Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 132
Hulyo 24, 2020
Ang mga Pagsusumikap at mga Natamo ni Job sa Buhay ang Nagpahintulot sa Kanya na Mahinahong Harapin ang Kamatayan
Sa Bibliya nasusulat ang tungkol kay Job: “Gayon namatay si Job, na matanda at puspos ng mga kaarawan” (Job 42:17). Ito ay nangangahulugan na nang namatay si Job, wala siyang mga panghihinayang at hindi siya nakaramdam ng sakit, bagkus ay natural siyang lumisan sa mundong ito. Gaya ng nababatid ng lahat, si Job ay isang tao na may takot sa Diyos at iniwasan ang kasamaan noong siya ay nabubuhay pa. Ang kanyang mga gawa ay pinapurihan ng Diyos at inalala ng mga tao, at ang kanyang buhay ay maaaring sabihin na nagkaroon ng halaga at kabuluhan na higit kaysa kaninuman. Tinamasa ni Job ang mga pagpapala ng Diyos at tinawag Niya siyang matuwid sa lupa, at siya ay sinubukan din ng Diyos, at tinukso ni Satanas. Naging saksi siya ng Diyos at naging marapat na matawag Niya na isang matuwid na tao. Ilang dekada matapos siyang subukan ng Diyos, nagkaroon siya ng buhay na higit na mahalaga, makahulugan, makatwiran, at mapayapa kaysa dati. Dahil sa kanyang matuwid na mga gawa, sinubukan siya ng Diyos, dahil din sa kanyang matuwid na mga gawa, nagpakita sa kanya ang Diyos at direktang nakipag-usap sa kanya. Kaya sa mga taon matapos siyang masubukan, naunawaan at pinahalagahan ni Job ang halaga ng buhay sa isang mas konkretong paraan, nagkamit ng mas malalim na pagkaunawa sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, at nagtamo ng mas tumpak at tiyak na kaalaman kung paano nagbibigay at nag-aalis ng Kanyang mga pagpapala ang Lumikha. Itinatala ng Aklat ni Job na nagkaloob ang Diyos na si Jehova ng mas maraming mga pagpapala kay Job kaysa sa ibinigay Niya sa kanya noon na naglagay kay Job sa mas mainam pang posisyon upang kilalanin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha at harapin ang kamatayan nang mahinahon. Kaya nang tumanda na at naharap na si Job sa kamatayan ay tiyak na hindi siya nangamba tungkol sa kanyang mga ari-arian. Wala siyang mga alalahanin, walang pinanghihinayangan, at siyempre hindi siya natakot sa kamatayan, sapagkat ginugol niya ang buong buhay niya na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Wala siyang dahilan upang mag-alala tungkol sa sarili niyang katapusan. Ilan bang tao ngayon ang makakayang kumilos tulad ng lahat ng ginawa ni Job nang kanyang harapin ang sarili niyang kamatayan? Bakit walang sinuman ang nakakapagpanatili ng ganoong kasimpleng panlabas na tikas? Isa lang ang dahilan: Nabuhay si Job sa pansariling pagsusumikap sa paniniwala, pagkilala, at pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at dahil sa paniniwala, pagkilala, at pagpapasakop na ito, nakalampas siya sa mahahalagang sugpungan ng buhay, isinabuhay ang kanyang mga huling taon, at binati ang panghuling sugpungan ng kanyang buhay. Anuman ang naranasan ni Job, ang mga pinagsikapan at layunin niya sa buhay ay masasaya at hindi masasakit. Siya ay maligaya hindi dahil sa mga pagpapala o papuri na iginawad sa kanya ng Lumikha, kundi mas mahalaga pa rito, dahil sa kanyang mga pinagsikapan at layunin sa buhay, dahil sa lumalagong kaalaman at tunay na pagkaunawa sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha na kanyang natamo sa pamamagitan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, at dagdag pa rito, dahil sa nakamamanghang mga gawain Niya na personal na naranasan ni Job sa panahon na napailalim siya sa dakilang kapangyarihan ng Lumikha, at sa magiliw at di-malilimutang mga karanasan at mga alaala ng pakikipamuhay, pakikipagkilala, at kapwa pagkakaunawaan sa pagitan ng tao at ng Diyos. Si Job ay masaya dahil sa kapanatagan at kagalakan na nagmula sa kaalaman tungkol sa kalooban ng Lumikha, at dahil sa pagpipitagang lumitaw matapos makita na Siya ay dakila, kamangha-mangha, kaibig-ibig, at matapat. Ang dahilan kung bakit nakayang harapin ni Job ang kamatayan nang walang paghihirap ay dahil batid niya na sa kanyang pagkamatay, siya ay babalik sa tabi ng Lumikha. Ang mga pinagsikapan at natamo niya sa buhay ang nagpahintulot sa kanya na harapin ang kamatayan nang mahinahon, ang nagpahintulot sa kanya na harapin ang posibilidad na mahinahong babawiin ng Lumikha ang kanyang buhay, at dagdag pa rito, ang nagpahintulot sa kanya na makatindig nang walang dungis at walang inaalala sa harap ng Lumikha. Maaari kayang matamo ng mga tao sa kasalukuyan ang ganitong uri ng kaligayahan na naangkin ni Job? Kayo ba ay nasa posisyon na gawin ito? Yamang nasa ganitong posisyon ang mga tao sa kasalukuyan, bakit hindi nila nagagawang mamuhay nang maligaya tulad ni Job? Bakit hindi nila matakasan ang paghihirap mula sa takot sa kamatayan? Kapag nahaharap sa kamatayan, may ilang tao na hindi mapigilang mapaihi; ang iba ay nanginginig, nahihimatay, nagagalit sa Langit at pati na sa tao; ang ilan ay nananaghoy pa nga at tumatangis. Ang mga ito ay hindi biglaang mga reaksyon na nangyayari kapag papalapit na ang kamatayan. Ang pangunahing sanhi kaya kumikilos ang mga tao sa ganitong nakakahiyang mga paraan ay sapagkat sa kaibuturan ng kanilang mga puso, takot sila sa kamatayan, sapagkat wala silang malinaw na kaalaman at pagpapahalaga sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at sa Kanyang mga pagsasaayos, at lalong hindi sila tunay na nagpapasakop sa mga iyon. Ang mga tao ay tumutugon sa ganitong paraan sapagkat wala silang ibang gusto kundi ang isaayos at pamahalaan nila mismo ang lahat ng bagay, ang kontrolin ang sarili nilang kapalaran, ang sarili nilang mga buhay at kamatayan. Hindi kataka-taka, samakatwid, na kailanman ay hindi magawang takasan ng mga tao ang takot sa kamatayan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.
Iba pang mga Uri ng Video