Ngayon, naniniwala ang mga tao na ang Biblia ay Diyos, at na ang Diyos ay ang Biblia. Kaya, naniniwala rin sila na lahat ng salita sa Biblia ay tanging mga salita na binigkas ng Diyos, at lahat ng ito ay sinabi ng Diyos. Iniisip pa ng mga naniniwala sa Diyos na bagama’t lahat ng animnapu’t anim na aklat ng Luma at Bagong Tipan ay isinulat ng mga tao, lahat ng ito ay ipinagkaloob sa pamamagitan ng inspirasyon ng Diyos, at isang talaan ng mga pagbigkas ng Banal na Espiritu. Ito ang maling pagkaunawa ng tao, at hindi ito lubos na naaayon sa mga totoong nangyari. Sa katunayan, maliban sa mga aklat ng propesiya, karamihan sa Lumang Tipan ay talaan ng kasaysayan. Ang ilan sa mga sulat sa Bagong Tipan ay nagmula sa mga karanasan ng mga tao, at ang ilan ay nagmula sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu; ang mga sulat ni Pablo, halimbawa, ay nagmula sa gawain ng isang tao, resulta ang lahat ng ito ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at isinulat para sa mga iglesia, at mga salitang nagpapayo at naghihikayat sa mga kapatid sa mga iglesia. Hindi ito mga salitang sinabi ng Banal na Espiritu—hindi makapagsasalita si Pablo sa ngalan ng Banal na Espiritu, at hindi rin siya isang propeta, at lalong hindi siya nakakita ng mga pangitain na nakita ni Juan. Ang kanyang mga sulat ay isinulat para sa mga iglesia ng Efeso, Filadelfia, Galacia, at iba pang mga iglesia. Kaya ang mga sulat ni Pablo sa Bagong Tipan ay mga liham ni Pablo para sa mga iglesia, at hindi mga inspirasyon mula sa Banal na Espiritu, ni hindi ito mga tuwirang pagbigkas ng Banal na Espiritu. Mga salita lamang ito ng pagpapayo, pag-aliw, at paghihikayat na isinulat niya para sa mga iglesia habang ginagampanan ang kanyang gawain. Kaya isang talaan din ito ng karamihan ng ginawa ni Pablo sa panahong iyon. Isinulat ang mga ito para sa lahat na kapatid sa Panginoon, upang sundin ng mga kapatid sa iglesia sa panahong iyon ang kanyang payo at sumunod sila sa daan ng pagsisisi ng Panginoong Jesus. Hindi sinabi ni Pablo sa anumang paraan na lahat ay kailangang kumain at uminom ng mga bagay na isinulat niya, mga iglesia man sila noong panahong iyon o sa hinaharap, ni hindi niya sinabi na ang kanyang mga salita ay nagmulang lahat sa Diyos. Ayon sa sitwasyon ng iglesia sa panahong iyon, kinausap lang niya ang mga kapatid, at pinayuhan sila, at binigyang-inspirasyon silang maniwala; at nangaral o nagpaalala lang siya sa mga tao at pinayuhan sila. Ang kanyang mga salita ay batay sa kanyang sariling pasanin, at sinuportahan niya ang mga tao sa pamamagitan ng mga salitang ito. Ginampanan niya ang gawain ng isang apostol ng mga iglesia noong panahong iyon, isa siyang manggagawa na ginamit ng Panginoong Jesus, at kaya kailangan niyang tanggapin ang responsibilidad para sa mga iglesia, at kailangan niyang isagawa ang gawain ng mga iglesia, kailangan niyang malaman ang mga sitwasyon ng mga kapatid—at dahil dito, sumulat siya ng mga liham para sa lahat ng kapatid na nasa Panginoon. Lahat ng sinabi niya na nakakapagpatibay at positibo sa mga tao ay tama, pero hindi nito kinatawan ang mga pagbigkas ng Banal na Espiritu, at hindi nito maaaring katawanin ang Diyos. Napakasamang pagkaunawa at napakalaking kalapastangan sa Diyos ang tratuhin ng mga tao ang mga talaan ng mga karanasan at mga sulat ng isang tao bilang mga salitang sinabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesia! Totoo iyan lalung-lalo na kapag nagmumula ito sa mga sulat ni Pablo para sa mga iglesia, sapagkat ang kanyang mga liham ay isinulat para sa mga kapatid batay sa mga kalagayan at sitwasyon ng bawat iglesia sa panahong iyon, at ginawa upang payuhan ang mga kapatid sa Panginoon, upang matanggap nila ang biyaya ng Panginoong Jesus. Ang kanyang mga sulat ay ginawa para pukawin ang mga kapatid noong panahong iyon. Masasabi na ito ang sarili niyang pasanin, at ang pasanin ding ibinigay sa kanya ng Banal na Espiritu; tutal naman, isa siyang apostol na namuno sa mga iglesia noong panahong iyon, na sumulat ng mga liham para sa mga iglesia at pinayuhan sila—iyon ang kanyang responsibilidad. Ang kanyang pagkakakilanlan ay sa isang naglilingkod lamang na apostol, at isa lang siyang apostol na isinugo ng Diyos; hindi siya isang propeta, ni isang manghuhula. Para sa kanya, ang sarili niyang gawain at ang buhay ng mga kapatid ang pinakamahalaga. Kaya hindi siya makapagsasalita sa ngalan ng Banal na Espiritu. Ang kanyang mga salita ay hindi mga salita ng Banal na Espiritu, at lalong hindi masasabi na mga salita iyon ng Diyos, sapagkat si Pablo ay wala nang iba pa kundi isang nilalang lamang ng Diyos, at tiyak na hindi ang pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang kanyang pagkakakilanlan ay hindi kapareho ng kay Jesus. Ang mga salita ni Jesus ay mga salita ng Banal na Espiritu, ito ay mga salita ng Diyos, sapagkat ang Kanyang pagkakakilanlan ay iyong kay Cristo—ang Anak ng Diyos. Paano Siya magiging isang kapantay ni Pablo? Kung ituturing ng mga tao ang mga sulat o salita na katulad ng kay Pablo bilang mga pagbigkas ng Banal na Espiritu, at sinasamba ang mga ito bilang Diyos, masasabi lamang na masyado silang hindi maselan. Sa mas masakit na pananalita, hindi ba ito’y wala nang iba kundi paglapastangan sa Diyos? Paano makapagsasalita ang isang tao sa ngalan ng Diyos? At paanong nakayuyukod ang mga tao sa mga talaan ng kanyang mga sulat at ng mga salitang kanyang sinabi na para bang ang mga ito ay isang banal na aklat, o isang makalangit na aklat? Maaari bang kaswal na bigkasin ng tao ang mga salita ng Diyos? Paano makapagsasalita ang isang tao sa ngalan ng Diyos? Kaya, ano ang masasabi mo—maaari bang hindi mabahiran ng sarili niyang mga kaisipan ang mga isinulat niya para sa mga iglesia? Paanong hindi mababahiran ang mga ito ng mga ideya ng tao? Isinulat niya ang mga liham para sa mga iglesia batay sa personal niyang mga karanasan at sarili niyang kaalaman. Halimbawa, sumulat si Pablo ng liham sa mga iglesia sa Galacia na may partikular na opinyon, at sumulat si Pedro ng isa pa, na may ibang pananaw. Alin dito ang nagmula sa Banal na Espiritu? Walang makapagsasabi nang tiyak. Kaya masasabi lamang na pareho silang may pasanin para sa mga iglesia, ngunit ang kanilang mga sulat ay kumatawan sa kanilang tayog, kinakatawan nito ang kanilang panustos at suporta para sa mga kapatid, at ang kanilang pasanin sa mga iglesia, at kinakatawan lamang nito ang gawain ng tao—hindi lubos na sa Banal na Espiritu ang mga ito. Kung sinasabi mo na ang kanyang mga sulat ay mga salita ng Banal na Espiritu, kakatwa ka, at nilalapastangan mo ang Diyos! Ang mga sulat ni Pablo at ang iba pang mga sulat sa Bagong Tipan ay katumbas ng mga talambuhay ng makabagong espirituwal na mga tao. Kapantay sila ng mga aklat ni Watchman Nee o ng mga karanasan ni Lawrence, at ng iba pa. Talagang hindi lang tinipon ang mga aklat ng makabagong espirituwal na mga tao sa Bagong Tipan, pero ang diwa ng mga taong ito ay pareho: Sila ang mga taong ginamit ng Banal na Espiritu sa isang partikular na panahon, at hindi nila maaaring tuwirang katawanin ang Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 3
Noong Kapanahunan ng Kautusan sa Lumang Tipan, ang malaking bilang ng mga propeta na ginamit ni Jehova ay nagwika ng mga propesiya para sa Kanya, nagbigay sila ng mga tagubilin sa iba’t ibang mga tribo at bansa, at ipinropesiya ang gawain na gagawin ni Jehova. Ang lahat ng mga taong ito na itinaguyod ng Diyos ay binigyan ni Jehova ng Espiritu ng propesiya: Nakita nila ang mga pangitain mula kay Jehova, at narinig nila ang Kanyang tinig, at dahil dito, sila’y nabigyan Niya ng inspirasyon at nagsulat ng propesiya. Ang gawain na kanilang ginawa ay paghahayag ng tinig ni Jehova, ang pagpapahayag ng propesiya ni Jehova, at ang gawain ni Jehova noong panahong iyon ay upang magabayan lamang ang mga tao sa pamamagitan ng Espiritu. Hindi Siya nagkatawang-tao, at hindi nakita ng mga tao ang Kanyang mukha. Kung kaya’t gumamit Siya ng maraming propeta upang magawa ang Kanyang gawain, at binigyan sila ng mga orakulo na kanilang ipinasa sa bawat tribo at angkan ng Israel. Ang kanilang gawain ay magsalita ng propesiya, at ang ilan sa kanila ay isinulat ang mga tagubilin ni Jehova sa kanila upang ipakita sa iba. Ginamit ni Jehova ang mga taong ito upang magsalita ng propesiya, upang ipropesiya ang gawain ng hinaharap o ang gawain na gagawin pa sa panahong iyon, upang makita ng mga tao ang pagiging kamangha-mangha at ang karunungan ni Jehova. Ang mga aklat na ito ng propesiya ay medyo naiiba sa ibang mga aklat ng Biblia. Ang mga ito ay mga salitang binigkas o isinulat ng mga binigyan ng Espiritu ng propesiya—ng mga nagkaroon ng mga pangitain o tinig mula kay Jehova. Maliban sa mga aklat ng propesiya, ang lahat ng iba pa sa Lumang Tipan ay binubuo ng mga talaan na ginawa ng mga tao matapos magawa ni Jehova ang Kanyang gawain. Ang mga librong ito ay hindi maipanghahalili sa mga ipinropesiya ng mga propeta na itinaguyod ni Jehova, sa katulad na paraan na ang Genesis at Exodus ay hindi maikukumpara sa Aklat ni Isaias at sa Aklat ni Daniel. Ang mga propesiya ay sinabi bago pa isinagawa ang gawain, samantalang ang ibang aklat ay isinulat pagkatapos na makumpleto ang gawain, na siya namang kayang gawin ng mga tao. Ang mga propeta ng panahong iyon ay binigyang-inspirasyon ni Jehova at nagsabi ng ilang propesiya, marami silang binigkas na mga salita, at nagpropesiya sila tungkol sa mga bagay-bagay sa Kapanahunan ng Biyaya, pati na rin sa pagkawasak ng mundo sa mga huling araw—ang gawain na binalak gawin ni Jehova. Nakatala sa lahat ng natitirang aklat ang ginawa ni Jehova sa Israel. … Sa ganitong paraan, ang nakasulat sa Lumang Tipan ng Biblia ay gawaing lahat ng Diyos sa Israel noong panahong iyon. Ang mga salitang binigkas ng mga propeta, ni Isaias, Daniel, Jeremias, at Ezekiel … ang kanilang mga salita ay nagpropesiya ng iba pa Niyang mga gawain sa daigdig, ipinropesiya nila ang gawain ng Mismong Diyos na si Jehova. Ang lahat ng ito ay mula sa Diyos, ito ay ang gawain ng Banal na Espiritu, at bukod sa mga aklat na ito ng mga propeta, ang lahat ng iba pa ay tala ng mga karanasan ng mga tao sa gawain ni Jehova noong panahong iyon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 1
Hindi lahat ng nasa Biblia ay isang talaan ng mga salitang personal na sinabi ng Diyos. Isinasaad lang ng Biblia ang naunang dalawang yugto ng gawain ng Diyos, kung saan ang isang bahagi ay isang talaan ng mga propesiya ng mga propeta, at ang isang bahagi ay mga karanasan at kaalamang isinulat ng mga taong ginamit ng Diyos sa nagdaang mga panahon. Ang mga karanasan ng tao ay nabahiran ng mga opinyon at kaalaman ng tao, na hindi maiiwasan. Matatagpuan sa maraming aklat sa Biblia ang mga kuru-kuro ng tao, mga pagkiling ng tao, at mga kakatwang pag-unawa ng tao. Siyempre, karamihan ng mga salita ay resulta ng kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu, at tama ang mga pagkaunawang iyon—pero hindi pa rin masasabi na ang mga ito ay tumpak na mga pagpapahayag ng katotohanan. Ang kanilang mga pananaw tungkol sa ilang bagay ay walang iba kundi ang kaalamang hango sa personal na karanasan, o ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Ang mga propesiya ng mga propeta ay personal na itinagubilin ng Diyos: Ang mga propesiya ng mga katulad nina Isaias, Daniel, Ezra, Jeremias, at Ezekiel ay nagmula sa tuwirang tagubilin ng Banal na Espiritu; ang mga taong ito ay mga tagakita, natanggap nila ang Espiritu ng propesiya, at lahat sila ay propeta ng Lumang Tipan. Noong Kapanahunan ng Kautusan, ang mga taong ito, na nakatanggap ng inspirasyon ni Jehova, ay nagsalita ng maraming propesiya, na tuwirang itinagubilin ni Jehova.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 3