Sasabihin Ko ito sa inyo kapag binuksan Ko na ang Aking balumbon sa mga huling araw. (“Ang balumbon” ay tumutukoy sa lahat ng salita na nasabi Ko na—ang Aking mga salita sa mga huling araw; napapaloob dito ang lahat ng mga ito.)
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 110
Ang mga huling araw ay hindi hihigit sa mga huling araw at hindi hihigit sa Kapanahunan ng Kaharian, at hindi kumakatawan sa Kapanahunan ng Biyaya o sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang mga huling araw ay ang panahon lamang kung saan ang lahat ng gawain sa anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ay ibinubunyag sa inyo. Ito ang paglalantad ng hiwaga. Ang gayong hiwaga ay hindi mailalantad ng sinumang tao. Kahit na gaano pa kalawak ang pagkaunawa ng tao sa Biblia, nananatili itong mga salita lamang, dahil hindi nauunawaan ng tao ang diwa ng Biblia. Kapag ang tao ay nagbabasa ng Biblia, maaaring maunawaan niya ang ilang katotohanan, makapagpaliwanag ng ilang salita o makapaghimay ng ilang tanyag na talata at sipi sa kanyang bahagyang pagsisiyasat, ngunit hindi kailanman niya mapapakawalan ang kahulugang nakapaloob sa mga salitang iyon, dahil ang nakikita lang ng tao ay mga salitang walang buhay, hindi ang mga eksena ng gawain ni Jehova at ni Jesus, at hindi kayang lutasin ng tao ang hiwaga ng nasabing gawain. Samakatuwid, ang hiwaga ng anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ay ang pinakadakilang hiwaga, ang siyang pinakanatatago at lubusang hindi maaarok ng tao. Walang sinumang direktang makakaunawa sa kalooban ng Diyos, maliban kung ang Diyos Mismo ang nagpapaliwanag at naghahayag nito sa tao; kung hindi, mananatili ang mga yaon na palaisipan sa tao magpakailanman at mananatiling mga hiwagang sarado magpakailanman. Huwag pansinin ang mga nasa mundo ng relihiyon; kung hindi kayo nasabihan ngayon, hindi rin kayo makakaunawa. Ang gawaing ito ng anim na libong taon ay higit na misteryoso kaysa lahat ng propesiya ng mga propeta. Ito ang pinakadakilang misteryo simula noong paglikha hanggang ngayon, at walang sinuman sa mga propeta ang nagawa kailanman na arukin ito, sapagkat ang misteryong ito ay inilalantad lamang sa panghuling kapanahunan at hindi pa kailanman nabunyag noong una. Kung nauunawaan ninyo ang misteryong ito at nagagawang tanggapin ito nang lubos, yaong mga relihiyosong tao ay malulupig na lahat ng misteryong ito. Ito lamang ang pinakadakila sa mga pangitain, na siyang pinakakinasasabikan ng tao na maunawaan ngunit siya rin namang pinaka-hindi maliwanag sa kanya. Nang kayo ay nasa Kapanahunan ng Biyaya, hindi ninyo alam kung tungkol saan ang gawain na ginampanan ni Jesus ni yaong ginampanan ni Jehova. Hindi naunawaan ng mga tao kung bakit si Jehova ay nagtakda ng mga kautusan, kung bakit hiningi Niya sa mga tao na panatilihin ang mga kautusan o kung bakit kailangang maitayo ang templo, at lalong hindi naunawaan ng mga tao kung bakit ang mga Israelita ay pinangunahan mula sa Egipto hanggang sa ilang at pagkatapos ay hanggang sa Canaan. Sa araw na ito lamang ibinunyag ang mga bagay na ito.
… Ang gawain sa mga huling araw ay naglalantad sa gawain ni Jehova at ni Jesus at sa lahat ng hiwaga na hindi naintindihan ng tao. Ginagawa ito upang ibunyag ang hantungan at ang katapusan ng sangkatauhan at tapusin ang lahat ng gawain ng pagliligtas sa gitna ng sangkatauhan. Itong yugtong ito ng gawain sa mga huling araw ay naghahatid sa lahat ng bagay sa katapusan. Lahat ng hiwaga na hindi naintindihan ng tao ay dapat malantad upang pahintulutan ang tao na masukat ang lalim ng mga ito at magkaroon ng lubos na malinaw na pagkaunawa sa kanilang mga puso. Saka lamang maaaring mahati ang mga tao ayon sa kanilang mga uri.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4
Naghahatid ng buhay si Cristo ng mga huling araw, at naghahatid ng walang maliw at walang katapusang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ang landas kung saan makakamit ng tao ang buhay, at ito lamang ang tanging landas kung saan makikilala ng Diyos at masasang-ayunan ng Diyos ang tao. Kung hindi mo hinahanap ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon ay hindi mo kailanman makakamit ang pagsang-ayon ni Jesus, at hindi ka kailanman magiging karapat-dapat pumasok sa pintuan ng kaharian ng langit, sapagkat kapwa ka bulag na tagasunod at bilanggo ng kasaysayan. Ang mga kontrolado ng mga tuntunin, ng mga titik, at iginapos ng kasaysayan ay hindi kailanman makakamit ang buhay ni makakamit ang walang-hanggang daan ng buhay. Ito ay sapagkat ang mayroon lamang sila ay malabong tubig na kinapitan ng libu-libong taon sa halip na tubig ng buhay na dumadaloy mula sa trono. Mananatili magpakailanman na mga bangkay, mga laruan ni Satanas, at mga anak ng impiyerno ang mga hindi natustusan ng tubig ng buhay. Kung gayon, paano nila mapagmamasdan ang Diyos? Kung nagsisikap ka lamang na panghawakan ang nakaraan, nagsisikap lamang na panatilihin ang mga bagay sa kung ano sila sa pamamagitan ng hindi paggalaw, at hindi sinusubukang baguhin ang nakasanayan na at itapon ang kasaysayan, kung gayon hindi ka ba magiging palaging laban sa Diyos? Malawak at makapangyarihan ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, tulad ng rumaragasang mga alon at dumadagundong na mga kulog—subalit nakaupo kang walang imik na naghihintay ng pagkawasak, nakakapit sa kahangalan mo at walang ginagawa. Sa ganitong paraan, paano ka maituturing na isang taong sumusunod sa mga yapak ng Cordero? Paano mo mabibigyang-katwiran na ang Diyos na kinakapitan mo ay isang Diyos na laging bago at hindi kailanman naluluma? At paano ka maihahatid ng mga salita sa mga nanilaw mong mga libro patawid sa panibagong kapanahunan? Paano ka maaakay ng mga ito para mahanap mo ang mga hakbang ng gawain ng Diyos? At paano ka nila madadala paakyat sa langit? Ang hawak mo sa mga kamay mo ay ang mga titik na magbibigay lamang ng panandaliang ginhawa, hindi ang mga katotohanang kayang magbigay ng buhay. Ang mga banal na kasulatang binabasa mo ay pinagyayaman lamang ang dila mo at hindi mga salita ng pilosopiyang makatutulong sa pag-unawa mo sa buhay ng tao, lalong hindi mga landas na makapaghahatid sa iyo sa pagiging perpekto. Hindi ba nagdudulot sa iyo na magmuni-muni ang pagkakaibang ito? Hindi ba nito naipapaunawa sa iyo ang mga hiwagang napapaloob rito? May kakayahan ka bang dalhin ang sarili mo sa langit upang makipagkita sa Diyos nang ikaw lang? Kung walang pagdating ng Diyos, kaya mo bang dalhin ang sarili mo sa langit upang matamasa ang kasiyahang pampamilya kasama ang Diyos? Nananaginip ka pa rin ba ngayon? Imumungkahi Ko, kung gayon, na ihinto mo ang pananaginip at tingnan kung sino ang gumagawa ngayon—tingnan para makita kung sino ngayon ang nagpapatupad sa gawain ng pagliligtas sa tao sa mga huling araw. Kung hindi mo gagawin, hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan, at hindi mo kailanman makakamit ang buhay.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan