Ikatlong Ekskorsus: Kung Paano Nakinig Sina Noe at Abraham sa mga Salita ng Diyos at Sumunod sa Kanya (Ikalawang Bahagi) Ikatlong Seksiyon

II. Ang Saloobin ni Abraham sa mga Salita ng Diyos

Ngayon, tingnan natin ang mga bagay kay Abraham na karapat-dapat tularan ng mga susunod na henerasyon. Ang pangunahing ginawa ni Abraham sa harap ng Diyos ay ang bagay na labis na pamilyar at alam na alam ng mga susunod na henerasyon: ang paghahandog kay Isaac. Ang bawat aspekto ng ipinamalas ni Abraham sa usaping ito—ang karakter, pananalig, o pagpapasakop man niya—ay karapat-dapat na tularan ng mga susunod na henerasyon. Kaya, ano ba mismo ang mga partikular na pagpapamalas na ipinakita niya ang karapat-dapat na tularan? Natural na ang iba’t ibang bagay na ito na ipinamalas niya ay hindi walang kabuluhan, at lalong hindi abstrakto ang mga ito, at tiyak na hindi gawa-gawa ang mga ito ng sinumang tao, may ebidensiya para sa lahat ng bagay na ito. Pinagkalooban ng Diyos si Abraham ng isang anak; personal itong sinabi ng Diyos kay Abraham, at nang 100 taong gulang na si Abraham, isinilang sa kanya ang isang anak na nagngangalang Isaac. Malinaw na hindi ordinaryo ang pinagmulan ng batang ito, wala siyang katulad—personal siyang ipinagkaloob ng Diyos. Kapag personal na ipinagkaloob ng Diyos ang isang bata, iniisip ng mga tao na tiyak na gagawa ng isang dakilang bagay sa kanya ang Diyos, na ipagkakatiwala sa kanya ng Diyos ang isang dakilang bagay, na gagawa ang Diyos ng mga ekstraordinaryong bagay sa kanya, na gagawin ng Diyos ang bata na natatangi, at iba pa—ito ang mga bagay na labis na inaasahan ni Abraham at ng ibang tao. Pero iba ang naging takbo ng mga bagay-bagay, at may nangyari kay Abraham na hindi inasahan ng sinuman. Ipinagkaloob ng Diyos si Isaac kay Abraham, at nang dumating ang oras ng paghahandog, sinabi ng Diyos kay Abraham, “Hindi mo kailangang maghandog ng anumang bagay ngayon, si Isaac lang—sapat na iyon.” Ano ang ibig sabihin nito? Binigyan ng Diyos si Abraham ng isang anak, at nang papalaki na ang anak na ito, nais ng Diyos na bawiin si Isaac. Ang magiging pananaw rito ng ibang tao ay: “Ikaw ang nagbigay kay Isaac. Hindi ko ito pinaniwalaan, pero iginiit Mong ibigay ang batang ito. Ngayon, hinihingi Mo na ihandog siya bilang isang sakripisyo. Hindi ba’t ito ay pagbawi Mo sa kanya? Paano Mo nagagawang bawiin ang ibinigay Mo na sa mga tao? Kung gusto Mo siyang kunin, kunin Mo siya. Puwede Mo naman siyang bawiin nang tahimik. Hindi Mo na kailangang magdulot sa akin ng ganitong pasakit at pahirap. Paano Mo nagagawang hingin sa akin na ako mismo ang magsakripisyo sa kanya?” Napakahirap ba ng hinihinging ito? Sobrang hirap nito. Kapag narinig ang hinihinging ito, sasabihin ng ilang tao, “Ito ba talaga ang Diyos? Napakawalang katwiran ang umakto nang ganito! Ikaw ang nagbigay kay Isaac, at ngayon ay binabawi Mo na siya. Talaga bang palagi Kang may katwiran? Palagi bang tama ang lahat ng ginagawa Mo? Hindi naman palagi. Nasa mga kamay Mo ang buhay ng mga tao. Sinabi Mo na bibigyan Mo ako ng anak, at ginawa Mo nga iyon; nasa Iyo ang awtoridad na iyon, gaya rin ng awtoridad Mo na bawiin siya—pero hindi ba’t parang wala sa katwiran ang paraan ng pagbawi Mo at ang usaping ito? Ibinigay Mo ang batang ito, kaya dapat hayaan Mo siyang lumaki, gumawa ng mga dakilang bagay, at makita ang mga pagpapala Mo. Paano Mo nagagawang hilingin na mamatay siya? Sa halip na iutos ang kamatayan niya, hindi Mo na lang sana siya ibinigay sa akin! Bakit Mo siya ibinigay sa akin kung gayon? Ibinigay Mo sa akin si Isaac, at sinasabi Mo ngayon sa akin na ihandog ko siya—hindi ba’t binibigyan Mo ako ng karagdagang pasakit? Hindi ba’t pinapahirapan Mo ako? Kung gayon, bakit Mo pa ako binigyan ng anak?” Hindi nila maunawaan ang lohika sa likod ng hinihinging ito, gaano man nila subukan; gaano man nila ito ipaliwanag, hindi ito makatwiran para sa kanila, at walang taong nakakaunawa rito. Pero sinabi ba ng Diyos kay Abraham ang dahilan sa likod nito? Sinabi ba Niya kay Abraham ang mga dahilan nito, at kung ano ang layunin Niya? Sinabi ba Niya? Hindi. Sinabi lang ng Diyos, “Sa oras ng pagsasakripisyo bukas, ihandog mo si Isaac,” iyon lang. Nagbigay ba ng paliwanag ang Diyos? (Hindi.) Kaya ano ba ang kalikasan ng mga salitang ito? Kung titingnan ayon sa pagkakakilanlan ng Diyos, isang utos ang mga salitang ito, isang utos na dapat isagawa, na dapat sundin at dapat magpasakop dito. Pero kung titingnan ayon sa sinabi ng Diyos at ng mismong bagay, hindi ba’t magiging mahirap para sa mga tao na gawin ang nararapat nilang gawin? Iniisip ng mga tao na dapat makatwiran ang mga bagay na nararapat gawin, at naaayon sa mga damdamin ng tao at sa mga pangkalahatang sensibilidad ng tao—pero naaangkop ba sa sinabi ng Diyos ang alinman sa mga ito? (Hindi.) Kaya dapat bang nagbigay sana ng paliwanag ang Diyos, at ipinahayag ang Kanyang mga iniisip at ang Kanyang kahulugan, o ibinunyag kahit kaunti ang ibig Niyang sabihin sa mga pahiwatig ng Kanyang mga salita para maunawaan ng mga tao? Ginawa ba ng Diyos ang alinman sa mga ito? Hindi, at hindi rin Niya pinlano na gawin iyon. Nilalaman ng mga salitang ito kung ano ang hinihingi ng Lumikha, kung ano ang iniutos Niya, at kung ano ang inasahan Niya sa tao. Ang mga napakasimpleng salitang ito, ang mga di-makatwirang salitang ito—ang utos at hinihinging ito na walang pagsasaalang-alang sa mga damdamin ng tao—ay ituturing lang na mahirap, mabigat, at di-makatwiran ng ibang tao, ng sinumang taong nakakita sa eksenang ito. Pero para kay Abraham, na aktuwal na sangkot, nakakadurog-sa-pusong sakit ang una niyang naramdaman pagkatapos itong marinig! Tinanggap niya ang batang ito na ipinagkaloob ng Diyos, ginugol niya ang lahat ng taon na iyon sa pagpapalaki rito, at tinamasa niya ang lahat ng taon na iyon ng kaligayahan sa pamilya, pero sa isang pangungusap, isang utos mula sa Diyos, ang kaligayahang ito, ang buhay na tao na ito, ay mawawala at kukunin. Hindi lang ang pagkawala ng kaligayahan ng pamilya ang kinaharap ni Abraham, kundi ang sakit ng walang hanggang kalungkutan at pangungulila pagkatapos mawala ang anak na ito. Para sa isang matandang lalaki, lubhang napakahirap nito. Pagkarinig sa mga gayong salita, luluha nang husto ang sinumang ordinaryong tao, hindi ba? Higit pa rito, sa puso nila ay isusumpa nila ang Diyos, magrereklamo sila tungkol sa Diyos, magkakamali sila ng pag-unawa sa Diyos, at susubukan nilang mangatwiran sa Diyos; ipapakita nila ang lahat ng kaya nilang gawin, lahat ng abilidad nila, at lahat ng kanilang pagiging mapaghimagsik, walang galang, at di-makatwiran. Pero, kahit na nasaktan din siya, hindi ito ginawa ni Abraham. Tulad ng sinumang normal na tao, agad niyang nadama ang sakit na iyon, agad niyang naranasan ang pakiramdam na parang tinutusok ang puso niya, at agad niyang naramdaman ang kalungkutan ng pagkawala ng isang anak. Ang mga salitang ito ng Diyos ay walang pagsasaalang-alang sa mga damdamin ng tao, hindi lubos maisip ng mga tao, at hindi kaayon ng mga kuru-kuro ng mga tao, hindi sinabi ang mga ito mula sa perspektiba ng mga damdamin ng tao; walang pagsasaalang-alang ang mga ito sa mga hirap ng tao o sa mga emosyonal na pangangailangan ng tao, at tiyak na walang pagsasaalang-alang ang mga ito sa sakit na nadarama ng tao. Malupit na binigkas ng Diyos ang mga salitang ito kay Abraham—may pakialam ba ang Diyos kung gaano kasakit kay Abraham ang mga salitang ito? Sa panlabas, tila walang malasakit at walang pakialam ang Diyos; ang narinig lang ni Abraham ay ang utos ng Diyos, at ang hinihingi ng Diyos. Para sa sinuman, ang hinihinging ito ay tila hindi kaayon ng kultura, mga kaugalian, mga sensibilidad ng tao, kahit ng moralidad at etika ng tao; hindi na ito moral at etikal, at sumalungat ito sa mga alituntunin ng tao para sa pag-asal at pakikitungo sa mga tao, pati na sa mga damdamin ng tao. May mga naniniwala pa, “Ang mga salitang ito ay hindi lang di-makatwiran at imoral—ang mas malala pa, nagdudulot lang ang mga ito ng problema nang walang magandang dahilan! Paano nagawang bigkasin ng Diyos ang mga salitang ito? Ang mga salita ng Diyos ay dapat na makatwiran at patas, at dapat lubusang makumbinsi ang tao; hindi dapat magdulot ng problema ang mga ito nang walang magandang dahilan, at hindi dapat labag sa etika, moralidad, o lohika. Talaga bang binigkas ng Lumikha ang mga salitang ito? Magagawa bang sabihin ng Lumikha ang mga gayong bagay? Magagawa bang tratuhin nang ganito ng Lumikha ang mga taong nilikha Niya? Imposibleng ganoon nga.” Pero nagmula nga sa bibig ng Diyos ang mga salitang ito. Batay sa saloobin ng Diyos at sa tono ng mga salita Niya, napagpasyahan na ng Diyos kung ano ang gusto Niya, at hindi na ito dapat pang kuwestiyunin, at walang karapatang pumili ang mga tao; hindi Niya binibigyan ang tao ng karapatang pumili. Ang mga salita ng Diyos ay isang hinihingi, ang mga ito ay isang utos na ibinigay Niya sa tao. Para kay Abraham, ang mga salitang ito ng Diyos ay di-mapagkompromiso at di-makukuwestiyon; ang mga ito ay di-mapagkompromisong hinihingi ng Diyos kay Abraham, at hindi na ito dapat pang kuwestiyunin. At ano ang naging desisyon ni Abraham? Ito ang mahalagang punto na pagbabahaginan natin.

Pagkarinig sa mga salita ng Diyos, sinimulan ni Abraham ang kanyang mga paghahanda, nakakaramdam siya ng pighati at sobrang bigat ng loob niya. Tahimik siyang nanalangin sa kanyang puso: “Panginoon ko, Diyos ko. Karapat-dapat na purihin ang lahat ng ginagawa Mo; ang anak na ito ay ibinigay Mo, at kung nais Mo siyang bawiin, nararapat lang na isauli ko siya.” Bagama’t nasasaktan si Abraham, hindi ba’t makikita ang saloobin niya mula sa mga salitang ito? Ano ang makikita ng mga tao rito? Makikita nila ang kahinaan ng normal na tao, ang mga emosyonal na pangangailangan ng normal na tao, pati na rin ang makatwirang bahagi ni Abraham, at ang bahagi niya na may tunay na pananalig at pagpapasakop sa Diyos. Ano ang makatwiran niyang bahagi? Alam na alam ni Abraham na ibinigay ng Diyos si Isaac, na may kapangyarihan ang Diyos na tratuhin si Isaac sa anumang paraang gusto Niya, na hindi ito dapat husgahan ng mga tao, na ang lahat ng sinasabi ng Lumikha ay kumakatawan sa Lumikha, at na tila makatwiran man ito o hindi, naaayon man ito sa kaalaman, kultura, at moralidad ng tao o hindi, hindi nagbabago ang pagkakakilanlan ng Diyos at ang kalikasan ng Kanyang mga salita. Malinaw na alam Niya na kung hindi kayang unawain, arukin, o tuklasin ng mga tao ang mga salita ng Diyos, problema na nila iyon, na walang dahilan para ipaliwanag o linawin ng Diyos ang mga salitang ito, at na hindi lang dapat magpasakop ang mga tao kapag nauunawaan nila ang mga salita at layunin ng Diyos, kundi dapat magkaroon sila ng iisang saloobin patungkol sa mga salita ng Diyos, anuman ang sitwasyon: nakikinig, tumatanggap, at pagkatapos ay nagpapasakop. Ito ang malinaw na nakikilatis na saloobin ni Abraham sa lahat ng hinihingi ng Diyos na gawin niya, at nakapaloob dito ang pagkamakatwiran ng normal na tao, gayundin ang tunay na pananalig at tunay na pagpapasakop. Ano, higit sa lahat, ang kinailangang gawin ni Abraham? Ang huwag suriin ang mga tama at mali ng mga salita ng Diyos, huwag suriin kung sinabi ba ito bilang isang biro, o para subukan siya, o iba pa. Hindi sinuri ni Abraham ang mga gayong bagay. Ano ang agaran niyang saloobin sa mga salita ng Diyos? Na ang mga salita ng Diyos ay hindi dapat pinapangatwiranan gamit ang lohika—makatwiran man ang mga ito o hindi, ang mga salita ng Diyos ay mga salita ng Diyos, at hindi dapat magkaroon ng puwang para sa pagpili o ng pagsusuri sa saloobin ng mga tao patungkol sa mga salita ng Diyos; ang katwirang dapat mayroon ang mga tao, at ang dapat nilang gawin, ay makinig, tumanggap, at magpasakop. Sa puso niya, malinaw na malinaw kay Abraham kung ano ang pagkakakilanlan at diwa ng Lumikha, at kung ano ang posisyon na dapat hawakan ng isang nilikhang tao. Dahil mismo sa may taglay na gayong pagkamakatwiran at ganitong uri ng saloobin si Abraham, kahit pa nagtitiis siya ng matinding pasakit, kaya inihandog niya si Isaac sa Diyos nang walang pag-aalinlangan o anumang pag-aatubili, isinauli niya si Isaac sa Diyos gaya ng ninanais ng Diyos. Naramdaman niya na dahil hiniling ito ng Diyos, dapat niyang isauli si Isaac sa Diyos, at hindi siya dapat mangatwiran sa Diyos, o magkaroon ng sarili niyang mga kahilingan o hinihingi. Ito mismo ang saloobing nararapat taglayin ng isang nilikha patungkol sa Lumikha. Ang pinakamahirap na bagay sa paggawa nito ang pinakamahalagang katangian ni Abraham. Ang mga salitang ito na sinabi ng Diyos ay di-makatwiran at walang pagsasaalang-alang sa mga damdamin ng tao—hindi kayang unawain o tanggapin ng mga tao ang mga ito, at kahit ano pa ang edad, o kanino man ito mangyari, walang katuturan ang mga salitang ito, hindi maisasagawa ang mga ito—pero hiningi pa rin ng Diyos na gawin ito. Kaya, ano ang dapat gawin? Susuriin ng karamihan ng tao ang mga salitang ito, at pagkatapos ng ilang araw ng pagsusuri, maiisip nila: “Hindi makatwiran ang mga salita ng Diyos—paano nagagawang kumilos ng Diyos sa ganitong paraan? Hindi ba’t isa itong uri ng pagpapahirap? Hindi ba’t mahal ng Diyos ang tao? Paano Niya nagagawang pahirapan nang sobra ang mga tao? Hindi ako nananampalataya sa isang Diyos na labis na nagpapahirap sa mga tao, at puwede kong piliing hindi magpasakop sa mga salitang ito.” Pero hindi ito ginawa ni Abraham; pinili niyang magpasakop. Bagama’t naniniwala ang lahat na mali ang sinabi at hiningi ng Diyos, na hindi dapat humingi ng gayon ang Diyos sa mga tao, nagawa ni Abraham na magpasakop—at ito ang pinakamahalagang katangian niya, at ang mismong wala sa ibang tao. Ito ang tunay na pagpapasakop ni Abraham. Bukod dito, pagkatapos marinig ang hinihingi sa kanya ng Diyos, ang unang bagay na natiyak niya ay hindi ito sinabi ng Diyos bilang isang biro, na hindi ito isang laro. At dahil ang mga salita ng Diyos ay hindi ganoon, ano ang mga ito? Malalim ang pananampalataya ni Abraham na totoo na walang tao ang makakapagbago sa itinatakda ng Diyos na dapat gawin, na walang mga biro, pagsubok, o pagpapahirap sa mga salita ng Diyos, na mapagkakatiwalaan ang Diyos, at lahat ng Kanyang sinasabi—tila makatwiran man ito o hindi—ay totoo. Hindi ba’t ito ang tunay na pananalig ni Abraham? Sinabi ba niya, “Sinabi sa akin ng Diyos na ihandog si Isaac. Pagkatapos kong makuha si Isaac, hindi ko napasalamatan nang maayos ang Diyos—ito ba ay paghingi ng Diyos sa aking pasasalamat? Kung gayon, dapat kong ipakita nang maayos ang pasasalamat ko. Dapat kong ipakita na handa akong ihandog si Isaac, na handa akong pasalamatan ang Diyos, na alam at naaalala ko ang biyaya ng Diyos, at na hindi ko idudulot na mag-alala ang Diyos. Walang duda na sinabi ng Diyos ang mga salitang ito para suriin at subukin ako, kaya dapat iraos ko lang ito. Gagawin ko ang lahat ng paghahanda, pagkatapos ay magdadala ako ng isang tupa kasama si Isaac, at kung sa oras ng paghahandog ay walang sinabi ang Diyos, ihahandog ko ang tupa. Sapat na ang iraos lang ito. Kung talagang hihingin sa akin ng Diyos na ihandog si Isaac, sasabihan ko na lang si Isaac na magpanggap sa altar; kapag oras na, baka hayaan pa rin ako ng Diyos na ihandog ang tupa at hindi ang aking anak”? Ito ba ang naisip ni Abraham? (Hindi.) Kung ganoon ang inisip niya, wala sanang pighati sa puso niya. Kung naisip niya ang mga gayong bagay, anong klaseng integridad ang mayroon siya? Magkakaroon ba siya ng tunay na pananalig? Magkakaroon ba siya ng tunay na pagpapasakop? Hindi.

Batay sa sakit na naramdaman at naranasan ni Abraham pagdating sa usapin ng paghahandog kay Isaac, malinaw na lubos siyang nanampalataya sa salita ng Diyos, na pinaniwalaan niya ang bawat salitang sinabi ng Diyos, na naunawaan niya ang lahat ng sinabi ng Diyos nang kung paano ito mismo nilayon ng Diyos sa kaibuturan ng puso niya, at wala siyang mga pagdududa sa Diyos. Ito ba ay tunay na pananalig o hindi? (Tunay ito.) May tunay na pananalig sa Diyos si Abraham, at ipinapakita nito ang isang bagay, na isang tapat na tao si Abraham. Ang nag-iisang saloobin niya sa mga salita ng Diyos ay pagsunod, pagtanggap, at pagpapasakop—susundin niya anuman ang sabihin ng Diyos. Kung sasabihin ng Diyos na itim ang isang bagay, kahit pa hindi itim ang tingin dito ni Abraham, paniniwalaan niya na totoo ang sinabi ng Diyos, at magiging kumbinsido siyang itim nga ito. Kung sasabihin ng Diyos na puti ang isang bagay, magiging kumbinsido siyang puti nga iyon. Ganoon lang ito kasimple. Sinabi ng Diyos sa kanya na pagkakalooban siya ng Diyos ng isang anak, at inisip ni Abraham, “Isang daang taong gulang na ako, pero kung sinabi ng Diyos na bibigyan Niya ako ng anak, nagpapasalamat ako sa aking Panginoon, sa Diyos!” Wala siyang masyadong maraming ibang ideya, nanampalataya lang siya sa Diyos. Ano ba ang diwa ng pananampalatayang ito? Nanampalataya siya sa diwa at pagkakakilanlan ng Diyos, at totoo ang kaalaman niya tungkol sa Lumikha. Hindi siya tulad ng mga taong iyon na nagsasabing nananampalataya sila na ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat at ang Lumikha ng sangkatauhan, pero may mga pagdududa sila sa puso nila gaya ng, “Totoo bang nagmula sa mga unggoy ang mga tao? Sinasabing ang diyos ang lumikha ng lahat ng bagay, pero hindi naman ito nakita ng mismong mata ng mga tao.” Anuman ang sinasabi ng Diyos, ang mga taong iyon ay laging nasa pagitan ng pananampalataya at pagdududa, at nakabatay sila sa nakikita nila para matukoy kung totoo o huwad ang mga bagay. Pinagdududahan nila ang anumang hindi nila makita gamit ang mga mata nila, kaya sa tuwing naririnig nilang magsalita ang Diyos, naglalagay sila ng mga tandang pananong sa likod ng mga salita Niya. Maingat, masikap, at masusi nilang sinusuri at inaanalisa ang bawat katunayan, usapin, at utos na inilalatag ng Diyos. Iniisip nila na sa kanilang pananampalataya sa Diyos, dapat nilang suriin ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan nang may saloobin ng siyentipikong pagsasaliksik, para malaman kung talagang katotohanan nga ang mga salitang ito, kung hindi ay malamang na madaya o malinlang sila. Pero hindi ganito si Abraham, nakinig siya sa salita ng Diyos nang may dalisay na puso. Gayumpaman, sa pagkakataong ito, hiningi ng Diyos kay Abraham na ihandog sa Kanya ang kaisa-isang anak ni Abraham na si Isaac. Nagdulot ito ng pasakit kay Abraham, pero pinili pa rin niyang magpasakop. Nananampalataya si Abraham na hindi nagbabago ang mga salita ng Diyos, at na magiging realidad ang mga salita ng Diyos. Ang mga nilikhang tao ay dapat tumanggap at magpasakop sa salita ng Diyos bilang isang natural na bagay, at sa harap ng salita ng Diyos, ang mga nilikhang tao ay walang karapatang pumili, lalong hindi nila dapat analisahin o suriin ang salita ng Diyos. Ito ang saloobing pinanghawakan ni Abraham patungkol sa salita ng Diyos. Kahit na labis na nasasaktan si Abraham, at kahit na ang pagmamahal niya sa anak niya at ang pag-aatubili niyang isuko ang anak niya ay nagdulot sa kanya ng matinding hinagpis at pasakit, pinili pa rin niyang isauli ang anak niya sa Diyos. Bakit niya isasauli si Isaac sa Diyos? Noong hindi pa hiningi ng Diyos kay Abraham na gawin ito, walang dahilan para kusang loob niyang isauli ang anak niya, pero dahil hiningi na ito ng Diyos, kailangan niyang isauli ang anak niya sa Diyos, walang puwedeng idahilan, at hindi niya dapat subukang mangatwiran sa Diyos—ito ang saloobing pinanghawakan ni Abraham. Nagpasakop siya sa Diyos nang may ganitong uri ng dalisay na puso. Ito ang ninais ng Diyos at ito ang ginustong makita ng Diyos. Ang pag-uugali ni Abraham at ang nakamit niya pagdating sa usapin ng paghahandog kay Isaac ang mismong gustong makita ng Diyos, at ang usaping ito ay ang pagsubok at pagkumpirma ng Diyos sa kanya. At gayumpaman, hindi tinrato ng Diyos si Abraham tulad ng naging pagtrato Niya kay Noe. Hindi sinabi ng Diyos kay Abraham ang mga dahilan sa likod ng usaping ito, ang proseso, o ang lahat ng tungkol dito. Isang bagay lang ang alam ni Abraham, ito ay na hiningi ng Diyos sa kanya na isauli si Isaac—iyon lang. Hindi niya alam na sa paggawa nito, sinusubok siya ng Diyos, ni hindi niya alam kung ano ang gustong makamit ng Diyos sa kanya at sa kanyang mga inapo matapos siyang sumailalim sa pagsubok na ito. Hindi sinabi ng Diyos kay Abraham ang anuman sa mga ito, binigyan lang siya ng simpleng utos, isang kahilingan. At kahit na napakasimple ng mga salitang ito ng Diyos, at walang pagsasaalang-alang sa mga damdamin ng tao, natupad ni Abraham ang mga inaasahan ng Diyos sa pamamagitan ng paggawa ng kagustuhan at hinihingi ng Diyos: Inihandog niya si Isaac bilang sakripisyo sa altar. Ang bawat galaw niya ay nagpakita na ang paghahandog niya kay Isaac ay hindi pagraos lang sa mga bagay-bagay, na hindi niya ito ginagawa nang pabasta-basta, bagkus ay ginagawa niya ito nang tapat, at nang mula sa kaibuturan ng puso niya. Kahit na hindi niya kayang isuko si Isaac, kahit na masakit ito sa kanya, nang maharap siya sa hinihingi ng Lumikha, pinili ni Abraham ang paraang walang sinumang tao ang makakagawa: ganap na pagpapasakop sa hinihingi ng Lumikha, pagpapasakop nang walang pakikipagkompromiso, walang mga pagdadahilan, at walang anumang kondisyon—kumilos siya nang ayon mismo sa hiningi ng Diyos. At ano ang taglay ni Abraham, nang magawa niya ang hiningi ng Diyos? Sa isang banda, nasa loob niya ang tunay na pananalig sa Diyos; tiyak siya na ang Lumikha ay Diyos, ang Diyos niya, ang Panginoon niya, ang Siyang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at ang lumikha ng sangkatauhan. Ito ay tunay na pananalig. Sa isa pang banda, mayroon siyang dalisay na puso. Sumampalataya siya sa bawat salitang binigkas ng Lumikha, at nagawa niyang tanggapin nang simple at direkta ang bawat salitang binigkas ng Diyos. Pero sa isa pang aspekto, gaano man kahirap ang hiningi ng Lumikha, gaano man ito kasakit sa kanya, ang saloobing pinili niya ay pagpapasakop, hindi ang pagtatangkang mangatwiran sa Diyos, o lumaban, o tumanggi, kundi kompleto at ganap na pagpapasakop, pagkilos at pagsasagawa ayon sa hiningi ng Diyos, ayon sa bawat salita Niya, at sa utos na ibinigay Niya. Katulad ng hiningi at ginustong makita ng Diyos, inihandog ni Abraham si Isaac bilang sakripisyo sa altar, inihandog niya si Isaac sa Diyos—at nagpatunay ang lahat ng ginawa niya na pinili ng Diyos ang tamang tao, at na sa mata ng Diyos, matuwid siya.

Anong aspekto ng disposisyon at diwa ng Lumikha ang nabunyag nang hiningi ng Diyos kay Abraham na ihandog si Isaac? Na tinatrato ng Diyos iyong mga matuwid, iyong mga kinikilala Niya, nang ganap na ayon sa sarili Niyang mga hinihinging pamantayan, na ganap na naaayon sa disposisyon at diwa Niya. Walang puwedeng maging pakikipagkompromiso sa mga pamantayang ito; hindi puwedeng humigit-kumulang na matugunan ang mga ito. Ang mga pamantayang ito ay dapat matugunan nang eksakto. Hindi sapat para sa Diyos na makita ang matutuwid na gawang ginagampanan ni Abraham sa kanyang pang-araw-araw na buhay, hindi pa namamasdan ng Diyos ang tunay na pagpapasakop ni Abraham sa Kanya, at ito ang dahilan kaya ginawa ng Diyos ang Kanyang ginawa. Bakit ginusto ng Diyos na makita ang tunay na pagpapasakop ni Abraham? Bakit Niya isinailalim si Abraham sa huling pagsubok na ito? Dahil, gaya ng nalalaman nating lahat, gusto ng Diyos na si Abraham ang maging ama ng lahat ng bansa. Ang “ama ng lahat ng bansa” ba ay isang titulo na kayang pasanin ng sinumang ordinaryong tao? Hindi. May mga hinihinging pamantayan ang Diyos, at ang mga pamantayang hinihingi Niya sa sinumang nais Niyang gawing perpekto, at gayundin sa sinumang nakikita Niyang matuwid, ay pareho: tunay na pananalig at ganap na pagpapasakop. Dahil nais ng Diyos na gawin kay Abraham ang gayon kadakilang bagay, basta na lang ba Niyang gagawin ito nang hindi nakikita ang dalawang bagay na ito kay Abraham? Tiyak na hindi. Kaya, pagkatapos siyang bigyan ng Diyos ng isang anak, hindi maiiwasan na pagdaraanan ni Abraham ang gayong pagsubok; ito ang itinakda ng Diyos na gawin, at ang pinlano ng Diyos na gawin noon pa man. Nang umayon na ang mga bagay sa kahilingan ng Diyos, at natugunan na ni Abraham ang mga hinihingi ng Diyos, saka lang nagsimulang planuhin ng Diyos ang susunod na hakbang ng Kanyang gawain: gawing kasindami ng mga bituin sa langit at buhangin sa dalampasigan ang mga inapo ni Abraham—kaya siya ang naging ama ng lahat ng bansa. Hangga’t hindi pa nalalaman at natutupad ang kalalabasan ng hiling ng Diyos kay Abraham na isakripisyo si Isaac, hindi kikilos nang basta-basta ang Diyos; pero nang matupad na ito, natugunan ng taglay ni Abraham ang mga pamantayan ng Diyos, na nangangahulugang matatanggap niya ang lahat ng pagpapalang pinlano ng Diyos para sa kanya. Kung gayon, mula sa paghahandog kay Isaac, makikita na ang Diyos ay may mga inaasahan at hinihinging pamantayan sa mga tao para sa anumang gawaing ginagawa Niya sa kanila, o sa anumang papel na hinihingi Niyang gampanan nila, o anumang atas na hinihingi Niyang tanggapin nila sa Kanyang plano ng pamamahala. May dalawang uri ng resulta sa mga inaasahan ng Diyos sa mga tao: Ang isa ay kung hindi mo magagawa ang hinihingi Niya sa iyo, matitiwalag ka; ang isa pa ay kung magagawa mo iyon, ipagpapatuloy ng Diyos na tuparin sa iyo ang gusto Niyang gawin alinsunod sa plano Niya. Ang tunay na pananalig at ganap na pagpapasakop na hinihingi ng Diyos sa mga tao ay, sa realidad, hindi masyadong mahirap para sa mga tao na makamit. Pero madali o mahirap man ang mga ito, may dalawang bagay, para sa Diyos, na dapat matagpuan sa mga tao. Kung magagawa mong matugunan ang pamantayang ito, makikita ng Diyos na sapat ka, at wala na Siyang hihingin pa; kung hindi mo magagawa iyon, ibang usapin na iyon. Ang katunayang hiniling ng Diyos kay Abraham na ihandog ang anak niya ay nagpapakita na hindi Niya itinuring na ang kailangan lang ay nagtataglay si Abraham sa oras na iyon ng may-takot-sa-Diyos na puso at tunay na pananalig sa Kanya, na ang “humigit-kumulang” ay sapat na. Tiyak na hindi iyon ang pamamaraan ng paghingi ng Diyos; humihingi Siya ayon sa paraan Niya, at ayon sa kayang makamit ng mga tao, at hindi puwedeng makipagtawaran tungkol dito. Hindi ba’t ito ang kabanalan ng Diyos? (Ito nga.) Gayon ang kabanalan ng Diyos.

Maging ang isang mabuting tao na gaya ni Abraham, na dalisay, may tunay na pananalig, at nagtataglay ng pagkamakatwiran, ay kinailangang tanggapin ang pagsubok ng Diyos—kaya sa mata ng sangkatauhan, hindi ba’t parang walang pagsasaalang-alang sa mga damdamin ng tao ang pagsubok na ito? Pero ang kawalang ito ng pagsasaalang-alang sa mga damdamin ng tao ang mismong pagpapamalas ng disposisyon at diwa ng Diyos, at sumailalim si Abraham sa ganitong uri ng pagsubok. Sa pagsubok na ito, ipinakita ni Abraham sa Diyos ang kanyang di-mapagkompromisong pananalig at di-mapagkompromisong pagpapasakop sa Lumikha. Nakapasa si Abraham sa pagsubok. Sa karaniwan, hindi kailanman naranasan ni Abraham ang anumang pagbabago sa kapalaran, pero pagkatapos siyang subukin ng Diyos nang ganito, napatunayang totoo ang karaniwang pananalig at pagpapasakop niya; hindi ito panlabas, hindi ito isang islogan. Na may kakayahan pa rin si Abraham na magpakita ng di-mapagkompromisong pagpapasakop sa ilalim ng ganitong pangyayari—matapos magsalita ng gayong mga salita at gumawa ng gayong hinihingi ang Diyos sa kanya—ay tiyak na nangangahulugan ng isang bagay: Sa puso ni Abraham, ang Diyos ay Diyos, at mananatiling Diyos magpakailanman; hindi magbabago ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos anuman ang mga nagbabagong salik. Sa puso niya, ang mga tao ay mananatiling tao magpakailanman at wala silang karapatang makipagtalo, sumubok na mangatwiran, o makipagkompetensiya sa Lumikha, ni wala silang karapatang analisahin ang mga salitang sinabi ng Lumikha. Naniwala si Abraham na pagdating sa mga salita ng Lumikha o sa anumang hiningi ng Lumikha, walang karapatang pumili ang mga tao; ang tanging bagay na dapat nilang gawin ay magpasakop. Napakalinaw ng saloobin ni Abraham—mayroon siyang tunay na pananalig sa Diyos, at nagbunga ang kanyang tunay na pananalig ng tunay na pagpapasakop, kaya anuman ang gawin o hilingin sa kanya ng Diyos, o anumang gawa ang isinagawa ng Diyos, isang bagay man ito na nakita, narinig, o personal na naranasan ni Abraham, wala sa mga ito ang makakaapekto sa tunay niyang pananalig sa Diyos, lalong hindi ito makakaapekto sa mapagpasakop na saloobin niya sa Diyos. Nang sabihin ng Lumikha ang isang bagay na walang pagsasaalang-alang sa mga damdamin ng tao, isang bagay na hindi makatarungang hingin sa tao, gaano man karaming tao ang nainis sa mga salitang ito, lumaban sa mga ito, nag-analisa at sumuri sa mga ito, o nilait pa nga ang mga ito, nanatiling hindi nababahala ang saloobin ni Abraham sa kapaligiran ng mundo sa labas. Hindi nagbago ang pananalig at pagpapasakop niya sa Diyos, at ang mga ito ay hindi lang mga salitang sinambit mula sa kanyang bibig, o mga pormalidad; sa halip, gumamit siya ng mga katunayan para patunayang ang Diyos na pinaniniwalaan niya ay ang Lumikha, na ang Diyos na pinaniniwalaan niya ay ang Diyos sa langit. Ano ang nakikita natin mula sa lahat ng ipinamalas ni Abraham? Nakikita ba natin ang mga pagdududa niya sa Diyos? Nagkaroon ba siya ng mga pagdududa? Sinuri ba niya ang mga salita ng Diyos? Inanalisa ba niya ang mga ito? (Hindi.) Sinasabi ng ilang tao, “Kung hindi niya sinuri o inanalisa ang mga salita ng Diyos, bakit siya nababagabag?” Hindi mo ba siya pinapayagang mabagabag? Nakaramdam siya ng labis na pagkabagabag pero nagawa pa rin niyang magpasakop—kaya mo bang magpasakop kahit hindi ka nababagabag? Gaano nga ba kalaki ang pagpapasakop sa loob mo? Ang katunayang ang ganitong paghihirap at pasakit ay walang epekto sa pagpapasakop ni Abraham ay nagpapatunay na ang pagpapasakop na ito ay totoo, na hindi ito kasinungalingan. Ito ang patotoo sa Diyos ng isang nilikhang tao sa harap ni Satanas, sa harap ng lahat ng bagay, sa harap ng lahat ng nilikha, at napakamakapangyarihan, napakahalaga ng patotoong ito!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.