Naghahatid ng buhay si Cristo ng mga huling araw, at naghahatid ng walang maliw at walang katapusang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ang landas kung saan makakamit ng tao ang buhay, at ito lamang ang tanging landas kung saan makikilala ng Diyos at masasang-ayunan ng Diyos ang tao. Kung hindi mo hinahanap ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon ay hindi mo kailanman makakamit ang pagsang-ayon ni Jesus, at hindi ka kailanman magiging karapat-dapat pumasok sa pintuan ng kaharian ng langit, sapagkat kapwa ka bulag na tagasunod at bilanggo ng kasaysayan. Ang mga kontrolado ng mga tuntunin, ng mga titik, at iginapos ng kasaysayan ay hindi kailanman makakamit ang buhay ni makakamit ang walang-hanggang daan ng buhay. Ito ay sapagkat ang mayroon lamang sila ay malabong tubig na kinapitan ng libu-libong taon sa halip na tubig ng buhay na dumadaloy mula sa trono. Mananatili magpakailanman na mga bangkay, mga laruan ni Satanas, at mga anak ng impiyerno ang mga hindi natustusan ng tubig ng buhay. Kung gayon, paano nila mapagmamasdan ang Diyos? Kung nagsisikap ka lamang na panghawakan ang nakaraan, nagsisikap lamang na panatilihin ang mga bagay sa kung ano sila sa pamamagitan ng hindi paggalaw, at hindi sinusubukang baguhin ang nakasanayan na at itapon ang kasaysayan, kung gayon hindi ka ba magiging palaging laban sa Diyos? Malawak at makapangyarihan ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, tulad ng rumaragasang mga alon at dumadagundong na mga kulog—subalit nakaupo kang walang imik na naghihintay ng pagkawasak, nakakapit sa kahangalan mo at walang ginagawa. Sa ganitong paraan, paano ka maituturing na isang taong sumusunod sa mga yapak ng Cordero? Paano mo mabibigyang-katwiran na ang Diyos na kinakapitan mo ay isang Diyos na laging bago at hindi kailanman naluluma? At paano ka maihahatid ng mga salita sa mga nanilaw mong mga libro patawid sa panibagong kapanahunan? Paano ka maaakay ng mga ito para mahanap mo ang mga hakbang ng gawain ng Diyos? At paano ka nila madadala paakyat sa langit? Ang hawak mo sa mga kamay mo ay ang mga titik na magbibigay lamang ng panandaliang ginhawa, hindi ang mga katotohanang kayang magbigay ng buhay. Ang mga banal na kasulatang binabasa mo ay pinagyayaman lamang ang dila mo at hindi mga salita ng pilosopiyang makatutulong sa pag-unawa mo sa buhay ng tao, lalong hindi mga landas na makapaghahatid sa iyo sa pagiging perpekto. Hindi ba nagdudulot sa iyo na magmuni-muni ang pagkakaibang ito? Hindi ba nito naipapaunawa sa iyo ang mga hiwagang napapaloob rito? May kakayahan ka bang dalhin ang sarili mo sa langit upang makipagkita sa Diyos nang ikaw lang? Kung walang pagdating ng Diyos, kaya mo bang dalhin ang sarili mo sa langit upang matamasa ang kasiyahang pampamilya kasama ang Diyos? Nananaginip ka pa rin ba ngayon? Imumungkahi Ko, kung gayon, na ihinto mo ang pananaginip at tingnan kung sino ang gumagawa ngayon—tingnan para makita kung sino ngayon ang nagpapatupad sa gawain ng pagliligtas sa tao sa mga huling araw. Kung hindi mo gagawin, hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan, at hindi mo kailanman makakamit ang buhay.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan
Pinakakatawa-tawang mga tao sa mundo ang mga nagnanais na makamit ang buhay nang hindi umaasa sa katotohanang sinabi ni Cristo, at mga namumuhay sa guni-guni ang mga hindi tumatanggap sa daan ng buhay na dinala ni Cristo. Kaya naman sinasabi Ko na kamumuhian ng Diyos magpakailanman ang mga taong hindi tumatanggap kay Cristo ng mga huling araw. Si Cristo ang pasukan ng tao patungo sa kaharian sa mga huling araw, at walang sinuman ang makalalampas sa Kanya. Hindi magagawang perpekto ng Diyos ang sinuman kung hindi sa pamamagitan ni Cristo lamang. Naniniwala ka sa Diyos, kaya dapat mong tanggapin ang Kanyang mga salita at sundin ang Kanyang daan. Hindi mo maaaring isipin lamang ang magkamit ng mga pagpapala kung wala ka namang kakayahang tumanggap ng katotohanan at wala kang kakayahang tumanggap ng pagtustos ng buhay. Darating si Cristo sa mga huling araw upang mabigyan ng buhay ang lahat ng tunay na naniniwala sa Kanya. Alang-alang sa pagtatapos ng lumang kapanahunan at pagpasok sa bago ang Kanyang gawain, at ang Kanyang gawain ang landas na dapat tahakin ng lahat ng papasok sa bagong kapanahunan. Kung wala kang kakayahang kilalanin Siya, at sa halip ay kinokondena, nilalapastangan, o inuusig pa Siya, kung gayon ay nakatadhana kang masunog nang walang-hanggan at hindi ka kailanman makapapasok sa kaharian ng Diyos. Dahil ang Cristong ito ang Mismong pagpapahayag ng Banal na Espiritu, ang pagpapahayag ng Diyos, ang Siyang pinagkatiwalaan ng Diyos na gawin ang Kanyang gawain sa lupa. Kaya naman sinasabi Ko na kung hindi mo matatanggap ang lahat ng ginagawa ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon ay nilalapastangan mo ang Banal na Espiritu. Maliwanag sa lahat ang ganting matatanggap ng mga lumalapastangan sa Banal na Espiritu. Sinasabi Ko rin sa iyo na kung nilalabanan mo si Cristo ng mga huling araw, kung tinatanggihan mo nang may paghamak si Cristo ng mga huling araw, wala nang iba pa ang makapagpapasan sa mga kahihinatnan para sa iyo. Higit pa rito, simula sa araw na ito ay hindi ka na magkakaroon ng isa pang pagkakataong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos; kahit na subukan mo pang makabawi, hindi mo na mapagmamasdan muli ang mukha ng Diyos kahit kailan. Sapagkat hindi isang tao ang nilalabanan mo, hindi isang mahinang nilalang ang tinatanggihan mo nang may paghamak, kundi si Cristo. Alam mo ba ang kahihinatnan nito? Hindi isang maliit na pagkakamali ang magagawa mo, kundi isang karumal-dumal na krimen. Kaya naman pinapayuhan Ko ang lahat na huwag ilabas ang mga pangil ninyo sa harap ng katotohanan, o gumawa ng walang-ingat na mga pamumuna, dahil ang katotohanan lamang ang makapagdadala sa iyo ng buhay, at wala nang iba pa kundi katotohanan ang makapagdudulot sa iyo na muli kang isilang at mapagmasdang muli ang mukha ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan
Maraming may di-kasiya-siyang damdamin tungkol sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, dahil mahirap para sa tao na paniwalaan na ang Diyos ay magkakatawang-tao upang gawin ang paghatol. Gayunpaman, kailangang sabihin Ko sa iyo na kadalasan ang gawain ng Diyos ay lumalampas nang labis sa mga inaasahan ng tao, at mahirap para sa mga isipan ng mga tao na tanggapin. Sapagkat ang mga tao ay mga uod lamang sa lupa, samantalang ang Diyos ay ang kataas-taasang Isa na pumupuno sa sansinukob; ang isipan ng tao ay katulad lamang ng isang balon ng maruming tubig na nagbubunga lamang ng mga uod, samantalang ang bawat yugto ng gawain na pinapatnubayan ng mga kaisipan ng Diyos ay ang bunga ng karunungan ng Diyos. Palaging hinahangad ng tao na makipaglaban sa Diyos, kung saan ay sinasabi Ko na hayag na hayag kung sino ang magdurusa ng kawalan sa katapusan. Ipinapayo Ko sa inyong lahat na huwag ninyong ipalagay ang inyong mga sarili na mas mahalaga kaysa ginto. Kung kaya ng iba na tanggapin ang paghatol ng Diyos, bakit hindi mo kaya? Gaano ka na ba kataas kaysa sa iba? Kung kaya ng iba na magyuko ng ulo sa harap ng katotohanan, bakit hindi mo rin magawa ang ganoon? Ang gawain ng Diyos ay mayroong hindi-mahahadlangang bilis ng pagtakbo. Hindi na Niya uulitin ang gawain ng paghatol dahil lang sa “kontribusyon” na nagawa mo, at labis kang magsisisi dahil pinalagpas mo ang gayon kagandang pagkakataon. Kung hindi mo pinaniniwalaan ang Aking mga salita, kung gayon maghintay ka na lamang sa malaking puting luklukan sa langit na magpasa ng paghatol sa iyo! Kailangang malaman mo na lahat ng Israelita ay tinanggihan at itinatwa si Jesus, gayunman ang katunayan ng pagtubos ni Jesus sa sangkatauhan ay umabot pa rin sa buong sansinukob at hanggang sa mga dulo ng mundo. Hindi ba ito isang realidad na matagal nang ginawa ng Diyos? Kung naghihintay ka pa rin kay Jesus na dalhin ka paakyat sa langit, kung gayon ay sinasabi Ko na isa kang sutil na piraso ng tuyong kahoy.[a] Hindi kikilalanin ni Jesus ang isang huwad na tagasunod na kagaya mo, na hindi tapat sa katotohanan at naghahangad lamang ng mga biyaya. Sa kabaligtaran, hindi Siya magpapakita ng awa sa paghahagis sa iyo sa lawa ng apoy upang masunog sa loob ng sampu-sampung libong taon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan
Talababa:
a. Isang piraso ng tuyong kahoy: isang kawikaang Tsino, na ang ibig sabihin ay “walang pag-asa.”
Sinasabi Ko sa inyo, yaong mga naniniwala sa Diyos dahil sa mga tanda ay tiyak na nasa kategorya ng mga pupuksain. Yaong mga walang kakayahang tanggapin ang mga salita ni Jesus na nagbalik sa katawang-tao ay tiyak na mga anak ng impiyerno, mga inapo ng arkanghel, ang kategoryang isasailalim sa walang-hanggang pagkalipol. Maraming taong walang pakialam sa sinasabi Ko, ngunit nais Ko pa ring sabihin sa bawat tinatawag na banal na sumusunod kay Jesus na, kapag nakita ng sarili ninyong mga mata si Jesus na bumababa mula sa langit sakay ng puting ulap, ito ang magiging pagpapakita sa publiko ng Araw ng katuwiran. Marahil ay magiging panahon iyon ng matinding katuwaan sa iyo, subalit dapat mong malaman na ang sandali na nasasaksihan mong bumababa si Jesus mula sa langit ay ang sandali rin ng pagbaba mo sa impiyerno para maparusahan. Iyon ang magiging panahon ng pagwawakas ng plano ng pamamahala ng Diyos at ito ay kung kailan ginagantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at pinarurusahan ang masasama. Sapagkat magwawakas na ang paghatol ng Diyos bago pa makakita ng mga tanda ang tao, kung kailan mayroon lamang pagpapahayag ng katotohanan. Yaong mga tumatanggap sa katotohanan at hindi naghahanap ng mga tanda, at sa gayon ay napadalisay na, ay nakabalik na sa harap ng luklukan ng Diyos at nakapasok na sa yakap ng Lumikha. Yaon lamang mga nagpupumilit sa paniniwala na “Ang Jesus na hindi nakasakay sa puting ulap ay isang huwad na Cristo” ang sasailalim sa walang-hanggang kaparusahan, sapagkat naniniwala lamang sila sa Jesus na nagpapakita ng mga tanda, ngunit hindi kinikilala ang Jesus na nagpapahayag ng matinding paghatol at nagpapalabas ng tunay na daan at buhay. Kaya nga maaari lamang silang harapin ni Jesus kapag hayagan Siyang nagbabalik sakay ng puting ulap. Masyado silang sutil, masyadong tiwala sa kanilang sarili, masyadong mapagmataas. Paano gagantimpalaan ni Jesus ang gayong kababang-uri? Ang pagbabalik ni Jesus ay isang dakilang kaligtasan para sa mga may kakayahang tanggapin ang katotohanan, ngunit para sa mga hindi nagagawang tanggapin ang katotohanan ito ay isang tanda ng pagsumpa. Dapat ninyong piliin ang sarili ninyong landas, at hindi ninyo dapat lapastanganin ang Banal na Espiritu at tanggihan ang katotohanan. Hindi kayo dapat maging mangmang at mapagmataas, kundi isang taong sumusunod sa patnubay ng Banal na Espiritu at nananabik at naghahanap sa katotohanan; sa ganitong paraan lamang kayo makikinabang. Pinapayuhan Ko kayo na tahakin nang maingat ang landas ng paniniwala sa Diyos. Huwag kayong magsalita nang patapos; bukod pa riyan, huwag kayong maging kaswal at walang-ingat sa inyong paniniwala sa Diyos. Dapat ninyong malaman na, kahit paano, yaong mga naniniwala sa Diyos ay dapat maging mapagpakumbaba at mapitagan. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit minamaliit ito ay mga hangal at mangmang. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit walang-ingat na nagsasalita nang patapos o hinuhusgahan ito ay puno ng kayabangan. Walang sinumang naniniwala kay Jesus ang may karapatang sumpain o husgahan ang iba. Lahat kayo ay dapat magkaroon ng katinuan at maging mga taong tumatanggap sa katotohanan. Marahil, matapos marinig ang daan ng katotohanan at marinig ang salita ng buhay, naniniwala ka na isa lamang sa 10,000 ng mga salitang ito ang naaayon sa iyong mga paniniwala at sa Biblia, at sa gayon ay dapat kang patuloy na maghanap sa ika-10,000 ng mga salitang ito. Pinapayuhan pa rin kita na maging mapagpakumbaba, huwag kang masyadong tiwala sa sarili, at huwag kang masyadong magmalaki. Sa kaunting pagpipitagang taglay mo sa puso mo para sa Diyos, magtatamo ka ng higit na liwanag. Kung sinusuri mong mabuti at paulit-ulit na pinagbubulayan ang mga salitang ito, mauunawaan mo kung katotohanan ang mga ito o hindi, at kung ang mga ito ay buhay o hindi. Marahil, dahil iilang pangungusap lamang ang nabasa, pikit-matang huhusgahan ng ilang tao ang mga salitang ito, na sinasabing, “Kaunting kaliwanagan lamang ito mula sa Banal na Espiritu,” o, “Huwad na Cristo ito na naparito upang linlangin ang mga tao.” Yaong mga nagsasabi ng gayong mga bagay ay nabubulagan ng kamangmangan! Kakaunti ang nauunawaan mo tungkol sa gawain at karunungan ng Diyos, at pinapayuhan kita na magsimulang muli sa wala! Huwag ninyong pikit-matang husgahan ang mga salitang ipinahayag ng Diyos dahil sa paglitaw ng mga huwad na Cristo sa mga huling araw, at huwag kayong maging isang taong lumalapastangan sa Banal na Espiritu dahil natatakot kayong malinlang. Hindi ba kaawa-awa naman iyon? Kung, matapos ang maraming pagsusuri, naniniwala ka pa rin na ang mga salitang ito ay hindi ang katotohanan, hindi ang daan, at hindi pagpapahayag ng Diyos, sa huli ay parurusahan ka, at mawawalan ka ng mga pagpapala. Kung hindi mo matatanggap ang katotohanang iyon na sinambit nang napakaliwanag at napakalinaw, hindi ba hindi ka akma sa pagliligtas ng Diyos? Hindi ba isa kang taong hindi sapat na pinagpalang makabalik sa harap ng luklukan ng Diyos? Pag-isipan mo ito! Huwag kang padalus-dalos at mapusok, at huwag mong ituring na laro ang paniniwala sa Diyos. Mag-isip ka alang-alang sa iyong patutunguhan, alang-alang sa iyong mga inaasam, alang-alang sa iyong buhay, at huwag kang maglaro sa sarili mo. Matatanggap mo ba ang mga salitang ito?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa
Hindi gusto ng Diyos na mas maraming tao ang maparusahan, bagkus ay umaasa na mas maraming tao ang maligtas, at mas maraming tao ang makasabay sa mga yapak Niya at makapasok sa kaharian Niya. Nguni’t kung tumatanggi ang mga tao na kilalanin ang mga pagkakamali nila, kung hindi nila matatanggap ang katotohanan nang may mapagpakumbabang puso, subali’t sa halip ay namumuna, naghahanap ng mali at nagkukunwaring nakakaunawa gayong hindi naman talaga, sa gayon sila ang mga mawawalan sa huli. Hindi naghihintay kaninuman ang gawain ng Diyos. Ang pagliligtas Niya ay hindi tulad ng ilang piraso ng basura, na basta-basta itinatapon kahit kanino lang. Bagkus ito ay tinutudla, na may layon at pagpili. Kung hindi mo alam na pahalagahan ito, kung gayon ang tanging naghihintay sa iyo ay ang matuwid na paghatol at kaparusahan ng Diyos. Trinatrato ng Diyos ang lahat ng tao nang may pagkamatuwid; anuman ang edad mo, gaano ka man katanda o kahit na gaano karaming pagdurusa ang napagdaanan mo na, ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay di-nababago magpakailanman sa harap ng mga bagay na ito. Hindi trinatrato ng Diyos ang sinuman nang may mataas na pagkilala, ni pinapaboran Niya ang sinuman. Ang Kanyang saloobin tungo sa mga tao ay batay sa kung natatanggap nila ang katotohanan o hindi at tinatanggap ang Kanyang bagong gawain sa pamamagitan ng pagbitaw sa lahat ng mga bagay. Kung natatanggap mo ang Kanyang bagong gawain at tinatanggap ang katotohanan na Kanyang ipinapahayag, kung gayon makakaya mong kamtin ang pagliligtas ng Diyos. Kung ikaw ay mapagmataas sa iyong beteranong katayuan at ipinagmamalaki mo ang iyong katandaan, naglalatag ng mga kondisyon sa Diyos, kung gayon ikaw ay itatatwa mula sa pagliligtas ng Diyos. Katulad lamang ng mga Judio, na hindi matanggap si Jesucristo kundi naghintay lamang para sa Mesias, ang bumagsak sa kanila sa huli ay ang sumpa at ang galit ng Diyos; ito ay isang katunayan na nariyan para makita ng lahat. …
… Ang kaalaman at panlabas na mga pag-uugali ng mga Fariseo ay hindi nagligtas sa kanilang relasyon kay Jesucristo. Sa kabaligtaran, napinsala sila nito, at ang kanilang kaalaman at mga pagkaintindi, kasama ang larawan ng Diyos sa kanilang mga puso, ang nagbunsod sa kanila na kondenahin ang Panginoong Jesus. Ang kanilang mga imahinasyon at isipan ang nagligaw sa kanila, na nagtakip sa kanilang mga espirituwal na mata, nagsanhi na hindi nila makilala ang Mesias na nakarating na, na gawin ang lahat ng kaya nila para maghanap ng ebidensiya at makamtan ang isang panghahawakan upang kondenahin ang Panginoong Jesus. Ito ang kanilang pangit na mukha—ginagamit na dahilan ang pagtataguyod sa orihinal na gawain ng Diyos upang kondenahin ang makatotohanang gawain ng Diyos sa kasalukuyan. Siyempre, ito ay isang kamalian na malamang magawa ng mga taong nabubuhay sa anumang kapanahunan—ang paggamit ng mga lumang doktrina at tuntunin upang sukatin at kondenahin ang mga katotohanan na hindi pa nila kailanman napakinggan, iniisip na sila ay nakakapit sa totoong daan at pinananatili ang kanilang kadalisayan sa harap ng Diyos, na sila ay nagiging tapat sa Diyos. Subali’t ano ang mga katunayan? Patuloy na ginagawa ng Diyos ang Kanyang bagong gawain, ipinagpapatuloy ang Kanyang pamamahala, palaging bago at hindi luma kailanman. At paano naman ang mga tao? Lagi silang nakahawak nang mahigpit sa ilang makalumang bagay na iniisip nila na kabuuan ng mga pahayag ng Diyos, pinupuri ang kanilang mga sarili, namimintog sa pagmamataas, hinihintay ang Diyos na magkaloob sa kanila ng mga gantimpala na may saloobin na naniniwalang hindi sila kailanman itatapon ng Diyos, hindi sila kailanman tratratuhin nang hindi patas. At ano ang kinalabasan? Nagpapatuloy ang gawain ng Diyos na di-nahahadlangan, na may mas maraming tao ng bagong kapanahunan na sumusunod sa Kanya at tumatanggap sa Kanyang bagong gawain, habang ang mga naghihintay sa Diyos na magkaloob ng mga gantimpala sa kanila ay inaalis ng bagong gawain ng Diyos, at higit pang maraming tao ang nahuhulog sa kaparusahan ng Diyos. Sa sandaling nag-uumpisa ang kanilang kaparusahan, ang kanilang buhay na naniniwala sa Diyos ay tapos na, at ang kanilang katapusan, at kanilang hantungan, ay natapos na. Hindi ito isang bagay na nais ninuman na makita, nguni’t ito ay nangyayari na di-namamalayan sa harap ng ating mga mata. Kung gayon ito ba ay dahil sa pagiging walang-awa ng disposisyon ng Diyos, o ito ay dahil sa ang paghahanap ng mga tao ang may mali? Hindi ba talagang mahalaga na lubusang suriin ng sangkatauhan ang kanilang mga sarili?
—Pagtatapos na Pananalita sa Mga Klasikong Halimbawa ng Kaparusahan sa Paglaban sa Makapangyarihang Diyos