Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos App

Pakinggan ang tinig ng Diyos at salubungin ang pagbabalik ng Panginoong Jesus!

Hinihikayat namin ang mga naghahanap ng katotohanan na kontakin kami.

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Laki ng Font

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

0 (Mga) Resulta ng Paghahanap

Walang nakitang mga resulta.

Kabanata 34. Ang Kahalagahan at Pagsasagawa ng Panalangin

Paano kayo nananalangin sa kasalukuyan? Paano ito isang pagsulong sa mga relihiyosong panalangin? Ano talaga ang inyong naiintindihan tungkol sa kahalagahan ng panalangin? Nasiyasat na ba ninyo ang mga katanungang ito? Ang bawat isang hindi nananalangin ay malayo sa Diyos, ang bawat isang hindi nananalangin ay sumusunod sa kanilang sariling kalooban; ang hindi pananalangin ay nagpapahiwatig ng pagiging malayo mula sa Diyos at pagtataksil sa Diyos. Ano ang inyong talagang karanasan sa panalangin? Sa ngayon, ang gawain ng Diyos ay malapit nang magwakas at ang kaugnayan sa pagitan ng Diyos at tao ay maaaring makita mula sa panalangin ng tao. Paano ka tumutugon kapag ang mga taong nasa ibaba mo ay pinupuri ka nang labis-labis at nagpapahayag ng paghanga para sa mga resulta na iyong ipinakikita sa iyong gawain? Paano ka tumutugon kapag binibigyan ka ng mga tao ng mga mungkahi? Nananalangin ka ba sa harapan ng Diyos? Nananalangin ba kayo kapag mayroon kayong mga usapin at mga problema, ngunit nananalangin ba kayo kapag kayo ay nasa mabuting kalagayan, o kapag nararamdaman ninyo na nagkaroon kayo ng isang matagumpay na pagtitipon? Kaya karamihan sa inyo ay hindi nananalangin! Kung kayo ay nakapagdaos ng isang matagumpay na pagtitipon, dapat kang maghandog ng isang panalangin; dapat kang maghandog ng isang panalangin ng pagpupuri. Kapag may taong pumupuri sa iyo, at ikaw ay naging mapagmapuri, nararamdaman na parang taglay mo ang katotohanan, babagsak ka sa isang maling kalagayan, at ang iyong puso ay masaya pa rin. Wala kang panalangin ng pagpupuri, lalong wala ng isang panalangin ng pasasalamat. Ang bunga ng iyong pagbagsak sa ganitong kalagayan ay ang iyong susunod na pakikipagtagpo ay nakababagot, mawawalan ka ng mga salitang sasabihin, at ang Banal na Espiritu ay hindi gagawa. Hindi nauunawaan ng mga tao ang kanilang sariling mga kalagayan, sila ay gumagawa ng kaunting gawain at pagkatapos ay tinatamasa ang mga bunga ng kanilang gawain. Sa isang negatibong kalagayan, mahirap masabi kung ilang mga araw ang kakailanganin nila upang makabawi. Ang ganitong uri ng kalagayan ang pinakamapanganib. Lahat kayo ay nananalangin kapag kayo ay mayroong isang usapin o kapag hindi ninyo nakikita nang malinaw ang mga bagay; nananalangin kayo kapag kayo ay may mga pag-aalinlangan at mga pag-aalangan tungkol sa isang bagay o ang inyong tiwaling disposisyon ay nahayag. Nananalangin lamang kayo kapag kayo ay nangangailangan ng isang bagay. Dapat ka ring manalangin kapag mayroon kang ilang tagumpay sa iyong gawain. Kapag nagtamo ka ng ilang resulta sa iyong gawain, nagagalak ka, at sa sandaling ikaw ay nagalak, hindi ka nananalangin; ikaw ay palaging masaya at palaging wala nang nagagawa. Ang ilan sa inyo sa panahong ito ay nakatatanggap ng disiplina: Kapag ikaw ay namimili, nakakaranas ka ng hindi inaasahang suliranin at hindi maganda ang nangyayari sa iyo; sinasabihan ka ng masasakit na salita ng nagtitinda na nakakapagpaasiwa at nakakapanggipit sa iyo, at hindi mo pa rin nalalaman kung sa paanong paraan ka nagkasala sa Diyos. Sa katunayan, kadalasan, ginagamit ng Diyos ang panlabas na kapaligiran upang disiplinahin ka; halimbawa, ginagamit Niya ang mga bagay kagaya ng isang hindi mananampalataya na nagmumura sa iyo, o ninanakawan ka ng iyong salapi upang hindi ka mapalagay. Sa bandang huli, lalapit ka sa harapan ng Diyos upang manalangin at habang ikaw ay nananalangin, ilang mga salita ang lalabas. Makikilala mo na ang iyong kalagayan ay hindi tama, halimbawa, nasisiyahan ka at natutuwa sa iyong sarili…, pagkatapos ay maiinis ka sa kasiyahang nararamdaman mo para sa iyong sarili. Kasabay ng mga salita sa iyong panalangin, ang hindi tamang kondisyon ng iyong loob ay mababago. Sa sandaling ikaw ay manalangin, ang Banal na Espiritu ay kikilos sa iyo; bibigyan ka Niya ng isang uri ng damdamin at aalisin ka sa hindi tamang kalagayan. Ang panalangin ay hindi lahat tungkol sa paghahangad. Ito ay hindi sa nananalangin ka kapag ikaw ay nangangailangan sa Diyos at hindi nananalangin kapag hindi ka nangangailangan sa Diyos.

Natuklasan na ba ninyo na kapag mahabang panahon kang hindi nananalangin, bagaman mayroon kang lakas at hindi ka negatibo, o nararamdaman mong mayroon kang bukod-tanging normal na kalagayan sa loob, nararamdaman mong ginagawa mo ang mga bagay nang mag-isa at walang mga resulta sa kung ano ang ginagawa mo? Nasabi Ko na noong una: “Ang mga tao ay okupado sa kanilang sariling mga gawain at ginagawa ang kanilang gustong gawin.” Sa kasalukuyan, ang mga tao ay hindi nananalangin kapag sila ay gumagawa; ang Diyos ay wala talaga sa kanilang mga puso, at iniisip nilang: “Gagawin ko na lamang ito alinsunod sa mga kaayusan sa paggawa at anuman ang mangyari hindi ako gagawa ng anumang bagay na mali o makakagambala ng anumang bagay….” Hindi ka nanalangin at higit sa rito hindi nagbigay ng pasasalamat. Napakalala ng kalagayang ito! Madalas, nalalaman mo na ang kalagayang ito ay hindi tama, ngunit kung wala kang wastong pamamaraan, hindi ka na makaiiwas pa. Kahit na naintindihan mo ang katotohanan, hindi mo maisasagawa ito; kahit na alam mo ang iyong hindi wastong kalagayan sa loob (pagiging arogante, tiwali, o mapaghimagsik), hindi mo magagawan ng pagbabago o mapipigilan ito. Ang mga tao ay abala sa paggawa ng kanilang sariling bagay at hindi pinakikinggang mabuti ang gawain o ang pagpapatakbo ng Banal na Espiritu. Ang pinagmamalasakitan lamang nila ay ang kanilang sariling kapakanan at bilang resulta, nililisan sila ng Banal na Espiritu. Sa oras na lisanin sila ng Banal na Espiritu, makadarama sila ng kadiliman at kawalan ng sigla; hindi sila makatatanggap ng kahit kaunting panustos o kasiyahan. Maraming mga tao ang nananalangin lamang minsan kada kalahating taon. Inaasikaso nila ang kanilang mga bagay-bagay at ginagawa ang kanilang gawain, ngunit sila ay nababagot, kung minsa’y iniisip: “Ano ang aking ginagawa, at kailan ito magwawakas?” Maging ang mga ganitong kaisipan ay dadating. Ang hindi pananalangin sa mahabang panahon ay talagang mapanganib! Ang panalangin ay napakahalaga! Ang buhay iglesia na walang pananalangin ay labis na nakakapagpabagot at nakakapagpatigang sa mga pagtitipon. Kung gayon, kapag kayo ay magkakasama, kayo ay dapat na palaging nananalangin at naghahandog ng papuri, at ang Banal na Espiritu ay gagawa nang husto. Ang kalakasan na ibinibigay ng Banal na Espiritu sa mga tao ay walang katapusan; magagamit ito ng mga tao sa lahat ng panahon nang hindi ito nauubos—ito ay palaging mapapakinabangan. Kapag nananangan sa kanilang mga sarili, maaaring taglayin ng mga tao ang husay sa pananalita ngunit kapag ang Banal na Espiritu ay hindi gagawa rito, kung gayon ano ang kanilang maisasakatuparan? Kadalasan, ang mga tao ay nananalangin nang tatlo hanggang limang beses gamit ang isa o dalawang parirala, “Diyos ko, pinasasalamatan Kita, pinupuri Kita,” pagkatapos ay wala na silang masasabi pa, hindi na nila mabuksan ang kanilang mga bibig. Anong antas ng paniniwala ang ganito; ito ay talagang mapanganib! Tama? Naniniwala ang mga tao sa Diyos, ngunit hindi nila taglay ang mga salita upang purihin Siya o pasalamatan Siya, at hindi nila taglay ang mga salita upang bigyan ng kaluwalhatian ang Diyos. Ni hindi sila nagangahas na bigkasin ang mga salitang “humiling sa Diyos,” at hiyang-hiya silang sabihin ang mga ito. Napakasama nila! Sa kabila ng katotohanan na sinasabi mong naniniwala ka sa Diyos at pinapapasok mo ang Diyos sa iyong puso, kung hindi ka lalapit sa harapan ng Diyos, at ang iyong puso ay malayo mula sa Diyos, kung gayon ang Banal na Espiritu ay hindi gagawa. Lalo na kayong mga tagapanguna, sa bawat umaga kapag kayo ay gumigising, dapat kayong manalangin. Pagkatapos mong manalangin, ang iyong araw ay talagang magiging maganda at mabunga, madadama mo ang Banal na Espiritu sa tabi mo na iniingatan ka sa lahat ng oras. Kung hindi ka nanalangin sa loob ng isang araw, o kung pinalipas mo ang tatlo o limang araw nang hindi nananalangin, lalo mong mararamdamang nalulungkot ka at nag-iisa. Kasasabikan mo ang iyong mga mahal sa buhay at ang iyong paghahangad para sa kanila ay lalong titindi.

Ngayon ay Aking nakita na ang lahat ng mga tao ay may isang suliranin: Kapag sila ay mayroong isang usapin, lumalapit sila sa harapan ng Diyos, ngunit ang panalangin ay panalangin at ang mga usapin ay mga usapin, at iniisip ng mga tao na hindi sila dapat magsalita tungkol sa mga usapin kapag sila ay nananalangin. Madalang lamang kayong magkaroon ng isang totoong panalangin, at ang ilan sa inyo ay ni hindi marunong manalangin; sa totoo lang, ang panalangin ay pangunahin nang tungkol sa pagsasabi kung ano ang nasa loob ng inyong puso, parang isa lamang normal na pakikipag-usap. Gayunman, pinipili ng ilang mga tao ang maling katayuan kapag sila ay nananalangin, at hindi alintana kung ito man ay nakaayon sa kalooban ng Diyos o hindi, iginigiit nila sa Diyos na ipagkaloob sa kanila kung ano ang hinihingi nila. Ang resulta, habang lalo silang nananalangin lalo itong nagiging nakababagot. Kapag nananalangin, anuman ang hinihingi ng iyong puso, ninanasa, at ipinamamanhik, o kapag ninanais mong asikasuhin ang ilang mga bagay na hindi mo lubos na naiintindihan nanghihingi ka sa Diyos ng karunungan, lakas, o pagliliwanag, dapat kang maging makatuwiran sa iyong paraan ng pagsasalita. Kung hindi ka makatuwiran, at ikaw ay luluhod at magsasabi: “O Diyos, bigyan Mo ako ng kapangyarihan at tulutan Mong makita ko ang aking kalikasan; hinihingi ko sa Iyong gawin ito. O, hinihiling ko sa Iyo na ibigay sa akin ang ganito at ganoon, hinihingi ko sa Iyo na hayaan Mo akong maging kagaya nito o ganoon…,” ang salitang ito na “hinihingi” ay may dalang elemento ng puwersa, at ito ay parang panggigipit sa Diyos upang ipagawa sa Kanya ito. Higit sa rito, itinatadhana mo ang iyong mga usapin. Bagaman ikaw ay nananalangin sa ganitong paraan, nakikita ito ng Banal na Espiritu bilang: Yamang ito ay itinadhana mo na mismo, at gusto mong gawin ito sa gayong paraan, ano ang kalalabasan ng ganitong uri ng panalangin? Dapat kang sumangguni at magpasakop sa iyong mga panalangin; halimbawa, kung ang isang bagay ay dumating sa iyo na hindi mo alam kung paano haharapin, kung gayon ay iyong sabihin: “Diyos ko! Ang bagay na ito ay dumating sa akin, at hindi ko alam kung paano ko ito haharapin. Nakahanda akong Ikaw ay bigyang-lugod sa bagay na ito, nakahanda akong Ikaw ay sangguniin, hinahangad ko na ang Iyong kalooban ay mangyari, hinahangad ko na gumawa alinsunod sa Iyong mga hangarin, at hindi alinsunod sa aking sariling kalooban. Nababatid Mo na ang mga hangarin ng tao ay labag sa Iyong kalooban; nilalabanan Ka nila at hindi umaayon sa katotohanan. Hinahangad ko lamang na gumawa alinsunod sa Iyong mga hangarin. Hinihiling ko sa Iyo na liwanagan Mo ako at gabayan sa bagay na ito, upang hindi ako magkasala sa Iyo….” Ang ganitong uri ng tono ng boses sa panalangin ay angkop. Kung sasabihin mo lamang: “Diyos ko, hinihiling ko na gawin Mo ang ganito at ganoon; tulungan ako at gabayan ako; maghanda ng isang angkop na kapaligiran at angkop na mga tao para sa akin, nang upang makagawa ako nang mahusay sa aking gawain,” kapag ang ganitong panalangin ay natapos, hindi mo pa rin alam kung ano ang kalooban ng Diyos, sapagkat sinusubukan mong gawin ng Diyos ang mga bagay alinsunod sa iyong mga hangarin.

Ngayon kailangan ninyong maunawaan kung ang mga bagay na iyong hinihingi sa iyong mga panalangin ay makatuwiran o hindi. Ikaw man ay hangal o ikaw ay sadyang nananalangin sa ganitong paraan, kung ang iyong mga panalangin ay hindi makatuwiran, kung gayon ang Banal na Espiritu ay hindi gagawa sa iyo. Kung gayon, kapag ikaw ay nanalangin, ang mga salitang iyong sasabihin ay kailangang makatuwiran, at ang iyong tono ay kailangang maging angkop: “Diyos ko! Nababatid Mo ang aking mga kahinaan at nababatid mo ang aking pagiging mapaghimagssik. Ang hinihiling ko lamang sa Iyo ay bigyan ako ng kapangyarihan, nang upang aking matagalan ang mga pagsubok ng kapaligirang ito. Gayunman, mangyari ito alinsunod sa Iyong kalooban. Hinihiling ko lamang ito at hindi ko nalalaman ang Iyong kalooban, ngunit hinahangad ko na mangyari ang Iyong kalooban; hindi alintana kung kakasangkapanin Mo ako sa paglilingkod o gagawin ako bilang isang pangontra, nakahanda ako alinman sa dalawa. Gayunman, humihingi ako sa Iyo ng lakas at karunungan upang tulutan akong Ikaw ay bigyang-lugod sa bagay na ito. Ako ay nakahanda lamang na pasakop sa Iyong mga pagsasaayos….” Pagkatapos mong manalangin sa ganitong paraan, mararamdaman mo ang lalong katatagan. Kung ikaw ay matiyaga lamang sa paghingi nang paghingi, kung gayon pagkatapos mong humiling ito ay hindi hihigit sa isang bungkos ng mga salitang walang kabuluhan, sapagkat iyo nang tinadhana ang iyong mga hangarin. Kapag ikaw ay lumuhod upang manalangin, kailangan mong magsalita ng isang bagay gaya ng: “Diyos ko! Nababatid Mo ang aking mga kahinaan at nababatid Mo ang aking mga kalagayan. Hinihiling ko sa Iyo na liwanagan ako sa bagay na ito at tulutan akong maintindihan ang Iyong kalooban. Hinahangad ko lamang na pasakop sa lahat ng Iyong mga pagsasaayos at ang nais ng puso ko ay magpasakop sa Iyo….” Kung mananalangin kang kagaya nito, kikilusan ka ng Banal na Espiritu at kapag ang direksyon ng iyong panalangin ay hindi tama, ito ay magiging nakababagot at walang sigla, at hindi ka kikilusan ng Banal na Espiritu; ikaw ay bumubulong lamang, tahimik na nananalangin, o nakapikit at basta na lang nagsasalita ng ilang mga salita, na ito ay ginagawa lamang nang paulit-ulit. Kung ikaw ay walang interes, gagawa ba ang Banal na Espiritu? Ang mga taong lumalapit sa harapan ng Diyos ay kailangang kumilos nang maayos at magpakita ng kabanalan. Tingnan ang mga sakripisyo ng mga pari sa Kapanahunan ng Kautusan, lahat sila ay lumuluhod. Ang panalangin ay hindi gayong kasimpleng bagay. Ang mga tao ay lumalapit sa harapan ng Diyos, ngunit matigas pa rin ang kanilang ulo at hindi mapigil, at gustong humiga sa kanilang kama at ipikit ang kanilang mga mata. Ito ay hindi katanggap-tanggap! Hindi Ko sinasabi ang mga bagay na ito upang utusan ang mga tao na sundin ang ilang tiyak na mga patakaran; sana man lang, ang kanilang mga puso ay dapat bumaling sa Diyos at kailangan nilang magkaroon ng isang saloobin ng kabanalan sa harap ng Diyos.

Ang inyong mga panalangin ay kadalasang kulang sa katuwiran; lahat ng mga ito ay mayroong ganitong tono ng boses: “Diyos ko! Yamang Iyong itinulot na ako ay maging isang tagapanguna, kailangan Mong gawing angkop ang lahat ng bagay na aking ginagawa upang ang Iyong gawain ay hindi maantala at ang mga kapakanan ng sambahayan ng Diyos ay hindi magdanas ng mga kasawian. Kailangan Mong ipagawa ang mga bagay sa akin sa ganitong paraan….” Kailangan ba ito? Ang panalanging ito ay hindi makatuwiran! Makagagawa ba ang Diyos sa iyo kung lalapit ka sa harapan ng Diyos at mananalangin nang walang katuwiran na kagaya nito? Kung ikaw ay lumapit kay Cristo at nagsalita sa Akin nang walang dahilan, makikinig ba Ako? Ikaw ay palalayasin! Hindi ba pareho lamang ang mapunta sa harapan ng Espiritu at sa harapan ni Cristo? Kapag lumapit ka sa harapan ng Diyos upang manalangin, kailangan mong isipin ang tungkol sa kung paano magsasalita nang may katuwiran at isipin ang kung ano ang sasabihin upang maibaling ang iyong panloob na kalagayan sa kabanalan. Ibaba mo ang iyong sarili pagkatapos ay umusal ng isang panalangin at ikaw ay papahiran. Kadalasan kapag nananalangin ang mga tao, luluhod sila at ipipikit ang mga mata at hindi magsasalita ng anumang bagay; sasabihin lamang nila ang, “Diyos ko, Diyos ko!” Sila ay nagsasambit lamang ng dalawang salitang ito, tumatawag sila nang matagal nang walang ibang sinasabi. Bakit ganito? Ang iyong kalagayan ay hindi tama! Mayroon ba kayong mga sandaling kagaya nito? Kung ang inyong kasalukuyang kalagayan ang pag-uusapan, nababatid ninyo kung ano ang maaari ninyong gawin at sa kung anong antas ninyo magagawa ito, at nababatid ninyo kung sino kayo. Gayunman, kadalasan ang iyong kalagayan ay abnormal. May mga pagkakataon, ang iyong kalagayan ay inaakma, ngunit hindi mo nalalaman kung paano ito iniaakma, at maraming mga pagkakataon na nananalangin ka nang walang anumang salita, iniisip na ito ay dahil hindi ka edukado. Kailangan mo pa bang maging edukado para manalangin? Ang panalangin ay hindi pagsulat ng isang sanaysay, ito ay karaniwang pagsasalita alinsunod sa katuwiran ng isang normal na tao. Tingnan ang panalangin ni Jesus (ang pagbanggit sa panalangin ni Jesus ay hindi upang ipagaya sa mga tao ang parehong anggulo at katayuan gaya sa Kanya), nanalangin Siya sa Hardin ng Getsemani: “Kung posible….” Iyon ay, “kung maaari.” Ito ay nangyayari sa pamamagitan ng pagsangguni at hindi sa pagsasabi ng “Hinihiling Ko sa Iyo.” Pinananatili Niya ang isang mapagpasakop na puso sa Kanyang panalangin, at nasa Kanyang mapagpasakop na kalagayan, Siya ay nanalangin: “Kung baga maaari, ay lumampas sa akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo.” Nanalangin pa rin Siya kagaya nito sa ikalawang pagkakataon, at sa ikatlong pagkakataon Siya ay nanalangin na: “Mangyari nawa ang iyong kalooban.” Naunawaan Niya ang kalooban ng Diyos Ama, na nagsasabing: “Mangyari nawa ang iyong kalooban.” Nagawa Niyang lubos na pasakop nang hindi pinipili ang Sarili Niya ni bahagya man lang. Kanyang sinabi, “Kung baga maaari, lumampas sa akin ang sarong ito.” Ano ang ibig sabihin niyon? Ito ay dahil sa pag-iisip ng pagbubo ng dugo sa krus hanggang sa Kanyang huling hininga at ang matinding pagdurusa! May kinalaman ito sa kamatayan at nasabi batay sa palagay na hindi pa rin Niya lubos na nauunawaan ang kalooban ng Diyos Ama. Siya ay talagang mapagpasakop yamang nagawa Niyang manalangin sa gayong paraan kahit naiisip ang paghihirap ng mapako sa krus. Ang Kanyang panalangin ay normal, hindi Siya nanalangin upang makipagtawaran ni upang sabihin na kailangan itong alisin, ngunit sa halip ay upang alamin ang mga layunin ng Diyos sa isang kalagayan na hindi Niya naintindihan. Sa unang pagkakataon na Siya ay nanalangin, hindi Niya naintindihan at sinabing: “Kung baga maaari … kundi ang ayon sa ibig Mo.” Nanalangin Siya sa Diyos sa isang kalagayan ng pagpapasakop. Sa ikalawang pagkakataon, Siya ay nanalangin sa ganoon ding paraan. Sa kabuuan, nanalangin Siya nang tatlong beses (mangyari pa na ang tatlong mga panalangin na ito ay nangyari lamang sa loob ng tatlong araw), at sa Kanyang panghuling panalangin, lubos Niyang naunawaan ang mga layunin ng Diyos. Pagkatapos nito, hindi Siya humiling ng anuman. Sa Kanyang unang dalawang panalangin, Siya ay nagsangguni, at sa pagsangguni, Siya ay nasa kalagayan pa rin nang pagpapasakop. Gayunman, ang mga tao ay hindi nananalangin kagaya ng gayon. Sinasabi nila palagi, “Diyos ko, hinihiling ko sa Iyong gawin ito at iyon at hinihiling sa Iyo na akayin Mo ako sa ganito at ganoon, at hinihiling ko sa Iyo na ihanda ang mga kalagayan para sa akin ….” Marahil ay hindi Siya maghahanda ng angkop na mga kalagayan para sa iyo at hahayaan kang magdanas ng mga kahirapan. Kung palaging sinasabi ng mga tao, “Diyos ko, hinihiling ko sa Iyo na gumawa ng mga paghahanda para sa akin at bigyan Mo ako ng kapangyarihan”, ang panalangin ay magiging masyadong hindi makatuwiran! Dapat kang magkaroon ng dahilan kapag ikaw ay nananalangin, at dapat kang manalangin sa ilalim ng saligan ng pagpapasakop. Huwag magpasya. Bago ka manalangin, ikaw ay nagpapasya: Dapat kong tanungin ang Diyos at sabihin sa Diyos kung ano ang gagawin. Ang ganitong uri ng panalangin ay totoong hindi makatuwiran. Kadalasan, ang Espiritu ay hindi nakikinig sa mga panalangin ng mga tao, kaya, ang kanilang mga panalangin ay nakababagot.

Bagaman ang mga tao ay naninikluhod upang manalangin sa isang hindi nasasalat na kaharian, nagsasalita sila at nananalangin, dapat mong maintindihan na ang mga panalangin ng mga tao ay isa ring daluyan para gumawa ang Banal na Espiritu. Kapag nananalangin ang mga tao at naghahangad sa tamang kalagayan, ang Banal na Espiritu ay gagawa din sa parehong oras. Ang mga ito ay dalawang aspeto kung saan ang Diyos at ang mga tao ay maaaring matagumpay na makipag-ugnayan sa isa’t-isa, o sa madaling salita, ang Diyos ang tumutulong sa mga tao na ayusin ang mga bagay. Ito ay isang uri ng pakikipagtulungan ng tao sa harapan ng Diyos; ito rin ay isang paraan para gawin ng Diyos na kumpleto ang mga tao. Ito ay lalo na ang landas para sa normal na pagpasok ng mga tao sa buhay—ito ay hindi isang seremonya. Ang panalangin ay hindi lamang tungkol sa pagpukaw ng lakas ng sinuman o pagsigaw ng ilang mga pangungusap; hindi ito ganito. Kung iyon na lahat ito, kung gayon ay magiging sapat na gawin na lang ito nang paulit-ulit at isigaw ang ilang mga pangungusap; hindi na kailangang humiling ng anumang bagay, hindi na kailangang sumamba at wala nang pangangailangan para sa kabanalan. Ang kahalagahan ng panalangin ay napakalalim! Kung madalas kang manalangin at kung alam mo kung paano manalangin, madalas na nananalangin nang may pagpapasakop at may katuwiran, kung gayon madalas mong mararamdaman na talagang normal sa loob. Kung madalas kang nananalangin gamit ang ilang mga pangungusap at wala namang pasanin, o pinag-iisipan mo kung paano ka magsasalita nang may katuwiran o nang walang katuwiran sa iyong panalangin, at kung anong uri ng paraan ng pagsasalita ang hindi totoong pagsamba, at kung ikaw ay hindi kailanman seryoso tungkol sa mga bagay na ito, kung gayon ang iyong mga panalangin ay hindi magiging matagumpay at ang kalagayan ng iyong loob ay magiging palaging abnormal; hindi ka kailanman lubos na makapapasok sa mga aral ng kung ano ang normal na katuwiran, kung ano ang totoong pagpapasakop, kung ano ang totoong pagsamba, at kung saan maninindigan. Ang lahat ng ito ay hindi madaling maunawaan. Sapagkat karamihan sa mga tao ay mayroong kaunting pakikipag-ugnayan sa Akin, makalalapit lamang sila sa harapan ng Banal na Espiritu at mananalangin. Kapag ikaw ay mananalangin, tungkol ito sa kung ang iyong mga salita ay makatuwiran, kung ang iyong mga salita ay tungkol sa totoong pagsamba, kung pinupuri ka ng Diyos sa mga bagay na iyong hinihiling, kung ang iyong mga salita ay tungkol sa mga kasunduan, kung mayroong mga karumihan ng tao ang iyong mga salita, kung ang iyong mga salita, mga kilos at mga pasya ay alinsunod sa katotohanan; kung ikaw ay mayroong malaking paggalang, respeto at pagpapasakop sa Diyos, at kung totoo mong itinuturing ang Diyos bilang Diyos. Dapat kang maging seryoso at masigasig sa mga salitang iyong idinadalangin kapag wala sa harapan ni Cristo. Sa ganitong paraan ka lamang magiging normal sa harapan ni Cristo. Kung hindi ka seryoso sa harapan ng Espiritu, kapag lumapit ka sa harapan ng tao (Cristo), ikaw ay magiging palaging salungat, o hindi ka magkakaroon ng katuwiran sa iyong mga salita, o hindi ka magiging tapat sa iyong salita, o palagi kang manggagambala sa iyong mga salita at mga kilos. Makaraang ang bagay ay matapos, palagi mong sisisihin ang iyong sarili. Bakit palagi mong sinisisi ang iyong sarili? Sapagkat karaniwan nang wala kang pagkaunawa sa katotohanan ng iyong pagsamba sa Diyos at sa kung paano mo tinatrato ang Diyos. Kaya, kapag dumating ang mga bagay sa iyo, nalilito ka at hindi mo alam kung paano ka magsasagawa, at palagi mo na lamang gagawin ang mga bagay nang mali. Paano lumalapit sa Diyos ang mga taong naniniwala sa Diyos? Sa pamamagitan ng panalangin. Kapag ikaw ay nananalangin, siyasatin kung paanong magsalita nang may katuwiran, kung paanong magsalita sa tamang lugar sa mga tao, kung paano magsalita sa kalagayan ng pagpapasakop, at kung anong uri ng paraan ng pagsasalita ang nagdudulot ng pagka-asiwa sa iyong puso (maliban sa mga panalangin na sinasalita nang hindi tapat). Lalong mas magiging mabuti kung isinagawa mo ito sa loob ng ilang panahon at pagkatapos ay lumapit sa harapan ng Diyos. Sa karaniwan, ang iyong mga panalangin sa harapan ng Diyos ay hindi makatuwiran at hindi ka kailanman nagtuon ng pansin dito. Naniniwala ka na hindi ka nakikita ng Diyos, kaya magagawa mong sabihin anuman ang iyong maibigan, at kung magsasabi ka ng anumang bagay na mali ito ay hindi malaking bagay. Ikaw ay walang ingat at magulo buong araw, at ang resulta, kapag ikaw ay lumapit sa harapan ni Cristo, natatakot ka na magsabi ng anumang bagay na mali at gumawa ng anumang bagay na mali. Kahit na natatakot kang magsalita ng isang bagay na mali, magsasalita ka ng isang bagay na mali; kahit na natatakot kang gumawa ng isang bagay na mali, tiyak na magkakamali ka; kahit na takot ka na magkautang, tiyak na ikaw ay magkakautang, at hindi mo magagawang makabawi sa iyong pagkakautang. Sapagkat hindi mo madalas natatawagan si Cristo o naririnig si Cristong nakikipag-usap sa iyo nang harapan. Magagawa mo lamang na madalas lumapit sa Banal na Espiritu upang manalangin, sumangguni at magpasakop, sapagkat magsalita man Ako sa iyo nang harapan, kailangan mong umasa sa iyong sarili upang lakaran ang landas na ito. Mula ngayon, kailangan ninyong maglaan ng higit pang pansin sa kung ano ang inyong sasabihin kapag kayo ay nananalangin. Habang ikaw ay nananalangin, nagbubulay-bulay, at nakikiramdam, at nililiwanagan ka ng Banal na Espiritu, huhusay ka pa sa aspetong ito. Ang pakiramdam ng pagliliwanag ng Banal na Espiritu ay talagang di agad maunawaan. Kung taglay mo ang ganitong matalas na pakiramdam at matalas na pagkilala, kung pagkatapos mong gumawa ng ilang mga bagay o asikasuhin ang ilang mga bagay, o kapag nakipag-ugnayan ka na kay Cristo, kung gayon magagawa mong makilala kung alin sa mga salita ang may katuwiran, kung alin sa mga salita ang walang katuwiran, kung alin sa mga bagay ang may katuwiran, at alin sa mga bagay ang walang katuwiran. Tumutugon ito sa mga layunin ng panalangin.

Dapat kang maging seryoso sa iyong pagtrato sa panalangin. Kung ikaw ay hihiga sa kama at mananalangin, naniniwala na naririnig ka ng Diyos, hindi ka nagpapakita ng kabanalan! Maraming tao sa Biblia ang nanalangin at hindi nagpapadalus-dalos sa pagpapasya matapos matalakay ang isang bagay. Ang lahat ay pinagpapasyahan sa huli ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng panalangin. Ang Jericho ay sinalakay sa pamamagitan ng panalangin; ang mga tao ng Nineve ay nagsisi at hiniling sa Diyos na patawarin sila sa pamamagitan din ng panalangin. Ang panalangin ay hindi isang seremonya, mayroong napakaraming kahalagahan nito. Ano ang ating nakikita mula sa mga panalangin ng mga tao? Ang mga tao ay naglilingkod nang tuwiran sa Diyos. Kung titingnan mo ito bilang isang seremonya, kung gayon tiyak na hindi mo mapaglilingkuran ang Diyos nang mabuti. Maaaring sabihin na kung ang iyong mga panalangin ay hindi taimtim o tapat, kung gayon ang Diyos ay hindi aasa sa iyo, babalewalain ka Niya. Kung ikaw ay nabalewala, gagawa ba ang Banal na Espiritu sa iyo? Kaya nga, nasisiraan ka ng loob sa paggawa ng iyong gawain. Mula ngayon, kung walang panalangin, hindi ka makagagawa. Ang panalangin ang nagdudulot ng gawain at panalangin ang nagdudulot ng paglilingkod. Sinasabi mo na ikaw ay isang tagapanguna at isang taong naglilingkod sa Diyos, ngunit hindi mo kailanman inilaan ang iyong sarili sa panalangin at hindi kailanman naging seryso sa iyong mga panalangin. Sa paglilingkod sa ganitong paraan, ikaw ay mabibigo. Anong mga kakayahan ang taglay ng tao upang hindi manalangin? Sapagkat ang Diyos ay naging laman? Iyan ay hindi isang dahilan. Nananalangin din ako paminsan-minsan. Nang si Jesus ay nasa laman nanalangin Siya nang mabibigat na bagay ang dumating sa Kanya. Nanalangin Siya sa bundok, sa bangka, at sa hardin, at pinangunahan Niya ang Kanyang mga disipulo na manalangin. Kung madalas kang lalapit sa harapan ng Diyos at mananalangin nang madalas, kung gayon pinatutunayan nito na sineseryoso mo ang Diyos. Kung madalas kang gumagawa ng gawain nang sarilinan at madalas kang hindi nananalangin, madalas mong ginagawa ang ganito at ganoon sa likuran ng Diyos, kung gayon hindi mo pinaglilingkuran ang Diyos, ngunit sa halip ginagawa mo lamang ang iyong sariling gawain. Hindi ka ba hinahatulan sa paggawa ng iyong sariling gawain? Kung wawariin, tila wala kang nagawang anumang bagay na nakababahala, at tila hindi ka namusong, ngunit ginagawa mo ang gusto mo. Hindi ka ba nakagagambala? Tama? Kahit na tila hindi ka nakagagambala kung wawariin, ikaw ay lumalaban sa Diyos sa kalikasan.

Naranasan ng mga tao ang lahat ng ito; ang mga bagay na dumarating sa kanila sa isang paraan na hindi nila gusto ay talagang mahirap batahin; kapag sila ay naaasiwa, makikipag-usap sila sa isang tao at pagkatapos ng ilang sandali, hindi sila maaasiwa. Hindi nalulutas ng pag-iwas sa paghihirap ang kanilang kalagayan. Kung minsan kapag ang mga paghihirap ay dumating sa kanilang trabaho, nakakaramdam sila ng pagkagipit, at kapag ang pagpupungos at pakikitungo ay dumating sa kanila, nararamdaman nila ang lalong pagkagipit….Sa panahon ng mga paghihirap na ito ilang beses silang lumapit sa harapan ng Diyos upang manalangin? Sa bawat pagkakataon gumagawa sila ng mga pagbabago nang sarilinan at umiikot sa isang nakalilitong paraan. Kung gayon, ang mga tao ay naniniwala sa Diyos ngunit ang Diyos ay wala sa kanilang mga puso. Silang lahat ay basta na lamang gumagawa ng mga bagay na walang kabuluhan, kagaya ng isang pulubi na namumulot ng kaunting ganito at kaunting ganoon mula sa basurahan, at pinupuno ang kanyang lalagyan; ngunit ito ay walang kabuluhan at lubos na ginagawa nang basta-basta lamang. Ang mga tao ay madalas lumilihis mula sa tamang landas, lumalayo sila mula rito paminsan-minsan. Makikita natin ang kalikasan ng mga tao mula rito. Ang kalikasan ng tao ay ang magtaksil. Sila ay walang Diyos pagkaraan nilang gumawa ng ilang panahon. Iniisip pa nila na: “Naniniwala ako sa Diyos; paano nangyaring wala akong Diyos? Hindi ba ako gumagawa para sa Diyos?” Ang iyong puso ay walang Diyos, inilayo mo ang iyong sarili mula sa Diyos at pinagtataksilan Siya sa anumang iyong ginagawa. Ang panalangin ay isang pinakamalalim na bagay; kung ikaw ay maglilingkod nang hindi man lang nananalangin, kung gayon naglilingkod ka nang walang kabuluhan. Ang iyong kalagayan ay lalong magiging abnormal at magkakaroon ka ng mas kakaunting resulta. Ang panalangin ay hindi tungkol sa kung gaano kaganda ang iyong mga salita habang ikaw ay nananalangin, kailangan mo lamang sabihin ang mga salita ng iyong puso at magsalita nang tapat alinsunod sa iyong mga paghihirap. Magsalita mula sa pananaw ng pagiging bahagi ng sangnilikha at mula sa pananaw ng pagpapasakop: “Diyos ko, nababatid mo na ang aking puso ay masyadong matigas. Diyos ko, pangunahan Mo ako sa bagay na ito; nababatid Mo na mayroon akong mga kahinaan, ako ay masyadong kapos at hindi ako angkop upang Iyong kasangkapanin. Ako ay mapaghimagsik at ginagambala ang Iyong gawain kapag ako ay gumagawa ng mga bagay; ang aking mga pagkilos ay hindi nakaayon sa Iyong kalooban. Hinihiling ko na Iyong gawin ang Iyong sariling gawain at kami ay makikipagtulungan lamang ….” Kung hindi mo masasabi ang mga salitang ito, kung gayon ikaw ay tapos na. Iniisip ng ilang mga tao na: “Kapag ako ay nananalangin kailangan kong maunawaan kung ang panalangin ay makatuwiran o hindi; imposibleng manalangin.” Ito ay hindi isang suliranin. Magsanay ka ng ilang panahon at makukuha mo ito. Manalangin at malalaman mo kung mayroong mga salita na hindi angkop. Kapag ang mga tao ay nanalangin, ang kanilang ugnayan sa Diyos ay ang pinakamatalik na ugnayan. Ang ugnayan sa pagitan ng mga tao at Diyos ay nagiging pinakamalalim sa panalangin. Magagawa mo bang basta na lang luluhod at mananalangin kaagad kapag ikaw ay gumagawa ng isang bagay? Ang kaugnayan ng mga tao sa Diyos ay pinakamalapit kapag sila ay nanikluhod at nanalangin. Kapag binabasa mo ang mga salita ng Diyos, kung mananalangin ka at pagkatapos ay magbabasa ulit, kakaiba ang mararamdaman mo. Kung hindi ka mananalangin sa loob ng ilang panahon, kung gayon hindi mo maiintindihan ang mga salita ng Diyos kapag binabasa mo ang mga ito. Hindi mo malalaman ang kanilang kahulugan kapag natapos ka nang magbasa.

Ang panananalangin at pagsangguni sa harapan ng Diyos ay hindi tungkol sa pamimilit sa Diyos na gawin ang ganito at ganoon. Ano ang isang makatuwirang panalangin? Ano ang hindi makatuwirang panalangin? Iyong malalaman pagkatapos magtamo ng karanasan sa loob ng ilang panahon. Halimbawa, pagkatapos mong manalangin sa pagkakataong ito, mararamdaman mo na hindi ito ginagawa ng Banal na Espiritu sa gayong paraan at hindi ka inaakay sa gayong paraan. Kapag mananalangin ka sa susunod na pagkakataon, hindi ka mananalangin kagaya niyon, hindi mo pipilitin ang Diyos kagaya ng iyong sinubukan noong una, at hindi hihiling sa Diyos para sa mga bagay alinsunod sa iyong sariling kalooban. Kapag ikaw ay muling mananalangin, sasabihin mong: “Diyos ko! Ang lahat ay nangyayari alinsunod sa Iyong kalooban.” Hangga’t nagtutuon ka sa ganitong paraan, at nag-aapuhap ng ilang sandali, saka mo malalaman kung ano ang “hindi makatuwiran”. Mayroon ding isang uri ng kalagayan kung saan ay nararamdaman ng mga tao sa kanilang espiritu na kapag sila ay nananalangin alinsunod sa kanilang sariling mga layunin, sila ay nagiging mapurol, tahimik, balisa, at nangungusap nang walang salita. Habang lalo silang nagsasalita, mas lalo itong hindi mapalagay. Pinatutunayan nito na kapag nananalangin ka kagaya nito, ito ay lubos na pagsunod sa laman, at ang Banal na Espiritu ay hindi gagawa o maggagabay sa iyo sa gayong paraan. Ito ay isang bagay na tungkol sa pag-apuhap at isang bagay ng karanasan. Kahit na tapos na Akong magsalita sa iyo sa ngayon, kapag iyong naranasan ito, maaari kang magkaroon ng mga natatanging karanasan. Ang panalangin ay pangunahing tungkol sa pagsasalita nang tapat: “Diyos ko! Nababatid Mo ang aking katiwalian, at sa araw na ito ay nakagawa ako ng isa pang hindi makatuwirang bagay. Nagkaroon ako ng layunin sa loob, ngunit ako ay sinungaling. Nang panahong iyon hindi ko ginawa ito alinsunod sa Iyong kalooban o alinsunod sa katotohanan, ngunit sa halip ginawa ko ito ayon sa aking sariling mga layunin, at ipinagtanggol ko ang aking sarili. Ngayon ay kinikilala ko ang aking katiwalian at hinihiling ko sa Iyo na liwanagan Mo pa akong lalo at tulutan o akong maintindihan ang katotohanan at maisagawa ito nang upang maitapon ko ang mga bagay na ito….” Magsalita sa ganitong paraan; aminin at magsalita nang may katapatan tungkol sa mga bagay-bagay: “Diyos ko! Ako ay nakahandang itapon ang aking katiwalian, nakahanda akong baguhin ang aking disposisyon at isagawa ang katotohanan.” Kadalasan ang mga tao ay hindi totoong nananalangin, nag-iisip lamang sila at nagbubulay-bulay, mayroon lamang silang kabatirang pangkaisipan at pagsisisi. Gayunman, hindi nila lubos na naiintindihan ang katotohanan, na kailangang magawa sa pamamagitan ng panalangin. Pagkatapos manalangin, ang antas ng iyong pagkaunawa ay lalong lalalim kung magbubulay-bulay ka lamang. Ang Banal na Espiritu ay gagawa upang pakilusin ka, at ang kalagayan, mga damdamin, at ang pagpapakilos na ibibigay Niya sa iyo ay magtutulot sa iyo na magkaroon ng malalim na pagkaunawa sa bagay na ito, at ang antas ng iyong pagsisisi ay lalong lalalim. Pagsisisihan mo nang husto ang bagay na ito at sa gayon ay lubos na maiintindihan ito. Kung sisiyasatin mo lamang nang walang interes ang iyong sarili, at pagkatapos, wala kang isang angkop na landas upang magsagawa, at hindi ka makagagawa ng anumang pagsulong sa katotohanan, kung gayon hindi mo magagawang magbago. Upang magbigay ng halimbawa, kung minsan kapag ang mga tao ay nagtatakda ng isang pagbabago, iniisip nila na: “Kailangan kong masikap na gugulin ang aking sarili para sa Diyos at masikap na tugunan ang pag-ibig ng Diyos.” Kapag taglay mo ang hangaring ito na nag-uudyok sa iyong paggugol, ang iyong kasiglahan ay hindi kinakailangang maging masyadong malaki, at ang iyong puso ay hindi kinakailangang maging lubos na mamuhunan sa aspetong ito. Gayunman, kapag ikaw ay napakilos nang ikaw ay nanalangin at sa gayon ay magtatakda ka ng isang pagbabago: “Nakahanda akong magdanas ng mga kahirapan, nakahanda akong tumanggap ng mga pagsubok mula sa Iyo, nakahanda akong lubos na pasakop sa Iyo. Gaano man karami ang magiging mga kahirapan, nakahanda akong suklian ang Iyong pag-ibig. Tinatamasa ko ang Iyong dakilang pag-ibig at itong dakilang pagpaparangal. Nagpapasalamat ako sa Iyo mula sa kaibuturan ng aking puso at ibinibigay ko ang kaluwalhatian sa Iyo.” Sa ganitong uri ng panalangin, pagkakalooban ka ng kapangyarihan; ito ang resulta na natatamo mula sa panalangin. Pagkatapos manalangin, liliwanagan at paliliwanagin ng Banal na Espiritu ang mga tao, at pangungunahan ang mga tao, at bibigyan ang mga tao ng pananampalataya at tapang upang magsagawa ng katotohanan. Ang ilang mga tao ay nagbabasa ng salita ng Diyos araw-araw at hindi namumunga ng ganitong mga resulta. Pagkatapos nilang basahin ang mga salita ng Diyos, at sila ay nagsasama at nag-uusap, ang kanilang mga puso ay magiging maliwanag, at magkakaroon sila ng isang landas. Kung ang Banal na Espiritu ay magbibigay din sa iyo ng ilang pagpapakilos, mga pasanin at paggabay, kung gayon ito ay magiging totoong naiiba. Kung ikaw ay napakilos nang kaunti matapos lamang na mabasa ang mga salita ng Diyos, at tumulo ang iyong mga luha sa panahong iyon, ang gayong pagpapakilos ay mapapawi pagkatapos ng paggawa ng ilang sandali. Kung mayroon kang isang nakakaiyak na panalangin, isang maalab na panalangin o isang tapat na panalangin, ang iyong lakas ay hindi mababawasan tatlong araw makaraan na ang panalangin ay matapos. Hindi ba ang lahat ay mayroong ganitong uri ng karanasan? Ito ang resulta na natatamo mula sa panalangin. Ang layunin ng panalangin ay upang makalapit ang mga tao sa harapan ng Diyos at matanggap ang mga bagay na nilalayong ibigay ng Diyos sa kanila. Kung madalas kang manalangin at madalas na lumapit sa harapan ng Diyos, kung gayon magkakaroon ka ng patuloy na kaugnayan sa Diyos, at ikaw ay palagi Niyang kikilusan, palaging tatanggap ng Kayang mga panustos, at kung gayon ikaw ay magbabagong-anyo, ang iyong mga kalagayan ay patuloy na bubuti at hindi lalala. Lalo na kapag ang mga kapatid ay magsasama-sama sa panalangin. Kapag natapos na ang panalangin, mayroong napakatinding lakas, ang mukha ng bawat isa ay puno ng pawis at nararamdaman nila na nagkamit sila ng napakaraming mga bagay. Sa katunayan, pagkatapos ng ilang mga araw ng pagsasama na hindi sila nakapag-usap nang husto, ang panalangin ang pumukaw sa kanilang lakas, at hinahangad nila na kung maaari ay iwan ang kanilang mga pamilya at ang mundo nang sabay-sabay, hinahangad nila na kung maaari iwan nila ang lahat, lahat maliban sa Diyos. Makikita mo na ang kanilang lakas ay napakatindi. Ang Banal na Espiritu ay gumagawa upang ibigay sa mga tao ang kapangyarihang ito at ang mga tao ay hindi kailanman lubos na matatamasa ito! Kung hindi ka nananangan sa kapangyarihang ito, patigasin ang iyong puso at patigasin ang iyong leeg; o kung ikaw ay aasa sa iyong sariling pagsisikap at mga paghahangad, kung gayon saan ka pupunta? Hindi ka makalalayo bago ka matisod at bumagsak, at hindi mo matataglay ang gayong kapangyarihan habang nagpapatuloy ka. Kailangang mapanatili ng mga tao ang kanilang ugnayan sa Diyos mula sa simula hanggang sa katapusan, ngunit itinatapon ng mga tao ang Diyos habang nagpapatuloy sila. Ang Diyos ay Diyos, ang mga tao ay mga tao, at sila ay naghihiwalay ng landas. Sinasalita ng Diyos ang Kanyang mga salita at nilalakaran ng mga tao ang kanilang sariling mga landas. Kapag ang mga tao ay walang kapangyarihan, maaari silang lumapit sa Diyos at magsabi ng ilang mga salita upang manghiram ng ilang kapangyarihan. Pagkatapos nilang manghiram ng kaunting kapangyarihan, sila ay tumatakbo palayo. Pagkatapos makatakbo ng ilang sandali, nawawalan sila ng lakas, at nagbabalik sa Diyos at nanghihingi sa Kanya ng kaunti pang lakas. Ang mga tao ay kagaya nito at hindi sila makapaghihintay nang matagal na panahon. Kapag iniwan ng mga tao ang Diyos, kung gayon sila ay walang landas.

Naisip Ko na ang kakayahan ng maraming tao na pigilan ang kanilang mga sarili ay talagang kulang. Bakit ganito? Ang mga tao ay hindi kailanman nananalangin, at kapag hindi sila nananalangin, sila ay di-mapigil; sa sandaling sila ay di-mapigil wala silang kabanalan o kababaang-loob; nagbibigay lamang sila ng pansin sa sangkatauhan, integridad, at ang pagkilala sa kanilang katiwalian, at iyon lamang. Binabalewala ng mga tao kung paano talaga gumagawa ang Banal na Espiritu at kinikilusan ang mga tao, at kung paano nila dapat hangarin ang kalooban ng Diyos sa kanilang pang-araw-araw na mga buhay. Ang paniniwala ng mga tao sa Diyos ay isang paniniwala lamang, at walang anumang espirituwal tungkol dito. Ang mga ito ay dalawang magkaibang mga bagay. Ito ay isa lamang mundo ng materyalismo, at ikinakaila nito ang mga espirituwal na bagay. Kung gayon, habang ang mga tao ay naglalakad, sila ay naliligaw at bumabagsak. Kung walang panalangin, ang kanilang pagsasagawa ng katotohanan ay maaari lamang umayon sa isang panuntunan sa loob ng isang tiyak na saklaw; nagsasagawa lamang sila ng mga patakaran. Kahit na hindi ka nagkakasala sa Diyos sa pamamagitan ng pagsasakatuparan ng mga pagsasaayos mula sa itaas, sinusunod mo lamang ang mga patakaran. Ang mga damdaming espirituwal ng mga tao sa kasalukuyan ay manhid at mabagal. Maraming mga di-kapansin-pansing bagay sa kaugnayan ng mga tao sa Diyos, kagaya ng pakiramdam na kinilos nang espirituwal o naliwanagan; ngunit hindi ito nararamdaman ng mga tao, sila ay masyadong manhid. Kagaya ito ng pagkanta, kapag ang mga tao ay hindi madalas na kumakanta, kung gayon hindi na sila nakatitiyak sa kanilang tono. Hindi binabasa ng mga tao ang salita ng Diyos at sila ay hindi kailanman nakaugnay sa mga bagay ng espirituwal na buhay. Wala silang isang pagkaunawa sa kanilang sariling mga kalagayan. Kung wala ang pananalangin at buhay sa iglesia, imposibleng maunawaan ang kalagayan ng espirituwal na buhay. Nararamdaman ba ninyo ang kagaya nito? Upang maniwala sa Diyos, kailangang manalangin kagaya nito. Kung wala ang pananalangin, kung gayon hindi mo maaaring taglayin ang larawan ng paniniwala sa Diyos. Ngayon ay sinasabi natin, wala ng pangangailangan sa mga tuntunin, ang tao ay maaaring manalangin anumang oras at saan mang lugar. Kaya, ang ilang mga tao ay napakadalang manalangin; sila ay bumabangon sa umaga at hindi nananalangin. Sila ay bumabangon at sinusuklay ang kanilang buhok, hinihilamusan ang kanilang mukha, at pagkatapos ay magbabasa sila at kakanta. Sa gabi sila ay hihiga at matutulog nang hindi nananalangin. Naramdaman ba ninyo ang kagaya nito? Kung babasahin mo lamang ang mga salita ng Diyos nang hindi mananalangin, kung gayon magiging kagaya ka lamang ng isang hindi mananampalataya na nagbabasa ng salita ng Diyos at hindi nauunawaan ito. Kung wala ang panalangin, ang iyong puso ay hindi lubusang maitatalaga at hindi ka magkakaroon ng mga pinong damdamin sa iyong espiritu o pagpapakilos sa loob ng iyong espiritu. Ikaw ay magiging manhid at mabagal, at magsasalita lamang ng ilang panlabas na mga bagay tungkol sa pagbabago ng iyong disposisyon. Tila ikaw ay naniniwala sa Diyos, ngunit ang totoo, ang lalim ng iyong mga damdamin ay hindi malayo ang naaabot. Tila ikaw ay hindi naniniwala sa Diyos, at hindi ka makapanalangin gaano mo man subukin. Ito ay masyado nang mapanganib. Ikaw ay malayo sa Diyos, tila ang Diyos ay wala sa iyong puso. Ang pagbabalik sa espiritu upang manalangin ay hindi nakakaabala sa maraming gawain sa labas; hindi lamang ito hindi nagiging sanhi ng pang-aabala, ngunit ito rin ay kapaki-pakinabang sa gawain.

Sinundan:Kabanata 33. Paano Uunawain ang Makatuwirang Disposisyon ng Diyos

Sumunod:Kabanata 36. Ang Pag-alam Sa Sarili Ay Pangunahin Nang Pag-alam Sa Kalikasan Ng Tao

Baka Gusto Mo Rin