Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay naplano nang may katiyakan. Kapag nakakakita Siya ng isang bagay o sitwasyong nagaganap, sa Kanyang mga mata ay mayroong pamantayang magagamit na panukatan nito, at ang pamantayang ito ang magsasabi kung magsasagawa Siya ng isang plano sa pagharap nito o kung anong pamamaraan ang gagamitin sa pagharap sa bagay at sitwasyong ito. Hindi Siya walang pakialam o walang nararamdaman sa lahat ng bagay. Ang totoo ay lubos na kabaligtaran nito. May bersikulo rito na nagpapahayag ng sinabi ng Diyos kay Noe: “Ang wakas ng lahat ng tao ay dumating sa harap Ko; sapagka’t ang lupa ay napuno ng karahasan dahil sa kanila; at, narito, sila’y Aking lilipuling kalakip ng lupa.” Nang sinabi ito ng Diyos, ang ibig ba Niyang sabihin ay mga tao lamang ang lilipulin Niya? Hindi! Ang sabi ng Diyos ay lilipulin Niya ang lahat ng nabubuhay na laman. Bakit gusto ng Diyos ang panlilipol? May isa pang pagbubunyag ng disposisyon ng Diyos dito; sa mata ng Diyos, may hangganan ang Kanyang pasensiya sa katiwalian ng tao, sa karumihan, karahasan, at pagsuway ng lahat ng laman. Ano ang Kanyang hangganan? Tulad ng sinabi ng Diyos: “At tiningnan ng Diyos ang lupa, at, narito sumama; sapagka’t pinasama ng lahat ng tao ang kanilang paglakad sa ibabaw ng lupa.” Ano ang ibig sabihin ng pariralang “sapagka’t pinasama ng lahat ng tao ang kanilang paglakad sa ibabaw ng lupa”? Ito ay nangangahulugan na anumang nabubuhay, kasama na ang mga sumusunod sa Diyos, ang mga tumatawag sa pangalan ng Diyos, ang mga minsan ay naghandog ng mga sinunog na alay sa Diyos, ang mga nagsalita ng pagkilala sa Diyos at nagpuri pa sa Diyos—sa sandaling ang kanilang mga asal ay mapuno ng katiwalian at makaabot sa mga mata ng Diyos, kailangan Niyang lipulin sila. Iyan ang hangganan ng Diyos. Kaya nanatiling gaano kahaba ang pasensya ng Diyos sa tao at sa katiwalian ng lahat ng laman? Hanggang sa lahat ng tao, maging mga sumusunod sa Diyos o hindi mananampalataya, ay hindi lumalakad sa tamang landas. Hanggang sa ang tao ay hindi lang tiwali ang moralidad at puno ng kasamaan, ngunit wala na ring naniniwalang may Diyos, lalo nang wala ang naniniwala na ang mundo ay pinaghaharian ng Diyos at makapagdadala ang Diyos ng liwanag at ng tamang landas. Hanggang sa ang tao ay nasuklam sa pag-iral ng Diyos at hindi pinayagang umiral ang Diyos. Sa sandaling umabot sa puntong ito ang katiwalian ng tao, hindi na ito matagalan ng Diyos. Ano ang papalit rito? Ang pagdating ng poot ng Diyos at kaparusahan ng Diyos. Hindi ba isang bahagi iyon ng pagbubunyag ng disposisyon ng Diyos? Sa kasalukuyang panahon, mayroon pa bang matuwid na tao sa mata ng Diyos? Mayroon pa bang perpektong tao sa mga mata ng Diyos? Ito ba ay panahon kung saan ang asal ng lahat ng laman sa lupa ay tiwali sa mata ng Diyos? Sa araw at panahong ito—bukod doon sa mga gustong gawing ganap ng Diyos, at sa mga makakasunod sa Diyos at makakatanggap ng Kanyang pagliligtas—hindi ba hinahamon ng lahat ng taong laman ang hangganan ng pasensiya ng Diyos? Hindi ba puno ng karahasan ang lahat ng nangyayari sa tabi ninyo, ang mga nakikita ng mga mata ninyo, at naririnig ng mga tainga ninyo, at personal na nararanasan ninyo sa araw-araw sa mundong ito? Sa mata ng Diyos, hindi ba dapat na wakasan ang ganitong uri ng mundo, ang ganitong uri ng panahon? Bagama’t ang kalagayan sa kasalukuyang panahon ay ibang-iba sa kalagayan noong panahon ni Noe, ang mga damdamin at poot ng Diyos para sa katiwalian ng tao ay lubos na nananatiling ganoon pa rin. Nagagawang maging mapagpasensiya ang Diyos dahil sa Kanyang gawain, ngunit alinsunod sa lahat ng uri ng mga kalagayan at mga kondisyon, sa mata ng Diyos ay matagal na sanang ginunaw ang mundong ito. Ang mga sitwasyon ay malayo at lampas na sa kung ano ang mundo noong ginunaw ito sa pamamagitan ng baha.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I
Sa kalawakan ng mundo, umaapaw ang karagatan hanggang sa kaparangan, tumatabon ang kaparangan sa karagatan, nang paulit-ulit. Maliban sa Kanya na namumuno sa bawat bagay sa lahat ng bagay, walang sinumang may kakayahang umakay at gumabay sa sangkatauhan. Walang sinumang makapangyarihang magtatrabaho o maghahanda para sa sangkatauhang ito, lalo nang walang sinumang makakaakay sa sangkatauhang ito tungo sa hantungang liwanag at magpapalaya rito mula sa mga kawalan ng katarungan sa mundo. Nananangis ang Diyos sa hinaharap ng sangkatauhan, nagdadalamhati sa pagbagsak ng sangkatauhan, at nasasaktan dahil naglalakad ang sangkatauhan, nang dahan-dahan, patungo sa pagkabulok at sa landas na wala nang balikan. Wala pang nakakaisip kung saan ang maaaring patunguhan ng gayong sangkatauhan na bumigo sa puso ng Diyos at nagtakwil sa Kanya para hanapin ang diyablo. Ito mismo ang dahilan kung bakit walang nakadarama sa galit ng Diyos, kung bakit walang naghahanap ng paraan para mapalugod Siya o nagsisikap na mapalapit sa Kanya, at bukod pa riyan, kung bakit walang naghahangad na maunawaan ang Kanyang dalamhati at pasakit. Kahit matapos marinig ang tinig ng Diyos, patuloy na tumatahak ang tao sa sarili niyang landas, pilit na lumalayo sa Diyos, umiiwas sa biyaya at kalinga ng Diyos, at lumalayo sa Kanyang katotohanan, mas ginugustong ibenta ang kanyang sarili kay Satanas, ang kaaway ng Diyos. At sino na ang nakapag-isip—dapat bang ipilit ng tao ang katigasan ng kanyang ulo—tungkol sa kung paano kikilos ang Diyos sa sangkatauhang ito na nagpaalis na sa Kanya nang hindi man lang lumilingon? Walang nakakaalam na ang dahilan ng paulit-ulit na mga paalala’t pangaral ng Diyos ay dahil inihanda na Niya sa Kanyang mga kamay ang isang walang-katulad na kalamidad, yaong hindi kakayanin ng katawan at kaluluwa ng tao. Ang kalamidad na ito ay hindi lamang isang kaparusahan sa katawan, kundi pati na rin sa kaluluwa. Kailangan mong malaman ito: Kapag nabigo ang plano ng Diyos, at kapag walang tumugon sa Kanyang mga paalala at pangaral, anong klaseng galit ang Kanyang ipamamalas? Isang bagay ito na hindi pa nararanasan o naririnig ng sinumang nilalang. Kaya sinasabi Ko, ang kalamidad na ito ay walang katulad, at hindi na mauulit kailanman. Sapagkat ang plano ng Diyos ay minsan lamang likhain ang tao, at minsan lamang iligtas ang sangkatauhan. Ito ang unang pagkakataon, at ito rin ang huli. Samakatuwid, walang makakaunawa sa matitiyagang layunin at taimtim na pag-asam ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan sa pagkakataong ito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao
Sumapit na ang mga huling araw at nagkakagulo ang mga bansa sa buong mundo. May kaguluhan sa pulitika, may mga taggutom, salot, baha, at tagtuyot na naglilitawan sa lahat ng dako. May malaking sakuna sa mundo ng tao; nagpadala na rin ng kalamidad ang Langit. Ito ay mga palatandaan ng mga huling araw. Ngunit para sa mga tao, tila isang mundo ito ng saya at karingalan; lalo’t lalo itong nagiging gayon, naaakit dito ang puso ng lahat ng tao, at maraming taong nabitag at hindi mapalaya ang kanilang sarili mula rito; napakaraming malilinlang ng mga nakikibahagi sa pandaraya at salamangka.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 2
Darating ang lahat ng uri ng sakuna, sunud-sunod; daranas ng mga kalamidad ang lahat ng bansa at lugar: Ang salot, taggutom, baha, tagtuyot, at mga lindol ay nasa lahat ng dako. Ang mga sakunang ito ay hindi lamang nangyayari sa isa o dalawang lugar, ni matatapos ang mga iyon sa loob ng isa o dalawang araw; bagkus, kakalat ang mga iyon sa palawak nang palawak na lugar, at titindi nang titindi. Sa loob ng panahong ito, lilitaw nang sunud-sunod ang lahat ng uri ng mga salot na insekto, at mangyayari ang kababalaghan ng kanibalismo sa lahat ng dako. Ito ang Aking paghatol sa lahat ng bansa at mga bayan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 65
Buksan ninyo ang inyong mga mata at tumingin, at makikita ninyo ang dakila Kong kapangyarihan sa lahat ng dako! Makatitiyak kayo sa Akin sa lahat ng dako. Pinalalaganap ng sansinukob at ng papawirin ang Aking dakilang kapangyarihan. Nagkatotoo nang lahat ang mga salitang sinabi Ko sa pag-init ng panahon, sa pagbabago ng klima, sa mga abnormalidad sa loob ng mga tao, sa kaguluhan sa galaw ng lipunan, at sa panlilinlang na nasa puso ng mga tao. Pumuputi ang araw at pumupula ang buwan; wala sa balanse ang lahat. Hindi pa rin ba talaga ninyo nakikita ang mga bagay ito?
Dito ibinubunyag ang dakilang kapangyarihan ng Diyos. Walang dudang Siya ang nag-iisang tunay na Diyos—ang Makapangyarihan sa lahat—na maraming taon nang hinahangad na matamo ng mga tao! Sino ang kayang pangyarihin ang mga bagay-bagay sa pamamagitan lamang ng pagbigkas ng mga salita? Tanging ang ating Makapangyarihang Diyos. Kaagad lumilitaw ang katotohanan sa sandaling magsalita Siya. Paano ninyo hindi masasabing Siya ang totoong Diyos?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 39
Ngayon, hindi lamang Ako bumababa sa bansa ng malaking pulang dragon, bumabaling din Ako upang humarap sa buong sansinukob, na nagpapayanig sa buong kaitaasan ng langit. Mayroon bang iisang lugar kahit saan na hindi sumasailalim sa Aking paghatol? Mayroon bang iisang lugar na hindi umiiral sa ilalim ng mga kalamidad na ibinubuhos Ko roon? Saanman Ako magtungo, nagpakalat na Ako ng lahat ng uri ng “mga binhi ng sakuna.” Isa ito sa mga paraan ng Aking paggawa, at walang dudang isang gawa ng pagliligtas para sa sangkatauhan, at ang ipinaaabot Ko sa kanila ay isang uri pa rin ng pagmamahal. Nais Kong tulutan ang mas maraming tao na makilala Ako at makita Ako, at sa ganitong paraan, magpitagan sa isang Diyos na hindi nila nakikita sa loob ng napakaraming taon ngunit ngayon mismo ay totoo.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 10
Ngunit hangga’t patuloy na umiiral ang lumang mundo, ipupukol Ko ang Aking galit sa mga bansa nito, hayagang ipapahayag ang Aking mga atas administratibo sa buong sansinukob, at kakastiguhin ang sinumang lumalabag sa mga ito:
Kapag ibinabaling Ko ang Aking mukha sa sansinukob upang magsalita, naririnig ng buong sangkatauhan ang Aking tinig, at pagkatapos ay nakikita ang lahat ng Aking nagawa sa buong sansinukob. Yaong mga lumalaban sa Aking kalooban, ibig sabihin, yaong mga kumokontra sa Akin sa mga gawa ng tao, ay sasailalim sa Aking pagkastigo. Kukunin Ko ang napakaraming bituin sa kalangitan at paninibaguhin ang mga ito, at dahil sa Akin, ang araw at ang buwan ay mapapanibago—ang kalangitan ay hindi na magiging gaya ng dati at ang napakaraming bagay sa lupa ay mapapanibago. Lahat ay magiging ganap sa pamamagitan ng Aking mga salita. Ang maraming bansa sa loob ng sansinukob ay muling hahati-hatiin at papalitan ng Aking kaharian, kaya ang mga bansa sa ibabaw ng lupa ay maglalaho magpakailanman at lahat ay magiging isang kaharian na sumasamba sa Akin; lahat ng bansa sa lupa ay mawawasak at titigil sa pag-iral. Sa mga tao sa loob ng sansinukob, lahat ng nabibilang sa diyablo ay lilipulin, at lahat ng sumasamba kay Satanas ay isasadlak sa Aking naglalagablab na apoy—ibig sabihin, maliban doon sa mga sumusunod sa agos, lahat ay magiging abo. Kapag kinakastigo Ko ang maraming tao, yaong mga nasa relihiyosong mundo, sa iba’t ibang lawak, ay babalik sa Aking kaharian, na nalupig ng Aking mga gawa, dahil nakita na nila ang pagdating ng Banal na nakasakay sa isang puting ulap. Lahat ng tao ay paghihiwa-hiwalayin ayon sa sarili nilang uri, at tatanggap ng mga pagkastigo na nararapat sa kanilang mga kilos. Lahat ng kumalaban sa Akin ay masasawi; yaon namang mga hindi Ako kasali sa kanilang mga gawa sa lupa, sila, dahil sa paraan ng pagpapawalang-sala nila sa kanilang sarili, ay patuloy na iiral sa lupa sa ilalim ng pamamahala ng Aking mga anak at Aking mga tao. Ihahayag Ko ang Aking sarili sa napakaraming tao at sa napakaraming bansa, at sa sarili Kong tinig, maririnig Ako sa ibabaw ng lupa, na ipinapahayag ang pagkumpleto ng Aking dakilang gawain para makita ng buong sangkatauhan sa sarili nilang mga mata.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 26