Nakarating na ang papuri sa Sion at lumitaw na ang tirahan ng Diyos. Ang maluwalhating banal na pangalan, na pinupuri ng lahat ng bayan, ay lumalaganap. Ah, Makapangyarihang Diyos! Ang Pinuno ng sansinukob, ang Cristo ng mga huling araw—Siya ang sumisikat na Araw na sumikat sa Bundok ng Sion, na nangingibabaw sa pagiging maharlika at karangyaan sa buong sansinukob …
Makapangyarihang Diyos! Tumatawag kami sa Iyo sa kagalakan; sumasayaw at umaawit kami. Tunay na Ikaw ang aming Manunubos, ang dakilang Hari ng sansinukob! Nakagawa Ka na ng isang pangkat ng mga mananagumpay at natupad Mo na ang plano ng pamamahala ng Diyos. Magsisiparoon sa bundok na ito ang lahat ng bayan. Luluhod ang lahat ng bayan sa harapan ng luklukan! Ikaw ang kaisa-isang tunay na Diyos at karapat-dapat Ka sa kaluwalhatian at karangalan. Buong kaluwalhatian, papuri, at awtoridad ang mapasa-luklukan! Dumadaloy mula sa luklukan ang bukal ng buhay, dinidiligan at pinakakain ang maraming tao ng Diyos. Nagbabago ang buhay araw-araw; sinusundan tayo ng bagong liwanag at mga paghahayag, patuloy na nagdudulot ng mga bagong kabatiran tungkol sa Diyos. Sa gitna ng mga karanasan, nagiging lubos na tiyak tayo tungkol sa Diyos. Ang Kanyang mga salita ay patuloy na naipapamalas, naipapamalas sa mga taong tama. Tunay ngang labis tayong pinagpala! Nakikipagkita sa Diyos nang harapan araw-araw, nakikipag-ugnayan sa Diyos sa lahat ng bagay, at ibinibigay sa Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Pinagbubulay-bulayan nating mabuti ang salita ng Diyos, payapang nakahimlay ang ating mga puso sa Diyos, at sa paraang ito ay lumalapit tayo sa harapan ng Diyos, kung saan tinatanggap natin ang Kanyang liwanag. Sa bawat araw, sa ating buhay, mga kilos, salita, kaisipan, at ideya, nabubuhay tayo ayon sa salita ng Diyos, kayang kumilala sa lahat ng oras. Ginagabayan ng salita ng Diyos ang sinulid papasok sa karayom; nang di-inaasahan, nalalantad sa liwanag ang mga bagay na nakatago sa ating kalooban, nang sunud-sunod. Ang pakikisalamuha sa Diyos ay hindi nagpapaantala; inilalantad ng Diyos ang ating mga kaisipan at ideya. Sa bawat sandali nabubuhay tayo sa harap ng luklukan ni Cristo kung saan sumasailalim tayo sa paghatol. Nananatiling sakop ni Satanas ang bawat bahagi sa loob ng ating katawan. Ngayon, upang mabawi ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, kailangang linisin ang Kanyang templo. Upang ganap na maangkin ng Diyos, kailangan nating makibaka sa pagitan ng buhay at kamatayan. Kapag naipako na sa krus ang dati nating sarili, saka lamang maghahari nang kataas-taasan ang muling nabuhay na Cristo.
Naghahanda ngayon ng isang pagsalakay ang Banal na Espiritu sa bawat sulok natin upang makidigma para mabawi tayo! Basta’t handa tayong itakwil ang ating sarili at makipagtulungan sa Diyos, tiyak na paliliwanagin at dadalisayin ng Diyos ang ating kalooban sa lahat ng oras, at babawiing muli yaong nasakop na ni Satanas, upang magawa tayong ganap ng Diyos sa lalong madaling panahon. Huwag mag-aksaya ng panahon—mabuhay sa bawat sandali ayon sa salita ng Diyos. Mapatatag na kasama ng mga banal, madala sa kaharian, at pumasok sa kaluwalhatian kasama ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 1
Mula pa noong panahong ang Makapangyarihang Diyos—ang Hari ng kaharian—ay nasaksihan, ang saklaw ng pamamahala ng Diyos ay ganap nang nabunyag sa buong sansinukob. Hindi lamang sa Tsina nasaksihan ang pagpapakita ng Diyos, kundi nasaksihan ang pangalan ng Makapangyarihang Diyos sa lahat ng bansa at lahat ng lugar. Silang lahat ay tumatawag sa banal na pangalang ito, naghahangad na makisalamuha sa Diyos sa anumang posibleng paraan, inuunawa ang kalooban ng Makapangyarihang Diyos at nagkakaisang naglilingkod sa Kanya sa loob ng iglesia. Ganito ang kahanga-hangang paraan ng paggawa ng Banal na Espiritu.
Ang mga wika ng iba’t ibang bansa ay magkakaiba, ngunit iisa lamang ang Espiritu. Pinagsasama ng Espiritung ito ang mga iglesia sa buong sansinukob at lubos na kaisa sa Diyos, nang walang kahit kaunting pagkakaiba. Ito ay isang bagay na hindi mapagdududahan. Tinatawag na sila ngayon ng Banal na Espiritu at ginigising sila ng Kanyang tinig. Ito ang tinig ng habag ng Diyos. Tumatawag silang lahat sa banal na pangalan ng Makapangyarihang Diyos! Nagpupuri rin sila at umaawit. Hindi kailanman maaaring magkaroon ng anumang paglihis sa gawain ng Banal na Espiritu; gagawin ng mga taong ito ang lahat upang sumulong sa tamang landas, hindi sila umuurong—nagpapatung-patong ang mga kababalaghan. Ito ay isang bagay na mahirap isipin at imposibleng alamin ng mga tao.
Ang Makapangyarihang Diyos ang Hari ng buhay sa sansinukob! Nakaupo Siya sa maluwalhating trono at hinahatulan ang sanlibutan, nangingibabaw sa lahat, at pinaghaharian ang lahat ng bansa; lumuluhod ang lahat ng lahi sa Kanya, nananalangin sa Kanya, lumalapit sa Kanya at nakikipag-usap sa Kanya. Gaano katagal man kayong naniniwala sa Diyos, gaano man kataas ang inyong katayuan o gaano man kalayo ang agwat ng inyong paglilingkod, kung sumasalungat kayo sa Diyos sa inyong mga puso, kailangan kayong hatulan at kailangan kayong magpatirapa sa harapan Niya, nang dumaraing ng masakit na pagsusumamo; ito talaga ang pag-aani ng mga bunga ng inyong sariling mga gawa. Ang tunog ng pagtangis na ito ang tunog ng pinapahirapan sa lawa ng apoy at asupre, at ito ang iyak ng kinakastigo ng bakal na pamalo ng Diyos; ito ang paghatol sa harap ng luklukan ni Cristo.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 8
Sa buong sansinukob ginagawa Ko ang Aking gawain, at sa Silangan, walang humpay ang mga dagundong ng kulog, niyayanig ang lahat ng bansa at denominasyon. Ang Aking tinig ang umakay sa lahat ng tao sa kasalukuyan. Idinudulot Ko na malupig ng Aking tinig ang lahat ng tao, upang madala sila sa daloy na ito, at magpasakop sa Aking harapan, sapagkat matagal Ko nang binawi ang Aking kaluwalhatian mula sa buong mundo at muli itong inilabas sa Silangan. Sino ang hindi nasasabik na makita ang Aking kaluwalhatian? Sino ang hindi sabik na naghihintay sa Aking pagbabalik? Sino ang hindi nauuhaw sa Aking muling pagpapakita? Sino ang hindi nananabik sa Aking kariktan? Sino ang hindi lalapit sa liwanag? Sino ang hindi hahanga sa kasaganaan ng Canaan? Sino ang hindi nananabik sa pagbabalik ng Manunubos? Sino ang hindi sumasamba sa Kanya na dakila ang kapangyarihan? Ang Aking tinig ay lalaganap sa buong mundo; haharapin Ko ang mga taong Aking hinirang at sasambit Ako ng iba pang mga salita sa kanila. Gaya ng malalakas na kulog na yumayanig sa mga bundok at ilog, sinasambit Ko ang Aking mga salita sa buong sansinukob at sa sangkatauhan. Kaya naman ang mga salita sa Aking bibig ay naging yaman na ng tao, at itinatangi ng lahat ng tao ang Aking mga salita. Kumikidlat mula sa Silangan patungo sa Kanluran. Ang Aking mga salita ay ayaw isuko ng tao at kasabay nito ay hindi rin niya ito maarok, kundi mas nagagalak dito. Natutuwa at nagagalak ang lahat ng tao, ipinagdiriwang ang Aking pagparito, na tila ba kasisilang lamang ng isang sanggol. Sa pamamagitan ng Aking tinig, dadalhin Ko ang lahat ng tao sa Aking harapan. Mula roon, pormal Akong papasok sa lahi ng mga tao para lumapit sila upang sambahin Ako. Taglay ang kaluwalhatiang nababanaag sa Akin at ang mga salita sa Aking bibig, pahaharapin Ko ang lahat ng tao sa Akin at makikita nila na kumikidlat mula sa Silangan at na bumaba na rin Ako sa “Bundok ng mga Olibo” sa Silangan. Makikita nila na matagal na Akong nasa lupa, hindi na bilang Anak ng mga Judio kundi bilang Kidlat ng Silanganan. Sapagkat matagal na Akong nabuhay na muli, at lumisan mula sa sangkatauhan, at pagkatapos ay muli Akong nagpakita nang may kaluwalhatian sa mga tao. Ako Siya na sinamba napakahabang panahon na ang nakalipas bago ngayon, at Ako rin ang sanggol na tinalikuran ng mga Israelita napakahabang panahon na ang nakalipas bago ngayon. Bukod dito, Ako ang napakamaluwalhating Makapangyarihang Diyos ng kasalukuyang panahon! Palapitin ang lahat sa Aking luklukan at ipakita ang Aking maluwalhating mukha, iparinig ang Aking tinig, at patingnan ang Aking mga gawa. Ito ang kabuuan ng Aking kalooban; ito ang wakas at kasukdulan ng Aking plano, gayon din ang layunin ng Aking pamamahala: ang pasambahin sa Akin ang bawat bansa, ang kilalanin Ako ng bawat wika, ang isandig sa Akin ng bawat tao ang kanyang pananampalataya, at magpailalim sa Akin ang bawat tao!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dumadagundong ang Pitong Kulog—Nagpopropesiya na ang Ebanghelyo ng Kaharian ay Lalaganap sa Buong Sansinukob
Sabi ng ilan, ang pangalan ng Diyos ay hindi nagbabago. Kung gayon, bakit naging Jesus ang pangalan ni Jehova? Ipinropesiya na darating ang Mesiyas, kaya bakit dumating ang isang taong nagngangalang Jesus? Bakit nagbago ang pangalan ng Diyos? Hindi ba matagal nang isinagawa ang gawaing iyon? Maaari bang hindi makagawa ang Diyos ng mas bagong gawain ngayon? Ang gawain ng kahapon ay maaaring baguhin, at ang gawain ni Jesus ay maaaring sumunod mula roon kay Jehova. Kung gayon, hindi ba maaaring sundan ng ibang gawain ang gawain ni Jesus? Kung ang pangalan ni Jehova ay maaaring palitan ng Jesus, hindi ba maaaring palitan din ang pangalan ni Jesus? Walang kakaiba rito; kaya lang napakakitid ng isipan ng mga tao. Ang Diyos ay palaging magiging Diyos. Paano man magbago ang Kanyang gawain, at paano man maaaring magbago ang Kanyang pangalan, hindi magbabago ang Kanyang disposisyon at karunungan kailanman. Kung naniniwala ka na ang Diyos ay maaari lamang tawagin sa pangalang Jesus, napakalimitado ng iyong kaalaman. Nangangahas ka bang igiit na Jesus ang magiging pangalan ng Diyos magpakailanman, na ang Diyos ay palaging tatawagin sa pangalang Jesus magpakailanman, at na hindi ito magbabago kailanman? Nangangahas ka bang igiit nang may katiyakan na ang pangalan ni Jesus ang nagwakas ng Kapanahunan ng Kautusan at magwawakas din sa huling kapanahunan? Sino ang makapagsasabi na mawawakasan ng biyaya ni Jesus ang kapanahunan?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maaaring Tumanggap ng mga Paghahayag ng Diyos ang Taong Nililimitahan ang Diyos sa Kanyang mga Kuru-kuro?
Sa tuwing darating ang Diyos sa lupa, binabago Niya ang Kanyang pangalan, ang Kanyang kasarian, ang Kanyang larawan, at ang Kanyang gawain; hindi Niya inuulit ang Kanyang gawain. Siya ay isang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma. Nang dumating Siya noon, tinawag Siyang Jesus; maaari pa rin ba Siyang tawaging Jesus sa oras na ito ng Kanyang pagbalik? Nang dumating Siya noon, Siya ay isang lalaki; maaari ba Siyang maging lalaki muli ngayon? Ang Kanyang gawain nang Siya ay pumarito noong Kapanahunan ng Biyaya ay ang maipako sa krus; pagdating Niyang muli, maaari ba Niyang tubusing muli ang sangkatauhan mula sa kasalanan? Maaari ba Siyang ipakong muli sa krus? Hindi ba’t iyon ay pag-uulit lamang ng Kanyang gawain? Hindi mo ba alam na ang Diyos ay palaging bago at hindi kailanman luma? Mayroong mga nagsasabi na ang Diyos ay hindi nagbabago. Ito ay tama, ngunit ito ay tumutukoy sa di-nagbabagong diwa at disposisyon ng Diyos. Ang mga pagbabago sa Kanyang pangalan at gawain ay hindi nagpapatunay na ang Kanyang diwa ay nagbago; sa madaling salita, ang Diyos ay palaging magiging Diyos, at hindi ito kailanman magbabago. Kung sinasabi mo na hindi nagbabago ang gawain ng Diyos, matatapos ba Niya ang Kanyang anim na libong taong plano ng pamamahala? Ang alam mo lamang ay hindi nagbabago ang Diyos magpakailanman, ngunit alam mo ba na ang Diyos ay palaging bago at hindi kailanman luma? Kung hindi nagbabago ang gawain ng Diyos, magagawa ba Niyang akayin ang sangkatauhan hanggang sa kasalukuyang panahon? Kung hindi nagbabago ang Diyos, bakit nagawa na Niya ang gawain sa dalawang kapanahunan? Ang Kanyang gawain ay hindi tumitigil sa pagsulong, na ang ibig sabihin ay unti-unti Niyang ibinubunyag sa tao ang Kanyang disposisyon, at ang naibubunyag ay ang Kanyang likas na disposisyon. Sa simula, ang disposisyon ng Diyos ay nakatago mula sa mga tao, hindi Niya kailanman tuwirang ibinunyag ang Kanyang disposisyon sa tao, at sadyang walang kaalaman ang tao tungkol sa Kanya. Dahil dito, ginagamit Niya ang Kanyang gawain upang unti-unting ibunyag ang Kanyang disposisyon sa tao, ngunit ang pagkilos sa ganitong pamamaraan ay hindi nangangahulugan na ang Kanyang disposisyon ay nagbabago sa bawat kapanahunan. Hindi ito ang kaso kung saan ang disposisyon ng Diyos ay patuloy na nagbabago dahil ang Kanyang kalooban ay palaging nagbabago. Sa halip, dahil sa ang mga kapanahunan ng Kanyang gawain ay magkakaiba, ang likas na disposisyon ng Diyos, sa kabuuan nito, ay unti-unti Niyang ibinubunyag sa tao, nang sa gayon ay makilala Siya ng mga tao. Ngunit hindi ito patunay na sa simula ay walang tiyak na disposisyon ang Diyos o kaya ay unti-unting nagbago ang Kanyang disposisyon sa paglipas ng mga kapanahunan—ang ganoong pagkaunawa ay hindi tama. Ibinubunyag ng Diyos sa tao ang Kanyang likas at partikular na disposisyon—kung ano Siya—ayon sa paglipas ng mga kapanahunan; ang gawain sa nag-iisang kapanahunan ay hindi makapagpapahayag ng buong disposisyon ng Diyos. At dahil dito, ang mga salitang “Ang Diyos ay palaging bago at hindi kailanman luma” ay tumutukoy sa Kanyang gawain, at ang mga salitang “Ang Diyos ay hindi nagbabago” ay tungkol sa likas na kung ano ang mayroon ang Diyos at kung ano Siya. Anupaman, hindi mo maaaring ibatay ang anim na libong taong gawain sa iisang punto, o limitahan ito gamit ang mga patay na salita. Ganito ang kahangalan ng tao. Ang Diyos ay hindi kasingpayak ng ipinapalagay ng mga tao, at ang Kanyang gawain ay hindi magtatagal sa isang kapanahunan lamang. Ang pangalang Jehova, halimbawa, ay hindi maaaring laging kumatawan sa pangalan ng Diyos; maaari ding gawin ng Diyos ang Kanyang gawain sa pangalan na Jesus. Isa itong tanda na ang gawain ng Diyos ay laging kumikilos nang pasulong.
Ang Diyos ay palaging Diyos, at hindi Siya kailanman magiging si Satanas; si Satanas ay palaging si Satanas, at hindi ito kailanman magiging Diyos. Ang karunungan ng Diyos, ang Kanyang pagiging kamangha-mangha, ang Kanyang katuwiran, at ang Kanyang pagiging maharlika ay hindi kailanman magbabago. Ang Kanyang diwa at kung ano ang mayroon Siya at kung ano Siya ay hindi kailanman magbabago. Subalit, ang Kanyang gawain ay palaging kumikilos nang pasulong, laging lumalalim, dahil ang Diyos ay palaging bago at hindi kailanman luma. Sa bawat kapanahunan ay nagkakaroon ng bagong pangalan ang Diyos, sa bawat kapanahunan ay gumagawa Siya ng bagong gawain, at sa bawat kapanahunan ay hinahayaan Niyang makita ng Kanyang mga nilalang ang bago Niyang kalooban at bagong disposisyon. Kung hindi makikita ng mga tao ang paghahayag ng bagong disposisyon ng Diyos sa bagong kapanahunan, hindi ba nila Siya ipapako magpakailanman sa krus? At sa paggawa nito, hindi ba nila binibigyang kahulugan ang Diyos?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3
Kung sakaling palaging pareho ang gawain ng Diyos sa bawat kapanahunan, at Siya ay palaging tinatawag sa parehong pangalan, paano Siya makikilala ng tao? Ang Diyos ay dapat na tawaging Jehova, at maliban sa Diyos na tinatawag na Jehova, ang sinumang tinatawag sa anumang ibang pangalan ay hindi Diyos. Kung hindi, ang Diyos ay maaari lang tawaging Jesus, at bukod sa pangalang Jesus, hindi Siya maaaring tawagin sa iba pang pangalan; maliban kay Jesus, hindi Diyos si Jehova, at ang Makapangyarihang Diyos ay hindi rin Diyos. Naniniwala ang tao na totoong ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, ngunit ang Diyos ay isang Diyos na kapiling ng tao, at dapat Siyang tawaging Jesus, dahil ang Diyos ay kapiling ng tao. Ang gawin ito ay pagsunod sa doktrina at pagkulong sa Diyos sa isang saklaw. Kaya, sa bawat kapanahunan, ang gawain na isinasagawa ng Diyos, ang pangalan kung saan Siya ay tinatawag, at ang larawang Kanyang ginagamit—ang gawain na Kanyang ginagawa sa bawat yugto hanggang ngayon—ang mga ito ay hindi sumusunod sa iisang alituntunin, at hindi sumasailalim sa anumang limitasyon. Siya ay si Jehova, ngunit Siya rin ay si Jesus, pati na ang Mesiyas, at ang Makapangyarihang Diyos. Ang Kanyang gawain ay maaaring sumailalim sa unti-unting pagbabago, nang may mga katumbas na pagbabago sa Kanyang pangalan. Walang iisang pangalan ang maaaring kumatawan nang ganap sa Kanya, ngunit ang lahat ng pangalan kung saan Siya ay tinatawag ay maaaring kumatawan sa Kanya, at ang gawain na Kanyang isinasagawa sa bawat kapanahunan ay kumakatawan sa Kanyang disposisyon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3