Ang gawaing ginawa ni Jesus ay naaayon sa mga pangangailangan ng tao sa kapanahunang iyon. Ang Kanyang tungkulin ay tubusin ang sangkatauhan, patawarin ang kanilang mga pagkakasala, kaya’t ang Kanyang disposisyon ay ganap na isang kapakumbabaan, pagpapasensya, pag-ibig, kabanalan, pagtitiis, awa, at kagandahang-loob. Nagdala Siya ng saganang biyaya at mga pagpapala sa sangkatauhan, at lahat ng bagay na maaaring tamasahin ng mga tao, Kanyang ibinigay sa kanila para sa kanilang kasiyahan: kapayapaan at kaligayahan, ang Kanyang pagpaparaya at pagmamahal, Kanyang awa at kagandahang-loob. Noon, ang saganang mga bagay na nakasisiya na naranasan ng mga tao—ang damdamin ng kapayapaan at seguridad sa kanilang kalooban, ang damdamin ng kapanatagan sa kanilang espiritu, at ang kanilang pag-asa kay Jesus na Tagapagligtas—ay umiral na lahat sa kapanahunan na nabuhay sila. Sa Kapanahunan ng Biyaya, nagawa nang tiwali ni Satanas ang tao, kaya para magawa ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan, kinailangan ang saganang biyaya, walang-katapusang pagtitiis at pagpapasensya, at higit pa rito, isang handog na sapat para magbayad-sala para sa mga kasalanan ng sangkatauhan, upang magkaroon ito ng epekto. Ang nakita ng sangkatauhan sa Kapanahunan ng Biyaya ay yaon lamang handog Kong pagbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sangkatauhan: si Jesus. Ang alam lamang nila ay na maaaring maging maawain at matiisin ang Diyos, at ang nakita lamang nila ay ang awa at kagandahang-loob ni Jesus. Ito ay dahil lamang sa ipinanganak sila sa Kapanahunan ng Biyaya. Kaya nga, bago sila maaaring tubusin, kinailangan nilang matamasa ang maraming uri ng biyaya na ipinagkaloob ni Jesus sa kanila upang makinabang sila rito. Sa ganitong paraan, maaari silang mapatawad sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng pagtatamasa nila ng biyaya, at maaari din silang magkaroon ng pagkakataong matubos sa pamamagitan ng pagtatamasa ng pagtitiis at pagpapasensya ni Jesus. Sa pamamagitan lamang ng pagtitiis at pagpapasensya ni Jesus sila nagkakaroon ng karapatang tumanggap ng kapatawaran at magtamasa ng saganang biyaya na ipinagkaloob ni Jesus. Gaya ng sabi ni Jesus: Ako ay pumarito hindi upang tubusin ang matuwid kundi ang mga makasalanan, upang tulutan ang mga makasalanan na mapatawad sa kanilang mga kasalanan. Kung si Jesus, noong Siya ay naging tao, ay nagdala ng disposisyon ng paghatol, sumpa, at kawalan ng pagpaparaya sa mga kasalanan ng tao, hindi kailanman magkakaroon ng pagkakataon ang tao na matubos, at mananatili silang makasalanan magpakailanman. Kung nagkagayon, tumigil na sana ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala noong Kapanahunan ng Kautusan, at tumagal sana nang anim na libong taon ang Kapanahunan ng Kautusan. Lalo pa sanang dumami at bumigat ang mga kasalanan ng tao, at nauwi sana sa wala ang paglikha sa sangkatauhan. Si Jehova lamang sana ang napaglingkuran ng mga tao sa ilalim ng kautusan, ngunit mas marami sana ang kanilang mga kasalanan kaysa roon sa mga tao na unang nilikha. Habang lalong minahal ni Jesus ang sangkatauhan, pinatatawad ang kanilang mga kasalanan at pinagkakalooban sila ng sapat na awa at kagandahang-loob, lalong nagkaroon ng karapatan ang sangkatauhan na mailigtas ni Jesus, na matawag na mga nawawalang tupa na binili ni Jesus sa napakalaking halaga. Hindi maaaring makialam si Satanas sa gawaing ito, dahil pinakitunguhan ni Jesus ang Kanyang mga tagasunod na parang pakikitungo ng isang mapagmahal na ina sa sanggol na nasa kanyang sinapupunan. Hindi Siya nagtanim ng galit sa kanila ni hindi Niya sila hinamak, kundi Siya ay puno ng kaaliwan; hindi kailanman sumiklab ang Kanyang galit sa kanila, kundi tiniis Niya ang kanilang mga kasalanan at nagbulag-bulagan sa kanilang mga kahangalan at kamangmangan, at sinabi pang, “Patawarin ninyo ang iba nang pitumpung pitong beses.” Binago ng puso Niya nang ganoon ang puso ng iba, at sa ganoong paraan lamang natanggap ng mga tao ang kapatawaran sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang pagtitiis.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Totoong Kwento sa Likod ng Gawain sa Kapanahunan ng Pagtubos
Ipinangaral sa Kapanahunan ng Biyaya ang ebanghelyo ng pagsisisi, at basta’t maniwala ang tao, siya ay maliligtas. Sa kasalukuyan, sa halip na kaligtasan, mayroon lamang pag-uusap tungkol sa paglupig at pagperpekto. Hindi kailanman sinabi na kung nananampalataya ang isang tao, ang kanyang buong pamilya ay pagpapalain, o na kapag nailigtas na ay palagi nang ligtas. Sa kasalukuyan, walang sinuman ang nagsasabi ng mga salitang ito, at ang gayong mga bagay ay lipas na. Sa panahong iyon, ang gawain ni Jesus ay ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan. Ang mga kasalanan ng lahat ng naniwala sa Kanya ay pinatawad; basta’t ikaw ay naniniwala sa Kanya, ikaw ay Kanyang tutubusin; kung ikaw ay naniniwala sa Kanya, wala ka na sa pagkakasala, ikaw ay pinawalang-sala na sa iyong mga kasalanan. Ito ang kahulugan ng maligtas, at mapawalang-sala ng pananampalataya. Ngunit sa mga naniwala, mayroon pa ring nanatiling mga mapanghimagsik at sumalungat sa Diyos, at kailangan pa ring dahan-dahang alisin. Ang kaligtasan ay hindi nangahulugan na ang tao ay lubusan nang nakamit ni Jesus, kundi na ang tao ay wala na sa kasalanan, na siya ay pinatawad na sa kanyang mga kasalanan. Basta’t ikaw ay naniniwala, hindi ka na kailanman nasa kasalanan pa. Sa panahong iyon, si Jesus ay gumawa ng maraming gawain na hindi maintindihan ng Kanyang mga disipulo, at nagsabi ng marami na hindi naunawaan ng mga tao. Ito ay dahil, sa panahong iyon, hindi Siya nagbigay ng anumang paliwanag. Kaya, maraming taon pagkatapos Niyang umalis, nilikha ni Mateo ang talaangkanan ni Jesus, at gumawa rin ang iba ng maraming gawain na naaayon sa kalooban ng tao. Hindi pumarito si Jesus upang gawing perpekto at kamitin ang tao, kundi upang magsagawa ng isang yugto ng gawain: ang dalhin ang ebanghelyo ng kaharian ng langit at tapusin ang gawain ng pagpapapako sa krus. At kaya, nang naipako na sa krus si Jesus, ang Kanyang gawain ay lubos nang natapos. Ngunit sa kasalukuyang yugto—ang gawain ng paglupig—mas maraming salita ang dapat ipahayag, mas maraming gawain ang dapat isagawa, at kailangang magkaroon ng maraming proseso. Kaya dapat ding mabunyag ang mga hiwaga ng gawain nina Jesus at Jehova, nang sa gayon ay maaaring magkaroon ang lahat ng tao ng pang-unawa at kalinawan sa kanilang paniniwala, dahil ito ang gawain sa mga huling araw, at ang mga huling araw ang katapusan ng gawain ng Diyos, ang panahon ng pagtatapos ng gawain. Liliwanagin para sa iyo ng yugtong ito ng gawain ang kautusan ni Jehova at ang pagtubos ni Jesus, at pangunahin na ito’y upang maunawaan mo ang buong gawain ng anim na libong taong plano ng pamamahala ng Diyos, at mapahalagahan ang lahat ng kabuluhan at diwa ng anim na libong taong plano ng pamamahala na ito, at maunawaan ang layunin ng lahat ng gawaing isinagawa ni Jesus at ang mga salitang Kanyang sinabi, at maging ang iyong bulag na paniniwala at pagsamba sa Biblia. Tutulutan ka nito na lubos na maunawaan ang lahat ng ito. Magagawa mong maunawaan kapwa ang gawain na ginawa ni Jesus, at ang gawain ng Diyos ngayon; mauunawaan mo at iyong mapagmamasdan ang lahat ng katotohanan, ang buhay, at ang daan. Sa yugto ng gawaing isinagawa ni Jesus, bakit umalis si Jesus nang hindi ginagawa ang pagtatapos na gawain? Dahil ang yugto ng gawain ni Jesus ay hindi ang gawain ng pagtatapos. Nang Siya ay ipinako sa krus, ang Kanyang mga salita ay natapos din; matapos ang pagpapapako Niya sa krus, ang Kanyang gawain ay ganap nang nagwakas. Ang kasalukuyang yugto ay iba: Tanging pagkatapos sabihin ang mga salita hanggang sa katapusan at magwakas ang buong gawain ng Diyos ay saka lang matatapos ang Kanyang gawain. Sa yugto ng gawain ni Jesus, maraming salita ang nanatiling hindi naipahayag, o hindi naipahayag nang buong linaw. Ngunit walang pakialam si Jesus sa Kanyang mga sinabi at hindi sinabi, dahil ang Kanyang ministeryo ay hindi ang ministeryo ng mga salita, kaya matapos Siyang ipako sa krus, Siya ay lumisan. Ang yugtong iyon ng gawain ay pangunahing para sa pagpapapako sa krus, at hindi katulad ng kasalukuyang yugto. Ang kasalukuyang yugtong ito ng gawain ay pangunahing para sa pagtatapos, paglilinaw, at paghahatid ng lahat ng gawain sa isang konklusyon. Kung hindi binibigkas ang mga salita hanggang sa kahuli-hulihan, magiging imposibleng matapos ang gawaing ito, dahil sa yugtong ito ng gawain, ang lahat ng gawain ay tinatapos at ginagawa sa pamamagitan ng mga salita. Noong panahong iyon, nagsagawa si Jesus ng maraming gawain na hindi maunawaan ng tao. Siya ay tahimik na lumisan, at ngayon marami pa rin na hindi nakauunawa sa Kanyang mga salita, na mali ang pagkaunawa ngunit naniniwala pa rin na ito ay tama, at hindi alam na mali sila. Ang huling yugto ang magdadala ng gawain ng Diyos sa isang ganap na wakas at magbibigay ng konklusyon nito. Magagawang maunawaan at malaman ng lahat ang plano ng pamamahala ng Diyos. Ang mga kuru-kuro sa loob ng tao, ang kanyang mga layunin, ang kanyang mali at katawa-tawang pagkaunawa, ang kanyang mga kuru-kuro sa gawain nina Jehova at Jesus, ang kanyang mga pananaw tungkol sa mga Gentil, at ang kanyang iba pang mga paglihis at mga kamalian ay itatama. At mauunawaan ng tao ang lahat ng tamang landas ng buhay, at ang lahat ng gawaing ginawa ng Diyos, at ang buong katotohanan. Kapag nangyari iyon, ang yugtong ito ng gawain ay matatapos na.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 2
Ang gawain sa mga huling araw ay ang bumigkas ng mga salita. May malalaking pagbabago na maibubunga sa tao sa pamamagitan ng mga salita. Ang mga pagbabagong nangyayari ngayon sa mga taong ito sa pagtanggap nila ng mga salitang ito ay higit kaysa roon sa mga tao noong sila ay tumanggap ng mga tanda at mga kababalaghan sa Kapanahunan ng Biyaya. Sapagkat, sa Kapanahunan ng Biyaya, ang mga demonyo ay pinalayas sa tao sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay at panalangin, ngunit ang tiwaling mga disposisyon sa kalooban ng tao ay nanatili pa rin. Ang tao ay pinagaling sa kanyang sakit at pinatawad sa kanyang mga kasalanan, ngunit ang gawain ng kung paano maiwawaksi ang tiwaling maka-satanas na disposisyon sa loob ng tao ay hindi pa nagawa. Ang tao ay nailigtas lamang at napatawad sa kanyang mga kasalanan dahil sa kanyang pananampalataya, ngunit ang makasalanang kalikasan ng tao ay hindi naalis at nanatili pa rin sa kanyang kalooban. Ang mga kasalanan ng tao ay napatawad sa pamamagitan ng Diyos na nagkatawang-tao, ngunit hindi ito nangangahulugan na ang tao ay wala nang kasalanan sa kalooban niya. Ang mga kasalanan ng tao ay maaaring mapatawad sa pamamagitan ng handog para sa kasalanan, ngunit walang paraan ang tao para lutasin ang suliranin kung paano siya hindi na muling magkakasala at kung paanong ang kanyang makasalanang kalikasan ay ganap na maiwawaksi at mababago. Ang mga kasalanan ng tao ay napatawad dahil sa gawain ng pagpapapako sa krus ng Diyos, ngunit ang tao ay patuloy na namuhay sa dati niyang tiwaling maka-satanas na disposisyon. Dahil dito, ang tao ay dapat na ganap na mailigtas mula sa kanyang tiwaling maka-satanas na disposisyon upang ang makasalanang kalikasan ng tao ay maaaring ganap na maiwaksi at hindi na kailanman muling mabubuo, at sa gayon ay tinutulutang mabago ang disposisyon ng tao. Kakailanganin nito na maunawaan ng tao ang landas ng paglago sa buhay, ang daan ng buhay, at ang daan upang baguhin ang kanyang disposisyon. Kakailanganin din na ang tao ay kumilos alinsunod sa landas na ito, nang sa gayon ang disposisyon niya ay unti-unting mababago at makakapamuhay siya sa ilalim ng sikat ng liwanag, upang ang lahat ng ginagawa niya ay maging kaayon ng kalooban ng Diyos, upang maiwaksi niya ang kanyang tiwaling maka-satanas na disposisyon, at upang makalaya siya mula sa impluwensya ng kadiliman ni Satanas, at sa gayon ay ganap na makalaya mula sa kasalanan. Saka lamang matatanggap ng tao ang ganap na kaligtasan. Nang ginagawa ni Jesus ang Kanyang gawain, ang pagkakakilala ng tao sa Kanya ay malabo pa rin at hindi maliwanag. Ang tao ay laging naniwala na Siya ay anak ni David at ipinahayag na Siya ay isang dakilang propeta at ang mabuting Panginoon na tumubos sa mga kasalanan ng tao. Ang ilan, dahil sa lakas ng kanilang pananampalataya, ay gumaling sa pamamagitan lamang ng paghipo sa laylayan ng Kanyang damit; ang bulag ay nakakita at maging ang patay ay nabuhay muli. Gayunman, hindi nagawang matuklasan ng tao ang tiwaling maka-satanas na disposisyon na malalim na nakatanim sa kalooban niya at hindi rin alam ng tao kung paano iwaksi ito. Ang tao ay nakatanggap ng labis na biyaya, tulad ng kapayapaan at kasiyahan ng laman, ang pagpapala ng buong pamilya dahil sa pananampalataya ng isa, at ang pagpapagaling ng mga sakit, at iba pa. Ang natitira ay ang mga mabuting gawa ng tao at kanyang maka-Diyos na itsura; kung ang isang tao ay kayang mabuhay batay sa ganito, siya ay itinuring na isang katanggap-tanggap na mananampalataya. Ang mga mananampalatayang tulad lamang nito ang maaaring pumasok sa langit pagkamatay, na nangangahulugan na sila ay nailigtas. Ngunit, sa kanilang buong buhay, hindi nila naunawaan kahit kaunti ang daan ng buhay. Ang ginawa lamang nila ay gumawa ng mga kasalanan at pagkatapos ay ikumpisal ang kanilang mga kasalanan nang paulit-ulit nang walang anumang landas sa pagbabago ng kanilang disposisyon: Ganyan ang kalagayan ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang tao ba ay nakatanggap ng ganap na kaligtasan? Hindi! Samakatuwid, matapos na makumpleto ang yugtong iyon ng gawain, naroon pa rin ang gawain ng paghatol at pagkastigo. Ang yugtong ito ay para dalisayin ang tao sa pamamagitan ng salita at sa gayo’y bigyan siya ng isang landas na susundan. Ang yugtong ito ay hindi magiging mabunga o makahulugan kung nagpatuloy ito sa pagpapalayas ng mga demonyo, sapagkat ang makasalanang kalikasan ng tao ay hindi maiwawaksi at ang tao ay hihinto lamang sa pagpapatawad ng mga kasalanan. Sa pamamagitan ng handog para sa kasalanan, ang tao ay napatawad sa kanyang mga kasalanan, sapagkat ang gawain ng pagpapapako sa krus ay dumating na sa katapusan at ang Diyos ay nanaig laban kay Satanas. Ngunit ang tiwaling disposisyon ng tao ay nananatili pa rin sa loob niya at ang tao ay maaari pa ring magkasala at labanan ang Diyos, at hindi pa nakamit ng Diyos ang sangkatauhan. Kung kaya sa yugtong ito ng gawain ay ginagamit ng Diyos ang salita upang ibunyag ang tiwaling disposisyon ng tao, na nagsasanhi sa kanyang magsagawa alinsunod sa tamang landas. Ang yugtong ito ay mas makahulugan kaysa nauna at mas mabunga rin, dahil sa ngayon ang salita ang direktang nagtutustos sa buhay ng tao at nagbibigay-daan upang ang disposisyon ng tao ay ganap na mapanibago; ito ay isang yugto ng gawain na mas masusi. Samakatuwid, nakumpleto ng pagkakatawang-tao sa mga huling araw ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos at ganap na tumapos sa plano ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4