Ang 6,000 taong gawain ng pamamahala ng Diyos ay nahahati sa tatlong yugto: ang Kapanahunan ng Kautusan, ang Kapanahunan ng Biyaya, at ang Kapanahunan ng Kaharian. Ang tatlong yugtong ito ng gawain ay para lahat sa kapakanan ng pagliligtas sa sangkatauhan, na ang ibig sabihin, ang mga iyon ay para sa pagliligtas sa sangkatauhan na labis na natiwali ni Satanas. Gayunpaman, kasabay nito, ang mga iyon ay para rin maaaring makagawa ang Diyos ng pakikipagdigma kay Satanas. Kaya, kung paanong ang gawain ng pagliligtas ay nahahati sa tatlong yugto, gayundin ang pakikipagdigma kay Satanas ay nahahati rin sa tatlong yugto, at ang dalawang aspetong ito ng gawain ng Diyos ay sabay na pinatatakbo. Ang pakikipagdigma kay Satanas ay talagang para sa kapakanan ng pagliligtas sa sangkatauhan, at dahil sa ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay hindi isang bagay na matagumpay na natatapos sa iisang yugto, ang pakikipagdigma kay Satanas ay hinahati rin sa mga bahagi at yugto, at isinasagawa ang pakikipagdigma kay Satanas alinsunod sa mga pangangailangan ng tao at sa lawak ng pagtiwali ni Satanas sa kanya. Marahil, sa imahinasyon ng tao, siya ay naniniwala na sa digmaang ito ang Diyos ay gagamit ng mga sandata laban kay Satanas, kagaya ng paraan na ang dalawang hukbo ay maglalaban sa isa’t isa. Ito lamang ang kayang guni-gunihin ng talino ng tao; ito ay isang sukdulang malabo at di-makatotohanang ideya, ngunit ito ang pinaniniwalaan ng tao. At dahil sinasabi Ko rito na ang paraan ng pagliligtas sa tao ay sa pamamagitan ng pakikipagdigma kay Satanas, iniisip ng tao na sa ganitong paraan isasagawa ang pakikipagdigma. May tatlong yugto sa gawain ng pagliligtas sa tao, na ang ibig sabihin na ang pakikipagdigma kay Satanas ay hinati sa tatlong yugto upang una at sa lahat na magapi si Satanas. Ngunit ang katotohanang nakapaloob sa buong gawain ng pakikipagdigma kay Satanas ay yaong ang mga epekto nito ay natatamo sa pamamagitan ng ilang hakbang ng gawain: pagkakaloob ng biyaya sa tao, pagiging handog sa kasalanan ng tao, pagpapatawad sa mga kasalanan ng tao, paglupig sa tao, at paggawang perpekto sa tao. Bilang katunayan, ang pakikipagdigma kay Satanas ay hindi ang paggamit ng mga armas laban kay Satanas, kundi ang pagliligtas sa tao, ang paggawa sa buhay ng tao, at ang pagbabago sa disposisyon ng tao upang siya ay maaaring magtaglay ng patotoo sa Diyos. Ganito kung paano natatalo si Satanas. Si Satanas ay natatalo sa pamamagitan ng pagbabago sa tiwaling disposisyon ng tao. Kapag natalo na si Satanas, iyan ay, kapag ang tao ay lubos nang naligtas, sa gayon ang napahiyang si Satanas ay tuluyan nang magagapos, at sa ganitong paraan, ang tao ay ganap nang naligtas. Kaya, ang diwa ng pagliligtas sa tao ay ang digmaan laban kay Satanas, at ang digmaang ito ay unang-unang nasasalamin sa pagliligtas sa tao. Ang yugto ng mga huling araw, kung saan malulupig ang tao, ay ang huling yugto sa pakikipagdigma kay Satanas, at ito rin ang gawain ng ganap na pagliligtas sa tao mula sa sakop ni Satanas. Ang panloob na kahulugan ng paglupig sa tao ay ang pagbabalik ng pagsasakatawan ni Satanas—ang tao na nagawang tiwali ni Satanas—sa Lumikha kasunod ng paglupig sa kanya, kung saan sa pamamagitan nito ay tatalikdan niya si Satanas at lubusang magbabalik sa Diyos. Sa ganitong paraan, ang tao ay ganap nang naligtas. At kaya, ang gawain ng panlulupig ay ang huling gawain sa digmaan laban kay Satanas at ang huling yugto sa pamamahala ng Diyos para sa kapakanan ng pagtalo kay Satanas. Kung wala ang gawaing ito, ang lubos na kaligtasan ng tao sa kahuli-hulihan ay magiging imposible, ang ganap na pagkatalo ni Satanas ay magiging imposible rin, at ang sangkatauhan ay hindi kailanman makakapasok sa kamangha-manghang hantungan, o makakalaya sa impluwensya ni Satanas. Dahil dito, ang gawain ng pagliligtas sa tao ay hindi matatapos bago ang pakikipagdigma kay Satanas ay natatapos, sapagkat ang ubod ng gawain ng pamamahala ng Diyos ay para sa kapakanan ng pagliligtas sa tao. Ang pinakaunang sangkatauhan ay nasa mga kamay ng Diyos, ngunit dahil sa panunukso at pagtiwali ni Satanas, ang tao ay naigapos ni Satanas at nahulog sa mga kamay ng masama. Kaya, si Satanas ay naging ang layon na tatalunin sa gawain ng pamamahala ng Diyos. Sapagkat ang tao ay inangkin ni Satanas, at dahil ang tao ang puhunan na ginagamit ng Diyos upang isakatuparan ang buong pamamahala, kung ililigtas ang tao, kung gayon ay kailangang maagaw siya mula sa mga kamay ni Satanas, ibig sabihin na ang tao ay kailangang mabawi pagkatapos ng pagkabihag ni Satanas. Sa gayon, kailangang matalo si Satanas sa pamamagitan ng mga pagbabago sa dating disposisyon ng tao, mga pagbabagong magpapanumbalik sa orihinal na katinuan at katwiran ng tao. Sa ganitong paraan, ang tao, na nabihag, ay maaagaw pang muli mula sa mga kamay ni Satanas. Kung napapalaya ang tao mula sa impluwensya at pagkagapos ni Satanas, sa gayon ay mapapahiya si Satanas, ang tao sa kahuli-hulihan ay mababawi, at si Satanas ay magagapi. At dahil ang tao ay napalaya mula sa madilim na impluwensya ni Satanas, ang tao ang magiging samsam ng kabuoang labanang ito, at si Satanas ay magiging ang layon na parurusahan sa sandaling natapos ang labanan, kung saan pagkatapos nito ang kabuuang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay makukumpleto na.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan
Ang gawain na ginawa ni Jesus ay mas mataas lamang ng isang baitang kaysa sa Lumang Tipan; ito ay ginamit upang simulan ang isang kapanahunan, at upang pangunahan ang kapanahunang iyon. Bakit Niya sinasabing, “Ako’y naparito hindi upang sirain ang kautusan, kundi upang ganapin”? Subalit sa Kanyang gawain ay marami ang naiiba mula sa mga batas na isinagawa at mga utos na sinunod ng mga Israelita ng Lumang Tipan, sapagkat hindi Siya dumating upang sumunod sa batas, kundi para tuparin ito. Kasama sa proseso ng pagtupad nito ang maraming praktikal na bagay: Ang Kanyang gawain ay higit na praktikal at totoo, at, bukod pa roon, ito ay mas buhay, at hindi ang bulag na pagsunod sa mga patakaran. Hindi ba pinanatili ng mga Israelita ang Sabbath? Nang si Jesus ay dumating, hindi Siya sumunod sa Sabbath, sapagkat Kanyang sinabi na ang Anak ng tao ay ang Panginoon ng Sabbath, at kapag ang Panginoon ng Sabbath ay dumating, gagawin Niya ang gusto Niya. Siya ay dumating upang tuparin ang mga batas ng Lumang Tipan at upang baguhin ang mga batas. Ang lahat ng naisasagawa ngayon ay batay sa kasalukuyan, ngunit ito pa rin ay umaasa sa saligan ng gawain ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan, at hindi lumalabag sa saklaw na ito. Ang bantayan ang inyong mga dila, at ang hindi pangangalunya, halimbawa—hindi ba’t ang mga ito ang mga kautusan ng Lumang Tipan? Ngayon, ang mga hinihingi sa inyo ay hindi lang limitado sa Sampung Utos, kundi binubuo ng mga utos at batas na may mas mataas na antas kaysa sa mga nauna, ngunit hindi ito nangangahulugan na nabuwag na yaong mga nauna, dahil ang bawat yugto ng gawain ng Diyos ay isinasagawa sa saligan ng yugto na dumating bago ito. Tungkol naman sa isinakatuparang gawain ni Jehova noon sa Israel, kagaya ng pag-utos sa mga tao na maghandog ng mga alay, igalang ang kanilang mga magulang, huwag sumamba sa mga diyus-diyosan, huwag manakit o sumumpa ng kapwa, huwag makiapid, huwag manigarilyo o uminom, at huwag kumain ng mga patay na bagay o uminom ng dugo—hindi ba ito ang bumubuo sa saligan ng inyong pagsasagawa maging sa kasalukuyan? Sa saligan ng nakaraan na ang gawain ay naipapatupad hanggang sa kasalukuyan. Bagama’t ang mga batas ng nakaraan ay hindi na binabanggit, at may mga bagong kahilingan nang ginawa sa iyo, ang mga batas na ito, malayo sa pagkakaalis, ay naitaas sa halip. Ang sabihin na ang mga ito ay naalis na ay nangangahulugan na ang nakaraang kapanahunan ay lipas na sa panahon, samantalang mayroong ilang utos na dapat mong igalang magpakailanman. Ang mga utos ng nakaraan ay isinagawa na, naging katauhan na ng tao, at hindi na kinakailangang bigyan ng natatanging diin ang mga utos na gaya ng “Huwag manigarilyo,” at “Huwag uminom,” at iba pa. Sa saligang ito, inilatag ang mga bagong utos alinsunod sa inyong mga pangangailangan sa kasalukuyan, alinsunod sa inyong tayog, at alinsunod sa gawain sa kasalukuyan. Ang pagtatakda ng mga utos para sa bagong kapanahunan ay hindi nangangahulugan ng pag-alis sa mga utos ng dating kapanahunan, kundi higit pang pagpapataas sa saligang ito, upang maging mas kumpleto ang mga pagkilos ng tao, at higit na nakaayon sa realidad. Kung ngayon ay kailangan lamang ninyo na sumunod sa mga utos at manahan sa mga kautusan ng Lumang Tipan sa parehong paraan tulad ng mga Israelita, at kung kailangan pa ninyong maisaulo ang mga kautusan na ibinigay ni Jehova, walang posibilidad na maaari kayong magbago. Kung kayo ay susunod lang sa yaong kakaunti at limitadong utos o magsasaulo ng di-mabilang na mga kautusan, ang inyong lumang disposisyon ay mananatiling nakatanim nang malalim, at walang magiging paraan upang ito ay bunutin. Kung gayon kayo ay lalo’t lalong magiging masama, at walang sinuman sa inyo ang magiging masunurin. Ibig sabihin, walang kakayahan ang ilang payak na utos o di-mabilang na mga kautusan upang kayo ay tulungang malaman ang mga gawa ni Jehova. Hindi kayo katulad ng mga Israelita: Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan at pagsasaulo ng mga utos, nasaksihan nila ang mga gawa ni Jehova, at inalay lamang ang kanilang debosyon sa Kanya, ngunit hindi ninyo ito nakakamit, at ang ilang utos sa kapanahunan ng Lumang Tipan ay walang kakayahan upang kayo ay mahikayat na ibigay ang inyong mga puso, o na protektahan kayo, kundi sa halip ay gagawin kayong pabaya, at sasanhiin kayong mahulog sa Hades. Sapagkat ang Aking gawain ay ang gawain ng paglupig, at nakatutok ito sa inyong pagsuway at sa inyong lumang disposisyon. Ang mabubuting salita ni Jehova at ni Jesus ay malayo sa matitinding salita ng paghatol ngayon. Kung wala ang matitinding salitang iyon, magiging imposible na malupig kayong mga “dalubhasa,” na naging masuwayin na sa loob ng libu-libong taon. Matagal nang nawala ang kapangyarihan sa inyo ng mga kautusan ng Lumang Tipan, at sobrang bigat ng paghatol ng kasalukuyan kaysa sa mga lumang kautusan. Ang pinakaangkop sa inyo ay ang paghatol, at hindi ang mababaw na mga paghihigpit ng mga kautusan, dahil hindi kayo ang sangkatauhan ng pinakaunang panahon, sa halip ay ang sangkatauhan na naging tiwali na sa loob ng libu-libong taon. Ang nararapat na makamit ng tao ngayon ay ayon sa tunay na kalagayan ng tao sa kasalukuyan, ayon sa kakayahan at talagang tayog ng tao sa kasalukuyan, at hindi kinakailangan na iyong sundin ang mga patakaran. Ito ay upang makamit ang mga pagbabago sa iyong lumang disposisyon, at upang maisantabi mo ang iyong mga kuru-kuro.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 1
Bagama’t ang landas na nilalakaran ng tao sa kasalukuyan ay ang landas din ng krus at ng pagdurusa, ang isinasagawa ng tao, kinakain, iniinom, at tinatamasa ngayon ay may malaking pagkakaiba mula roon sa nakamit ng tao sa ilalim ng kautusan at sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang hinihingi sa tao ngayong araw ay hindi tulad niyaong sa nakalipas at lalong hindi tulad ng hiningi sa tao sa Kapanahunan ng Kautusan. At ano ang hiningi sa tao sa ilalim ng kautusan noong ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa Israel? Walang ibang hiniling sa kanila kundi ang panatilihin ang Sabbath at ang mga kautusan ni Jehova. Walang sinuman ang dapat magtrabaho sa Sabbath o lumabag sa mga kautusan ni Jehova. Ngunit hindi na ganito sa ngayon. Sa araw ng Sabbath, ang tao ay gumagawa, nagtitipon at nananalangin gaya ng dati, at walang mga paghihigpit na ipinapataw sa kanya. Yaong mga nasa Kapanahunan ng Biyaya ay dapat mabautismuhan, at hiningi rin sa kanila na mag-ayuno, magpira-piraso ng tinapay, uminom ng alak, takpan ang kanilang mga ulo, at hugasan ang mga paa ng iba para sa kanila. Ngayon, ang mga patakarang ito ay naiwaksi na ngunit mas malalaki ang hinihingi sa tao, dahil ang gawain ng Diyos ay patuloy na lumalalim at ang pagpasok ng tao ay patuloy na tumataas. Noong nakalipas, ipinatong ni Jesus ang Kanyang mga kamay sa tao at nanalangin, ngunit ngayon na ang lahat ng bagay ay nasabi na, ano ang silbi ng pagpapatong ng mga kamay? Ang mga salita lamang ay maaaring makapagkamit ng mga resulta. Noong nakaraan, kapag Siya’y nagpatong ng Kanyang mga kamay sa tao, ito’y para pagpalain at pagalingin ang tao. Ganito gumawa ang Banal na Espiritu noong panahong iyon, ngunit hindi na ganito sa ngayon. Ngayon, ang Banal na Espiritu ay gumagamit ng mga salita upang gumawa at magtamo ng mga bunga. Nilinaw na Niya ang Kanyang mga salita sa inyo, at dapat lamang ninyo itong isagawa gaya ng sinabi sa inyo. Ang Kanyang mga salita ay ang Kanyang kalooban; ang mga ito ang gawain na Kanyang nais gawin. Sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, mauunawaan mo ang Kanyang kalooban at kung ano ang hinihingi Niyang abutin mo, at maisasagawa mo ang Kanyang mga salita nang direkta nang hindi na kailangan ng pagpapatong ng mga kamay. Maaaring sabihin ng ilan, “Ipatong Mo ang Iyong mga kamay sa akin! Ipatong Mo ang Iyong mga kamay sa akin upang matanggap ko ang Iyong pagpapala at makibahagi sa Iyo.” Ang lahat ng ito ay lipas nang mga pagsasagawa na ngayon ay hindi na ginagawa, dahil nagbago na ang kapanahunan. Ang Banal na Espiritu ay gumagawa alinsunod sa kapanahunan, hindi nang sapalaran o ayon sa nakatakdang mga panuntunan. Nagbago na ang kapanahunan, at ang isang bagong kapanahunan ay tiyak na may dalang bagong gawain. Totoo ito sa bawa’t yugto ng gawain, at kaya ang Kanyang gawain ay hindi kailanman nauulit. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ginawa ni Jesus ang maraming gayong gawain, tulad ng pagpapagaling ng sakit, pagpapalayas ng mga demonyo, pagpapatong ng Kanyang mga kamay sa tao upang ipanalangin ang tao, at pagpapala sa tao. Gayunman, ang gawin uli ang gayon ay walang saysay sa kasalukuyan. Ang Banal na Espiritu ay gumawa sa ganoong paraan noong panahong iyon, dahil iyon ang Kapanahunan ng Biyaya, at may sapat na biyaya para tamasahin ng tao. Hindi kinailangang magbayad ang tao ng anumang halaga at tumanggap siya ng biyaya hangga’t siya ay may pananampalataya. Lahat ay tinrato nang may lubhang kagandahang-loob. Ngayon, ang kapanahunan ay nagbago na, at ang gawain ng Diyos ay nakasulong na nang higit pa; sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol na ang pagiging mapanghimagsik ng tao at ang mga karumihan sa kalooban ng tao ay maaalis. Dahil ito ang yugto ng pagtubos, kinailangang gumawa ang Diyos sa gayong paraan, na nagpapakita ng sapat na biyaya para matamasa ng tao, para matubos ang tao mula sa kasalanan, at, sa pamamagitan ng biyaya, mapatawad ang tao sa kanyang mga kasalanan. Ang kasalukuyang yugto ay upang ilantad ang di-pagkamatuwid sa kalooban ng tao sa pamamagitan ng pagkastigo, paghatol, paghampas gamit ang mga salita, pati na rin ng pagdisiplina at pagbubunyag ng mga salita, upang pagkatapos ay mailigtas ang sangkatauhan. Ito ay gawaing mas malalim kaysa pagtubos. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang tao ay nagtamasa ng sapat na biyaya; ngayong nakaranas na ng biyayang ito ang tao, hindi na ito matatamasa ng tao. Ang gayong gawain ay lipas na ngayon at hindi na gagawin. Ngayon, ang tao ay ililigtas sa pamamagitan ng paghatol ng salita. Pagkatapos hatulan, kastiguhin at pinuhin ang tao, ang kanyang disposisyon ay nababago. Hindi ba’t ito ay dahil sa mga salitang Aking sinambit? Ang bawa’t yugto ng gawain ay ginagawa ayon sa pag-unlad ng buong sangkatauhan at kasabay ng kapanahunan. Lahat ng gawain ay may kabuluhan; lahat ng ito ay ginagawa para sa pangwakas na pagliligtas, para ang sangkatauhan ay magkaroon ng isang magandang hantungan sa hinaharap, at para ang tao ay mahati ayon sa kanilang mga uri sa katapusan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4
Naisulong na ng gawain ngayon ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya; ibig sabihin, nakasulong na ang gawain sa ilalim ng buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahala. Bagama’t natapos na ang Kapanahunan ng Biyaya, nagkaroon na ng pag-unlad sa gawain ng Diyos. Bakit Ko ba sinasabi nang paulit-ulit na ang yugtong ito ng gawain ay batay sa Kapanahunan ng Biyaya at sa Kapanahunan ng Kautusan? Dahil ang gawain ng panahong ito ay pagpapatuloy ng gawaing ginawa sa Kapanahunan ng Biyaya, at isang pag-unlad doon sa ginawa sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang tatlong yugto ay mahigpit na magkakaugnay, na bawat kawing sa kadena ay nakarugtong na mabuti sa kasunod. Bakit Ko ba sinasabi rin na ang yugtong ito ng gawain ay batay sa ginawa ni Jesus? Ipagpalagay nang ang yugtong ito ay hindi batay sa gawaing ginawa ni Jesus, kakailanganing maganap ang isa pang pagpapapako sa krus sa yugtong ito, at ang gawain ng pagtubos ng naunang yugto ay kakailanganing uliting muli. Magiging walang saysay ito. Kaya nga hindi sa ganap nang natapos ang gawain, kundi nakasulong na ang kapanahunan at ang antas ng gawain ay naitaas na nang mas mataas kaysa rati. Masasabi na ang yugtong ito ng gawain ay nakabatay sa pundasyon ng Kapanahunan ng Kautusan at nakasalig sa bato ng gawain ni Jesus. Ang gawain ng Diyos ay itinatatag nang yugtu-yugto, at ang yugtong ito ay hindi isang bagong simula. Ang pinagsamang tatlong yugto ng gawain lamang ang maaaring ituring na anim-na-libong-taong plano ng pamamahala.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawang Ganap ng Dalawang Pagkakatawang-tao ang Kabuluhan ng Pagkakatawang-tao
Ang buong pamamahala ng Diyos ay nahahati sa tatlong yugto, at sa bawat yugto, ang mga angkop na kinakailangan ay itinatalaga sa tao. At saka, habang lumilipas at sumusulong ang mga kapanahunan, ang mga kinakailangan ng Diyos sa buong sangkatauhan ay nagiging lalong mas mataas. Kaya, isa-isang hakbang, ang gawaing ito ng pamamahala ng Diyos ay nakakaabot sa rurok nito, hanggang napagmamasdan ng tao ang katunayan ng “pagpapakita ng Salita sa katawang-tao,” at sa paraang ito ang mga kinakailangan sa tao ay mas tumataas pa, gayundin ang mga pangangailangan sa tao na sumaksi. Habang mas nakakaya ng tao na tunay na makipagtulungan sa Diyos, mas magtatamo ng kaluwalhatian ang Diyos. Ang pakikipagtulungan ng tao ay ang patotoo na kinakailangan sa kanya na dalhin, at ang patotoo na kanyang dinadala ay ang pagsasagawa ng tao. Samakatwid, magkakaroon man ng nararapat na bunga ang gawain ng Diyos o hindi, at kung magkakaroon man ng tunay na patotoo o hindi, ay di-naiiwasang kaugnay ng pakikipagtulungan at patotoo ng tao. Kapag natapos ang gawain, na ang ibig sabihin, kapag narating na ang katapusan ng buong pamamahala ng Diyos, kakailanganin sa tao na magpatotoo nang mas mataas, at kapag ang gawain ng Diyos ay nakakarating na sa katapusan nito, ang pagsasagawa at pagpasok ng tao ay makakarating sa rurok ng mga ito. Sa nakalipas, kinailangan sa tao na sumunod sa batas at mga kautusan, at hinihingi na siya ay maging matiisin at mapagpakumbaba. Ngayon, ang tao ay kinakailangan na sundin ang lahat ng pagsasaayos ng Diyos at magtaglay ng labis na pag-ibig sa Diyos, at sa kahuli-hulihan ay hinihingi sa kanya na mahalin pa rin ang Diyos sa gitna ng paghihirap. Ang tatlong yugtong ito ay mga kinakailangan ng Diyos sa tao, isa-isang hakbang, sa kabuuan ng Kanyang pamamahala. Ang bawat yugto ng gawain ng Diyos ay mas lumalalim kaysa sa huli, at sa bawat yugto ang mga kinakailangan sa tao ay mas tumindi kaysa sa huli, at sa paraang ito, ang buong pamamahala ng Diyos ay unti-unting nabubuo. Talagang dahil sa ang mga kinakailangan sa tao ay lalo pang mas mataas kung kaya ang disposisyon ng tao ay mas lalong lumalapit sa mga pamantayang kinakailangan ng Diyos, at saka pa lamang magsisimula na unti-unting makaaalis ang buong sangkatauhan sa impluwensya ni Satanas hanggang, kapag ganap nang natapos ang gawain ng Diyos, ang buong sangkatauhan ay nailigtas na mula sa impluwensya ni Satanas. Kapag dumating ang oras na iyon, ang gawain ng Diyos ay makakarating sa katapusan nito, at ang pakikipagtulungan ng tao sa Diyos nang sa gayon ay magkamit ng mga pagbabago sa kanyang disposisyon ay wala na rin, at ang buong sangkatauhan ay mamumuhay sa liwanag ng Diyos, at mula roon, mawawala na ang pagkasuwail o paglaban sa Diyos. Wala na ring hihingin ang Diyos sa tao, at magkakaroon ng mas maayos na pagtutulungan sa pagitan ng tao at ng Diyos, isang buhay kung saan magkasama ang tao at ang Diyos, ang buhay na mararanasan pagkaraang ganap nang natapos ang pamamahala ng Diyos, at matapos na lubos na nailigtas na ng Diyos ang tao mula sa mga kamay ni Satanas.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao