


Ang Diyos ang Siyang namumuno sa lahat ng bagay at nangangasiwa sa lahat ng bagay. Nilikha Niya ang lahat ng narito, pinangangasiwaan Niya ang lahat ng narito, pinamumunuan Niya ang lahat ng narito, at tinutustusan Niya ang lahat ng narito. Ito ang katayuan ng Diyos, at ang Kanyang pagkakakilanlan. Para sa lahat ng bagay at sa lahat ng narito, ang tunay na pagkakakilanlan ng Diyos ay ang Lumikha at ang Pinuno ng lahat ng nilikha. Iyan ang pagkakakilanlan na taglay ng Diyos, at Siya ay natatangi sa lahat ng bagay. Wala ni isa sa mga nilikha ng Diyos—sa sangkatauhan man o sa espirituwal na mundo—ang maaaring gumamit ng anumang kaparaanan o katwiran para magkunwaring Diyos o pumalit sa pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos, sapagkat Siya lamang, sa lahat ng bagay, ang nagtataglay ng pagkakakilanlan, kapangyarihan, awtoridad, at kakayahang ito na mamuno sa lahat ng nilikha: ang ating natatanging Diyos Mismo. Siya ay nabubuhay at gumagalaw sa lahat ng bagay; maaari Siyang umangat sa pinakamataas na lugar, sa ibabaw ng lahat ng bagay. Maaaring magpakumbaba Siya Mismo sa pamamagitan ng pagiging tao, pagiging isa sa mga may laman at dugo, at makaharap sa mga tao at makibahagi sa kanilang kaligayahan at kalungkutan, samantalang kasabay nito, inuutusan Niya ang lahat ng narito, at pinagpapasiyahan ang kapalaran ng lahat ng narito at kung saang direksyon patungo ang lahat ng ito. Bukod pa riyan, ginagabayan Niya ang kapalaran ng buong sangkatauhan, at pinapatnubayan ang direksyon ng sangkatauhan. Ang isang Diyos na tulad nito ay dapat sambahin, sundin, at kilalanin ng lahat ng nilalang na may buhay.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi X
Kung may sinuman sa inyo na nagsasabi na talagang mayroong Trinidad, ipaliwanag ninyo kung ano talaga itong isang Diyos sa tatlong persona. Ano ang Banal na Ama? Ano ang Anak? Ano ang Banal na Espiritu? Si Jehova ba ang Banal na Ama? Si Jesus ba ang Anak? Ano naman ang Banal na Espiritu? Hindi ba ang Ama ay isang Espiritu? Hindi ba ang diwa ng Anak ay isa ring Espiritu? Hindi ba ang gawain ni Jesus ay ang gawain ng Banal na Espiritu? Hindi ba ang gawain ni Jehova sa panahong iyon ay isinagawa ng isang Espiritu na katulad ng kay Jesus? Ilang Espiritu ba ang maaaring taglayin ng Diyos? Ayon sa iyong paliwanag, ang tatlong persona ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu ay iisa; kung gayon, mayroon ngang tatlong Espiritu, ngunit ang ibig sabihin ng magkaroon ng tatlong Espiritu ay mayroong tatlong Diyos. Ibig sabihin, walang kaisa-isang tunay na Diyos; paano pa magkakaroon ng likas na diwa ng Diyos ang ganitong uri ng Diyos? Kung tinatanggap mo na iisa lamang ang Diyos, paano Siya magkakaroon ng isang anak at magiging isang ama? Hindi ba mga kuru-kuro mo lamang ang lahat ng ito? Iisa lamang ang Diyos, iisa lamang ang persona sa Diyos na ito, at iisa lamang ang Espiritu ng Diyos, dahil nakasulat sa Biblia na “Iisa lamang ang Banal na Espiritu at iisa lamang ang Diyos.” Mayroon mang Ama at Anak na binabanggit mo, iisa lamang naman pala ang Diyos, at ang diwa ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu na iyong pinaniniwalaan ay ang diwa ng Banal na Espiritu. Sa madaling salita, ang Diyos ay isang Espiritu, ngunit kaya Niyang maging tao at mamuhay sa piling ng mga tao, at mangibabaw rin sa lahat ng bagay. Ang Kanyang Espiritu ay sakop ang lahat at nasa lahat ng dako. Kaya Niyang sabay na nasa katawang-tao at nasa loob at ibabaw ng sansinukob. Dahil sinasabi ng lahat ng tao na ang Diyos lamang ang nag-iisang tunay na Diyos, iisa ang Diyos, na hindi maaaring paghati-hatiin ninuman kung kailan niya gusto! Ang Diyos ay iisang Espiritu lamang, at iisang persona lamang; at iyon ang Espiritu ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Umiiral Ba ang Trinidad?
May mga iba na nagsasabi na, “Hindi ba malinaw na sinabi ng Diyos na si Jesus ay ang Kanyang sinisintang Anak?” Si Jesus ang sinisintang Anak ng Diyos, na lubos Niyang kinalulugdan—tiyak na sinambit ito ng Diyos Mismo. Iyon ang Diyos na nagpapatotoo sa Kanyang Sarili, ngunit mula lamang sa ibang pananaw, yaong sa Espiritu sa langit na nagpapatotoo sa Kanyang sariling pagkakatawang-tao. Si Jesus ang Kanyang pagkakatawang-tao, hindi ang Kanyang Anak sa langit. Nauunawaan mo ba? Hindi ba ang mga salita ni Jesus na, “Ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa Akin,” ay nagpapahiwatig na Sila ay iisang Espiritu? At hindi ba dahil sa pagkakatawang-tao kaya Sila nagkahiwalay sa pagitan ng langit at lupa? Ang totoo, Sila ay iisa pa rin; kahit ano pa, ito ay ang Diyos lamang na nagpapatotoo sa Kanyang Sarili. Dahil sa pagbabago sa mga kapanahunan, sa mga kinakailangan ng gawain, at sa magkakaibang yugto ng Kanyang plano ng pamamahala, ang pangalang itinatawag sa Kanya ng tao ay nag-iiba rin. Nang Siya ay pumarito upang isagawa ang unang yugto ng gawain, maaari lamang Siyang tawaging Jehova, na Siyang pastol ng mga Israelita. Sa ikalawang yugto, ang Diyos na nagkatawang-tao ay maaari lamang tawaging Panginoon, at Cristo. Ngunit noon, sinabi lamang ng Espiritu sa langit na Siya ang sinisintang Anak ng Diyos at hindi binanggit ang Kanyang pagiging bugtong na Anak ng Diyos. Hindi ito talaga nangyari. Paano magkakaroon ng kaisa-isang anak ang Diyos? Kung gayon ay hindi ba naging tao ang Diyos? Dahil Siya ang pagkakatawang-tao, tinawag Siyang sinisintang Anak ng Diyos, at, dito nagmula ang relasyon sa pagitan ng Ama at Anak. Dahil lamang iyon sa pagkahiwalay sa pagitan ng langit at lupa. Nanalangin si Jesus mula sa pananaw ng katawang-tao. Yamang nakabihis Siya ng isang katawang-tao ng gayong normal na pagkatao, sinabi Niya mula sa pananaw ng katawang-tao: “Ang Aking balat ay yaong sa isang nilalang. Yamang nakabihis Ako ng katawang-tao upang makaparito sa lupa, napakalayo Ko ngayon mula sa langit.” Dahil dito, maaari lamang Siyang manalangin sa Diyos Ama mula sa pananaw ng katawang-tao. Ito ang Kanyang tungkulin, at ito yaong dapat ipagkaloob sa Espiritu ng Diyos na nagkatawang-tao. Hindi masasabi na hindi Siya Diyos dahil lamang sa nanalangin Siya sa Ama mula sa pananaw ng katawang-tao. Bagama’t tinawag Siyang sinisintang Anak ng Diyos, Diyos pa rin Siya Mismo, sapagkat Siya ay pagkakatawang-tao lamang ng Espiritu, at ang Kanyang diwa ay Espiritu pa rin.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Umiiral Ba ang Trinidad?
Maaaring ipaalala nito sa halos lahat ng tao ang mga salita ng Diyos mula sa Genesis: “Lalangin Natin ang tao sa Ating larawan, ayon sa Ating wangis.” Dahil sinabi ng Diyos na “lalangin Natin ang tao sa Ating larawan,” ang “Natin” ay nagpapahiwatig ng dalawa o mahigit pa; dahil sinabi Niyang “Natin,” hindi lamang pala iisa ang Diyos. Sa ganitong paraan, nagsimulang mag-isip ang tao sa mahirap unawaing magkakaibang persona, at mula sa mga salitang ito ay lumitaw ang ideya tungkol sa Ama, Anak, at Banal na Espiritu. Ano kung gayon ang hitsura ng Ama? Ano ang hitsura ng Anak? At ano ang hitsura ng Banal na Espiritu? Posible kaya na ang sangkatauhan ng ngayon ay ginawa sa larawan ng isa na pinagsama-sama mula sa tatlo? Kung gayon ang larawan ba ng tao ay kagaya ng Ama, ng Anak, o ng Banal na Espiritu? Alin sa mga persona ng Diyos ang kamukha ng tao? Mali talaga at walang katuturan ang ideyang ito ng tao! Mahahati lamang nito ang iisang Diyos sa maraming Diyos. Nang isulat ni Moises ang Genesis, iyon ay matapos likhain ang sangkatauhan kasunod ng paglikha sa mundo. Sa pinakasimula, nang magsimula ang mundo, wala pa si Moises. At napakatagal pa bago isinulat ni Moises ang Biblia, kaya paano niya posibleng nalaman kung ano ang sinabi ng Diyos sa langit? Wala siyang ideya kung paano nilikha ng Diyos ang mundo. Sa Lumang Tipan ng Biblia, hindi binanggit ang Ama, Anak, at Banal na Espiritu, kundi kaisa-isang tunay na Diyos lamang, si Jehova, na nagsasagawa ng Kanyang gawain sa Israel. Siya ay tinatawag sa iba’t ibang pangalan kapag nagbabago ang mga kapanahunan, ngunit hindi nito mapapatunayan na bawat pangalan ay tumutukoy sa ibang persona. Kung gayon, hindi ba magkakaroon ng napakaraming persona ng Diyos? Ang nakasulat sa Lumang Tipan ay ang gawain ni Jehova, isang yugto ng gawain ng Diyos Mismo para sa pagsisimula ng Kapanahunan ng Kautusan. Ito ang gawain ng Diyos, kung saan ayon sa Kanyang sinabi, iyon ang nangyari, at ayon sa Kanyang iniutos, iyon ang nasunod. Hindi sinabi ni Jehova kailanman na Siya ang Ama na pumaparito upang isagawa ang gawain, ni hindi Niya ipinropesiya kailanman ang pagparito ng Anak upang tubusin ang sangkatauhan. Pagsapit ng panahon ni Jesus, sinabi lamang na ang Diyos ay naging tao upang tubusin ang buong sangkatauhan, hindi sinabi na ang Anak ang naparito. Dahil hindi magkakatulad ang mga kapanahunan at iba-iba rin ang gawain ng Diyos Mismo, kailangan Niyang isagawa ang Kanyang gawain sa loob ng iba’t ibang dako. Sa ganitong paraan, iba rin ang identidad na Kanyang kinakatawan. Naniniwala ang tao na si Jehova ang Ama ni Jesus, ngunit hindi ito talaga kinilala ni Jesus, na nagsabing: “Hindi kami kailanman kinilala bilang Ama at Anak; Ako at ang Ama sa langit ay iisa. Ang Ama ay nasa Akin at Ako ay nasa Ama; kapag nakikita ng tao ang Anak, nakikita nila ang Ama sa langit.” Kapag nasabi na ang lahat, ang Ama man o ang Anak, Sila ay iisang Espiritu, hindi nahahati sa magkahiwalay na mga persona. Kapag nagtatangkang magpaliwanag ang tao, nagiging kumplikado ang mga bagay-bagay sa ideya ng magkakaibang mga persona, gayundin ang relasyon sa pagitan ng Ama, Anak, at Espiritu. Kapag binabanggit ng tao ang magkakahiwalay na mga persona, hindi ba nito ginagawang totoo ang Diyos? Binibigyan pa ng ranggo ng tao ang mga persona bilang una, pangalawa, at pangatlo; lahat ng ito ay mga imahinasyon lamang ng tao, hindi karapat-dapat na sanggunian, at lubos na hindi makatotohanan! Kung tatanungin mo siya: “Ilan ba ang Diyos?” sasabihin niya na ang Diyos ay ang Trinidad ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu: ang iisang tunay na Diyos. Kung itatanong mo pa: “Sino ang Ama?” sasabihin niya: “Ang Ama ang Espiritu ng Diyos sa langit; Siya ang namamahala sa lahat, at Siya ang Panginoon ng langit.” “Kung gayon, Espiritu ba si Jehova?” Sasabihin niya: “Oo!” Kung tinanong mo pa siya pagkatapos, “Sino ang Anak?” sasabihin niyang si Jesus ang Anak, siyempre pa. “Kung gayon ano ang kuwento tungkol kay Jesus? Saan Siya nanggaling?” Sasabihin niya: “Si Jesus ay ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at isinilang kay Maria.” Kung gayon ang diwa ba Niya ay Espiritu rin? Hindi ba ang Kanyang gawain ay kumakatawan din sa Banal na Espiritu? Si Jehova ang Espiritu, at gayundin ang diwa ni Jesus. Ngayon sa mga huling araw, nabawasan na ang pangangailangang sabihin na ito pa rin ang Espiritu; paano Sila magiging magkaibang persona? Hindi ba Espiritu lamang ng Diyos ito na nagsasagawa ng gawain ng Espiritu mula sa magkakaibang pananaw? Sa gayon, walang pagkakaiba sa pagitan ng mga persona. Si Jesus ay ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, at walang alinlangan, ang Kanyang gawain ay yaon mismong sa Banal na Espiritu. Sa unang yugto ng gawaing isinagawa ni Jehova, hindi Siya naging tao ni nagpakita sa tao. Kaya hindi kailanman nakita ng tao ang Kanyang anyo. Gaano man Siya kadakila at katangkad, Siya pa rin ang Espiritu, ang Diyos Mismo na lumikha sa tao noong simula. Ibig sabihin, Siya ang Espiritu ng Diyos. Nangusap Siya sa tao mula sa mga ulap, isa lamang Espiritu, at walang sinumang nakasaksi sa Kanyang anyo. Sa Kapanahunan ng Biyaya lamang nang pumasok sa katawang-tao ang Espiritu ng Diyos at nagkatawang-tao sa Judea saka nakita ng tao sa unang pagkakataon ang larawan ng pagkakatawang-tao bilang isang Judio. Walang anuman kay Jehova ang nasa Kanya. Gayunman, Siya ay ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ibig sabihin, ipinaglihi sa pamamagitan ng Espiritu ni Jehova Mismo, at si Jesus ay isinilang pa rin bilang katawan ng Espiritu ng Diyos. Ang unang nakita ng tao ay ang Banal na Espiritu na bumababang parang isang kalapati kay Jesus; hindi ito ang Espiritung tanging para kay Jesus, kundi sa halip ay ang Banal na Espiritu. Kung gayon maihihiwalay ba ang Espiritu ni Jesus mula sa Banal na Espiritu? Kung si Jesus ay si Jesus, ang Anak, at ang Banal na Espiritu ay ang Banal na Espiritu, paano Sila maaaring maging isa? Ang gawain ay hindi maisasagawa kung gayon. Ang Espiritu sa loob ni Jesus, ang Espiritu sa langit, at ang Espiritu ni Jehova ay iisa lahat. Tinatawag itong Banal na Espiritu, ang Espiritu ng Diyos, ang Espiritung pinatindi nang makapitong beses, at ang Espiritung sumasalahat. Maisasagawa ng Espiritu ng Diyos ang maraming gawain. Nagagawa Niyang likhain ang mundo at wasakin ito sa pagpapabaha sa lupa; kaya Niyang tubusin ang buong sangkatauhan, at bukod pa riyan, kaya Niyang lupigin at lipulin ang buong sangkatauhan. Ang gawaing ito ay isinasagawang lahat ng Diyos Mismo at hindi magagawa ng alinman sa mga persona ng Diyos para sa Kanya. Ang Kanyang Espiritu ay maaaring tawagin sa pangalang Jehova at Jesus, at maaari ring tawaging Makapangyarihan sa lahat. Siya ang Panginoon, at Cristo. Maaari rin Siyang maging Anak ng tao. Siya ay nasa kalangitan at nasa lupa rin; Siya ay nasa kaitaasan sa ibabaw ng mga sansinukob at nasa piling ng maraming tao. Siya ang tanging Panginoon ng kalangitan at ng lupa! Mula sa panahon ng paglikha hanggang ngayon, ang gawaing ito ay naisagawa na ng Espiritu ng Diyos Mismo. Gawain man ito sa kalangitan o sa katawang-tao, lahat ay isinasagawa ng Kanyang sariling Espiritu. Lahat ng nilalang, sa langit man o sa lupa, ay nasa palad ng Kanyang makapangyarihang kamay; lahat ng ito ay ang gawain ng Diyos Mismo at hindi magagawa ng sinuman para sa Kanya. Sa kalangitan, Siya ang Espiritu ngunit ang Diyos din Mismo; sa piling ng mga tao, Siya ay katawang-tao ngunit nananatiling Diyos Mismo. Bagama’t maaari Siyang tawagin sa libu-libong pangalan, Siya pa rin iyon Mismo, ang tuwirang pagpapahayag ng Kanyang Espiritu. Ang pagtubos sa buong sangkatauhan sa pamamagitan ng pagpapako sa Kanya sa krus ay tuwirang gawain ng Kanyang Espiritu, at gayundin ang pagpapahayag sa lahat ng bansa at lahat ng lupain sa mga huling araw. Sa lahat ng oras, matatawag lamang ang Diyos na ang makapangyarihan sa lahat at nag-iisang tunay na Diyos, ang Diyos Mismo na sumasalahat. Walang magkakaibang persona, lalo nang wala itong ideya ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu. Iisa lamang ang Diyos sa langit at sa lupa!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Umiiral Ba ang Trinidad?