Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos App

Pakinggan ang tinig ng Diyos at salubungin ang pagbabalik ng Panginoong Jesus!

Hinihikayat namin ang mga naghahanap ng katotohanan na kontakin kami.

Ang Paglaya ng Puso

4

Ni Zheng Xin, USA

Noong Oktubre 2016, tinanggap naming mag-asawa ang pagliligtas ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw habang kami ay nasa ibang bansa. Pagkatapos niyon, nagsimula akong madalas na dumalo sa mga pagtitipon kasama ang mga kapatid upang magbasa ng mga salita ng Diyos, magbahagi ng aming mga karanasan at unawain ang Kanyang mga salita, at umawit ng mga himno ng papuri sa Diyos. Naramdaman ko na ang gayong uri ng buhay sa iglesia ay puno ng kagalakan, at talagang nasiyahan ako roon.

Lumipas ang ilang buwan sa isang kisap-mata, at lahat ng kapatid ay lumago na sa buhay, sa iba’t ibang antas. Lalo na si Sister Wang, na nanalig sa Diyos sa pinakamaikling panahon, at dumanas ng pinakamabilis na paglago. Sa panalangin man, o sa pagbabahagi ng kanyang mga karanasan at pagkaunawa sa mga salita ng Diyos, mas praktikal siya, at nagtataglay ng mas maraming liwanag kaysa sa aming lahat. Ang kanyang pagbabahagi ay malinaw at may sistema rin. Sabi ng lahat ng kapatid, maganda raw ang kakayahan niya at na mabilis siyang umunlad. Sa simula, talagang hinangaan ko siya, at madalas kong sinasabi sa aking mga kapatid pagkatapos ng isang pagtitipon: “Hindi lang malinaw at may sistema ang pagbabahagi ni Sister Wang, kundi talagang mayroon din siyang magandang pag-unawa. Karaniwa’y nagagawa rin niyang hangarin ang kalooban ng Diyos kapag nagkakaroon siya ng problema.” Ngunit pagkaraan ng kaunting panahon, nagsimula akong mainis. Naisip ko: “Bakit siya pinupuri ng lahat, at hindi ako? Dahil kaya hindi man lang ako lumago? May mali ba sa pagbabahagi ko?” Unti-unting sumama ang loob ko kay Sister Wang, at sinimulan kong lihim na labanan siya. Naisip ko: “Nakakapagbahagi ka tungkol sa mga salita ng Diyos, at kaya ko rin iyon. Darating ang araw na mahihigitan kita.” Nagbalak pa ako ng mga pakana: “Dapat kong tipunin ang pagkaunawa at liwanag na karaniwan kong natatamo mula sa mga salita ng Diyos at ibahagi lamang ito kapag nagtitipon kaming lahat. Sa paraang iyon makikita nilang lahat na maaari ko ring danasin ang Kanyang gawain, at ang pagkaunawang ibinabahagi ko ay napakapraktikal din.” Mula noon, nagbabasa ako ng mga salita ng Diyos tuwing may pagkakataon ako at isinulat ko ang bawat bagay na natamo ko, na naunawaan ko mula sa Kanyang mga salita sa isang kuwaderno. Kapag oras na para magtipon, maingat kong sinusuri ang mga kaliwanagang nasa kalooban ko upang makita kung paano ko maibabahagi ang mga iyon sa fellowship na magiging kasinglinaw at kasing-ayos, at may sistemang katulad ng kay Sister Wang. Wala akong ideya kung bakit, pero kapag mas gusto kong magpasikat sa harap ng aking mga kapatid, mas nagmumukha akong bobo. Kapag oras na para magbahagi ako, hindi ko mapalinaw ang aking isipan. Sa halip, magulo ang mga salitang lumabas sa bibig ko. Hindi ko malinaw na maipahayag ang mga pananaw na nais kong ipahayag, at napapahiya akong masyado sa bawat pagtitipon. Sa ilang araw na iyon, balisa at litung-lito ako. Hindi ko nadama na malapit ako sa kapatid na iyon na gaya ng dati. Unti-unti kong nadama na naging malaking problema sa akin ang mga pagtitipon, at hindi ko mapalaya ang puso ko.

Pagkatapos isang araw, sinabi ko sa aking asawa kung ano ang nangyayari sa akin nang magkuwentuhan kami: “Kamakailan nakita ko na sa mga pagtitipon, mas mahusay magbahagi si Sister Wang kaysa sa akin. Talagang naasiwa ako.…” Ngunit bago ako nakatapos sa pagsasalita, pinandilatan ako ng asawa ko at sinabi sa akin nang napakaseryoso: “Maganda ang ibinahagi ni Sister Wang, at natuto tayo. Dapat nating pasalamatan ang Diyos para dito. Hindi kaya nagseselos ka lang kaya hindi ka mapanatag?” Parang sampal sa mukha ang sinabi niya. Mabilis akong umiling at itinanggi ko iyon: “Hindi, hindi ganoon. Hindi ako ganoon.” Pagkatapos ay sinabi niya: “May natutunan ang lahat ng ating kapatid sa pagbabahagi ni Sister Wang. Kung hindi ka mapakali sa narinig mo, hindi ba pagseselos iyan na mas may kakayahan siya kaysa sa iyo?” Muling dumuro sa puso ko ang mga salita ng asawa ko. Galit na galit ako. Talaga bang nakakainis ako? Pakiramdam ko lubos akong nasaktan at maluluha na. Sinabi ko sa kanya: “Huwag ka nang magsalita ng anupaman. Hayaan mong huminahon ako, at pag-iisipan ko itong mag-isa!” Pagkatapos niyon, ang nakakagulat, ikinuwento ng aking asawa kay Sister Liu, isang lider sa iglesia ang nangyayari sa akin. Nais niyang tulungan ako ni Sister Liu. Pinagalitan ko siya sa pagkausap kay Sister Liu nang hindi muna nagpapaalam sa akin. Nadama ko, “Paano ako makakaharap sa aming mga kapatid pagkatapos niyon? Kung alam nila na nagseselos ako kay Sister Wang, hindi kaya nila ako hamakin?” Nang lalo kong pag-isipan iyon, lalo akong nagalit, ngunit hindi malulutas ang anuman sa pag-iwas sa katotohanan. Nanalangin ako: “Diyos ko! Ano ang dapat kong gawin?”

Kinabukasan, sinuri ko ang naipakita ko sa loob ng panahong iyon. Karaniwa’y ibinabahagi ng mga kapatid sa lahat ang kaliwanagan at pagkaunawang natamo nila mula sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos anumang oras, ngunit inilaan ko ang liwanag na natamo ko upang ipagmalaki sa aming mga pagtitipon. Gusto kong magsalita tungkol sa mga bagay na hindi alam ng ibang tao upang tingalain ako ng aking mga kapatid. Kapag nakita ko na nagbahagi ang ibang mga kapatid nang mas mahusay kaysa sa akin, nababalisa ako at gusto ko silang higitan. Madalas kong isipin na talagang madali akong pakisamahan ng iba at hindi ako kailanman naligalig sa bawat maliit na bagay, na ako ay isang mabuti at simpleng tao sa kalooban. Ngunit hindi ako naglakas-loob na maniwala na maaaring nagseselos ako sa isang tao, at na maaaring lihim ko pang nilalabanan ang isang tao at nakikipagpaligsahan ako sa kanila. Paano ako naging ganoong klaseng tao? Nang magtatanghali, tinawagan ko ang isang kapatid upang tanungin kung nagselos na siya sa oras ng mga pagtitipon nang marinig niya na mas mahusay magbahagi ang ibang mga kapatid kaysa sa kanya. Hindi raw. Sinabi rin niya: “Kung mahusay ang pagbabahagi ng ating mga kapatid, natututo at nakikinabang tayo roon. Talagang nasisiyahan ako roon, at sumasaya ako!” Nang marinig ko siyang sabihin iyon, naging mas masahol pa ang pakiramdam ko, at noon ko lang nakita kung gaano kalakas ang pagseselos na iyon sa aking kalooban. Umiyak ako at nanalangin sa Diyos: “Diyos ko! Ayaw kong maging selosa, ngunit tuwing naririnig ko ang napakagandang pagbabahagi ng kapatid na ito, hindi ko mapigilang magselos sa kanya. Nabalisa ako at hindi iyon nawala sa isip ko maghapon. Hindi ko talaga alam kung ano ang dapat kong gawin. Diyos ko! Nawa’y tulungan mo akong alisin ang pagseselos sa puso ko. …” Kalaunan, nakipagkita sa akin ang lider ng iglesia na si Sister Liu. Binasa niya ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos na may kaugnayan sa aking sitwasyon. “Malupit na sangkatauhan! Ang pakikipagsabwatan at intriga, ang pag-aagawan at paghahablutan sa isa’t isa, ang pagkukumahog para sa reputasyon at kayamanan, ang pagpapatayan—kailan ba ito matatapos? Bagama’t nakapagsalita na ang Diyos ng daang-libong mga salita, walang isa man ang natatauhan. … Ilan ang hindi nang-aapi at nagtatakwil ng iba para sa pagpapanatili ng kanilang sariling katayuan?” (“Ang Masama ay Tiyak na Parurusahan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). “Takot palagi ang ilang tao na maging mas sikat sa kanila ang iba at mahigitan sila, na nagtatamo ng pagkilala habang sila naman ay kinaliligtaan. Dahil dito, inaatake at ibinubukod nila ang iba. Hindi ba ito isang kaso ng pagkainggit sa mga taong mas may kakayahan kaysa sa kanila? Hindi ba makasarili at nakasusuklam ang ganitong pag-uugali? Anong klaseng disposisyon ito? Masama ito! Sarili lang ang iniisip, sariling mga hangarin lamang ang binibigyang-kasiyahan, walang konsiderasyon sa mga tungkulin ng iba, at iniisip lamang ang sariling mga interes at hindi ang mga interes ng bahay ng Diyos—ang ganitong klaseng mga tao ay may masamang disposisyon, at hindi sila mahal ng Diyos” (“Makakamtan Mo ang Katotohanan Matapos Ipagkaloob sa Diyos ang Iyong Tunay na Puso” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo). Binasa rin niya ang isang sipi mula sa Mga Sermon at Pagbabahagi Tungkol sa Pagpasok sa Buhay: “Kaya yaon bang mga nagseselos sa iba ay mga taong makitid ang isip? … May anumang kapakinabangan ba sa pagkamakitid ng isip at pagseselos? Wala ni isang pakinabang. Sila ay mga taong hamak, makitid ang isip, at masama, at ang tingin ng mga tao sa kanila ay isang biro. Hindi sila nararapat mabuhay. Hindi maganda ang kakitiran ng isip, at iyon ay tiyak. Sinasabi ng ilang tao: ‘Kung minsan hindi namin ito mapaglabanan. Sa sandaling makatagpo kami ng isang tao na mas mahusay sa amin, nagseselos kami at nagagalit. Sa sandaling makita ko ang taong iyon, pakiramdam ko parang hindi ako makapagpapatuloy sa buhay. Ano ang magagawa ko kapag nakatagpo ko ito?’ Hindi ka ba makapagdarasal sa Diyos, at hindi mo isusumpa ang sarili mo? At paano ka dapat manalangin? Sabihin mo: ‘Hindi ko matiis na makita ang isang tao na mas mahusay. Anong klaseng tao ako? Hindi nararapat mabuhay ang isang taong katulad ko. Nagseselos ako tuwing nakikita ko ang isang tao na mas mahusay kaysa sa akin. Anong klaseng puso ito? Hindi ito normal na pagkatao. Nawa’y disiplinahin at pungusin ako ng Diyos.’ Pagkatapos niyon, umusal ka ng ganitong panalangin: ‘Diyos ko, nagsusumamo ako na iligtas Mo ako upang mawala ang kakitiran ng aking isip, gawin Mo akong mas mapagbigay, mas maganda ang kalooban, na mabuhay nang makatao upang hindi Mo ako ikahiya.’ Dapat ganito kang manalangin. Kapag nakapagdasal ka nang gayon sandali, bago mo pa malaman marahil ay magiging medyo mas mapagbigay ka na. Sa susunod na makatagpo ka ng isang tao na mas may kakayahan kaysa sa iyo, hindi ka na gaanong magseselos. Matatanggap mo na ito at makikipag-ugnayan ka sa kanila nang normal. Sa paglipas ng panahon, magiging angkop ito. Sa sandaling magkaroon ka ng normal na pagkatao, magagawa mong mabuhay nang maligaya, walang inaalala at maginhawa. Ang pamumuhay ng isang taong makitid ang isip ay nakakahiya, may pasakit at nakakapagod” (“Mga Sermon at Pagbabahagi Tungkol sa Salita ng Diyos na ‘Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II’ (III)” sa Mga Sermon at Pagbabahagi Tungkol sa Pagpasok sa Buhay X). Nasaktan ang puso ko nang marinig ko ang pagbabahaging ito. Ganoon ako! Ang pagbabahagi ni Sister Wang ay nakakaliwanag, ngunit hindi ako nakatagpo ng landas ng pagsasagawa mula rito. Bagkus, upang maprotektahan ang sarili kong kahambugan, patuloy akong nakipagpaligsahan kay Sister Wang. Lihim akong nagpasiyang labanan siya at pinag-isipan ko talaga kung paano ako makakapagbahagi nang mas mahusay kaysa sa kanya. Labis ko pang inasam na walang sinumang magsabi ng anumang maganda tungkol sa kanya o pumalakpak sa kanyang pagbabahagi. Kapag hindi maganda ang sarili kong pagbabahagi, kapag hindi ako makapagpasikat at ipinahiya ko ang sarili ko, magulo ang isip ko, at nasasaktan at galit ako. Buong araw akong balisa, nag-aalala, takot na takot na baka hamakin ako ng iba. Napakakitid ng isip ko. Ang inisip ko lang ay mamukod-tangi, ngunit hindi ko talaga matiis ang isang tao na mas mahusay sa akin. Hindi ba iyon pagseselos, inggit sa mga taong mahusay? Walang normal na pagkatao roon! Kung gugunitain, ganoon din ako bago ako nanalig sa Diyos. Kapag nakikipag-ugnayan ako sa mga kaibigan at kamag-anak, mga kapitbahay, at mga kasamahan sa trabaho, palagi kong iniisip na magsabi ng mabuti ang iba tungkol sa akin. Kung minsan, kapag pinupuri ng isang kasamahan ang trabaho ng iba sa harap ko, naaasiwa ako at upang purihin ako ng iba, isinusubsob ko ang sarili ko sa paggawa ng mahusay na trabaho, at masaya akong gawin ito gaano man ito kahirap, gaano man ito nakakapagod. Ngayon ko lang napagtanto na ang gayong mga pagpapakita ay laging mga napakasama at tiwaling disposisyon. Nang mapagtanto ko iyan, muli itong iniugnay ni Sister Liu sa siping iyon ng pagbabahagi at itinuro sa akin ang isang landas ng pagsasagawa. Iyon ay ang humarap sa Diyos at manalangin sa Kanya, upang iluhog sa Diyos ang aking mga paghihirap at ang katiwaliang ipinapakita ko upang matulungan Niya akong maging isang tao na mapagbigay. Pagkatapos niyon, madalas akong humarap sa Diyos at iniluhog ko sa Kanya ang aking mga paghihirap. Nagsimula rin akong sadyang basahin ang iba pang mga salita ng Diyos tungkol sa Kanyang paghatol at paglalantad sa tiwaling disposisyon ng sangkatauhan. Kapag nagtamo ako ng kaliwanagan, at ng liwanag mula sa mga salita ng Diyos, ibinabahagi ko ito sa aking mga kapatid anumang oras. Nagsalita rin sila tungkol sa natamo at naunawaan nila. Hindi ko naisip kailanman, ngunit ang uring ito ng pagsasagawa ay nagbigay-daan sa akin para mas matuto pa kaysa sa pagbabasa lamang ng mga salita ng Diyos nang mag-isa. Sa mga pagtitipon, nagbahagi ako sa fellowship batay sa aking naunawaan, at nagtuon sa pagpapayapa sa aking puso at pakikinig sa pagbabahagi ng iba. Sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng pagsasagawa ko nalaman, nang magkuwento ang aking mga kapatid tungkol sa kanilang mga karanasan at patotoo sa pagsasagawa ng mga salita ng Diyos, na marami rin akong natutuhan. Pagkatapos ng panahon ng ganitong uri ng pagsasagawa, nabawasan ang pagseselos ko kaysa rati, ngunit sa bawat pagtitipon, kapag nakita ko na talagang pinuri ng ibang mga kapatid ang pagbabahagi ni Sister Wang, hindi ko pa rin maiwasang makadama ng kaunting pagseselos. Palagi kong nadama na may kaunting agwat kaming dalawa, at hindi ko magawang makipag-ugnayan sa kanya nang normal. Nabubuhay sa ganoong kalagayan, hindi ako naglakas-loob na magtapat sa aking mga kapatid. Natakot ako na kapag ginawa ko ito, baka hamakin nila ako. Kaya, sa ilang pagtitipon, hindi ko mapalaya ang puso ko. Ipinagdasal ko lang sa Diyos ang aking mga paghihirap: “Diyos ko! Pangit na naman ang pakiramdam ko ngayon. Nawa’y akayin Mo ako. …”

Isang gabi, tinawagan ako ni Sister Liu. Itinanong niya nang may pag-aalala kung nagdaranas ako ng mga paghihirap nitong huli. Malabo ang isinagot ko: “Napakatindi ng katiwalian ko. Dahil kaya hindi inililigtas ng Diyos ang isang taong katulad ko?” Natakot ako na baka hamakin niya ako, kaya wala na akong ibang sinabi. Binasa ni Sister Liu ang isang sipi ng mga salita ng Diyos para sa akin: “Sinasabi ng ilang tao: ‘Mahirap maging tapat. Kailangan ko bang sabihin ang lahat ng aking iniisip sa puso ko sa iba? Hindi ba sapat nang ipagniig ko ang mga positibong bagay? Hindi ko kailangang sabihin sa iba ang aking madilim o tiwaling bahagi, hindi ba?’ Kung hindi mo sinasabi ang mga bagay na ito, at hindi sinusuri ang iyong sarili, sa gayon hindi mo kailanman makikilala ang iyong sarili, hindi kailanman malalaman kung anong uri ka, at hindi magkakaroon ng pagkakataong magtiwala sa iyo ang iba. Ito ay katunayan. Kung gusto mo na magtiwala sa iyo ang iba, una dapat kang maging tapat. Upang maging tapat, dapat unahin mong ilantad ang iyong puso upang makita ito ng lahat, makita ang lahat ng iniisip mo, at makita ang iyong totoong mukha; hindi ka dapat magpanggap o subukang pagtakpan ang iyong sarili. Saka lamang magtitiwala ang mga tao sa iyo at ipapalagay na matapat ka. Ito ang saligang pagsasagawa ng pagiging tapat, at pangunang kailangan ito” (“Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo). Matapos basahin ang mga salitang iyon mula sa Diyos, ibinahagi niya ito: “Ang pagtatapat at pagbabahagi sa fellowship ay isang paraan upang mapalaya ang puso mo. Kung pananatilihin nating nakatago ang paghihirap sa ating puso, mas madali tayong napaglalaruan ni Satanas, at magdurusa ang ating buhay. Ang pagtatapat at paglalantad nito sa liwanag ay pagsasagawa ng katotohanan, at pagiging isang matapat na tao. Sa gayo’y matatamo rin natin ang tulong ng ating mga kapatid. Tinutulutan nitong malutas nang mas mabilis ang ating mga paghihirap. Daranas tayo ng paglago sa ating buhay at lalaya ang ating puso. Hindi ba maganda iyon?” Pagkatapos makinig sa pagbabahagi ni Sister Liu, nilakasan ko ang loob ko at sinabi ko sa kanya ang pinagdaraanan ko. Hindi ko kailanman naisip na pagkatapos niya akong marinig, hindi lang walang pahiwatig na minamaliit niya ako o hinahamak, kundi matiyaga niyang ibinahagi sa akin ang kanyang sariling karanasan. Sinabi niya sa akin kung paano siya naging selosa dati, at kung paano siya nakalaya roon. Gulat na gulat ako matapos kong marinig ang ibinahagi niya. Naisip ko: “Nagpakita ka rin pala ng ganitong klaseng katiwalian!” Binasa ni Sister Liu ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos na nauugnay sa aking kalagayan: “Ang mga taong inililigtas ng Diyos ay yaong mga taong may tiwaling disposisyon dahil ginawang tiwali ni Satanas; hindi sila mga perpektong tao na wala ni katiting na bahid-dungis, ni mga taong hungkag ang pamumuhay. Para sa ilan, sa sandaling mahayag ang kanilang katiwalian, iniisip nila, ‘Nalabanan ko na naman ang Diyos; nanalig na ako sa Kanya nang maraming taon, pero hindi pa rin ako nagbabago. Tiyak na ayaw na sa akin ng Diyos!’ Paano ang saloobing ito? Sumuko na sila sa sarili nila, at iniisip nila na ayaw na sa kanila ng Diyos. Hindi ba ito maling pagkaunawa sa Diyos? Sa pagiging lubhang negatibo napakadaling makahanap si Satanas ng mga lamat sa iyong sandata, at kapag nagtagumpay ito, mahirap nang isipin ang mga ibubunga nito. Samakatuwid, gaano ka man nahihirapan o gaano man kanegatibo ang damdamin mo, huwag kang sumuko kailanman! Sa proseso ng paglago sa buhay at habang naliligtas, kung minsa’y mali ang landas na tinatahak ng mga tao o naliligaw sila ng landas. Sumandaling nakikita sa kanila na medyo isip-bata sila sa kanilang buhay, o kung minsa’y nanghihina at nagiging negatibo sila, nagsasalita ng mga maling bagay, nadudulas at nadadapa, o nagdaranas ng kabiguan. Sa paningin ng Diyos, normal lahat ang gayong mga bagay, at hindi Siya magrereklamo tungkol doon” (“Pagpasok sa Buhay ang Pinakamahalaga sa Pananalig sa Diyos” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo). Pagkatapos, ibinahagi niya sa fellowship: “Tayong lahat ay mga taong lubhang nagawang tiwali ni Satanas. Kayabangan, panloloko, pagkamakasarili, pagseselos sa iba—lahat ng tiwaling disposisyong ito ay lubhang malalim na nakabaon sa mga tao. Dumating na ngayon ang Diyos upang gawin ang gawain ng paghatol at pagkastigo para dalisayin at baguhin tayo. Kailangan nating pakitunguhan ang ating mga sarili nang tama, at huwag tayong mamuhay sa pagiging negatibo at di-pagkakaunawaan. Hangga’t pinagsisikapan nating matamo ang katotohanan nang may layunin, tinatanggap ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, pinagninilayan at inuunawa ang ating sariling tiwaling diwa ayon sa mga salita ng Diyos, at nagagawa nating talikdan ang laman at isagawa ang katotohanan, darating ang araw na sasailalim sa pagbabago ang disposisyon natin sa buhay, at magagawa nating mamuhay na katulad ng isang tunay na tao.” Napalaya nang husto ang puso ko matapos kong marinig ang pagbabahagi ni Sister Liu, at naunawaan ko rin ang kalooban ng Diyos. Hindi ko lamang dapat harapin nang tama ang sarili kong katiwalian, at pagtuunan ang pagkilala sa aking sarili at paghanap sa katotohanan upang malutas ang aking sariling tiwaling disposisyon, kundi dapat din akong maging matapat na tao, at magtapat sa aking mga kapatid tungkol sa katiwaliang naipakita ko sa loob ng panahong iyon. Aalisan nito ng pagkakataon si Satanas na gawin ang gawain nito, at ipapahiya rin nito si Satanas sa pamamagitan ng pagsasagawa ng katotohanan. Muling pumunta sa bahay ko si Sister Liu kinabukasan, at magkasama naming binasa ang isang sipi mula sa mga salita ng Diyos: “Sa sandaling pumasok na sa usapan ang posisyon, mukha, o reputasyon, lumulukso sa pag-asam ang puso ng lahat, at gusto palagi ng bawat isa sa inyo na mamukod-tangi, maging tanyag, at makilala. Lahat ay ayaw sumuko, sa halip ay palaging nagnanais na makipagtalo—kahit nakakahiya at hindi tinutulutan ang pagtatalo sa sambahayan ng Diyos. Gayunman, kung walang pagtatalo, hindi ka pa rin kuntento. Kapag nakikita mong may ibang namumukod-tangi, naiinggit ka, namumuhi, at na hindi iyon patas. ‘Bakit hindi ako namumukod-tangi? Bakit palagi na lang ang taong iyon ang namumukod-tangi, at hindi ako kahit kailan?’ Sa gayo’y naghihinanakit ka. Sinusubukan mo iyong pigilin, ngunit hindi mo magawa, kaya nagdarasal ka. Pagkatapos mong manalangin, gumaganda ang pakiramdam mo sandali, ngunit kalaunan, kapag naranasan mong muli ito, hindi mo ito madaig. Hindi ba iyan pagiging isip-bata? Hindi ba isang patibong ang pagkahulog ng isang tao sa gayong katayuan? Ito ang mga kadena ng likas na katiwalian ni Satanas na gumagapos sa mga tao. … Kailangan mong matutong hayaan at isantabi ang mga bagay na ito, na pagbigyan, na irekomenda ang iba, at tulutan silang mamukod-tangi. Huwag kang magalit nang husto o magmadaling samantalahin ang pagkakataon mong mamukod-tangi o mapuri. Kailangan kang matutong pagbigyan ang iba, ngunit huwag mong ipagpaliban ang pagsasagawa ng iyong tungkulin. Maging isang taong nagtatrabaho nang patago, at hindi nagpapasikat sa iba samantalang ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Kapag lalo mong pinagbigyan ang iba at tumabi ka muna, mas mapapayapa ka, at magkakaroon ng mas malaking puwang sa iyong puso at bubuti ang iyong kalagayan. Kapag lalo kang nakipaglaban at nakipagkumpitensya, lalong didilim ang iyong kalagayan. Kung hindi mo ito pinaniniwalaan, subukan mo at makikita mo! Kung gusto mong baligtarin ang ganitong klaseng kalagayan, at hindi ka makontrol ng mga bagay na ito, kailangan mo munang isantabi at isuko ang mga ito. Kung hindi, mas mahihirapan ka, mas magdidilim ang iyong paligid, at mas maiinggit at mamumuhi ka, at mas titindi lang ang hangarin mong magtamo. Kapag lalong tumindi ang hangarin mong magtamo, lalo mo itong hindi matatamo, at kapag mas kaunti ang iyong natatamo, madaragdagan ang iyong pagkamuhi. Kapag naragdagan ang iyong pagkamuhi, mas magdidilim ang iyong kalooban. Kapag mas nagdidilim ang iyong kalooban, mas hindi mo magagampanan ang iyong tungkulin; kapag mas hindi mo nagagampanan ang iyong tungkulin, mas mawawalan ka ng silbi. Ito ay magkakaugnay at masamang bagay na paulit-ulit na nangyayari. Hindi mo magagampanan nang maayos ang iyong tungkulin sa gayong kalagayan, kaya, unti-unti, aalisin ka” (“Makakamtan Mo ang Katotohanan Matapos Ipagkaloob sa Diyos ang Iyong Tunay na Puso” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, iniugnay niya ito sa kanyang sariling karanasan at ibinahagi ang ugat ng pagseselos ng mga tao. Noon ko lang napagtanto na nangyari ang lahat ng ito dahil sa napakasidhi ng sarili kong hangaring makilala at magkaroon ng magandang reputasyon sa lipunan, at napakayabang ko. Dahil pinangibabawan ako ng mga tiwaling disposisyong ito, napakalaki ng ambisyon ko at masyado akong agresibo, at anuman ang gawin ko, ginusto ko lang mahigitan ang iba. Ganoon ako noong bahagi ako ng lipunan, at ganoon din ako sa iglesia. Kahit sa mga pagtitipon, pagbabahagi, at panalangin, inisip ko pa ring maging mas mahusay kaysa sa ibang mga tao, at masaya lang ako kung pinuri ako ng iba. Sa sandaling may isang tao na mas mahusay kaysa sa akin, hindi ko matanggap iyon at nagseselos ako. Lumaban ako at nilabanan ko ito. Kapag talagang hindi ko malampasan iyon, nabuhay na lang ako sa pagiging negatibo at hindi ko maharap nang wasto ang aking sarili. Hindi ko rin naunawaan ang Diyos at naniwala ako na hindi ako maaaring maging layon ng pagliligtas ng Diyos. Nakita ko na ang katiwalian ni Satanas ay nagawa akong mayabang at marupok, makasarili at kasuklam-suklam, at naging napakamiserable ng buhay ko. Nakatagpo ako ng landas ng pagsasagawa mula sa mga salita ng Diyos. Kailangan kong matutong sumuko, isantabi ang mga bagay-bagay, talikdan ang sarili kong laman ayon sa mga hinihiling ng Diyos. at matuto pa mula sa magagandang turo ng aking kapatid, at punan ang aking mga kahinaan. Ito lamang ang kalooban ng Diyos. Ito lamang ang paraan upang maunawaan at matamo ko ang mas maraming katotohanan. Pagkatapos niyon, binasa ni Sister Liu ang isa pang sipi mula sa mga salita ng Diyos: “Ang mga tungkulin ay hindi pareho. May isang katawan. Bawat isa’y ginagawa ang kanyang tungkulin, bawat isa ay nasa kanyang lugar at ginagawa ang kanyang buong makakaya, bawat silakbo ng pagkasabik ay mayroong isang guhit ng liwanag, at naghahanap ng kalaguan sa buhay. Sa gayon Ako ay masisiyahan” (“Kabanata 21” ng Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Nang mabasa ko ang mga salitang ito mula sa Diyos, naunawaan ko na ang kakayahan at mga kaloob ng Diyos ay magkakaiba para sa bawat tao. Ngunit anuman ang mga ito, dapat nitong isakatuparan ang tungkulin ng isang nilikha ng Diyos, at patotohanan at luwalhatiin ang Diyos. Inorden ng Diyos na maging mahusay si Sister Wang, at na mabilis niyang nauunawaan ang katotohanan. Dapat kong harapin ito nang tama, at dapat ko ring harapin nang tama ang sarili kong mga kalakasan at pagkukulang dahil ibinigay na ng Diyos sa bawat isa sa atin ang pinakamabuti. Anumang klaseng kakayahan ang itinalaga Niyang mapasaakin, kailangan kong sundin ang Kanyang patakaran, at ang Kanyang mga pagsasaayos, at ituwid ang aking mga motibo, at buong pusong sikaping matamo ang katotohanan. Ibabahagi ko kung ano ang malinaw sa akin—walang labis, walang kulang. Isasagawa ko ang nauunawaan ko—walang labis, walang kulang. Kailangan kong gawin ang buong makakaya ko sa harap ng Diyos upang Siya ay mapanatag, at masiyahan—ito lamang ang magiging makabuluhan. Ito rin ang dapat kong pagsikapan. Dahil dito, itinakda ko ang sumusunod na pagpapasiya sa harap ng Diyos: Mula ngayon, handa akong magsikap na matamo ang katotohanan, agad iwaksi ang aking napakasamang disposisyon ng kayabangan at pagkamakasarili, at mamuhay na katulad ng isang tunay na tao upang masiyahan ang Diyos.

Mabilis na dumating ang sumunod na pagtitipon sa iglesia. Gusto kong ipagtapat at ipaliwanag kay Sister Wang kung anong klaseng katiwalian ang naipakita ko hinggil sa aking pagseselos sa kanya sa loob ng panahong iyon, ngunit nang maisip ko kung ano ang magiging tingin niya sa akin pagkatapos malaman na nagpakita ako ng napakalaking katiwalian, hindi talaga ako naglakas-loob na harapin iyon. Sa aking kalooban, tahimik akong nanalangin sa Diyos: “Diyos ko! Nawa’y bigyan Mo ako ng pananampalataya at tapang. Handa akong isantabi ang aking kahambugan at magbahagi nang hayagan sa fellowship sa aking kapatid, para mawala ang hadlang sa pagitan namin.” Matapos manalangin, nadama ko na mas napayapa ang puso ko, at pagkatapos ay sinabi ko ang lahat tungkol sa aking kalagayan at mga karanasan sa loob ng panahong iyon. Dahil dito, hindi lang ako hindi hinamak ng aking mga kapatid, kundi hinangaan nilang lahat ang aking tapang sa pagiging matapat na tao. Sinabi rin nila na mula sa aking karanasan, napagtanto nila na sa pagsasagawa lamang ayon sa mga salita ng Diyos nila maaalis ang kanilang napakasama at tiwaling disposisyon, at matatamo ang paglaya at kalayaan, at sa gayo’y nalaman nila kung paano maranasan ang gayong klaseng bagay kung nakatagpo nila ito. Sa mga pagtitipon sa hinaharap, seryoso akong nakinig sa pagbabahagi ng aking kapatid at natuklasan ko ang marami sa kanyang mga kalakasan. Nakita ko na nang makatagpo siya ng mga problema nagawa niyang tumuon sa pagharap sa Diyos at paghahangad sa katotohanan, at paghanap ng landas para sa pagsasagawa mula sa loob ng mga salita ng Diyos. Lahat ng ito ay mga aspeto na kailangan kong matutunan. Noon ko lang talaga naunawaan na ang marinig ang mga karanasan at patotoo ng pagsasagawa ng mga salita ng Diyos na ibinahagi ng mga kapatid sa bawat pagtitipon ay isang magandang pagkakataon para lumago sa buhay. Isinaayos ng Diyos na maging malapit sa akin ang kapatid na ito. Nagbahagi siya tungkol sa mga bagay na hindi malinaw sa akin, at ganap niyang pinunan ang kakulangan ko mismo. Ito ay isang pagpapala mula sa Diyos! Nang isipin ko ito sa gayong paraan, nadama ko na lubos na lumaya ang puso ko. Sa pamamagitan ng pagiging lantad sa mga katotohanan, at sa paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, sumailalim sa ilang pagbabago ang aking tiwaling disposisyon ng pagseselos sa ibang tao, at nagsimula akong magkaroon ng kaunting mababaw na pagkaunawa sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Personal ko ring naranasan na tunay na madadalisay, mababago, at maililigtas ng mga salita ng Diyos ang sangkatauhan. Ang mga salita ng Diyos ay maaaring maging buhay ng tao, at malulutas ng mga ito ang lahat ng paghihirap at pasakit natin bilang mga tao. Handa akong higit pang isagawa ang mga salita ng Diyos, at sundin ang Kanyang paghatol at pagkastigo. Nawa’y madalisay ako kaagad ng Diyos, mamuhay ako na katulad ng isang tunay na tao, at matamo ang Kanyang papuri.

Kaugnay na Content