Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 130

Hulyo 28, 2020

Ang Buhay na Ginugol sa Paghahangad ng Katanyagan at Mabuting Kapalaran ay Iiwan ang Isang Tao na Nalilito sa Harap ng Kamatayan

Dahil sa kataas-taasang kapangyarihan at paunang pagtatalaga ng Lumikha, ang isang malungkot na kaluluwa na nagsimula nang walang anuman sa pangalan niya ay nagkakaroon ng mga magulang at isang pamilya, ng pagkakataon na maging kasapi ng sangkatauhan, ng pagkakataon na maranasan ang buhay ng tao at makita ang mundo. Natatamo rin ng kaluluwa na ito ang pagkakataon na maranasan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, na malaman ang kahanga-hangang paglikha ng Lumikha, at higit pa riyan ay ang malaman at magpasakop sa awtoridad ng Lumikha. Subalit hindi tunay na sinasamantala ng karamihan ng mga tao ang pambihira at madaling lumipas na pagkakataong ito. Inuubos ng tao ang panghabambuhay na halaga ng enerhiya sa paglaban sa kapalaran, ginugugol ang lahat ng kanyang panahon sa pagiging abala para buhayin ang kanyang pamilya at nagpapabalik-balik sa pagitan ng kayamanan at katayuan. Ang mga bagay na pinakaiingat-ingatan ng mga tao ay ang pamilya, salapi, at katanyagan at itinuturing nila ang mga bagay na ito na pinakamahahalagang bagay sa buhay. Lahat ng tao ay nagrereklamo tungkol sa kanilang mga kapalaran, subalit isinasantabi pa rin nila sa kanilang mga isip ang mga usapin na pinakamahalagang suriin at unawain: bakit buhay ang tao, paano dapat mabuhay ang tao, ano ang kahalagahan at kahulugan ng buhay. Gaano man karaming taon sila magtatagal, ginugugol lamang nila ang buong buhay nila sa pagiging abala sa paghahanap ng katanyagan at mabuting kapalaran, hanggang sa lumipas na ang kabataan nila at maging matanda at kulubot na sila. Nabubuhay sila nang ganito hanggang sa makita nila na hindi mapapahinto ng katanyagan at mabuting kapalaran ang pagdausdos nila tungo sa katandaan, na hindi maaaring punan ng salapi ang kahungkagan ng puso, na walang sinuman ang malilibre mula sa mga batas ng pagsilang, pagtanda, pagkakasakit, at kamatayan, na hindi matatakasan ninuman ang kapalarang nakalaan sa kanila. Tanging kapag napilitan lamang silang harapin ang huling sugpungan ng buhay nila tunay na nauunawaan na kahit na magmay-ari ang isang tao ng napakalaking kayamanan at napakaraming ari-arian, kahit marami siyang pribilehiyo at may mataas na katayuan, walang sinuman ang maaaring makatakas sa kamatayan at bawat isa ay babalik sa kanyang orihinal na posisyon: isang nag-iisang kaluluwa, na walang anuman sa pangalan niya. Kapag ang isang tao ay may mga magulang, naniniwala siya na ang kanyang mga magulang ang lahat; kapag ang isang tao ay may ari-arian, iniisip niya na ang salapi ang pangunahing sandigan niya, na ito ang pinagkukunan ng ikabubuhay ng isang tao; kapag ang mga tao ay may katayuan, mahigpit ang pagkapit nila rito at isasapalaran nila ang kanilang mga buhay dahil dito. Tanging kapag bibitawan na ng mga tao ang mundong ito nila matatanto na ang mga bagay na pinaggugulan nila ng kanilang buhay na kamtin ay parang mga dumaraang ulap lamang, wala sa mga ito ang maaari nilang panghawakan, wala sa mga ito ang maaari nilang isama, wala sa mga ito ang maaaring maglibre sa kanila mula sa kamatayan, wala sa mga ito ang maaaring magbigay ng makakasama o aliw sa isang malungkot na kaluluwa sa pagbabalik nito; at higit sa lahat, wala sa mga ito ang maaaring magligtas sa tao at magbigay sa kanya ng kakayahan na malampasan ang kamatayan. Ang katanyagan at mabuting kapalaran na natatamo ng isang tao sa materyal na mundo ay maaaring makapagbigay sa kanya ng panandaliang kasiyahan, lumilipas na kaaliwan, at isang huwad na pakiramdam ng kaluwagan; dahilan para mawala sa landas ang isang tao. Kaya habang sila ay kumakawag-kawag sa malawak na dagat ng sangkatauhan, nananabik sa kapayapaan, kaginhawahan, at kapanatagan ng puso, ang mga tao ay muli’t muling nadadala sa ilalim ng mga alon. Kapag malalaman pa lamang ng mga tao ang mga katanungan na pinakamahalagang maunawaan—kung saan sila nanggaling, bakit sila nabubuhay, saan sila patutungo, at iba pa—sila ay naaakit ng katanyagan at mabuting kapalaran, inililigaw, kinokontrol ng mga ito at tuluyan nang nawala. Mabilis na lumilipas ang panahon; dumadaan ang mga taon sa isang kisapmata, at bago pa matanto ng isang tao, siya ay nakapagpaalam na sa pinakamaiinam na taon ng kanyang buhay. Kapag malapit nang lumisan ang isang tao mula sa mundo, unti-unti niyang natatanto na ang lahat sa mundo ay inaanod, na hindi na siya makakapit sa mga pag-aari niya na orihinal na sa kanya; doon tunay na nararamdaman ng isang tao na siya ay walang kahit anong pag-aari, tulad ng isang tumataghoy na sanggol na kalalabas lang sa mundo. Sa puntong ito, napipilitan siyang pag-isipan kung ano ang nagawa niya sa buhay, ano ang kabuluhan ng pagiging buhay, ano ang kahulugan nito, bakit naparito siya sa mundo. At sa puntong ito ay mas ninanais niyang malaman kung tunay na may kabilang buhay, kung tunay na mayroong Langit, kung talagang mayroong kabayaran…. Habang mas papalapit ang isang tao sa kamatayan, mas ninanais niyang maunawaan kung tungkol talaga saan ang buhay; habang mas papalapit siya sa kamatayan, tila nagiging mas hungkag ang puso niya; habang mas papalapit siya sa kamatayan, mas nararamdaman niya ang kawalang-kakayahan; kaya lumalaki ang takot niya sa kamatayan sa bawat araw. May dalawang dahilan kung bakit ipinamamalas ng mga tao ang ganitong mga pakiramdam habang papalapit sila sa kamatayan: Una, malapit nang mawala sa kanila ang katanyagan at kayamanan kung saan nila isinalig ang kanilang buhay, at iiwan na nila ang lahat ng nakikita sa mundo; at ikalawa, kakaharapin na nila, nang mag-isa, ang isang hindi pamilyar na mundo, isang misteryoso at di-kilalang mundo na natatakot silang puntahan, kung saan ay wala silang mga mahal sa buhay at walang susuporta. Dahil sa dalawang dahilang ito, lahat ng humaharap sa kamatayan ay di-mapalagay, nagugulumihanan, at nakakaranas ng kawalang-kakayahan na hindi nila kailanman naranasan. Kapag ang mga tao ay talagang nakarating na sa puntong ito ay saka pa lamang nila matatanto na ang unang bagay na dapat maunawaan ng isang tao, kapag umapak sila sa mundong ito, ay kung saan nanggaling ang mga tao, bakit buhay ang mga tao, sino ang nagdidikta ng kapalaran ng tao, sino ang nagbibigay at may kataas-taasang kapangyarihan sa pag-iral ng tao. Sa kaalamang ito tunay na nabubuhay ang isang tao, ang pangunahing batayan para patuloy na mabuhay ang tao—hindi ang pagkakatuto kung paano suportahan ang sariling pamilya, o kung paano makakamtan ang katanyagan at kayamanan, hindi ang matutuhan kung paano mamumukod-tangi sa karamihan ng tao o kung paano magkaroon ng isang mas marangyang pamumuhay, mas lalong hindi upang matutuhan kung paano mangibabaw o matagumpay na makipagpaligsahan sa iba. Bagaman ang pinaggugugulan ng mga tao ng kanilang buhay na pagiging mahusay sa iba’t ibang kasanayan para maipagpatuloy ang buhay ay maaaring makapaghandog ng kasaganaan sa mga materyal na kaginhawahan, ang mga ito ay di-kailanman nakapagdadala sa puso ng isang tao ng tunay na kapayapaan at kasiyahan, sa halip ay patuloy na nagiging dahilan ang mga ito para mawala ng mga tao ang kanilang direksyon, mahirapang kontrolin ang kanilang mga sarili, mapalampas ang bawat pagkakataon na matutuhan ang kabuluhan ng buhay; ang mga kasanayan na ito na para sa patuloy na pamumuhay ay lumilikha ng pagkaligalig kung paano angkop na haharapin ang kamatayan. Sa ganitong paraan, nasisira ang mga buhay ng mga tao. Tinatrato ng Lumikha ang lahat nang patas, binibigyan ang bawat isa ng panghabambuhay na mga pagkakataon na maranasan at makilala ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, subalit tanging kapag papalapit na ang kamatayan, kapag nakaamba na sa isang tao ang kawit ni kamatayan, ay saka pa lamang makikita ng tao ang liwanag—at kapag nagkagayon ay huling-huli na ang lahat.

Ginugugol ng mga tao ang kanilang mga buhay sa paghahanap ng salapi at katanyagan; mahigpit silang kumakapit sa mga dayaming ito, iniisip na ang mga ito ang tanging paraan nila ng suporta, na para bang kung mayroon sila nito ay maaari silang patuloy na mabuhay, na maaari silang malibre sa kamatayan. Subalit kapag malapit na silang mamatay doon lamang nila natatanto kung gaano kalayo ang mga bagay na ito sa kanila, kung gaano sila kahina sa harap ng kamatayan, kung gaano sila kadaling mabasag, kung gaano sila kalungkot at tila walang-kakayahan, at walang matatakbuhan. Natatanto nila na ang buhay ay hindi nabibili ng salapi at katanyagan, na gaano man kayaman ang isang tao, gaano man kataas ang kanyang posisyon, lahat ng tao ay pantay-pantay na mahihirap at walang halaga sa harap ng kamatayan. Natatanto nila na hindi nabibili ng pera ang buhay, na hindi mabubura ng katanyagan ang kamatayan, na alinman sa pera o katanyagan ay di-makapagpapahaba ng buhay ng isang tao nang kahit na isang minuto o kahit na isang segundo. Habang mas lalong ganito ang nararamdaman ng mga tao, lalo nilang ninanais na patuloy na mabuhay; habang mas nararamdaman ito ng mga tao, mas kinakatakutan nila ang pagsapit ng kamatayan. Tanging sa punto lang na ito nila tunay na napagtatanto na ang kanilang mga buhay ay hindi sa kanila, hindi sa kanila para kontrolin, at walang sinuman ang makapagsasabi kung siya ay mabubuhay o mamamatay—ang lahat ng ito ay wala sa kanyang kontrol.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III

Tingnan ang iba pa

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messenger