Ang pagpapakita ng Diyos ay tumutukoy sa Kanyang pagdating sa lupa upang gawin ang Kanyang gawain nang personal. Dala ang Kanyang sariling pagkakakilanlan at disposisyon, at sa pamamaraang likas sa Kanya, Siya ay bumababa sa sangkatauhan upang isakatuparan ang gawain ng pagsisimula ng isang kapanahunan at pagwawakas ng isang kapanahunan. Ang ganitong uri ng pagpapakita ay hindi isang klase ng seremonya. Ito ay hindi isang tanda, isang larawan, isang himala, o isang uri ng malaking pangitain, at lalong hindi ito isang prosesong pangrelihiyon. Ito ay isang tunay at aktwal na katunayan na nahihipo at nakikita ng sinuman. Ang ganitong uri ng pagpapakita ay hindi upang kumilos nang wala sa loob, o para sa anumang pangmadaliang pagsasagawa; sa halip, ito ay para sa isang yugto ng gawain sa Kanyang plano ng pamamahala. Ang pagpapakita ng Diyos ay laging makabuluhan at laging nagtataglay ng ilang kaugnayan sa Kanyang plano ng pamamahala. Ang tinatawag na pagpapakita rito ay lubos na naiiba mula sa uri ng “pagpapakita” kung saan ang Diyos ay gumagabay, umaakay, at nagliliwanag sa tao. Isinasakatuparan ng Diyos ang isang yugto ng Kanyang dakilang gawain sa tuwing inihahayag Niya ang Sarili Niya. Ang gawaing ito ay naiiba mula sa gawain ng alinmang iba pang kapanahunan. Hindi ito kayang isipin ng tao, at hindi pa naranasan kailanman ng tao. Ito ay gawain na nagsisimula ng isang bagong kapanahunan at nagwawakas ng lumang kapanahunan, at ito ay isang bago at pinahusay na uri ng gawain para sa kaligtasan ng sangkatauhan; bukod dito, ito ay gawain na nagdadala sa sangkatauhan sa bagong kapanahunan. Ito ang kahulugan ng pagpapakita ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 1: Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan
Sinabi ni Jesus na Siya ay darating kung paano Siya umalis, ngunit nalalaman mo ba ang tunay na kahulugan ng Kanyang mga salita? Maaari kayang nasabi Niya sa pangkat ninyong ito? Nalalaman mo lamang na Siya ay darating kung paano Siya umalis, nakasakay sa isang ulap, ngunit nalalaman mo ba kung paano talaga ginagawa ng Diyos Mismo ang Kanyang gawain? Kung talaga ngang nakikita mo, paano maipaliliwanag ang mga salitang binigkas ni Jesus? Sinabi Niya: Kung kailan man darating ang Anak ng tao sa mga huling araw, Siya Mismo ay hindi makakaalam, hindi malalaman ng mga anghel, hindi malalaman ng mga sugo sa langit, at hindi malalaman ng buong sangkatauhan. Tanging ang Ama ang makakaalam, ibig sabihin, ang Espiritu lamang ang makakaalam. Maging ang Anak ng tao Mismo ay hindi nakaaalam, ngunit ikaw ay nakakikita at nakaaalam? Kung may kakayahan kang makaalam at makakita gamit ang iyong sariling mga mata, hindi ba’t ang pagbigkas ng mga salitang ito ay mawawalan ng kabuluhan? At ano ang sinabi ni Jesus nang panahong iyon? “Ngunit tungkol sa araw at oras na iyon walang taong makaaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Aking Ama lamang. At tulad noong panahon ni Noe, magiging ganito rin ang pagparito ng Anak ng tao. … Kaya nga kayo’y magsihanda rin; sapagkat darating ang Anak ng tao sa oras na hindi ninyo naiisip.” Kapag dumating na ang araw na iyon, Mismong ang Anak ng tao ay hindi ito malalaman. Ang Anak ng tao ay tumutukoy sa nagkatawang-taong anyo ng Diyos, na isang normal at karaniwang tao. Maging ang Anak ng tao Mismo ay hindi alam, kaya paano mo malalaman?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3
Sa pagkakataong ito, pumaparito ang Diyos upang gumawa ng gawain hindi sa espirituwal na katawan, kundi sa isang napakakaraniwang katawan. Bukod dito, hindi lamang ito ang katawan ng ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, ito rin ang katawan kung saan bumabalik ang Diyos sa katawang-tao. Isa itong napakapangkaraniwang katawang-tao. Wala kang makikitang anumang nagpapabukod-tangi sa Kanya sa iba, ngunit maaari kang magkamit mula sa Kanya ng mga katotohanang hindi pa narinig dati. Itong hamak na katawang-taong ito ang kumakatawan sa lahat ng mga salita ng katotohanan mula sa Diyos, nangangasiwa sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, at nagpapahayag ng kabuuan ng disposisyon ng Diyos upang maintindihan ng tao. Hindi mo ba lubhang ninanais na makita ang Diyos na nasa langit? Hindi mo ba lubhang ninanais na maunawaan ang Diyos na nasa langit? Hindi mo ba lubhang ninanais na makita ang hantungan ng sangkatauhan? Sasabihin Niya sa iyo ang lahat ng mga lihim na ito—mga lihim na wala pang taong nakapagsabi sa iyo, at sasabihin din Niya sa iyo ang mga katotohanang hindi mo nauunawaan. Siya ang pintuan mo patungo sa kaharian, at gabay mo patungo sa bagong kapanahunan. Nagtataglay ng maraming hiwagang di-maarok ang gayong karaniwang katawang-tao. Maaaring hindi maintindihan para sa iyo ang Kanyang mga gawa, ngunit ang buong layunin ng gawaing ginagawa Niya ay sapat na upang hayaan kang makitang hindi Siya isang simpleng katawang-tao na gaya ng inaakala ng mga tao. Sapagkat kinakatawan Niya ang kalooban ng Diyos at ang pangangalagang ipinakita ng Diyos para sa sangkatauhan sa mga huling araw. Bagaman hindi mo naririnig ang mga salita Niya na tila yumayanig sa kalangitan at lupa, bagaman hindi mo nakikita ang mga mata Niya na tulad ng lumalagablab na apoy, at bagaman hindi mo natatanggap ang disiplina ng Kanyang pamalong bakal, gayunman, maririnig mo mula sa Kanyang mga salita na mapagpoot ang Diyos, at mababatid na nagpapakita ang Diyos ng habag para sa sangkatauhan; makikita mo ang matuwid na disposisyon ng Diyos at ang karunungan Niya, at bukod dito, matatanto ang malasakit ng Diyos sa buong sangkatauhan. Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay ang pahintulutan ang tao na makita ang Diyos na nasa langit na namumuhay kasama ng mga tao sa lupa, at bigyang-kakayahan ang tao na kilalanin, sundin, igalang, at mahalin ang Diyos. Ito ang dahilan kung bakit bumalik Siya sa katawang-tao sa pangalawang pagkakataon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alam Mo Ba? Gumawa ang Diyos ng Dakilang Bagay sa Gitna ng mga Tao
“Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia.” Narinig na ba ninyo ngayon ang mga salita ng Banal na Espiritu? Ang mga salita ng Diyos ay dumating na sa inyo. Naririnig ba ninyo ang mga ito? Ginagawa ng Diyos ang gawain ng mga salita sa mga huling araw, at ang gayong mga salita ay yaong sa Banal na Espiritu, sapagkat ang Diyos ang Banal na Espiritu at maaari ding maging tao; samakatuwid, ang mga salita ng Banal na Espiritu, na pinag-uusapan noong araw, ay ang mga salita ng Diyos na nagkatawang-tao ngayon. Maraming mga katawa-tawang taong naniniwala na dahil ang Banal na Espiritu ang nagsasalita, dapat manggaling ang Kanyang tinig sa kalangitan para marinig ng mga tao. Sinumang nag-iisip sa ganitong paraan ay hindi alam ang gawain ng Diyos. Ang totoo, ang mga pagbigkas na sinasambit ng Banal na Espiritu ay yaong mga sinambit ng Diyos na naging tao. Hindi kaya ng Banal na Espiritu na magsalita nang tuwiran sa tao; kahit sa Kapanahunan ng Kautusan, hindi nagsalita si Jehova nang tuwiran sa mga tao. Hindi ba mas malamang na hindi Niya gawin iyon sa kapanahunang ito ngayon? Para sumambit ng mga pagbigkas ang Diyos para magsagawa ng gawain, kailangan Siyang maging tao; kung hindi, hindi maisasakatuparan ng Kanyang gawain ang mga layunin nito. Yaong mga nagkakaila sa Diyos na nagkatawang-tao ay yaong mga hindi nakakakilala sa Espiritu o sa mga prinsipyong sinusunod ng Diyos sa paggawa.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maaaring Tumanggap ng mga Paghahayag ng Diyos ang Taong Nililimitahan ang Diyos sa Kanyang mga Kuru-kuro?
Ang Diyos ay walang-imik, at hindi pa nagpakita sa atin kailanman, subalit hindi pa humihinto ang Kanyang gawain kailanman. Sinusuri Niya ang buong kalupaan, at inuutusan ang lahat ng bagay, at minamasdan ang lahat ng salita at gawa ng tao. Idinaraos Niya ang Kanyang pamamahala sa maiingat na hakbang at ayon sa Kanyang plano, tahimik at hindi kapansin-pansin, subalit ang Kanyang mga yapak ay sumusulong, nang paisa-isa, palapit nang palapit sa sangkatauhan, at ang Kanyang luklukan ng paghatol ay ipinadadala sa sansinukob na simbilis ng kidlat, na ang kasunod ay bumababa kaagad ang Kanyang luklukan sa ating kalagitnaan. Napakaringal ng tanawing iyon, napakarangal at napakataimtim na tagpo! Parang kalapati, at parang umaatungal na leon, dumarating ang Espiritu sa ating kalagitnaan. Siya ang karunungan, Siya ang katuwiran at kamahalan, at dumarating Siya nang patago sa ating paligid, na nagpapakita ng awtoridad at puno ng pagmamahal at awa.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 4: Mamasdan ang Pagpapakita ng Diyos sa Kanyang Paghatol at Pagkastigo
Nang pumarito si Jesus sa mundo ng tao, pinasimulan Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at winakasan ang Kapanahunan ng Kautusan. Sa mga huling araw, minsan pang naging tao ang Diyos, at sa pagkakatawang-taong ito ay winakasan Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at pinasimulan ang Kapanahunan ng Kaharian. Lahat ng nagagawang tumanggap sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos ay aakayin tungo sa Kapanahunan ng Kaharian, at bukod pa riyan ay magagawang personal na tumanggap ng patnubay ng Diyos. Bagama’t maraming gawaing ginawa si Jesus sa tao, kinumpleto lamang Niya ang pagtubos sa buong sangkatauhan at naging handog dahil sa kasalanan ng tao; hindi Niya inalis ang lahat ng tiwaling disposisyon ng tao. Ang lubos na pagliligtas sa tao mula sa impluwensya ni Satanas ay hindi lamang kinailangan ni Jesus na maging handog dahil sa kasalanan at pasanin ang mga kasalanan ng tao, kundi kinailangan din ng Diyos na gumawa ng mas malaki pang gawain upang ganap na alisin sa tao ang kanyang maka-Satanas na tiwaling disposisyon. Kaya nga, ngayong napatawad na ang tao sa kanyang mga kasalanan, nagbalik na ang Diyos sa katawang-tao upang akayin ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan ang gawain ng pagkastigo at paghatol. Ang gawaing ito ay naghatid sa tao sa isang mas mataas na dako. Lahat ng nagpapasakop sa Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at tatanggap ng mas malalaking pagpapala. Tunay silang mabubuhay sa liwanag, at matatamo nila ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita