Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 10 (Unang Bahagi)

Sa ating huling pagtitipon, pinagbahaginan at sinuri natin ang kasabihan tungkol sa wastong asal na “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari.” Mayroon na ba kayo ngayong tunay na pagkaunawa sa iba’t ibang kasabihan tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura? Paano naiiba sa katotohanan ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal? Makukumpirma na ba ninyo ngayon na ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal ay pangunahing hindi ang katotohanan, at na talagang hindi mapapalitan ng mga ito ang katotohanan? (Oo.) Ano ang ipinakikita nito na nakukumpirma ninyo ito? (Na mayroon akong kaunting kakayahang kilatisin kung ano talaga ang mga kasabihang ito sa tradisyonal na kultura. Dati, hindi ko napagtantong nasa puso ko ang mga bagay na ito. Pagkatapos ng ilang pagbabahagi at pagsusuring ito ng Diyos ay saka ko lamang napagtantong sa simula’t sapol, nasa ilalim na ako ng impluwensiya ng mga bagay na ito, at na noon pa man ay tinitingnan ko na ang mga tao at bagay batay sa tradisyonal na kultura. Nakikita ko ring ang mga kasabihang ito ng tradisyonal na kultura ay talagang salungat sa katotohanan, at na ang lahat ng ito ay mga bagay na gumagawang tiwali sa mga tao.) Matapos itong makumpirma, una sa lahat ay mayroon na kayong kaunting pagkilatis sa mga bagay na ito sa tradisyonal na kultura. Bukod sa mayroon na kayong kaalaman batay sa pag-unawa, nakikilatis na rin ninyo ang diwa ng mga bagay na ito mula sa isang teoretikal na perspektiba. Pangalawa, hindi na kayo naaapektuhan ng mga bagay sa tradisyonal na kultura, at naiwawaksi na ninyo ang mga epekto, kontrol, at gapos ng mga bagay na ito mula sa inyong puso at isipan. Lalo na kapag tinitingnan ang iba’t ibang bagay o hinaharap ang iba’t ibang problema, hindi na kayo naiimpluwensiyahan at napipigilan ng mga ideya at pananaw na ito. Sa pangkalahatan, sa pamamagitan ng pagbabahaginan, nagtamo na kayo ng kaunting pagkilatis tungkol sa mga ideya at pananaw na ito ng tradisyonal na kultura. Ito ang resultang nakukuha mula sa pagkaunawa sa katotohanan. Ang mga bagay na ito mula sa tradisyonal na kultura ay mga hungkag at masarap-pakinggang kasabihang puno ng mga satanikong pilosopiya, lalo na ang mga kasabihan tungkol sa wastong asal na “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,” “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila,” at “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari.” Palaging iniimpluwensiyahan, kinokontrol, at iginagapos ng mga iyon ang mga tao sa pamamagitan ng kanilang mga kaisipan, at hindi gumaganap ang mga iyon ng maagap at positibong papel sa wastong asal ng mga tao. Bagaman mayroon na kayong kaunting pagkilatis ngayon, mahirap na lubusang maiwaksi ang impluwensiya ng mga bagay na ito mula sa kaibuturan ng inyong puso. Kailangan ninyong sangkapan ang inyong sarili ng katotohanan at magdanas alinsunod sa mga salita ng Diyos sa loob ng ilang panahon. Saka lamang ninyo makikita nang malinaw sa wakas kung paanong labis na nakapipinsala, mali, at katawa-tawa ang mga mapagpaimbabaw na bagay na ito, at saka lamang malulutas ang problema sa pinakaugat nito. Kung nais ninyong itakwil ang mga maling kaisipan at ideyang ito at alisin sa inyong sarili ang impluwensiya, kontrol, at gapos ng mga ito sa pamamagitan lamang ng pag-unawa sa ilang doktrina, magiging napakahirap nitong gawin. Ngayong medyo kaya na ninyong kilatisin kung ano talaga ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal, kahit papaano ay mayroon na kayong kaunting pagkaunawa at umunlad na nang kaunti ang inyong pag-iisip. Nakasalalay ang iba pa sa kung paano hahanapin ng isang tao ang katotohanan at kung paano titingnan ng isang tao ang mga tao at bagay ayon sa mga salita ng Diyos, at kung paano magdaranas ang isang tao sa hinaharap.

Sa pakikinig sa mga pagbabahagi at pagsusuring ito sa mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura, malinaw ba ninyong nakikita ang diwa ng mga kasabihang ito? Kung talagang nakikita ninyo ito nang malinaw, matutukoy ninyong ang mga kasabihang ito mula sa tradisyonal na kultura ay hindi ang katotohanan, at hindi rin mapapalitan ng mga ito ang katotohanan. Tiyak ito, at nakumpirma na ito ng karamihan ng mga tao sa kanilang puso sa pamamagitan ng pagbabahaginan. Kaya paano dapat maunawaan ng isang tao ang diwa ng lahat ng iba’t ibang kasabihan tungkol sa wastong asal? Kung hindi haharapin ng isang tao ang suliraning ito alinsunod sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, imposible itong makilatis at maunawaan. Kahit gaano pa karangal at kapositibo sa teorya ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura, talaga bang mga pamantayan ang mga ito para sa mga kilos at pag-uugali ng mga tao, o mga prinsipyo ng pag-asal? (Hindi.) Ang mga iyon ay hindi mga prinsipyo o pamantayan ng pag-asal. Kaya ano ba mismo ang mga iyon? Sa pamamagitan ng pagsusuri sa diwa ng bawat kasabihan tungkol sa wastong asal, makabubuo ba kayo ng konklusyon sa kung ano mismo ang katotohanan at diwa ng mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal na lumitaw sa mga tao? Kahit kailan ba ay hindi ninyo napag-isipan ang katanungang ito? Isinasantabi ang mga mithiin ng mga diumano ay intelektuwal at moralistang nambobola at nagpapalakas sa mga nasa kapangyarihan at masayang-masayang maglingkod sa mga ito, suriin natin ito mula sa perspektiba ng normal na pagkatao. Yamang ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal ay hindi ang katotohanan, lalong hindi makapapalit ang mga ito sa katotohanan, malamang na mapanlinlang ang mga ito. Talagang hindi mga positibong bagay ang mga iyon—tiyak ito. Kung, sa ganitong paraan, makikilala ninyo kung ano ang mga iyon, pinatutunayan nitong nakapagtamo na kayo ng kaunting antas ng pagkaunawa sa katotohanan sa inyong puso, at nagkaroon na kayo ng kaunting pagkilatis. Ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal ay hindi mga positibong bagay, hindi rin mga pamantayan para sa mga kilos at pag-uugali ng mga tao, at lalong hindi mga prinsipyo sa pag-asal ng mga tao na dapat masunod, kaya may mali sa mga ito. Karapat-dapat bang alamin ang totoo tungkol dito? (Oo.) Kung isinasaalang-alang lamang ninyo ang “wastong asal” at iniisip na mga tamang pananaw at positibong bagay ang mga kasabihang ito, nagkakamali kayo at maloloko at malilinlang kayo ng mga ito. Ang mapagpaimbabaw na bagay ay hindi kailanman magiging positibong bagay. Tungkol naman sa iba’t ibang pagpapakita at paggawa ng wastong asal, dapat makilala ng isang tao kung taimtim at mula sa pusong ginagawa ang mga iyon o hindi. Kung ginagawa ang mga iyon dala ng pag-aatubili, pagkukunwari, o upang magkamit ng isang partikular na mithiin, mayroong problema sa mga gayong paggawa at pagpapakita. Makikilatis ba ninyo kung ano talaga ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal? Sino ang makapagsasabi sa Akin? (Gumagamit si Satanas ng mga kasabihan tungkol sa wastong asal upang lituhin at gawing tiwali ang mga tao, at hikayatin silang sumunod sa mga kasabihang ito at isagawa ang mga ito upang makamit ang mga mithiing mahikayat silang sumamba at sumunod kay Satanas, at mailayo sila sa Diyos. Isa ito sa mga taktika at pamamaraan ni Satanas sa paggawang tiwali sa mga tao.) Hindi ito ang diwa ng mga kasabihan tungkol sa wastong asal. Ito ang mithiing nakakamit ni Satanas sa pamamagitan ng paggamit sa gayong mga kasabihan upang manlinlang ng mga tao. Una sa lahat, kailangan ay malinaw ninyong malaman na ang anumang uri ng kasabihan tungkol sa wastong asal ay hindi ang katotohanan, lalo nang hindi ito maaaring humalili sa katotohanan. Ni hindi mga positibong bagay ang mga ito. Kaya ano ba mismo ang mga iyon? Masasabi nang may katiyakan na ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal ay mga heretikong maling paniniwala na ginagamit ni Satanas para linlangin ang mga tao. Hindi ang mga ito ang katotohanang realidad na dapat taglayin ng mga tao, ni hindi ito mga positibong bagay na dapat isabuhay ng normal na pagkatao. Ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal ay binubuo ng mga panghuhuwad, pagkukunwari, palsipikasyon, at panlalansi—ito ay mga huwad na pag-uugali, at hindi talaga nagmumula sa konsiyensiya at katwiran ng tao o sa kanyang normal na pag-iisip. Samakatuwid, lahat ng kasabihan ng tradisyonal na kultura hinggil sa wastong asal ay mga kalokohan at kakatwang erehiya at maling paniniwala. Sa iilang pagbabahaging ito, ang mga kasabihang ipinapanukala ni Satanas tungkol sa wastong asal ay nakondena na mula sa araw na ito, nang buong-buo, hanggang kamatayan. Kung ni hindi positibo ang mga bagay na ito, paano ito natatanggap ng mga tao? Paano nakakapamuhay ang mga tao ayon sa mga ideya at pananaw na ito? Ito ay dahil ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal ay nakaayon nang husto sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao. Pumupukaw ang mga ito ng paghanga at pagsang-ayon, kaya tinatanggap ng mga tao sa kanilang puso ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal, at kahit hindi nila maisagawa ang mga ito, sa kanilang kalooban, tinatanggap at sinasamba nila ang mga ito nang buong kasiyahan. Kaya naman, gumagamit si Satanas ng iba’t ibang kasabihan tungkol sa wastong asal para linlangin ang mga tao, para kontrolin ang puso at pag-uugali nila, sapagkat sa puso nila, sinasamba at pikit-matang pinaniniwalaan ng mga tao ang lahat ng uri ng kasabihan tungkol sa wastong asal, at gusto nilang lahat na gamitin ang mga pahayag na ito para magkunwaring nakadarama sila ng mas higit na dignidad, karangalan, at kabaitan, sa gayon ay nakakamtan nila ang kanilang mithiin na lubos na maigalang at mapuri. Sa madaling salita, hinihingi ng lahat ng iba’t ibang kasabihan tungkol sa wastong asal na kapag may partikular na ginagawa ang mga tao, dapat silang magpakita ng kung anong uri ng pag-uugali o katangian ng tao na saklaw ng wastong asal. Ang mga pag-uugali at katangiang ito ng tao ay tila medyo marangal, at iginagalang, kaya lahat ng tao, sa puso nila, ay labis na hinahangad ang mga ito. Ngunit ang hindi nila naisaalang-alang ay na ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal ay hindi talaga mga prinsipyo ng pag-asal na dapat sundin ng isang normal na tao; sa halip, ang mga ito ay iba-ibang mapagpaimbabaw na mga pag-uugali na maaaring ipakita ng isang tao. Ito ay mga paglihis sa mga pamantayan ng konsiyensiya at katwiran, mga paglayo mula sa kagustuhan ng normal na pagkatao. Gumagamit si Satanas ng mga hindi totoo at pakunwaring kasabihan tungkol sa wastong asal para linlangin ang mga tao, para sambahin nila ito at ang mga mapagpaimbabaw na tinatawag na marurunong, na nagiging sanhi para ituring ng mga tao ang normal na pagkatao at ang mga pamantayan para sa pag-asal ng tao bilang ordinaryo, simple, at mababang mga bagay. Kinasusuklaman ng mga tao ang mga bagay na iyon at iniisip na lubos na walang silbi ang mga iyon. Ito ay dahil ang mga kasabihan tungkol sa wastong asal na sinusuportahan ni Satanas ay lubos na kawili-wili sa paningin at lubos na nakaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Gayunman, ang totoo, walang kasabihan tungkol sa wastong asal, kahit anupaman iyon, ang dapat sundin ng mga tao bilang isang prinsipyo sa kanilang pag-asal o sa kanilang mga pakikitungo sa mundo. Pag-isipan ninyo ito—hindi ba ganito nga? Sa diwa, ang mga kasabihan tungkol sa wastong asal ay mga utos lamang na mababaw na mamuhay ang mga tao nang mas may dignidad at marangal na buhay, para sambahin at purihin sila ng iba, sa halip na hamakin sila. Ang diwa ng mga kasabihang ito ay nagpapakitang mga utos lamang ito na magpakita ang mga tao ng mabuting asal sa pamamagitan ng mabuting pag-uugali, sa gayon ay mapagtakpan at mapigilan ang mga ambisyon at matitinding hangarin ng tiwaling sangkatauhan, mapagtakpan ang masama at kasuklam-suklam na kalikasang diwa ng tao, pati na ang mga pagpapamalas ng iba’t ibang tiwaling disposisyon. Ang layon ng mga ito ay pagandahin ang personalidad ng isang tao sa pamamagitan ng paimbabaw na mabuting pag-uugali at mga gawi, para mapaganda ang tingin ng iba sa kanila at ang pagtingin ng mas malawak na mundo sa kanila. Ipinapakita ng mga puntong ito na ang mga kasabihan ukol sa wastong asal ay tungkol sa pagtatakip sa mga panloob na kaisipan, pananaw, mithiin, at layunin ng tao, sa kanilang kasuklam-suklam na mukha, at sa kanilang kalikasang diwa gamit ang paimbabaw na pag-uugali at mga gawi. Matagumpay bang mapagtatakpan ang mga bagay na ito? Hindi ba mas nagiging halata ang mga ito kapag pinagsisikapang pagtakpan ang mga ito? Ngunit walang pakialam si Satanas tungkol diyan. Ang pakay nito ay pagtakpan ang kasuklam-suklam na mukha ng tiwaling sangkatauhan, pagtakpan ang katotohanan ng katiwalian ng tao. Kaya, hinihikayat ni Satanas ang mga tao na gamitin ang mga pagpapamalas sa pag-uugali ng wastong asal para magpanggap, na nangangahulugang gumagamit ito ng mga tuntunin at pag-uugali ng wastong asal para gawing malinis ang buong anyo ng tao, na nagpapaganda sa mga katangian at personalidad ng isang tao upang igalang at purihin siya ng iba. Sa madaling salita, tinutukoy ng mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal kung ang isang tao ay marangal o mababa batay sa mga pagpapamalas ng kanyang pag-uugali at mga moral na pamantayan. Halimbawa, nakasalalay ang pagsukat sa kung ang isang tao ay mapagkawang-gawa sa pagpapakita niyang isinasakripisyo niya ang sarili niyang mga interes alang-alang sa iba. Kung ipakikita niya iyon nang mabuti, magpapanggap siya nang mabuti, at palalabasing labis siyang kahanga-hanga, maituturing ang taong ito na isang taong may integridad at dignidad, isang taong may napakatataas na moral na pamantayan sa mga mata ng iba, at gagawaran siya ng estado ng plake para sa pagiging isang huwaran ng moralidad na dapat kapulutan ng aral, sundin, at tularan ng iba. Kaya, paano dapat suriin ng mga tao kung ang isang babae ay mabuti o masama? Ito ay sa pamamagitan ng pagtingin sa kung ang iba’t ibang ipinakikitang pag-uugali ng babae sa loob ng kanyang pamayanan ay umaayon sa kasabihang “Ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal.” Kung umaayon siya rito sa bawat aspeto sa pamamagitan ng pagiging malinis, mabait at maamo, pagpapakita ng napakataas na paggalang sa nakatatanda, agad na pagpapaubaya dala ng konsiderasyon sa pangkalahatang interes, pagkakaroon ng mahabang pasensya at kakayahang magtiis ng mga paghihirap, nang hindi nagtatanim ng galit sa mga tao o nakikipagtalo sa iba, at sa pamamagitan ng paggalang sa kanyang mga biyenan at pag-aalaga nang mabuti sa kanyang asawa at mga anak, nang hindi kailanman iniisip ang kanyang sarili, hindi kailanman naghahanap ng anumang kapalit, ni nagtatamasa ng kasiyahan ng laman, at iba pa, kung gayon ay isa nga siyang babaeng malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal. Ginagamit ng mga tao ang mga panlabas na pag-uugaling ito upang suriin ang wastong asal ng mga babae. Hindi tumpak at hindi makatotohanang sukatin ang halaga, kabutihan, at kasamaan ng isang tao sa pamamagitan ng kanyang mga panlabas na gawi at pag-uugali. Ang pagbibigay ng mga ganitong pahayag ay huwad, mapanlinlang, at kalokohan din. Ito ang pangunahing problema sa mga kasabihan tungkol sa wastong asal na nabubunyag sa mga tao.

Batay sa ilang aspetong nabanggit sa itaas, ang mga kasabihan bang ito tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura ay talagang mga prinsipyo ng pag-asal? (Hindi.) Hindi man lang natutugunan ng mga iyon ang mga pangangailangan ng normal na pagkatao, nagiging ganap na taliwas pa nga ang mga iyon dito. Ang ibinibigay ng mga iyon sa sangkatauhan ay hindi mga prinsipyo ng pag-asal, ni mga prinsipyo para sa mga kilos at pag-uugali ng mga tao. Sa kabaligtaran, hinihingi ng mga iyon sa mga taong magpanggap, pagtakpan ang kanilang sarili, umasal at kumilos sa isang partikular na paraan sa harap ng iba upang maging mataas ang tingin sa kanila at purihin sila, hindi sa mithiing ipaunawa sa mga tao kung paano umasal nang tama, o ang tamang paraan ng pagkilos, kundi upang mahikayat ang mga taong mamuhay nang mas nakaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng iba, at upang makuha ang papuri at pagkilala ng iba. Hindi talaga ito ang hinihingi ng Diyos, na umasal at kumilos ang mga tao alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, nang walang pakialam sa iniisip ng mga tao at sa halip ay tumuon lamang sa pagtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos. Ang mga kasabihan tungkol sa wastong asal ay mas tungkol sa paghingi sa mga taong maging disente at marangal sa kanilang pag-uugali, mga gawi, at sa imaheng kanilang ipinakikita—kahit pa isa iyong pagpapanggap—sa halip na tungkol sa paglutas ng mga problemang may kinalaman sa mga kaisipan at pananaw ng mga tao, o may kinalaman sa kanilang kalikasang diwa. Sa madaling salita, ang mga kinakailangang hinihingi sa mga tao ng mga kasabihang tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura ay hindi nakabatay sa diwa ng mga tao, at lalong hindi isinasaalang-alang ng mga iyon ang saklaw na makakamit ng konsiyensiya at katwiran. Kasabay nito, taliwas ang mga iyon sa obhetibong katunayang may mga tiwaling disposisyon ang mga tao at lahat sila ay makasarili at kasuklam-suklam, at pinipilit ng mga iyon ang mga taong gawin ito-at-iyon kaugnay ng kanilang pag-uugali at mga gawi. Samakatuwid, kahit sa aling perspektiba pa ilagay ng mga iyon ang mga kinakailangan sa mga tao, hindi pangunahing mapalalaya ng mga iyon ang mga tao mula sa gapos at kontrol ng mga tiwaling disposisyon, hindi rin malulutas ng mga iyon ang problema ng diwa ng mga tao, sa madaling salita, hindi malulutas ng mga iyon ang mga problemang may kinalaman sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Dahil dito, hindi mababago ng mga iyon ang mga prinsipyo at ang direksyon ng pag-asal ng mga tao, hindi rin maipauunawa ng mga iyon sa mga tao kung paano aasal, kung paano tatratuhin ang iba, o kung paano haharapin ang mga pakikipag-ugnayan sa mga tao mula sa isang positibong aspeto. Sa pagsasalita mula sa ibang perspektiba, ang mga kasabihan tungkol sa wastong asal ay mga uri lamang ng panuntunan at pagpipigil sa pag-uugaling ibinibigay sa mga tao. Bagaman kung titingnan ay mukhang medyo mabuti ang mga ito, hindi namamalayang naaapektuhan ng mga bagay na ito ang pag-iisip at mga pananaw ng mga tao, pinipigilan at iginagapos sila, na ang resulta ay hindi mahanap ng mga tao ang mga tamang prinsipyo at ang landas ng pag-asal at pagkilos. Sa kontekstong ito, ang tanging magagawa ng mga tao ay atubiling tanggapin ang impluwensiya ng mga tradisyonal na kultural na ideya at pananaw, at sa ilalim ng impluwensiya ng mga maling ideya at pananaw na ito, hindi nila namamalayang nawawala na sa kanila ang mga prinsipyo, mithiin, at direksyon ng pag-asal. Nagdudulot ito sa mga tiwaling tao na masadlak sa kadiliman at mawalan ng liwanag, nang sa gayon ay ang tanging magagawa nila ay maghangad ng katanyagan at personal na pakinabang sa pamamagitan ng pag-asa sa panloloko, pagkukunwari, at pandaraya. Halimbawa, kapag may nakikita kang taong nangangailangan ng tulong, agad mong naiisip na, “Ang wastong pag-asal ay nangangahulugang pagiging masaya sa pagtulong sa iba. Isa itong pangunahing prinsipyo at moral na pamantayan sa pag-asal ng mga tao,” kung kaya’t kusa mong tutulungan ang taong iyon. Pagkatapos mo siyang matulungan, pakiramdam mong sa pag-asal nang ganito ay marangal at nagtataglay ka na ng kaunting pagkatao, at hindi namamalayang pinupuri mo pa ang iyong sarili bilang isang marangal na tao, isang taong may marangal na karakter, isang taong may dignidad at karakter, at siyempre, isang taong karapat-dapat na igalang. Kung hindi mo siya tutulungan, iisipin mo, “Naku, hindi ako mabuting tao. Sa tuwing makatatagpo ako ng taong nangangailangan ng tulong at maiisip kong tumulong, palagi kong isinasaalang-alang ang sarili kong mga interes. Napakamakasarili kong tao!” Hindi mamamalayang gagamitin mo ang ideolohikal na pananaw na “Maging masaya sa pagtulong sa iba” upang sukatin ang iyong sarili, pigilan ang iyong sarili, at suriin kung ano ang tama at mali. Kapag hindi mo maisagawa ang kasabihang ito, kasusuklaman o hahamakin mo ang iyong sarili, at medyo mababalisa ka. Susulyapan mo nang may paghanga at pagpapahalaga ang mga taong may kakayahang maging masaya sa pagtulong sa iba, na nadaramang mas marangal sila kaysa sa iyo, mas may dignidad kaysa sa iyo, at mas may karakter kaysa sa iyo. Gayunpaman, pagdating sa gayong mga suliranin, iba ang mga hinihingi ng Diyos. Ang mga hinihingi ng Diyos ay na sundin mo ang Kanyang mga salita at mga katotohanang prinsipyo. Tungkol naman sa wastong asal, paano dapat magsagawa ang mga tao? Sa pamamagitan ba ng pagsunod sa mga tradisyonal na moral at kultural na pananaw, o sa pamamagitan ng pagsunod sa mga salita ng Diyos? Ang lahat ng tao ay humaharap sa pagpapasyang ito. Malinaw na ba sa iyo ngayon ang mga katotohanang prinsipyong itinuturo ng Diyos sa mga tao? Nauunawaan mo ba ang mga iyon? Gaano mo kabuting sinusunod ang mga iyon? Kapag sinusunod mo ang mga iyon, ano ang mga kaisipan at pananaw na nakaiimpluwensya at nakahahadlang sa iyo, at ano ang mga tiwaling disposisyong nahahayag? Ganito mo dapat pagnilayan ang iyong sarili. Gaano ba talaga karami sa diwa ng mga kasabihan tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura ang malinaw mong nakikita sa iyong puso? May puwang pa rin ba ang tradisyonal na kultura sa iyong puso? Ang lahat ng ito ay mga problemang dapat na lutasin ng mga tao. Kapag nalutas ang mga tiwaling disposisyon mo, at nagawa mong sundin ang katotohanan at sundin ang mga salita ng Diyos nang ganap at walang kompromiso, kung ganoon ay ganap na nakaayon ang isinasagawa mo sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi ka na mapipigilan ng mga tiwaling disposisyon, o maigagapos ng mga moral na ideya at pananaw sa tradisyonal na kultura, at tumpak mo nang maisasagawa ang mga salita ng Diyos at makakikilos ka na alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Ang mga ito ang mga prinsipyong dapat na humubog sa asal at mga kilos ng mga mananampalataya. Kapag nakapagsasagawa ka alinsunod sa mga salita ng Diyos, nakasusunod sa mga salita ng Diyos, at nakapagsasagawa alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, bukod sa magiging isa kang taong may mabuting asal, magiging isa ka ring taong makasusunod sa daan ng Diyos. Kapag isinasagawa mo ang mga prinsipyo at ang katotohanan ng pag-asal, bukod sa nagtataglay ka ng mga pamantayan ng wastong asal, mayroon ding mga katotohanang prinsipyo sa iyong pag-asal. Mayroon bang pagkakaiba sa pagitan ng pagsunod sa mga katotohanang prinsipyo at sa pagsunod sa mga pamantayan ng wastong asal? (Oo.) Paano nagkakaiba ang mga iyon? Ang pagsunod sa mga kinakailangan tungkol sa wastong asal ay pagsasagawa at pagpapamalas lamang ng pag-uugali, samantalang ang pagsasagawa alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, mula sa panlabas ay mukha ring isang pagsasagawa, ngunit sinusunod ng pagsasagawang ito ang mga katotohanang prinsipyo. Mula sa perspektibang ito, ang pagsunod sa mga katotohanang prinsipyo ay may kaugnayan sa pag-asal at sa landas na tinatahak ng mga tao. Ibig sabihin nito, kung isasagawa mo ang katotohanan at susundin ang mga katotohanang prinsipyo sa mga salita ng Diyos, pagtahak iyon sa tamang landas, samantalang ang pagsunod sa mga kinakailangan ng wastong asal sa tradisyonal na kultura ay isa lamang pagpapakita ng pag-uugali, tulad lamang ng pagsunod sa mga panuntunan. Walang kinalaman dito ang mga katotohanang prinsipyo, wala ring kaugnayan dito ang landas na tinatahak ng mga tao. Nauunawaan mo ba ang sinasabi Ko? (Oo.) Narito ang isang halimbawa. Halimbawa, hinihingi sa mga tao ng kasabihan tungkol sa wastong asal na “Isakripisyo ang sarili mong mga interes alang-alang sa iba” na “tanggihan ang mas mababang pagkatao at isakatuparan ang mas mataas na pagkatao,” sa anumang oras at sa anumang sitwasyon. Sa mga hindi mananampalataya, isa itong estilong tinatawag na pagkakaroon ng marangal na karakter at matibay na integridad. “Tanggihan ang mas mababang pagkatao at isakatuparan ang mas mataas na pagkatao,”—napakagarbong pananalita naman niyon! Nakapanghihinayang na tila isa lamang itong estilong may marangal na karakter at matibay na integridad, ngunit hindi ito isang katotohanang prinsipyo na dapat sundin ng mga tao. Ang totoo, ang pinakamithiin ng kasabihang ito na “Tanggihan ang mas mababang pagkatao at isakatuparan ang mas mataas na pagkatao,” at ng panghihikayat sa mga taong isakripisyo ang sarili nilang mga interes alang-alang sa iba ay upang masigurong paglilingkuran sila ng iba. Mula sa perspektiba ng mga mithiin at layunin ng mga tao, puno ng mga satanikong pilosopiya at mayroong transaksyonal na katangian ang kasabihang ito. Mula rito, matutukoy mo ba kung mayroong mga katotohanang prinsipyo sa kasabihang “Tanggihan ang mas mababang pagkatao at isakatuparan ang mas mataas na pagkatao”? Talagang wala! Hindi talaga ito isang prinsipyo ng pag-asal, pawang satanikong pilosopiya ito, dahil ang mithiin ng mga tao sa pagtanggi sa kanilang mas mababang pagkatao ay maisakatuparan ang kanilang mas mataas na pagkatao. Marangal man o hindi disente ang gayong pagsasagawa, isa lamang itong panuntunang gumagapos sa mga tao. Mukha itong makatwiran, ngunit sa diwa, ito ay kalokohan at katawa-tawa. Anuman ang mangyari sa iyo, hinihingi lamang nito sa mga taong isakripisyo ang sarili nilang mga interes alang-alang sa iba. Bukal man sa loob mo o hindi, o kaya mo man itong gawin o hindi, at anuman ang kapaligiran, hinihingi lamang nito sa iyong isakripisyo mo ang mga interes mo alang-alang sa iba. Kung hindi mo magagawang “tanggihan ang mas mababang pagkatao,” naroon ang katagang “isakatuparan ang mas mataas na pagkatao” upang tuksuhin ka, upang kahit na hindi mo maisasakripisyo ang sarili mong mga interes alang-alang sa iba, ayaw mo pa rin itong bitiwan. Naaakit ang mga tao ng kaisipang “isakatuparan ang mas mataas na pagkatao.” Sa ilalim ng gayong mga sitwasyon, mahirap magpasya. Kaya isa bang prinsipyo ng pag-asal ang pagsasakripisyo ng mga sariling interes ng isang tao alang-alang sa iba? Magkakamit ba ito ng mga positibong resulta? Pinagtatakpan nang mabuti ng bawat tao ang kanyang sarili, at nagpapakita ng napakataas na karangalan, dignidad, at karakter, ngunit ano ang resulta sa huli? Masasabi lamang na wala itong kahihinatnan, dahil ang paggawa nito ay makakukuha lamang ng pagpapahalaga ng ibang tao, ngunit hindi ng pagsang-ayon ng Lumikha. Paano ito nangyayari? Resulta ba ito ng pagsunod ng lahat sa mga kasabihan tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura at pagsunod sa mga satanikong pilosopiya? Kung tatanggapin ng lahat ng tao ang mga salita ng Diyos, tatanggapin ang mga tamang ideya at pananaw, panghahawakan ang mga katotohanang prinsipyo, at hahangarin ang direksyon sa buhay na may patnubay ng Diyos, magiging madali para sa mga taong tahakin ang tamang landas sa buhay. Mas mabuti bang magsagawa nang ganito kaysa sa isakripisyo ng isang tao ang sariling mga interes alang-alang sa iba? Ang pagsasagawa nang ganito ay pagsunod sa mga katotohanang prinsipyo at pamumuhay sa liwanag alinsunod sa mga salita ng Diyos, sa halip na pagsunod kay Satanas sa landas ng pagpapaimbabaw. Makapagsasabuhay lamang ang isang tao ng tunay na wangis ng tao at makapagtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos sa pamamagitan ng pagtalikod sa mga satanikong pilosopiya, pati na sa lahat ng iba’t ibang ideyang ipinararating ng mga kasabihan tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura, at sa pamamagitan ng pagtanggap sa katotohanan at pamumuhay nang alinsunod sa mga salita ng Diyos.

Batay sa ating napagbahaginan sa itaas, nagkaroon na ba kayo ng anumang konklusyon tungkol sa diwa ng mga kasabihan sa wastong asal? Ang lahat ng iba’t ibang kasabihang ito tungkol sa wastong asal ay mga patakaran at kaugalian lamang na naglilimita sa mga kaisipan, pananaw, at panlabas na pag-uugali ng mga tao. Ang mga iyon ay hindi talaga mga prinsipyo o pamantayan ng pag-asal, at hindi mga prinsipyong dapat sundin ng mga tao kapag nakakaharap ang lahat ng uri ng tao, usapin, at bagay. Kaya, ano ang mga prinsipyong dapat sundin ng mga tao? Hindi ba’t dapat nating pagbahaginan ang tungkol dito? Sinasabi ng ilang tao: “Ano ang pagkakaiba ng mga katotohanang prinsipyong dapat sundin ng mga tao sa mga patakaran at kaugalian ng mga kasabihang iyon tungkol sa wastong asal?” Sabihin ninyo sa Akin, mayroon bang anumang pagkakaiba? (Oo.) Sa anong paraan mayroong pagkakaiba? Ang mga kasabihan tungkol sa wastong asal ay mga patakaran at kaugalian lamang na pumipigil sa mga kaisipan, pananaw, at pag-uugali ng mga tao. Tungkol sa lahat ng iba’t ibang bagay na nangyayari sa mga tao, nagpataw ang mga iyon sa mga tao ng mga kinakailangang naglilimita sa mga pag-uugali nila at naggagapos sa kanilang mga kamay at paa, pinagagawa sa kanila ang kung anu-ano, sa halip na hayaan silang hanapin ang tamang mga prinsipyo at tamang mga paraan upang harapin ang iba’t ibang tao, usapin, at bagay. Samantala, naiiba ang mga katotohanang prinsipyo. Ang masalimuot na mga kinakailangang inilalagay ng mga salita ng Diyos sa mga tao ay hindi mga panuntunan, patakaran o kaugalian, lalong hindi iba’t ibang kasabihang naglilimita sa pag-iisip at pag-uugali ng mga tao. Sa halip, sinasabi ng mga iyon sa mga tao ang mga katotohanang prinsipyo na dapat maunawaan at sundin ng mga tao sa lahat ng uri ng kapaligiran at sa tuwing mayroong mangyayari sa kanila. Kaya, ano ba mismo ang mga prinsipyong ito? Bakit Ko sinasabing tanging ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, o ang mga katotohanang prinsipyo? Dahil ang iba’t ibang kinakailangang inilalagay ng mga salita ng Diyos sa mga tao ay makakamit lahat ng normal na pagkatao, sa puntong hinihingi ng mga iyon sa mga taong huwag magpaimpluwensiya at magpakontrol sa mga damdamin, pagnanasa, ambisyon, at sa kanilang mga tiwaling disposisyon sa tuwing may mangyayari sa kanila, bagkus ay magsagawa alinsunod sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, na isang prinsipyong kayang sundin ng mga tao. Ipinaaalam ng mga katotohanang prinsipyo ng mga salita ng Diyos ang tamang direksiyon at layong dapat sundin ng mga tao, at ang mga iyon din ang landas na dapat tahakin ng mga tao. Bukod sa pinananatili ng mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos na gumagana nang normal ang konsiyensiya at katwiran ng mga tao, likas ding dinaragdag ng mga iyon ang mga prinsipyo ng katotohanan sa saligan na siyang ang konsiyensiya at katwiran ng mga tao. Ang mga ito ang mga pamantayan ng katotohanang makakayanan at maaabot ng mga taong may konsiyensiya at katwiran. Kapag sinusunod ng mga tao ang mga prinsipyong ito ng mga salita ng Diyos, hindi ang pagpapabuti ng kanilang moralidad at integridad ang natatamo nila, ni ang proteksyon ng kanilang dignidad bilang tao. Sa halip, tinahak na nila ang tamang landas sa buhay. Kapag sinusunod ng isang tao ang mga katotohanang prinsipyong ito ng mga salita ng Diyos, bukod sa taglay na niya ang konsiyensiya at katwiran ng isang normal na tao, sa saligan ng pagtataglay ng konsiyensiya at katwiran ay nauunawaan pa niya ang mas maraming katotohanang prinsipyo tungkol sa kung paano siya dapat umasal. Sa madaling salita, nauunawaan niya ang mga prinsipyo ng pag-asal, nalalaman kung aling mga katotohanang prinsipyo ang dapat gamitin kapag tinitingnan ang mga tao at bagay at kapag umaasal at kumikilos, at hindi na siya nakokontrol at naiimpluwensyahan ng sarili niyang mga damdamin, pagnanasa, ambisyon, at tiwaling disposisyon. Sa ganitong paraan, ganap niyang naisasabuhay ang wangis ng isang normal na tao. Pangunahing nilulutas ng mga katotohanang prinsipyong ito na ipinanukala ng Diyos ang problema ng mga tiwaling disposisyong kumokontrol sa mga tao at pumipigil sa kanilang mapalaya ang kanilang sarili sa kasalanan, nang sa gayon ay hindi na mabuhay ang mga tao sa dati nilang buhay, na kontrolado ng mga damdamin, pagnanasa, ambisyon, at tiwaling disposisyon. At ano ang pumapalit sa lahat ng ito? Ito ang pamantayan ng mga salita ng Diyos at ang mga katotohanang prinsipyo, na nagiging buhay ng isang tao. Sa pangkalahatan, sa sandaling simulan ng mga tao ang pagsunod sa mga katotohanang prinsipyo na dapat sundin ng sangkatauhan, hindi na sila nabubuhay sa iba’t ibang paghihirap ng laman. Sa mas tumpak na pananalita, hindi na nabubuhay ang mga tao sa ilalim ng panlilinlang, panloloko, at kontrol ni Satanas. Mas partikular na, hindi na sila nabubuhay sa ilalim ng gapos at kontrol ng napakaraming ideya at pananaw at pilosopiya sa pamumuhay na itinatanim ni Satanas sa mga tao. Sa halip, bukod sa nabubuhay sila nang may dignidad at integridad, nabubuhay rin sila nang malaya at nang may anyo ng mga tao, na siyang tunay na wangis ng mga nilikhang nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha. Ito ang mahalagang kaibahan ng mga salita at katotohanan ng Diyos, sa mga kasabihan tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura.

Medyo malalim ang paksa ng pagbabahagi ngayong araw. Matapos itong pakinggan, dapat ninyo itong pag-isipan nang matagal, hayaan itong tumimo, at tingnan ninyo kung naunawaan ninyo ang nabanggit. Batay sa pagbabahaginang ito, lubos na ba ninyong naunawaan ang pagkakaiba ng mga kasabihan tungkol sa wastong asal at sa katotohanan? Sabihin ninyo sa Akin sa pinakamadaling salita: Ano ang diwa ng mga kasabihan tungkol sa wastong asal? (Ang mga kasabihan tungkol sa wastong asal ay mga patakaran at kaugalian lamang na pumipigil sa mga kaisipan at pag-uugali ng mga tao, hindi mga prinsipyo at pamantayan ng pag-asal ang mga iyon.) Mahusay. May isang kuwento sa tradisyunal na kultura tungkol sa pamimigay ni Kong Rong[a] ng mas malalaking peras. Ano sa palagay ninyo: Hindi ba mabuting tao ang sinumang hindi kayang maging katulad ni Kong Rong? Dati-rati ay iniisip ng mga tao na sinumang kayang maging katulad ni Kong Rong ay marangal ang karakter at matibay ang integridad, hindi makasarili—isang mabuting tao. Isa bang huwaran si Kong Rong ng makasaysayang kuwentong ito na tinularan ng lahat ng tao? May partikular na puwang ba ang taong ito sa puso ng mga tao? (Oo.) Hindi ang kanyang pangalan, kundi ang kanyang mga kaisipan at gawi, kanyang moralidad at pag-uugali, ang may puwang sa puso ng mga tao. Hinahangaan ng mga tao ang gayong mga gawi at sinasang-ayunan ang mga iyon, at sa loob nila ay hinahangaan nila ang wastong asal ni Kong Rong. Samakatuwid, kung makakikita ka ng isang taong hindi kayang isakripisyo ang sarili niyang mga interes alang-alang sa iba, isang taong hindi ang klase ng taong ipamimigay ang mas malalaking peras tulad ng ginawa ni Kong Rong, sa loob mo ay maiinis ka sa kanya at magiging mababa ang tingin mo sa kanya. Kaya may katwiran ba ang iyong pagkainis at mababang pagtingin? Kailangang nakabatay ang mga iyon sa kung anong bagay. Una sa lahat, iisipin mo: “Napakabata pa ni Kong Rong subalit nagawa na niyang ipamigay ang mas malalaking peras, samantalang ikaw ay nasa hustong gulang na at ganito ka pa rin kamakasarili,” at sa loob mo ay mababa ang tingin mo sa kanya. Kaya, nakabatay ba ang mababang pagtingin at pagkainis mo sa kuwento ng pamimigay ni Kong Rong sa mas malalaking peras? (Oo.) Tama bang tingnan ang mga tao sa batayang ito? (Hindi.) Bakit hindi ito tama? Dahil hindi tama ang pinagmulan ng iyong batayan sa pagtingin sa mga tao at bagay, at dahil maling-mali ang iyong pinagsimulan. Ang panimula mo ay ituring ang pamimigay ni Kong Rong sa mas malalaking peras bilang pamantayan sa pagsukat sa mga tao at bagay, ngunit mali ang diskarte at pamamaraang ito ng pagsukat. Sa anong paraan mali ang mga iyon? Mali ang mga iyon sa puntong pinaniniwalaan mong tama ang ideya sa likod ng kuwento ni Kong Rong, at itinuturing mo itong isang positibong ideolohikal na perspektibo kung saan dapat sukatin ang mga tao at bagay. Kapag nanunukat ka nang ganito, ang resultang kahahantungan mo ay na hindi mabubuting tao ang lubhang karamihan sa mga tao. Tumpak ba ang mga resulta ng pagsukat na ito? (Hindi, hindi tumpak ang mga iyon.) Bakit hindi tumpak ang mga iyon? Dahil mali ang iyong pamantayan ng pagsukat. Kung gagamitin ng isang tao ang mga pamamaraan at prinsipyong ibinigay ng Diyos, paano dapat sukatin ng isang tao ang gayong tao? Sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang kung itinataguyod ng taong iyon ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kung nasa panig siya ng Diyos, kung mayroon siyang pusong gumagalang sa Diyos, at kung hinahanap niya ang katotohanang prinsipyo sa kanyang ginagawa: tanging ang pagsukat na nakabatay sa mga aspetong ito ang pinakatumpak. Kung, sa tuwing mayroong mangyayari sa taong ito, nagdarasal siya, naghahanap, at tinatalakay niya ito sa lahat, at—kahit na kung minsan ay hindi niya magawang maging mapagkawang-gawa at medyo makasarili siya sa maliliit na paraan—kung sapat naman ang ginagawa niya kapag sinukat sa mga aspetong hinihingi ng Diyos, isa itong taong kayang tumanggap ng katotohanan, isang taong nasa tama. Kaya saan nakabatay ang konklusyong ito? (Nakabatay ito sa mga salita at hinihingi ng Diyos.) Samakatuwid ay tumpak ba ang konklusyong ito? Mas tumpak pa ito kaysa sa kung susukatin mo ito gamit ang ideolohikal na perspektibo ng pamimigay ni Kong Rong sa mas malalaking peras. Sinusukat ng ideolohikal na perspektibo ng kwento ni Kong Rong ang panandaliang pag-uugali at mga gawi ng mga tao, ngunit ang hinihingi ng Diyos na sukatin ng mga tao ay ang diwa ng taong ito, pati na kung ano mismo ang saloobin ng taong ito sa katotohanan at sa mga hinihingi ng Diyos. Ginagamit mo ang mga kasabihan tungkol sa wastong asal upang sukatin ang panandaliang pag-uugali ng isang tao, o ang kanyang mga kilos o panandaliang paghahayag sa isang pangyayari. Kung gagamitin mo ang mga iyon upang sukatin ang mga likas na katangian ng isang tao, hindi ito magiging tumpak, dahil ang pagsukat sa mga likas na katangian ng isang tao gamit ang mga kasabihan tungkol sa wastong asal ay pagsukat sa kanya gamit ang maling mga prinsipyo, at hindi magiging tumpak ang resultang makukuha mo. Wala sa panlabas niyang mga pag-uugali ang kaibahan, kundi sa halip ay nasa kanyang kalikasang diwa. Samakatuwid, talagang maling sukatin ang mga tao gamit ang mga kasabihan tungkol sa wastong asal. Tumpak lamang na sukatin ang mga tao gamit ang mga katotohanang prinsipyo. Nauunawaan ba ninyo ang sinasabi Ko?

Ang diwa ng mga kasabihan tungkol sa wastong asal ay na mga patakaran at kaugalian ang mga iyon na pumipigil sa pag-uugali at mga kaisipan ng mga tao. Sa isang partikular na paraan, nililimitahan at kinokontrol ng mga iyon ang pag-iisip ng mga tao, at pinipigilan ang ilan sa mga tamang paghahayag ng kaisipan at normal na mga kinakailangan ng normal na pagkatao. Siyempre, masasabi ring sa isang partikular na paraan ay nilalabag ng mga iyon ang ilan sa mga kautusan ng pag-iral ng normal na pagkatao, at pinagkakaitan din ang mga normal na tao ng kanilang mga pangangailangan at karapatang pantao. Halimbawa, sapilitang pinanghihimasukan at sinisira ng klasikong kasabihang “Ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal” ang mga karapatang pantao ng mga babae. Ano ang papel na hinihikayat nitong gampanan ng mga babae sa buong lipunan ng tao? Ginagampanan nila ang papel ng pagiging alipin. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Mula sa perspektibong ito, nasira na ng mga patakaran at kaugalian ng mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal ang kaisipan ng tao, naalis na ang iba’t ibang pangangailangan ng normal na pagkatao, at kasabay niyon ay nalimitahan na ang paghahayag ng mga tao ng iba’t ibang kaisipan ng normal na pagkatao. Ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal, sa diwa, ay hindi nilikha batay sa mga pangangailangan ng mga normal na tao, ni batay sa mga pamantayang kayang abutin ng mga normal na tao, bagkus ay nilikhang lahat batay sa mga imahinasyon at maambisyong kagustuhan ng mga tao. Bukod sa pinipigilan at nililimitahan ng mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal ang mga kaisipan ng mga tao, at pinipigilan ang pag-uugali ng mga tao, hinihikayat din ng mga ito ang mga taong sambahin at hangarin ang mga bagay na mali at kathang-isip. Ngunit hindi makakamit ng mga tao ang mga iyon, kaya ang tanging magagawa nila ay gumamit ng pagkukunwari upang itago at pagtakpan ang kanilang sarili, nang sa gayon ay magkaroon sila ng disente, marangal na buhay, isang buhay na mukhang lubhang kagalang-galang. Ngunit ang katunayan, ang pamumuhay sa ilalim ng mga ideya at pananaw na ito ng wastong asal ay nangangahulugang baluktot at nalilimitahan ang mga kaisipan ng sangkatauhan, at na nabubuhay nang hindi normal at mahalay ang mga tao sa ilalim ng kontrol ng mga maling ideya at perspektibong ito, hindi ba? (Oo.) Ayaw ng mga taong mamuhay nang ganito, at ayaw nilang gawin ito, ngunit hindi sila makawala sa mga pagpipigil ng mga ideolohikal na gapos na ito. Ang tanging magagawa nila ay mabuhay nang may pag-aatubili at napipilitan sa ilalim ng impluwensiya at paglilimita ng mga ideya at pananaw na ito. Kasabay niyon, dala ng panggigipit ng opinyon ng madla at ng mga ideya at pananaw na ito sa kanilang puso, wala silang magagawa kundi pahabain ang kanilang hindi marangal na pag-iral sa mundong ito gamit ang balatkayo ng sunud-sunod na pagpapaimbabaw. Ito ang bunga ng mga kasabihan tungkol sa wastong asal para sa sangkatauhan. Naunawaan na ba ninyo ito? (Oo.) Habang mas pinagbabahaginan at sinusuri natin ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal, lalong nakikita nang malinaw ng mga tao ang mga iyon, at lalo nilang nadarama na hindi positibong mga bagay ang iba’t ibang kasabihang ito sa tradisyonal na kultura. Nailigaw at napinsala na ng mga iyon ang mga tao sa loob ng libu-libong taon, hanggang sa puntong kahit na pagkatapos mapakinggan ng mga tao ang mga salita ng Diyos at maunawaan ang katotohanan, hindi pa rin nila maalis sa kanilang sarili ang impluwensiya ng mga ideya at pananaw na ito mula sa tradisyonal na kultura, at hinahangad pa nga ang mga iyon na para bang mga positibong bagay. Ginagamit pa nga ng maraming tao ang mga iyon bilang pamalit sa katotohanan, at isinasagawa bilang ang katotohanan. Sa pamamagitan ng pagbabahaginan ngayong araw, nagtamo na ba kayo ng mas mabuti at mas tumpak na pagkaunawa sa mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura? (Oo.) Ngayong mayroon na kayong kaunting pagkaunawa sa mga iyon, ipagpatuloy na natin ang pagbabahaginan ukol sa ibang kasabihan tungkol sa wastong asal.

Talababa:

a. Si Kong Rong ay itinatampok sa isang kilalang kuwentong Chinese, na tradisyunal na ginagamit para turuan ang mga bata tungkol sa mga kahalagahan ng kagandahang-loob at pagmamahal sa kapatid. Isinasalaysay ng kuwento kung paanong, nang tumanggap ng isang basket ng mga peras ang kanyang pamilya, ipinamigay ng apat-na-taong-gulang na si Kong Rong ang mas malalaking peras sa kanyang mga kuya at kinuha ang pinakamaliit para sa kanyang sarili.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.