Ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos ay malapit na sa pagtatapos, at ang tarangkahan ng kaharian ay nabuksan na para sa lahat niyaong naghahanap ng Kanyang pagpapakita. Minamahal na mga kapatid, ano pa ang hinihintay ninyo? Ano ang hinahanap ninyo? Kayo ba ay naghihintay sa pagpapakita ng Diyos? Hinahanap ba ninyo ang Kanyang mga yapak? Talagang dapat kapanabikan ang pagpapakita ng Diyos! At talagang napakahirap masumpungan ang mga yapak ng Diyos! Sa kapanahunang tulad ngayon, sa mundong tulad nito, ano ang nararapat nating gawin upang masaksihan ang araw ng pagpapakita ng Diyos? Ano ang nararapat nating gawin upang makasabay sa mga yapak ng Diyos? Ang mga katanungang ganito ay kinakaharap ng lahat niyaong naghihintay na magpakita ang Diyos. Naisip na ninyo itong lahat nang hindi lamang miminsan—nguni’t ano ang kinalabasan? Saan nagpapakita ang Diyos? Nasaan ang mga yapak ng Diyos? Nakuha na ba ninyo ang sagot? Maraming tao ang sasagot nang ganito: “Ang Diyos ay nagpapakita sa gitna niyaong mga sumusunod sa Kanya at ang Kanyang mga yapak ay nasa ating kalagitnaan; ganyan lamang kapayak!” Kahit sino ay makapagbibigay ng mala-pormulang sagot, nguni’t naiintindihan ba ninyo kung ano ang kahulugan ng pagpapakita ng Diyos o ng Kanyang mga yapak? Ang pagpapakita ng Diyos ay tumutukoy sa Kanyang pagdating sa lupa upang gawin ang Kanyang gawain nang personal. Dala ang Kanyang sariling pagkakakilanlan at disposisyon, at sa pamamaraang likas sa Kanya, Siya ay bumababa sa sangkatauhan upang isakatuparan ang gawain ng pagsisimula ng isang kapanahunan at pagwawakas ng isang kapanahunan. Ang ganitong uri ng pagpapakita ay hindi isang klase ng seremonya. Ito ay hindi isang tanda, isang larawan, isang himala, o isang uri ng malaking pangitain, at lalong hindi ito isang prosesong pangrelihiyon. Ito ay isang tunay at aktwal na katunayan na nahihipo at nakikita ng sinuman. Ang ganitong uri ng pagpapakita ay hindi upang kumilos nang wala sa loob, o para sa anumang pangmadaliang pagsasagawa; sa halip, ito ay para sa isang yugto ng gawain sa Kanyang plano ng pamamahala. Ang pagpapakita ng Diyos ay laging makabuluhan at laging nagtataglay ng ilang kaugnayan sa Kanyang plano ng pamamahala. Ang tinatawag na pagpapakita rito ay lubos na naiiba mula sa uri ng “pagpapakita” kung saan ang Diyos ay gumagabay, umaakay, at nagliliwanag sa tao. Isinasakatuparan ng Diyos ang isang yugto ng Kanyang dakilang gawain sa tuwing inihahayag Niya ang Sarili Niya. Ang gawaing ito ay naiiba mula sa gawain ng alinmang iba pang kapanahunan. Hindi ito kayang isipin ng tao, at hindi pa naranasan kailanman ng tao. Ito ay gawain na nagsisimula ng isang bagong kapanahunan at nagwawakas ng lumang kapanahunan, at ito ay isang bago at pinahusay na uri ng gawain para sa kaligtasan ng sangkatauhan; bukod dito, ito ay gawain na nagdadala sa sangkatauhan sa bagong kapanahunan. Ito ang kahulugan ng pagpapakita ng Diyos.
Sa sandaling naunawaan na ninyo kung ano ang kahulugan ng pagpapakita ng Diyos, paano ninyo dapat hanapin ang mga yapak ng Diyos? Ang katanungang ito ay hindi mahirap ipaliwanag: Kung saan nagpapakita ang Diyos, masusumpungan ninyo roon ang Kanyang mga yapak. Tila napakadiretso ng ganitong paliwanag, nguni’t hindi ito madali sa realidad, sapagka’t maraming tao ang hindi nakakaalam kung saan nagpapakita ang Diyos, lalong hindi kung saan Niya nais, o kung saan Siya dapat, magpakita. Ang ilan ay pabigla-biglang naniniwala na kung saanman gumagawa ang Banal na Espiritu, doon nagpapakita ang Diyos. O kung hindi naman ay naniniwala sila na kung saanman mayroong mga espirituwal na tao, doon nagpapakita ang Diyos. O kung hindi naman ay naniniwala sila na kung saanman mayroong mga taong bantog, doon nagpapakita ang Diyos. Sa ngayon, isantabi natin kung tama man o mali ang gayong mga paniniwala. Upang ipaliwanag ang ganitong tanong, kailangan muna nating magkaroon ng isang malinaw na layunin: Hinahanap natin ang mga yapak ng Diyos. Hindi tayo naghahanap ng mga espirituwal na tao, lalong hindi natin hinahangad ang mga bantog; hinahangad natin ang mga yapak ng Diyos. Dahil dito, yamang hinahanap natin ang mga yapak ng Diyos, dapat nating hanapin ang kalooban ng Diyos, ang mga salita ng Diyos, ang mga pagpapahayag ng Diyos—sapagka’t kung saanman naroon ang mga bagong salita na binibigkas ng Diyos, naroon ang tinig ng Diyos, at kung saanman naroon ang mga yapak ng Diyos, naroon ang mga gawa ng Diyos. Kung saanman naroon ang pagpapahayag ng Diyos, doon nagpapakita ang Diyos, at kung saanman nagpapakita ang Diyos, doon umiiral ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Sa paghahanap sa mga yapak ng Diyos, nabalewala na ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.” At kaya, maraming tao, kahit pa tumatanggap sila ng katotohanan, ang hindi naniniwala na nakita na nila ang mga yapak ng Diyos, at lalo nang hindi nila kinikilala ang pagpapakita ng Diyos. Napakatinding pagkakamali! Ang pagpapakita ng Diyos ay hindi maipagkakasundo sa mga kuru-kuro ng tao, at lalong hindi maaaring magpakita ang Diyos ayon sa utos ng tao. Ang Diyos ay gumagawa ng Kanyang sariling mga pagpapasya at Kanyang sariling mga plano kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain; bukod dito, Siya ay may sariling mga layunin, at sarili Niyang mga pamamaraan. Anupaman ang gawaing ginagawa Niya, hindi Niya kailangang talakayin ito sa tao o hingin ang payo nito, lalo na ang ipaalam sa bawat tao ang tungkol sa Kanyang gawain. Ito ang disposisyon ng Diyos, na dapat, higit pa rito, kilalanin ng lahat. Kung nais ninyong masaksihan ang pagpapakita ng Diyos, sundan ang mga yapak ng Diyos, kung gayon nararapat muna ninyong iwan ang inyong sariling mga kuru-kuro. Hindi mo dapat utusan ang Diyos na gawin ito o iyan, lalong hindi mo Siya dapat ikulong sa sarili mong mga hangganan at limitahan Siya sa sarili mong mga kuru-kuro. Sa halip, dapat ay inoobliga ninyo sa inyong mga sarili kung paano ninyo dapat hanapin ang mga yapak ng Diyos, kung paano ninyo dapat tanggapin ang pagpapakita ng Diyos, at kung paano kayo dapat magpasailalim sa bagong gawain ng Diyos: Ito ang dapat na gawin ng tao. Dahil ang tao ay hindi ang katotohanan, at hindi nagtataglay ng katotohanan, dapat siyang maghanap, tumanggap, at sumunod.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 1: Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan
“Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia.” Narinig na ba ninyo ngayon ang mga salita ng Banal na Espiritu? Ang mga salita ng Diyos ay dumating na sa inyo. Naririnig ba ninyo ang mga ito? Ginagawa ng Diyos ang gawain ng mga salita sa mga huling araw, at ang gayong mga salita ay yaong sa Banal na Espiritu, sapagkat ang Diyos ang Banal na Espiritu at maaari ding maging tao; samakatuwid, ang mga salita ng Banal na Espiritu, na pinag-uusapan noong araw, ay ang mga salita ng Diyos na nagkatawang-tao ngayon. Maraming mga katawa-tawang taong naniniwala na dahil ang Banal na Espiritu ang nagsasalita, dapat manggaling ang Kanyang tinig sa kalangitan para marinig ng mga tao. Sinumang nag-iisip sa ganitong paraan ay hindi alam ang gawain ng Diyos. Ang totoo, ang mga pagbigkas na sinasambit ng Banal na Espiritu ay yaong mga sinambit ng Diyos na naging tao. Hindi kaya ng Banal na Espiritu na magsalita nang tuwiran sa tao; kahit sa Kapanahunan ng Kautusan, hindi nagsalita si Jehova nang tuwiran sa mga tao. Hindi ba mas malamang na hindi Niya gawin iyon sa kapanahunang ito ngayon? Para sumambit ng mga pagbigkas ang Diyos para magsagawa ng gawain, kailangan Siyang maging tao; kung hindi, hindi maisasakatuparan ng Kanyang gawain ang mga layunin nito. Yaong mga nagkakaila sa Diyos na nagkatawang-tao ay yaong mga hindi nakakakilala sa Espiritu o sa mga prinsipyong sinusunod ng Diyos sa paggawa. Yaong mga naniniwala na ngayon ang kapanahunan ng Banal na Espiritu, subalit hindi tinatanggap ang Kanyang bagong gawain, ay yaong mga namumuhay sa gitna ng malabo at mahirap-unawaing pananampalataya. Ang gayong mga tao ay hindi kailanman tatanggap ng gawain ng Banal na Espiritu. Yaong mga humihiling lamang na sambitin at isagawa nang tuwiran ng Banal na Espiritu ang Kanyang gawain, at ayaw tanggapin ang mga salita o gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, ay hindi kailanman makakatapak sa bagong kapanahunan o tatanggap ng ganap na pagliligtas ng Diyos!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maaaring Tumanggap ng mga Paghahayag ng Diyos ang Taong Nililimitahan ang Diyos sa Kanyang mga Kuru-kuro?
Lahat ng kayang sundin ang kasalukuyang mga pagpapahayag ng Banal na Espiritu ay mga pinagpala. Hindi mahalaga kung paano man sila dati, o kung paano gumawa ang Banal na Espiritu sa kalooban nila dati—yaong mga nagkamit na ng pinakabagong gawain ng Diyos ang mga pinakapinagpala, at yaong hindi nakasusunod sa pinakabagong gawain sa kasalukuyan ay inaalis. Nais ng Diyos yaong kayang tanggapin ang bagong liwanag, at nais Niya yaong tumatanggap at nakakaalam sa Kanyang pinakabagong gawain. Bakit sinasabi na dapat kang maging isang malinis na birhen? Nagagawa ng isang malinis na birhen na hangarin ang gawain ng Banal na Espiritu at maunawaan ang mga bagong bagay, at higit pa rito, nagagawang isantabi ang mga dating kuru-kuro, at sundin ang gawain ng Diyos sa kasalukuyan. Ang grupong ito ng mga tao, na tumatanggap sa pinakabagong gawain sa kasalukuyan, ay mga unang itinalaga ng Diyos bago pa ang mga kapanahunan, at ang mga pinakapinagpala sa lahat ng tao. Naririnig ninyo nang tuwiran ang tinig ng Diyos, at nakikita ang pagpapakita ng Diyos, at kaya, sa kabuuan ng langit at lupa, at sa kabuuan ng mga kapanahunan, walang sinuman ang naging mas pinagpala kaysa sa inyo, ang grupong ito ng mga tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak