahol ito—hindi nito hahayaang makapasok ang sinuman sa bakuran at marunong itong magbigay ng babala sa amo nito kapag may papalapit na estranghero. Maging ang isipan ng isang aso ay hindi simple. Kung masyadong mahina ang kakayahan ng isang tao at hindi man lang maikukumpara sa isang aso, hindi ba’t walang silbi ang ganoong uri ng tao? Ang ilang tao ay mahilig maglibang at namumuhi sa paggawa, matakaw at tamad sila, at gusto lang nilang maging palamunin sa sambahayan ng Diyos nang walang anumang ginagawa—hindi ba’t mga linta sila? Sa pamamagitan ng paghingi sa mga lider at manggagawa na pangasiwaan ang mga bagay-bagay nang may mga prinsipyo, nililinang at sinasanay sila ng sambahayan ng Diyos na maisagawa ang katotohanan at makapasok sa realidad sa paggampan sa kanilang mga tungkulin. Nagagawa ng ilang lider at manggagawa na hangarin ang katotohanan at magpasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos—ang mga taong ito ay pawang pinagpapala ng Diyos. Ang mga mahilig maglibang at namumuhi sa paggawa, at hindi gumagawa ng anumang tunay na bagay ay kailangang itiwalag. Ang lahat ng walang silbing tao na nag-iimbot ng kaginhawahan, na natatakot sa paghihirap at pagkapagal, na palaging nagrereklamo tungkol sa mga paghihirap at suliranin at hindi kayang magtiis ng paghihirap kahit kaunti ay kailangang itiwalag—wala ni isa ang maaaring manatili! Kung kapag sinisimulan ng mga lider at manggagawa ang kanilang gawain, nahaharap sila sa iba’t ibang suliranin, dapat nilang hanapin ang pinagmulan ng problema at pagkatapos ay alisin ang mga taong humahadlang at naghahanap ng gulo nang di-makatwiran—ang mga balakid at sagabal na iyon. Kapag ang mga natitira ay pawang mga taong kayang tumanggap sa katotohanan, sumunod, at magpasakop, higit na magiging madali silang pamunuan. Kapag gumagawa ang mga lider at manggagawa, dapat muna silang malinaw na makipagbahaginan tungkol sa katotohanan upang magkaroon ang mga tao ng daan pasulong pagkatapos silang marinig. Hindi sila dapat magsalita ng mga doktrina, sumigaw ng mga islogan, at lalong hindi nila dapat pilitin ang mga tao na makinig at sundin sila at magsagawa. Kung malinaw na nakikipagbahaginan ang mga lider at manggagawa tungkol sa katotohanan, karamihan ng tao ay magiging handang isagawa ito. Nakakabahala kung hindi malinaw o lohikal na ipinaliliwanag ng mga lider at manggagawa ang mga bagay-bagay subalit hinihingi pa rin nila sa mga kapatid na magsagawa, at hindi alam ng mga kapatid kung paano magsasagawa at hindi nila mahanap ang landas ng pagsasagawa—makakaapekto ito sa mga resulta ng gawain. Hangga’t lohikal na naipapaliwanag at malinaw na napagbabahaginan ng mga lider at manggagawa ang mga katotohanang prinsipyong nauugnay sa bawat partikular na uri ng gawain, karamihan ng tao ay magiging maunawain at makatwiran, at magiging handa silang gawin ang parte nila. Lahat ay handang makinig sa isang tao kung ang sinasabi nito ay tama, naaayon sa katotohanan, at kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia at sa buhay pagpasok ng mga kapatid. Gayumpaman, may pagkakataon na puro salita at doktrina lang ang sinasabi ng ilang lider at manggagawa, at kapag may nagtatanong sa kanila tungkol sa partikular na landas ng pagsasagawa, hindi nila ito maipaliwanag, at sa halip, nagsasalita sila ng magagarbong doktrina at sumisigaw ng ilang islogan, at pagkatapos ay pinapaalis na ang taong iyon. Hindi kumbinsido ang taong iyon, at iniisip nito, “Hinihiling mo sa akin na isagawa ito pero hindi mo naman ito malinaw na naipaliwanag—paano ko ito maisasagawa kung gayon? Wala akong landas na susundan! Tinanong kita dahil hindi ko nauunawaan, pero lumalabas na hindi mo rin pala nauunawaan, at marunong ka lang magsalita ng mga doktrina at sumigaw ng mga islogan. Hindi ka mas magaling kaysa sa akin. Bakit kita susundin? Ang susundin ko ay ang katotohanan, hindi ang pagsasalita mo ng mga doktrina at pagsigaw ng mga islogan!” Nangyayari ang ganitong uri ng sitwasyon. Kung maiiwasan ng mga lider at manggagawa ang pagsasalita ng mga walang kabuluhang doktrina, kung makakapagsalita sila nang totohanan, at malinaw na makikipagbahaginan sa mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa, magagawang sumunod ng karamihan ng tao. Samakatwid, ang gawain ng iglesia ay talagang madaling gawin; hangga’t taimtim na naipapatupad ng mga lider at manggagawa ang mga pagsasaayos ng gawain, napanghahawakan ang kanilang mga tungkulin sa gawain, at nakakalahok sa partikular na gawain, tiyak na magagawa nila nang maayos ang gawain. Ang nakakabahala ay kung ang mga lider, manggagawa, at superbisor ay iresponsable at umaastang nakatataas, na marunong lang magsalita ng mga doktrina at sumigaw ng mga islogan, at hindi nakikilahok sa partikular na gawain sa mismong lugar—kung gayon, siguradong magkakaroon ng mga problema sa gawain. Ito ay dahil ang mga nasa ibaba ay hindi nakakakilatis sa ganitong mga uri ng bagay, kailangan nila ng isang taong magtuturo sa kanila ng daan, kailangan nila ng isang sandigan, kailangan nila ng isang taong personal na mamumuno sa kanila at magsasabi sa kanila kung ano ang gagawin, kailangan nila ng isang taong mangangasiwa at mag-iinspeksiyon, kung hindi, hindi maipapatupad ang gawain. Kung inaasahan mo na puwede kang basta na lang sumigaw ng ilang doktrina at islogan mula sa isang posisyon ng katayuan, at pagkatapos ay kikilos ang mga tao sa ibaba at gagawin ang sinasabi mo, mangarap ka lang. Ang mga tao sa ibaba ay parang mga makina: Kung walang magpapagana sa kanila, hindi sila kikilos. Kung ang mga naglilingkod bilang mga lider at manggagawa ay hindi man lang ito makilatis, lubha silang walang kabatiran! Kapag gumagawa ang mga huwad na lider, hindi nila makilatis ang anumang bagay. Hindi nila alam kung anong gawain ang kritikal at kung ano ang gawain ng pangkalahatang usapin, hindi rin nila magawang unahin ang mga gampanin ayon sa kahalagahan at kaapurahan. Anuman ang gawin nila, wala silang mga prinsipyo, hindi nila maipaliwanag nang malinaw ang landas ng pagsasagawa, at nagsasalita lang sila ng mga doktrina at sumisigaw ng mga islogan, nagsasabi lang ng ilang hindi praktikal na bagay. Dahil dito, wala silang magawang anumang gawain at maaari lamang silang itiwalag. Ang mga lider at manggagawa ay kailangang matutong magsaayos at magpatupad ng gawain, at kailangan nilang matutong mag-inspeksiyon at mamuno sa gawain, at personal na lumutas ng mga problemang lumilitaw. Tanging ang ganitong mga lider at manggagawa ang makakagawa ng tunay na gawain at ganap na makakakumbinsi sa mga tao. Kung ang isang lider ay hindi kayang mamuno sa gawain o tumuklas at lumutas ng mga problema, at kung nagagawa lang niyang patuloy na sermonan at pungusan ang iba, at sinisisi niya ang iba kapag siya mismo ang pumapalpak, ito ay pagiging lider na walang kakayahan. Ang gayong lider ay isang taong walang silbi, isa siyang huwad na lider, at dapat siyang itiwalag. Kung hindi ka marunong gumawa ng ilang partikular na gawain, kahit papaano, kailangan mong maghanap ng dalawang angkop na tao na kikilos bilang mga katuwang mo para tulungan kang gawin nang maayos ang partikular na gawaing ito, at, kahit papaano, kailangan mo munang pangasiwaan at alisin ang mga nakahahadlang na tao na lumilikha ng mga kaguluhan. Hindi ba’t ito ang paraan ng paglikha ng mga paborableng kondisyon para magawa nang maayos ang gawaing ito? Kung kapag nakakahanap ka ng mga taong kayang gumawa ng tunay na bagay, agad mo silang iniaangat, at kung agad mong pinangangasiwaan at pinapaalis ang mga nagsasanhi ng mga kaguluhan at pagkagambala, lalong mababawasan ang mga suliranin kapag patuloy mong ginagawa ang gawaing ito. Ang mga lider na lubhang kulang sa kakayahan ay hindi nakakagawa nang ganito. Natatakot silang makasakit ng damdamin ng iba, at kapag nakakakita sila ng isang masamang taong palagiang nagsasanhi ng mga kaguluhan at pagkagambala, hindi nila pinangangasiwaan ito. Hindi rin nila matukoy kung sino ang may kakayahang gumawa ng tunay na bagay, at hindi nila alam kung sino ang nararapat na iangat para mangasiwa sa gawain. Ang ganitong mga lider ay bulag at wala silang kakayahang gumampan ng gawain nila. Kung hindi nauunawaan ng mga lider at manggagawa ang katotohanan o ang mga propesyonal na kasanayan, hindi nila magagawa nang maayos ang gawain nila, kaya dapat madalas magsanay ang mga lider at manggagawa para makagawa ng tunay na gawain. Basta’t nagiging bihasa sila sa mga prinsipyo, basta’t alam nila kung paano unahin ang mga gampanin batay sa kahalagahan at kaapurahan, at marunong silang magtimbang ng mga pakinabang at kawalan, kung gayon, magagawa nila nang maayos ang kanilang gawain at sila ay magiging pasok sa pamantayan bilang mga lider at manggagawa.
Ngayong nakipagbahaginan na Ako tungkol sa nilalaman ng tumpak na pagbibigay-alam, pag-aatas, at pagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain nang alinsunod sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos, kayong mga lider at manggagawa ay mayroon na ba ngayong pangunahing pagkaunawa sa kung paano harapin at ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain? At mayroon na ba kayo ngayong tiyak na pagkaunawa sa mga responsabilidad at obligasyong dapat ninyong tuparin kapag nagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain? (Oo.) Ngayong mayroon na kayo ng tiyak na pagkaunawang ito, dapat mong isaalang-alang kung ano ang dapat mong gawin at hanggang saan mo ito kayang gawin, at pagkatapos, dapat magawa mong husgahan kung taglay mo ba o hindi ang kakayahan na maging lider o manggagawa, at kung kaya mo ba ang gawain ng pamumuno. Tungkol naman sa ilang lider at manggagawa na may mahinang kakayahan at hindi gumagawa ng tunay na gawain—ibig sabihin, iyong mga tinatawag nating mga huwad na lider—kapag naunawaan na nila ang partikular na nilalaman ng ikasiyam na responsabilidad ng mga lider at manggagawa, ano ang dapat nilang gawin? Sinasabi ng ilan, “Hindi ko talaga naunawaan ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa noon, at nang maging lider na ako, umasa lang ako sa aking mga kuru-kuro at imahinasyon sa paggawa ng ilang gawain para lang magmukhang may ginagawa, at inakala ko na dahil masigasig ako at handang magtiis ng paghihirap, marahil ay pasok ako sa pamantayan bilang isang lider. Natigilan ako matapos makinig sa pakikipagbahaginan ng Diyos sa ganitong paraan. Lumalabas na isa pala akong huwad na lider, masyadong mahina ang kakayahan ko, at hindi ko kayang gumawa ng tunay na gawain. Ni wala akong kakayahan sa pagpapatupad ng kahit isang partikular na pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Inakala ko noon na ang pagbabasa ng isang pagsasaayos ng gawain nang ilang beses, pagpasa nito sa lahat, at paghihimok at pangangasiwa sa mga tao sa ibaba habang ginagawa nila ito, ay nangangahulugan na ipinapatupad ko ang pagsasaayos na iyon ng gawain. Pagkaraan ng ilang panahon, natuklasan ko na hindi nagawa nang maayos ang gawain at na maraming partikular na trabaho ang nakaligtaan, at saka ko lang napagtanto na talagang kulang ang kakayahan ko, at na hindi ako bagay na maging lider.” Kaya, ano ang dapat gawin ng isang taong gaya nito? Ayos lang ba kung sumuko siya sa gawain niya? (Hindi.) Kung gayon, may paraan ba para lutasin ang problemang ito? O hindi na ba ito malulutas? (Hindi, malulutas pa ito. Dapat pagsumikapan ng mga taong iyon na mas maging mahusay nang alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos.) Isa itong positibo at aktibong perspektiba; ito ay isang napakagandang perspektiba. Dapat nilang pagsumikapan na maging mas mahusay nang alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos, dapat silang manalig at umasa sa Diyos, at huwag maging negatibo, o sumuko sa gawain nila—ito ang isang solusyon. Magandang solusyon ba ito? (Oo.) Pero ito lang ba ang solusyon? (Hindi, hindi lang ito. Kung masyadong mahina ang kakayahan nila at hindi talaga nila kayang gumawa ng anumang aktuwal na gawain, puwede nila itong panagutan at puwede silang magbitiw sa kanilang posisyon.) Ito ay ang pangalawang solusyon. Kung sinubukan na nila dati, at pakiramdam nila ay hindi nila kayang gawin ang gawain ng pamumuno—ibig sabihin, kung napakahirap nito at masyadong nakakapagod para sa kanila, at lubha silang nababalisa tungkol dito at hindi sila makatulog nang maayos, at araw-araw ay para bang may bundok na nakadagan sa kanila na hindi na nila maiangat ang kanilang ulo o hindi na sila makahinga, at nararamdaman pa nila na mabigat ang kanilang mga binti kapag naglalakad sila—at pagkatapos makinig sa mga partikular na hinihinging ito, mas lalo nilang nararamdaman na napakahina ng kanilang kakayahan at na sadyang hindi nila kayang gawin ang gawain, ano ang dapat nilang gawin? May isang bagay silang magagawa, at iyon ay ang magbitiw kaagad. Kung hindi nila kayang gumawa ng tunay na gawain, hindi sila dapat makaapekto sa gawain ng sambahayan ng Diyos—ito ay ang katwiran na dapat nilang taglayin. Hindi nila dapat bulag na pilitin ang kanilang sarili nang lampas sa kanilang mga limitasyon, igiit na magtangkang gumawa ng isang bagay na lampas pa sa kanilang mga abilidad, o gumawa ng mga kahangalan. Ang mga taong umiiwas na gawin ang mga bagay na ito ang mga tanging nagtataglay ng katwiran. Ang mga taong may katwiran ay may kamalayan sa sarili; malinaw sa kanila ang sarili nilang kakayahan, at alam nila ang sarili nilang mga pagkukulang. Kapag malinaw sa mga tao ang sarili nilang kapasidad, saka lang nila tumpak na mauunawaan kung ano ang kaya nilang gawin, ano ang hindi nila kaya, at kung ano ang pinakaangkop nilang gawin. Bakit kailangang malaman ng mga tao ang sarili nilang kakayahan? Nakakatulong ito sa kanila na matiyak kung anong tungkulin ang dapat nilang gawin, at nakakatulong din ito sa kanila na magawa nang maayos ang tungkuling iyon. Kung nasuri mo na ang iyong sarili at nakita mo na ganito lang ang kakayahan mo at alam mong hindi mo kaya ang gawain ng pamumuno, hindi mo na kailangang suriing muli ang sarili mo at patunayan itong muli. Dapat kang magbitiw kaagad—huwag kang manatili sa posisyon mo at tumangging bumaba; huwag mong hayaang makaapekto ka at makapagsanhi ng mga pagkaantala sa ibang tao habang hindi ka nakakagampan ng partikular na gawain. Hindi ba’t isang daan pasulong ang pagbibitiw? Nakalatag sa harap mo ang dalawang landas na ito, at maaari kang pumili ng isa; hindi ka kulang ng daan pasulong, at hindi lang iisa ang landas. Maaari kang gumawa ng mga praktikal at tumpak na paghusga tungkol sa aktuwal mong sitwasyon batay sa pagkaunawa mo sa sarili mo, at batay rin sa mga pagsusuri sa iyo ng mga kapatid sa paligid mo na nakakakilala sa iyo, at pagkatapos ay gumawa ng tamang pasya. Hindi ka pahihirapan ng sambahayan ng Diyos. Ano ang palagay mo rito? (Mabuti ito.) Sinasabi ng ilang tao, “Gusto kong subukan ulit at magsumikap na pagbutihin pa. Sa tingin ko kaya ko ito. Hindi ko lang talaga gaanong binigyang-pansin ang paghahangad sa katotohanan noong mga nagdaang taon na iyon, at matapos akong maging lider, hindi ko pa rin alam kung paano hanapin ang katotohanan at gumawa ako sa magulong paraan. Inakala ko noon na napakadali lang ng pagiging lider ng iglesia, na ang kailangan lang gawin ay mag-organisa ng mga tao para dumalo sa mga pagtitipon, mamuno sa pakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan, maagap na lumutas ng mga problema kapag may lumitaw, at kaagad na magpatupad ng anumang pagsasaayos mula sa ang Itaas, at doon na natatapos ang lahat. Hindi ko talaga inakala na, pagkatapos kong maging lider sa loob ng ilang panahon, matutuklasan ko na napakaraming problema ang hindi ko kayang lutasin, na kapag nagtatanong ang ang Itaas tungkol sa gawain, hindi ko alam kung paano sumagot, at na kapag nagbabanggit ang ilang hinirang na mga tao ng Diyos ng mga tunay na isyu, hindi ako makapagbigay ng sagot. Sa loob ng mga taon na ito na nananampalataya ang mga kapatid sa Diyos, lahat sila ay nakabasa na sa mga salita ng Diyos at madalas silang nakikinig sa mga sermon. Tiyak na nauunawaan nilang lahat ang ilang katotohanan at nagtataglay sila ng kaunting pagkilatis. Kung wala ang katotohanang realidad, talagang hindi ko sila madidiligan o matutustusan.” Ngayon ay malinaw na hindi ganoon kasimple na gampanan nang maayos ang anumang uri ng partikular na gawain sa sambahayan ng Diyos. Sa isang banda, kailangang magtaglay ng kakayahan ang mga tao, samantalang sa kabilang banda, kailangan nilang magdala ng pasanin, at umunawa rin sa katotohanan—ang lahat ng bagay na ito ay ganap na kinakailangan. Hindi maaari na hindi hangarin ng isang tao ang katotohanan o na maging isang taong kulang sa kakayahan, at hindi rin maaari na walang pagkatao at hindi magdala ng pasanin ang isang tao. Ang partikular na gawain ay nangangailangan ng partikular na pamamaraan, at hindi ito ganoon kasimple. Gayumpaman, may ilang tao na nananatiling hindi kumbinsido. Gusto pa rin nilang sumubok ulit, at humihiling sila na mabigyan ng isa pang pagkakataon—dapat bang bigyan ng isa pang pagkakataon ang ganitong mga tao? Kung ang kapabilidad nila sa gawain at ang kakayahan nila ay parehong katamtaman, pero kaya nilang gumampan ng partikular na gawain, at hindi sila pabaya at nakatuon sila sa paglutas ng mga problema para magkamit ng mga resulta sa kanilang gawain, at kaya nilang sundin at magpasakop sa anumang pagsasaayos na ginawa ng ang Itaas, at karaniwang ipatupad ang gawain alinsunod sa mga pagsasaayos ng gawain at mga hinihinging prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, at bagama’t hindi nila ginawa nang maayos ang kanilang gawain noon dahil bata pa sila, hindi pa nila nauunawaan ang katotohanan, at mababaw pa ang pundasyon nila, sila ay mga tamang tao, dapat silang bigyan ng isa pang pagkakataon at patuloy na magsanay—huwag silang bulag na tanggalin. Hindi ganoon kadali ang maging lider o manggagawa, at hindi rin ganoon kadali ang maghalal ng isang lider o manggagawa. Ngayon, karamihan ng lider at manggagawa ay may kaunting pagkaunawa sa kanilang mga responsabilidad, at kahit papaano, medyo mas magiging mahusay na sila sa kanilang gawain kumpara sa dati—isa itong katunayan.
Ngayong natapos na Akong magbahagi tungkol sa mga katotohanang prinsipyong kaugnay sa ikasiyam na responsabilidad ng mga lider at manggagawa—tumpak na ipagbigay-alam, iatas, at ipatupad ang iba’t ibang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos alinsunod sa mga hinihingi nito, magbigay ng patnubay, pangangasiwa, at panghihikayat, at mag-inspeksiyon at magsubaybay sa estado ng pagpapatupad sa mga ito—pawang masigla ang puso ninyo, at mayroon kayong landas ng pagsasagawa. Hindi lamang ninyo natutupad ang inyong tungkulin ngayon at hindi lamang kayo nagkakaroon ng buhay pagpasok, kundi dapat din kayong magkaroon ng kaunting kaalaman o pagkilatis sa mga lider at manggagawa, at kahit papaano, dapat nagtamo na kayo ng kalinawan at pagkaunawa sa mga responsabilidad na dapat tuparin ng mga lider at manggagawa at ang gawaing dapat nilang gawin. Sa madaling salita, nakakatulong at nakakabuti sa bawat isa sa hinirang na mga tao ng Diyos ang malaman kung gumagawa ba ng tunay na gawain ang mga lider at manggagawa o hindi, at sa ganitong paraan, ang pagkaunawa nila sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay hindi na magiging hungkag, kundi magiging mas kongkreto.
Abril 10, 2021
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.