Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 470

Setyembre 18, 2020

Sa bawat hakbang ng gawain ng Diyos, may isang paraan na dapat makipagtulungan ang mga tao. Pinipino ng Diyos ang mga tao upang magkaroon sila ng pagtitiwala sa gitna ng mga pagpipino. Ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao upang magkaroon sila ng pagtitiwala na gawing perpekto ng Diyos at maging handang tanggapin ang Kanyang mga pagpipino at ang pakikitungo at pagtatabas ng Diyos. Gumagawa ang Espiritu ng Diyos sa mga tao upang bigyan sila ng kaliwanagan at pagpapalinaw, at upang makipagtulungan sila sa Kanya at magsagawa. Ang Diyos ay hindi nagsasalita sa mga oras ng pagpipino. Hindi Niya ipinaparinig ang Kanyang tinig, ngunit mayroon pa ring gawaing dapat gawin ang mga tao. Dapat mong panindigan ang natamo mo na, dapat mo pa ring magawang manalangin sa Diyos, maging malapit sa Diyos, at tumayong saksi sa harap ng Diyos; sa ganitong paraan magagampanan mo ang iyong tungkulin. Dapat makita ninyong lahat nang malinaw mula sa gawain ng Diyos na kinakailangan sa Kanyang mga pagsubok sa tiwala at pagmamahal ng mga tao na lalo pa silang manalangin sa Diyos, at na mas madalas nilang lasapin ang mga salita ng Diyos sa Kanyang harapan. Kung nililiwanagan ka ng Diyos at ipinauunawa sa iyo ang Kanyang kalooban, subalit hindi mo isinasagawa ang anuman dito, wala kang mapapala. Kapag isinasagawa mo ang mga salita ng Diyos, dapat ay magawa mo pa ring manalangin sa Kanya, at kapag nilalasap mo ang Kanyang mga salita dapat kang humarap sa Kanya at maghangad at maging buo ang iyong tiwala sa Kanya, nang walang bahid ng pananamlay o panlalamig. Yaong mga hindi nagsasagawa ng mga salita ng Diyos ay masiglang-masigla sa mga oras ng pagtitipon, ngunit nagdidilim ang mundo pagkauwi nila. Mayroong ilan na ni ayaw magtipun-tipon. Kaya, kailangan mong makita nang malinaw kung anong tungkulin ang dapat tuparin ng mga tao. Maaaring hindi mo alam kung ano talaga ang kalooban ng Diyos, ngunit maaari mong gampanan ang iyong tungkulin, maaari kang manalangin kung kailan nararapat, maaari mong isagawa ang katotohanan kung kailan nararapat, at maaari mong gawin ang nararapat gawin ng mga tao. Maaari mong panindigan ang iyong orihinal na pananaw. Sa ganitong paraan, mas magagawa mong tanggapin ang susunod na hakbang ng gawain ng Diyos. Kapag tago ang paraan ng paggawa ng Diyos, problema iyan kung hindi ka maghahanap. Kapag Siya ay nagsasalita at nangangaral sa oras ng mga pagpupulong, masigasig kang nakikinig, ngunit kapag hindi Siya nagsasalita, wala kang sigla at umuurong ka. Anong klaseng tao ang kumikilos nang ganito? Ito ay isang taong sumusunod lamang sa karamihan. Wala silang paninindigan, walang patotoo, at walang pananaw! Ganito ang karamihan sa mga tao. Kung magpapatuloy ka sa gayong paraan, balang araw kapag nagkaroon ka ng matinding pagsubok, babagsak ka sa kaparusahan. Ang pagkakaroon ng paninindigan ay napakahalaga sa proseso ng pagperpekto ng Diyos sa mga tao. Kung wala kang duda sa anumang hakbang ng gawain ng Diyos, kung ginagampanan mo ang tungkulin ng tao, kung tapat mong pinaninindigan ang ipinagagawa sa iyo ng Diyos, ibig sabihin, natatandaan mo ang mga payo ng Diyos, at anuman ang Kanyang gawin sa kasalukuyan ay hindi mo kinalilimutan ang Kanyang mga payo, kung wala kang duda tungkol sa Kanyang gawain, nananatili kang naninindigan, pinaninindigan mo ang iyong patotoo, at tagumpay ka sa lahat ng pagkakataon, sa bandang huli ay gagawin kang perpekto ng Diyos at gagawin kang isang mananagumpay. Kung nagagawa mong manindigan sa bawat hakbang ng mga pagsubok ng Diyos, at kung kaya mo pa ring manindigan hanggang sa pinakahuli, ikaw ay isang mananagumpay, isa kang taong nagawa nang perpekto ng Diyos. Kung hindi mo kayang manindigan sa kasalukuyan mong mga pagsubok, mas mahihirapan ka sa hinaharap. Kung sasailalim ka lamang sa kakaunting pagdurusa at hindi mo hahangaring matamo ang katotohanan, wala kang mapapala sa huli. Maiiwan kang walang-wala. May ilang tao na isinusuko ang kanilang paghahangad kapag nakikita nila na hindi nagsasalita ang Diyos, at nawiwindang ang kanilang puso. Hindi ba hangal ang gayong tao? Ang ganitong klaseng mga tao ay walang realidad. Kapag nagsasalita ang Diyos, hindi sila mapakali, mukhang abala at masigla sa tingin, ngunit ngayong hindi Siya nagsasalita, tumitigil silang maghanap. Ang ganitong klaseng tao ay walang kinabukasan. Sa mga oras ng pagpipino, kailangang pumasok ka mula sa isang positibong pananaw at matuto ng mga aral na dapat mong matutuhan; kapag nagdarasal ka sa Diyos at nagbabasa ng Kanyang salita, dapat mong ihambing ang sarili mong kalagayan dito, tuklasin ang iyong mga pagkukulang, at makita na marami ka pang aral na dapat matutuhan. Habang lalong nagiging taimtim ang iyong paghahanap kapag sumasailalim ka sa pagpipino, lalo mong masusumpungan na may pagkukulang ka. Kapag dumaranas ka ng mga pagpipino, marami kang nakakaharap na problema; hindi mo nakikita nang malinaw ang mga ito, nagrereklamo ka, ibinubunyag mo ang iyong sariling laman—sa pamamagitan lamang nito mo matutuklasan na napakarami mong tiwaling disposisyon sa iyong kalooban.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Katapatan sa Diyos

Tingnan ang iba pa

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

Leave a Reply

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messenger