Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 516

Setyembre 22, 2020

Ang maraming karanasan mo sa kabiguan, kahinaan, mga panahon ng iyong pagiging negatibo, ay masasabi na pawang mga pagsubok ng Diyos. Ito ay dahil ang lahat ay nagmumula sa Diyos, at lahat ng bagay at pangyayari ay nasa Kanyang mga kamay. Mabigo ka man o manghina at magkamali, nakasalalay ang lahat sa Diyos at abot-kamay Niya. Mula sa pananaw ng Diyos, isang pagsubok ito sa iyo, at kung hindi mo mapapansin iyon, magiging tukso iyon. May dalawang klase ng kalagayang dapat mapansin ng mga tao: Ang isa ay nagmumula sa Banal na Espiritu, at ang malamang na pinagmumulan ng isa pa ay si Satanas. Ang isa ay isang kalagayan kung saan tinatanglawan ka ng Banal na Espiritu at tinutulutan kang makilala ang iyong sarili, mamuhi at magsisi tungkol sa iyong sarili at magkaroon ng tunay na pagmamahal para sa Diyos, na italaga ang iyong puso sa pagpapalugod sa Kanya. Ang isa pa ay isang kalagayan kung saan kilala mo ang iyong sarili, ngunit negatibo ka at mahina. Maaaring sabihin na ang kalagayang ito ay ang pagpipino ng Diyos, at na panunukso rin ito ni Satanas. Kung napapansin mo na ito ang pagliligtas sa iyo ng Diyos at kung nadarama mo na malaki na ang iyong pagkakautang sa Kanya, at kung magmula ngayon ay susubukan mong suklian Siya at hindi ka na mahulog sa gayong kasamaan, kung ibubuhos mo ang iyong pagsisikap sa pagkain at pag-inom ng Kanyang mga salita, at kung palagi mong ituturing ang iyong sarili na may kakulangan, at may isang pusong nananabik, pagsubok nga ito ng Diyos. Kapag nagwakas na ang pagdurusa at sumusulong ka nang muli, aakayin, tatanglawan, liliwanagan, at pangangalagaan ka pa rin ng Diyos. Ngunit kung hindi mo ito napapansin at negatibo ka, na basta na lamang hinahayaang mawalan ka ng pag-asa, kung nag-iisip ka sa ganitong paraan, sumapit na sa iyo ang panunukso ni Satanas. Nang sumailalim si Job sa mga pagsubok, nagpustahan ang Diyos at si Satanas, at pinayagan ng Diyos si Satanas na pahirapan si Job. Kahit na ang Diyos ang sumusubok kay Job, si Satanas talaga ang lumukob sa kanya. Para kay Satanas, panunukso iyon kay Job, ngunit nasa panig ng Diyos si Job. Kung hindi nagkagayon, natukso na sana si Job. Sa sandaling matukso ang mga tao, nahuhulog sila sa panganib. Ang pagdaan sa pagpipino ay masasabing isang pagsubok mula sa Diyos, ngunit kung hindi mabuti ang kalagayan mo, masasabing panunukso ito mula kay Satanas. Kung hindi malinaw sa iyo ang pangitain, pagbibintangan ka ni Satanas at ikukubli ka sa aspeto ng pangitain. Bago mo pa malaman, matutukso ka na.

Kung hindi mo nararanasan ang gawain ng Diyos, hindi ka kailanman magagawang perpekto. Sa iyong karanasan, kailangan mo ring pumasok sa mga detalye. Halimbawa, anong mga bagay ang naghihikayat sa iyo na bumuo ng mga pagkaintindi at labis-labis na mga motibo, at anong klase ng mga angkop na pagsasagawa ang mayroon ka para lutasin ang mga problemang ito? Kung nararanasan mo ang gawain ng Diyos, nangangahulugan ito na maganda ang iyong tayog. Kung mukha ka lamang may lakas, hindi ito tunay na tayog at tiyak na hindi mo magagawang manindigan. Kapag nagagawa ninyong maranasan ang gawain ng Diyos at nagagawa ninyong maranasan at pagnilayan ito anumang oras at saanmang lugar, kapag nagagawa ninyong iwan ang mga pastol, at magsarili sa buhay na nakaasa sa Diyos, at nagagawa ninyong makita ang aktuwal na mga kilos ng Diyos—saka lamang matutupad ang kalooban ng Diyos. Sa ngayon, hindi alam ng karamihan sa mga tao kung paano dumanas, at kapag nagkakaroon sila ng problema, hindi nila alam kung paano nila ito haharapin; hindi nila kayang maranasan ang gawain ng Diyos, at hindi sila makapamuhay ng espirituwal na buhay. Kailangan mong tanggapin ang mga salita at gawain ng Diyos sa iyong praktikal na buhay.

Kung minsan binibigyan ka ng Diyos ng isang uri ng damdamin, isang damdaming nagsasanhi na mawala ang kagalakan ng iyong kalooban at ang presensya ng Diyos, kaya nakasadlak ka sa kadiliman. Isang uri ito ng pagpipino. Tuwing may ginagawa kang anuman, lagi itong nagugulo, o hindi ka makausad. Pagdidisiplina ito ng Diyos. Kung minsan, kapag matigas ang ulo mo at sumusuway ka sa Diyos, maaaring walang ibang nakakaalam niyon—ngunit alam iyon ng Diyos. Hindi ka makakaligtas sa Kanyang parusa, at didisiplinahin ka Niya. Napakadetalyado ng gawain ng Banal na Espiritu. Buong ingat Niyang pinagmamasdan ang bawat salita at kilos ng mga tao, bawat kilos at galaw, at bawat kaisipan at ideya nila upang magkaroon ng kamalayan ang mga tao sa kanilang sarili tungkol sa mga bagay na ito. May ginawa kang minsan at naging magulo iyon, ginawa mo ulit at naging magulo ulit iyon, at unti-unti mong mauunawaan ang gawain ng Banal na Espiritu. Sa maraming beses na nadisiplina ka, malalaman mo kung ano ang gagawin upang umayon sa kalooban ng Diyos at kung ano ang hindi naaayon sa Kanyang kalooban. Sa huli, magkakaroon ka ng tumpak na mga tugon sa paggabay ng Banal na Espiritu sa iyong kalooban. Kung minsan magiging suwail ka at sasawayin ka ng Diyos sa iyong kalooban. Lahat ng ito ay nagmumula sa pagdidisiplina ng Diyos. Kung hindi mo pinahahalagahan ang salita ng Diyos, kung minamaliit mo ang Kanyang gawain, hindi ka Niya papansinin. Kapag lalo mong sineseryoso ang mga salita ng Diyos, lalo ka Niyang liliwanagan. Ngayon mismo, may ilang tao sa iglesia na magulo at nalilito ang pananampalataya, at marami silang ginagawang di-angkop at kumikilos sila nang walang disiplina, kaya’t ang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi malinaw na nakikita sa kanila. Ang ilang tao ay iniiwanan ang kanilang mga tungkulin para kumita ng pera, lumalabas para magpatakbo ng negosyo nang hindi nadidisiplina; mas nanganganib ang gayong klaseng tao. Hindi lamang kasalukuyang wala sa kanila ang gawain ng Banal na Espiritu, kundi sa hinaharap, mahirap silang magawang perpekto. Maraming tao na hindi kinakikitaan ng gawain ng Banal na Espiritu at ng pagdidisiplina ng Diyos. Sila yaong ang kalooban ng Diyos ay hindi malinaw sa kanila at hindi nila alam ang Kanyang gawain. Ayos lang yaong mga kayang manindigan nang matatag sa gitna ng mga pagpipino, na sumusunod sa Diyos anuman ang Kanyang gawin, at nagagawa kahit paano na hindi umalis, o nagagawa ang 0.1% ng nagawa ni Pedro, ngunit wala silang halaga para kasangkapanin ng Diyos. Maraming taong agad na nakakaunawa sa mga bagay-bagay, may tunay na pagmamahal para sa Diyos, at nahihigitan ang antas ni Pedro, at ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagpeperpekto sa kanila. Sumasapit sa gayong mga tao ang pagdidisiplina at kaliwanagan, at kung may anuman sa kanila na hindi naaayon sa kalooban ng Diyos, kaya nilang alisin iyon kaagad. Ang gayong mga tao ay ginto, pilak, at mahahalagang bato—napakalaki ng kanilang halaga! Kung nakagawa ang Diyos ng maraming uri ng gawain ngunit para ka pa ring buhangin o bato, wala kang halaga!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino

Tingnan ang iba pa

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messenger