Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos App

Pakinggan ang tinig ng Diyos at salubungin ang pagbabalik ng Panginoong Jesus!

Hinihikayat namin ang mga naghahanap ng katotohanan na kontakin kami.

Sapagkat Napinsala Ako ng Mga Demonyo, Lalo Ko pang Natatanto Kung Gaano Kahalaga ang Biyaya ng Diyos

8

Ni Xu Qiang, Inner Mongolia Autonomous Region

Sapagkat Napinsala Ako ng Mga Demonyo, Lalo Ko pang Natatanto Kung Gaano Kahalaga ang Biyaya ng Diyos

Ang pangalan ko ay Xu Qiang. Nagtrabaho ako dati bilang isang engineering contractor, namumuno sa malalaking pangkat ng mga tao sa mga proyektong inhinyeriya bawat taon, at kumita ako nang malaki-laki. Sa mga mata ng aking mga kauri, mayroon akong perpektong pamilya, isang maayos na karera, at walang-hanggang pagkakataon; malamang naisip nila na isa akong masuwerteng tao. Subalit, habang tinatamasa ko ang isang materyalistikong uri ng pamumuhay, palagi akong nakadarama ng di-maipaliwanag na kahungkagan. Ito ay lalo na pagdating sa mga palagian kong pagsisikap upang magkamit ng mga proyekto: kinailangan kong magpalakas sa mga pinuno ng mga nauugnay na kagawaran, nagsisikap na basahin ang kanilang mga isip sa pamamagitan ng mga kilos nila at laging kinakailangang gumamit ng sapat lamang na panunuyo at pambobola upang makuha ang gusto ko; kung hindi, hindi ako kikita. Bukod pa sa lahat ng iyan, kinailangan kong pakitunguhan ang mga pagpapakana ng mga katrabaho ko, ang lagi nilang pagbabantay sa isa’t isa, at ang mga pagtatantiya nila. Lalo pang sinira ng lahat ng ito ang isip ko…. Dahil sa mga ito, nanghina talaga ang loob ko at labis akong napagod; para ba akong naging isang papet, isang makinang tagagawa ng pera, at lubusan kong naiwala ang lahat ng aking dignidad at integridad. Nagpatuloy ito hanggang 1999, noong tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Lubha akong natinag ng pagpapalayang idinulot ng buhay-iglesia at ng kasimplehan at katapatan ng aking mga kapatid. Ninais ko talagang ipamuhay ang ganitong buhay ng iglesia, nakikipagbahaginan sa mga kapatid tungkol sa salita ng Diyos at nakikipag-usap sa isa’t isa tungkol sa aming mga pansariling karanasan at pagkakilala sa mga salita ng Diyos. Labis ko ring pinahalagahan ang mga ganitong panahon. Habang patuloy kong binabasa ang mga pagbigkas ng Diyos at lumalahok sa mga pagtitipon, naunawaan ko ang maraming katotohanan, at nakahanap ang kaluluwa ko ng napakalaking kalayaan. Higit na masaya ako na nahanap ko na sa wakas ang tunay na daan para mabuhay, at nakita ko na ang tunay na kaligayahan. Napuno ang puso ko ng pasasalamat sa Diyos: Kung hindi dahil sa pagliligtas sa akin ng Diyos mula sa dagat ng paghihirap sa mundo, hindi sana ako kailanman magkakaroon ng anumang inaasahan sa buhay. Pagkaraan noon, nagsimula akong masigasig na ipalaganap ang ebanghelyo, masaya at walang-kapagurang hinihimok ang mga taong sinisiyasat ang totoong daan at nagbibigay-daan upang marinig din nila ang tinig ng Diyos at makamit ang pagliligtas ng Makapangyarihang Diyos.

Subalit, sa ateistang bansang Tsina, walang demokrasya o mga karapatang pantao ang mga mamamayan, at ang mga nananampalataya sa Diyos at sumasamba sa Diyos ay lalo pang mas madalas makaranas ng pamimilit at pag-uusig ng Komunistang Partido ng Tsina. Dahil sa pananampalataya ko sa Diyos, pati ako ay dinampot ng pamahalaang CCP at isinailalim sa malupit at di-makataong pagpapahirap nito, at gumugol ako ng halos dalawang taon ng mala-impiyernong buhay sa isang piitan ng CCP…. Matapos kong maranasan ang mahirap at masakit na panahong ito ng buhay ko, malinaw kong nakita ang malademonyong diwa ng matinding pagkalaban ng pamahalaang CCP sa Diyos at ang galit nito sa katotohanan, at nagkamit ako ng mas malalim na pagpapahalaga sa katunayang ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Maaaring ang mga salita Niya ang maging buhay ko, at ang magtuturo sa akin ng daan pasulong. Kung hindi dahil sa palagiang paggabay ng mga salita ng Diyos, na nagbibigay sa akin ng lakas at pananampalataya, hindi ko magagawang manatiling buhay pa magpahanggang ngayon. Hindi ko kailanman malilimutan sa buong buhay ko ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos!

Umaga iyon ng ika-18 ng Disyembre, 2005, at nasa kalagitnaan ako ng pagpupulong kasama ng mga kapatid ko. Biglang umugong ang marahas na mga tunog ng paggiba mula sa pinto. Bago pa kami nakapag-isip, mahigit sampung pulis ang biglang pumasok, ang bawat isa sa kanila ay mukhang papatay ng tao. Ang puwersa ng kapulisan na ipinadala nila ay tila isang eksena mula sa isang pelikula kung saan hinuhuli ang isang nakakatakot na pugante. Nang walang anumang paliwanag, inalis nila ang mga sapatos namin upang pigilan kaming tumakbo, at pagkatapos ay inalis ang mga sinturon namin at itinali ang mga kamay namin sa aming likuran. Ninakawan nila kami ng lahat ng aming mga personal na gamit, kasama na ang aming mga cellphone, relo, pera, at iba pa. Pagkatapos noon ay inutusan kami ng mga pulis na lumuhod nang nakahilera sa pader, at kung may sinuman sa amin na mabagal kumilos, itinulak at sinipa nila kami, sapilitan kaming itinutumba sa sahig. Pagkatapos noon, masinsinan silang naghalughog, itinutumba ang mga kasangkapan at naghahalungkat sa buong bahay; matapos ang ilang saglit, lubos nang magulo ang lahat. Matapos kong mapanood ang lahat ng ito, galit akong nagtanong, “Wala kaming nalalabag na anumang batas, kaya bakit ninyo kami hinuhuli?” Lubos akong nagulat nang dagliang lumapit ang isang pulis, itinumba ako sa pamamagitan ng isang suntok, at sinigawan ako, “Inaaresto namin kayong mga nananampalataya sa Diyos! Hindi kami makakatulog nang mahimbing hangga’t hindi namin nahuhuli ang bawat isa sa inyo!” Natahimik ako sa pagkagulat ko sa pagsabog na ito ng galit, at napahinahon din nito ang isip ko: Ang Diyos ang pinaka-kinamumuhian ng pamahalaang CCP, kaya paano nito mapapalaya kaming mga mananampalataya? Masyado akong naging bulag at walang muwang! Sa saglit na iyon, nagsimula akong tahimik na manalangin sa Diyos, nagsusumamo sa Kanya na pangalagaan kami upang maaari kaming makapagpatotoo sa Kanya at hindi Siya ipagkanulo. Hindi nagtagal pagkatapos noon, tinanong ako ng pulis na nagbabantay sa amin: “Sinong nagsabi sa inyo na ipangaral ang relihiyon ninyo kahit saan? Sino ang pinuno ninyo?” Ang sabi ko, “Ganap na kusang-loob namin ang pagpapalaganap ng ebanghelyo.” Nagmura siya, “Kalokohan! Huwag mong subukang itanggi na may ginawa kang mali, bata, kundi malilintikan ka sa amin!” Tapos noon, narinig ko ang isang babaeng pulis na sumigaw mula sa isa pang silid, “Dalhan mo ako ng karayom! Subukan mo lang na magtago sa akin….” Bigla akong kinabahan, dahil sa saglit na iyon ay napansin kong nawawala ang isang batang kapatid na babae; sinubukan niyang magtago upang hindi mahuli ng mga pulis, ngunit natagpuan siya ng mga ito. Hinawakan siya ng babaeng pulis at tinusok siya nito ng karayom sa ilalim ng mga kuko niya sa kamay at sa mga talampakan niya, at nagsimula rin ang pulis na marahas na bunutin ang buhok niya nang paisa-isang bungkos. Sa wakas, iniwan na nila roon ang batang kapatid, na noon ay nawalan na ng malay, at hinuli na kaming lahat, dala pati ang lahat ng pag-aari naming ninakaw nila, at umalis na kasama kami.

Bandang katanghalian, nakapiit na kami sa himpilan ng mga pulis, kung saan nagsimula silang tanungin kami nang magkakahiwalay. Ang namumuno sa pagtatanong sa akin ay isang malakas at matipunong pulis, at pagkapasok na pagkapasok ko sa silid ng interogasyon ay sinigawan niya akong lumuhod. Ang sabi ko, “Ang Diyos lamang ang sinasamba ko; tanging ang Diyos ng kalangitan, ng lupa, at ng lahat ng bagay ang karapat-dapat na luhuran. Hinding-hindi ako luluhod sa harap mo!” Pagkarinig niya nito, itinuro niya ang daliri niya sa akin at humiyaw, “Dapat alam mo na dito, kailangang sumunod kahit pa ang hari ng impiyerno! Ano bang ipinagmamalaki mo? Kung hindi ka namin pahihirapan nang kaunti, hindi mo malalaman kung sino ang masusunod! Ngayon, lumuhod ka!” Habang isinisigaw niya ito, tinadyakan niya ako pababa sa sahig. Pagkatapos noon nagsimula siyang tanungin ako: “Tapatin mo ako: Ikaw ang pinuno ng iglesia, hindi ba? Saan mo itinatago ang mga talaan ng iglesia?” Nalito ako at hindi ko alam kung paano sasagot, kaya paulit-ulit kong hiningi sa Diyos na bigyan ako ng karunungang magagamit ko upang lumaban sa masamang pulis na ito. Pagkatapos kong manalangin, mas naging mahinahon ako at masigla at inisip ko sa sarili ko, “Mas nanaisin kong mamatay kaysa pagtaksilan ang mga kapatid ko. Hindi ko maaaring ipagkanulo ang Diyos!” Kung kaya, sinabi ko sa pulis, “Wala akong alam sa kahit alin sa mga itinatanong mo sa akin. Ano bang gusto mong sabihin ko?” Pagkasabi na pagkasabi ko nito ay sinuntok ako nang malakas sa ulo ng masamang pulis, at kaagad na binugbog ako gamit ang mga kamao at paa niya. Sa sobra kong pagkabugbog ay nakakita ako ng mga bituin at nahilo ako, sa sobrang sakit ang pakiramdam ko ay nagkalamat ang bungo ko. Tumumba akong una ang ulo sa sahig. Pagkatapos noon, hinawakan niya ang sulatang pang-ebanghelyo na nakita nila sa akin at nagbanta, “Tingnan mo ito, kita mo? Mayroon kaming ebidensiya, kaya walang saysay ang tumangging magsalita. Sabihin mo na! Ikaw ang pinuno, hindi ba? Kung hindi ikaw, hindi ka magkakaroon ng mga talang ito!” Noong nakita niyang hindi ako magsasalita, sinubukan niya ang ibang paraan, na humihimok, “Huwag matigas ang ulo; sige na, makipagtulungan ka na sa amin. Sabihin mo na ang nalalaman mo, at papayagan ka nang umalis bukas.” Sa sandaling iyon, niliwanagan ako ng Diyos kung kaya’t naalala ko ang isang sipi ng Kanyang mga pagbigkas: “Kapag ang Diyos at si Satanas ay naglalaban sa espirituwal na dako, paano mo dapat pasayahin ang Diyos, at paano ka dapat manindigan sa iyong patotoo sa Kanya? Dapat mong malaman na ang lahat ng nangyayari sa iyo ay isang malaking pagsubok at ang oras na kailangan ka ng Diyos na magpatotoo. Sa panlabas, ang mga yaon ay hindi mukhang isang malaking bagay, nguni’t kapag ang mga bagay na ito ay nangyayari ipinakikita ng mga yaon kung mahal mo ba o hindi ang Diyos. Kung mahal mo, ikaw ay makakapanindigan sa iyong patotoo sa Kanya …” (“Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Pinahintulutan ako ng mga salita ng Diyos na makita nang malinaw na ito ay isang labanan ng espirituwal na daigdig. Hindi ako maaaring mahulog sa panlalansi ni Satanas, at lubos na kailangan kong magpatotoo sa Diyos. Gaano man karami ang sinasabing ebidensiya na hawak nila, hindi ako maaaring magbigay ng anumang impormasyon tungkol sa iglesia. Ito ang patotoo ng pagmamahal ko sa Diyos at ng debosyon na dapat kong panatilihin sa harap ng Diyos. Pagkatapos noon, nanalangin ako, at dahan-dahan akong huminahon. Gaano man nila ako pinahirapan, wala akong sinabi ni isang salita. Sa huli, sobrang nainis na ang masamang pulis kung kaya’t ibinalibag niya ang pinto at umalis.

Pagkaraan ng ilang saglit, isang pulis na nasa pagitan ng edad na tatlumpu at apatnapu ang pumasok at dahan-dahan akong tinulungang tumayo mula sa sahig papunta sa isang upuan. Binigyan pa niya ako ng isang tasang tubig, at pagkatapos ay sinabing, “Heto, kapatid; uminom ka ng kaunting tubig. Nagdusa ka na.” Nagulat ako: Anong nangyayari? Paanong may sinuman sa ganitong lugar ang tatawag sa aking “kapatid”? Bago ko nagawang pag-isipan pa ito nang husto, nagpatuloy siya: “Kapatid, sa mga araw na ito dapat tayong mamuhay na mas makatotohanan, at lubos na matutong bumagay. Sa isang taong kagaya mo, wala silang magagawa kundi ang bugbugin ka hanggang mamatay ka. Sa totoo lang, dati rin akong nananampalataya sa Diyos, kaya alam ko na isang magandang bagay ang magkaroon ng pananalig—ngunit ang labis na magdusa dahil dito, bukod pa ang ilagay sa panganib ang buhay mo, ay hindi talaga sulit! Kapag nahatulan ka, maaapektuhan ang buong pamilya mo. Sa palagay ko ay pareho pang buhay ang mga magulang mo, hindi ba? Kung lalagi ka ng ilang taon sa kulungan, wala na sila paglaya mo. Ano na lang ang iisipin ng mga kapamilya mo tungkol sa iyo? …” Mas malalim ang emosyonal na kaugnayan ko sa aking ama’t ina higit sa kaninuman, kaya tumagos sa kaibuturan ko ang bawat salitang sinambit ng taong ito. Habang tumatakbo sa isip ko ang mga larawan ng matatanda ko nang mga magulang, bigla akong nakaramdam ng labis na kadiliman at kahinaan, at naisip kong, “Totoo iyon; kung mahahatulan akong makulong, anong gagawin nina nanay at tatay? Sinong mag-aalaga sa kanila? …” Naiyak ako sa kaisipang iyon, at hindi ko magawang tumigil. Dali-daling sinamantala ng pulis ang pagkakataon na iyon, at sinubukang lalo akong hikayatin at akitin sa pamamagitan ng pagsasabing, “Kaya, dapat mong gawin ang makakaya mo upang makipagtulungan sa kanila; kung gagawin mo ito, bukas ay palalayain ka na.” Bigla akong nagising nang marinig ko ang mga salitang ito, at biglang pumasok sa isip ko ang mga natatanging salitang ito: Lubos na hindi ka dapat maging isang Judas na ipinagkakanulo ang Diyos! Kamuntik na! Ang tusong pulis na ito ay ipinadala mismo ni Satanas, upang akitin akong ipagkanulo ang Diyos. Sa saglit na iyon, ginabayan din ako ng mga salita ng Diyos: “Kung mayroon lamang ng katapatan maaari kang maglunsad ng pagsalungat laban sa katusuhan ng diyablo” (“Kabanata 10” ng Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Natanto kong ang lahat ng nasabi ng mga pulis ay ang panlalansi ng diyablo; gusto nilang samantalahin ang mga emosyonal na kaugnayan ng aking laman upang itaboy ako sa pagkakanulo sa Diyos. Ganap na hindi ako maaaring mahulog sa panlilinlang ni Satanas. Dahil doon, tahimik akong nanalangin sa Diyos, naniniwalang Siya ang bahalang magpasya sa kalagayan ng mga magulang ko at ito ay lubusang nasa mga kamay Niya. Dahil ipinagkatiwala ko sila sa makapangyarihang kamay ng Diyos, nagpasya akong magpatotoo sa Diyos. Matatag kong sinabi sa lalaki, “Salamat sa mabubuti mong layunin; pinapahalagahan ko ang kabaitan mo. Subalit, wala akong alam sa mga gawain ng iglesia.” Nang nakita niyang hindi nagtagumpay ang pakana niya, biglang ipinakita ng masamang pulis na ito ang tunay niyang kulay sa pamamagitan ng pagwawala. Galit siyang humiyaw habang nakaturo ang daliri sa akin, “Maghintay kang mamatay dito kung ganoon!” at saka siya umalis. Bandang alas-dos ng hapon, tatlo o apat na pulis ang dumating. Binitbit nila ako patayo mula sa upuan at kinaladkad ako sa kuwelyo papunta sa pintuan, kung saan ginamit nila ang mga posas upang isabit ako sa pahalang na poste. Nang matapos sila, pakutya nilang sinabing, “Heto, huwag kang magmadali at ‘magpakasaya’ ka,” at saka umalis. Hindi ko nagawang itapak sa sahig nang sabay ang mga paa ko; kapag itinapak ko ang isang paa, napipilitan akong itaas ang isa pa. Nagsanhi ang mga kilos ko na bumaon sa laman ko ang mga posas, at napakasakit nito. Pagkatapos ng halos isang oras, bumalik ang masasamang pulis, tapos na silang kumain at uminom. Nang may nakakatakot na ngisi, tinanong nila ako kung anong nararamdaman ko. Sa panahong iyon, dahil sa sakit, ang pantalon at kamiseta kong gawa sa bulak ay basang-basa na ng pawis, at nang ibinaba nila ako, parehong namamaga na ang mga kamay ko na parang tinapay at ganap nang manhid ang mga ito. Itong pangkat ng masasamang pulis ay tunay na malupit at walang awa. Lubusan ko silang kinamuhian at nakita ko rin nang malinaw ang kasamaan at kalupitan ng pamahalaang CCP. Isang pangkat sila ng mga demonyong lumalaban sa Diyos at galit sa Diyos, at mabilis na nadaragdagan ang galit ko sa masamang partidong ito.

Noong gabing iyon, bandang pasado alas-siyete ng gabi, isiniksik ako at ang apat na kapatid na babae sa isang kotse ng pulis upang dalhin sa ibang lugar. Ang bawat isa sa mga kapatid ay namumutla; tila sila rin ay dumanas ng kaparehong kalupitan. Pinalakas namin ang loob ng isa’t isa sa pamamagitan ng mga makahulugang tinginang puno ng katatagan. Nang makarating kami sa himpilan ng detensiyon, pinalabas sa sasakyan ng masasamang pulis ang apat na mga kapatid, ngunit sinabihan akong manatili sa kotse at hindi nagtagal ay nagsimula kaming bumiyahe uli. Noong tinanong ko sila kung saan nila ako dadalhin, ngumiti ang isa sa mga pulis nang may pagsasabwatan at sinabing, “Kahit na wala ka pang ibinunyag na anumang impormasyon, alam pa rin namin na hindi mababa ang posisyon mo sa iglesia. Ayaw namin na maging masama sa panauhin, kaya nais naming ilabas ka para sa kaunting ‘midnight snack.’ …” Dahil alam kong walang mabuting layunin ang pangkat na ito ng masasamang pulis, hindi ako naglakas-loob na maging kampante kahit isang saglit. Paulit-ulit akong tahimik na nanalangin sa Diyos na bigyan ako ng lakas at ingatan ako upang hindi ako magkanulo sa Kanya. Hindi nagtagal, dinala ako sa Brigada ng Pambansang Seguridad. Tinanggap ako ng dalawang matipunong lalaki na nagdala sa akin sa isang silid ng interogasyon. Kinilabutan ako nang makita ko ang lahat ng gamit sa pagpapahirap na nakakalat sa sahig na tila mga tahimik at gutom na tigre. Pagkatapos noon, sinigawan ako ng isa sa masasamang pulis, “Balita ko’y matigas ang ulo mo. Hindi bale, gustong-gusto naman naming lapain ang matitigas na gaya mo!” Pagkasabi na pagkasabi niya nito ay sumugod ang dalawang masamang pulis, sumisigaw habang tumatakbo, at sinunggaban ang mga tainga ko, hinihila ang mga iyon nang buo nilang lakas. Sa madilim na ilaw, nakita ko ang isang pares ng masasama at tabinging mga mukha, at nagsimulang kumabog nang di-mapigilan ang puso ko. Sa saglit na iyon, narinig kong umalulong sa katatawa ang isa pang pulis at sinabing, “Ang malas mo na makasagupa ako ngayon. Heto, magsimula tayo sa pamamagitan ng pagbibigay sa iyo ng isang paligo.” Habang sinasabi niya ito, ipinirmi nila ako sa posisyon ko at hinubad ang lahat ng suot ko. Tumayo ako roong hubo’t hubad sa sahig na kasinglamig ng yelo, nanginginig ang buong katawan ko at nangangatog ang mga ngipin. Hinila ng masamang pulis ang hose, itinapat iyon sa akin, at binuksan ang gripo. Agad-agad na humampas sa akin ang nakapanginginig na nagyeyelong tubig. Napakasakit nito, na tila ba tinatalupan ako gamit ang isang kutsilyo; pakiramdam ko ay namumuo ang dugong dumadaloy sa buong katawan ko. Maya-maya pa, wala na akong maramdaman. Habang sinasabuyan ako ng tubig, patuloy akong sinisigawan ng mga pagbabanta ng masasamang pulis: “Kung alam mo kung anong makakabuti sa iyo, bilisan mo’t magsalita ka na; kung hindi, hindi mo na makikitang sumikat ang araw bukas!” Habang pinipilit ang sarili kong kayanin ang pahirap na ito, yumuko ako at hindi kumibo. Nagngalit ang mga ngipin ng isa sa masasamang pulis at sinabing paiinitin niya ako, na ibig sabihin ay kukuryentihin niya ako. Sa puntong iyon ay masyado na akong pinahirapan kung kaya’t wala nang natirang lakas sa akin. Dahil pakiramdam ko ay malapit na akong mamatay, desperado na akong tumawag sa Diyos: “O Diyos! Napakawalang halaga ko para makagawa ng anuman para sa Iyo, ngunit nais kong gamitin ngayon ang kamatayan ko para ipahiya si Satanas. Ang tanging hinihingi ko ay ang pangalagaan Mo ang puso ko upang hindi ito kailanman lumayo sa Iyo, at upang hindi Kita ipagkanulo.” Pilit na binuksan ng mga pulis ang bibig ko at ipinasok ang isang basang basahan, na ang kabilang dulo ay nakakabit sa isang kurdon ng kuryente. Ikinabit nila ang isang dulo ng kawad sa tainga ko, at binuksan ang switch noong may hawak nito. Bigla kong naramdamang umaakyat ang lahat ng dugo sa katawan ko, at pakiramdam ko ay sasabog na ang ulo ko. Napakasakit nito na tila ba puputok na ang mga mata ko, at ang bawat nerve sa katawan ko ay kumikislot at tila mapapatid na. Noong nakita nila akong lubhang nasasaktan, humiyaw sa katatawa ang pangkat na ito ng masasamang pulis. Isang saglit pa, nawalan na ako ng malay. Hindi nagtagal pagkatapos noon, nagising ako sa pagsaboy sa mukha ko ng isang baldeng malamig na tubig. Nang nahimasmasan ako, nasa bibig ko pa rin ang basahan. Nakapandidiring humalakhak ang isang pulis at nagtanong, “Anong lasa? Kung may gusto kang sabihin, tumango ka lang.” Sa saglit na iyon, naalala ko ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Kapag handang isakripisyo ng mga tao ang kanilang mga buhay, ang lahat ng bagay ay nagiging magaan, at walang makagagapi sa kanila. Anong maaaring maging higit na mahalaga kaysa buhay? Sa gayon, si Satanas ay nawawalan ng kakayahang gumawa pa sa mga tao, walang anumang magagawa ito sa tao” (“Kabanata 36” ng Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Pinatatag ng mga salita ng Diyos ang paninindigan kong piliin na magpatotoo sa Kanya kaysa yumuko kay Satanas. Naisip ko, “Gawin ninyo ang lahat ng gusto ninyo sa akin. Matapos ang lahat, iisa lamang itong buhay ko; ang pinakamalalang mangyayari ay mamamatay ako, ngunit huwag ninyong isipin ni isang saglit na may makukuha kayo ni isang salita mula sa akin!” Hindi ko sinagot ang pulis; ipinikit ko lang ang mga mata ko, tumatangging tingnan siya. Sumiklab ang galit ng masamang pulis sa kilos kong ito, at kinuryente niya uli ako, ngayon nga lang ay mas malakas ang daloy ng kuryente kaysa dati. Tahimik akong tumawag, “O Diyos! Iligtas Mo ako! Hindi ko na makakaya pa ito!” Pagkatapos noon, isang malinaw na larawan ng pagpapako sa Panginoong Jesus ang nakita ko: ang mababangis na kawal na ibinabaon ang kalahating talampakang pako sa palad ng Panginoon, tumatagos ito sa balat, tumatagos sa buto…. Nagdulot ang pagdurusa ng Panginoong Jesus ng walang-hanggang sakit sa puso ko, at wala akong nagawa kundi ang umiyak. Sa puso ko, nagdasal ako sa Diyos: “O Diyos! Banal Ka; wala Kang kasalanan. Ngunit upang maghatid ng pagliligtas sa sangkatauhan, ibinigay Mo ang sarili Mo sa mga tampalasang iyon at hinayaan silang ipako Ka sa krus at paagusin ang lahat ng dugo Mo upang tubusin kaming mga tao. O Diyos, isa akong napakatiwaling tao, isang bagay na dapat wasakin. Natanggap ko na ang pagliligtas Mo at napakapalad kong maranasan ang gawain Mo, kaya dapat kong ialay ang sarili ko sa Iyo. O Diyos, alam ko nang walang duda na nasa tabi Kita, ngayon mismo, sinasamahan ako sa pagdurusa ko. Palagi Mo na akong minahal at gumugol na ng lakas sa akin. Handa akong ialay ang lahat ng mayroon ako upang palugurin Ka, upang hindi Mo na kailanganing magdusa pa para sa akin o mag-alala sa akin.” Sa saglit na iyon, tumigil ang dalawang masamang pulis sa pagkuryente sa akin. Dahil nakita kong nakiramay sa akin ang Diyos sa kahinaan ko, napuno ng pasasalamat para sa Kanya ang puso ko. Pagkatapos noon, sa kabila ng katunayan na hindi tumigil ang mga pulis sa pagpinsala sa akin, hindi na ako nakaramdam ng sakit. Sapagkat alam kong pinoprotektahan ako ng Diyos at pinasan Niya para sa akin ang pagdurusa ko, labis akong natinag ng pagmamahal ng Diyos, at tuluy-tuloy na tumangis. Maya-maya pa, pumasok ang isa sa mga pulis, tiningnan ako, at sinabi roon sa dalawang masamang pulis, “Tama na iyan; nabugbog na ninyo siya nang todo, at hindi siya nagsasalita. Sigurado akong wala siyang anumang alam.” Noon lamang sila huminto sa pagpapahirap sa akin. Alam kong bahagi ang lahat ng ito ng kahanga-hangang mga pagsasaayos at paghahanda ng Diyos; hindi nahayaan ng Diyos ang pangkat na ito ng mga demonyo na tapusin ang buhay ko, at nagpakilos ng isang tao upang pumasok at pigilan sila. Taos-puso kong pinahalagahan ang pagmamahal ng Diyos.

Dahil natalo na sila, hindi na ako tinanong pa ng masasamang pulis, at bandang hatinggabi, dinala nila ako sa himpilan ng detensiyon. Dinala ako ng isang bantay sa kulungan sa isang selda na may lamang mahigit tatlumpung maysala, at habang binubuksan niya ang pinto upang ilagay ako sa loob nito, narinig ko siyang patusong tumawa at sinabihan ang punong bilanggo, “Maya-maya, hinaan lang ninyo; huwag kayong masyadong mag-ingay.” Tiningnan ako ng punong bilanggo nang taas-baba, nakangisi, at sinabi sa bantay sa kulungan, “Huwag kang mag-alala!” Bago pa ako nakakilos, nagdilim ang mukha ng punong bilanggo at inutusan niya ang iba gamit ang mababa at mapanganib na tinig, sinasabing, “Gaya ng dati, mga kapatid. Sugurin siya!” Umupo ang lahat ng bilanggo at tinitigan ako na tila isang tigreng minamasdan ang biktima nito, na nagpakilabot sa akin. Pagkakumpas na pagkakumpas ng punong bilanggo, pinaligiran nila ako na parang isang pangkat ng mababangis na lobo. Habang pinipigilan akong makagalaw, hinubad nila ang lahat ng damit ko at pinaghahampas ako nang buong-lakas gamit ang suwelas ng kanilang mga sapatos. Pagtagal-tagal, sa sobrang pagkakabugbog nila sa akin ay nawalan na ako ng ulirat. Nagkamalay lang ako noong alas-sais na ng umaga ng sumunod na araw. Napansin kong isiniksik ako sa isang sulok, hindi ko maaaring isuot ang anumang damit sa sobrang pamamaga ng katawan ko. At sa ganoong paraan ako humiga sa kamang tabla sa loob ng anim na sunud-sunod na araw, na bugbog at lamog ang buong katawan ko. Bukod pa riyan, nasunog ng pagkuryente ng masasamang pulis ang loob ng aking bibig sa puntong namatay na ang lahat ng tissue, at sa sobrang sakit ay hindi ako makalulon ni isang kagat ng pagkain. Sa takot na magdulot ng gulo sa kanila ang pagkamatay ko, ipinadala ng mga bantay sa kulungan ang ibang mga bilanggo upang salitang pakainin ako ng sopas na gawa sa gulay.

Noong medyo gumaling na ang mga sugat ko, muling inudyukan ng masasamang pulis ang mga bilanggo na ipagpatuloy ang pang-aapi at pang-aabuso sa akin. Maaga tuwing umaga, pinapabigkas nila sa akin ang mga alituntunin sa bilangguan; kapag hindi maayos ang ginawa ko, bubugbugin nila ako. Pinaglinis din nila ako, at pinaglaba para sa mga bilanggong may pera. Kapag may nagawa akong pagkakamali kahit gaano pa kaliit, susuntukin nila ako at sisipain. Alam nilang nananampalataya ako sa Diyos, kaya madalas na sadya silang magsasabi sa harap ko ng mga bagay na lumalapastangan sa Diyos para lang buwisitin ako, at ipinahiya rin nila ako gamit ang mga salita, gaya ng, “Hindi ba nakakaramdam ng sakit ang mga nananampalataya sa Diyos kapag binubugbog sila? At hindi mo ba kayang magtrabaho nang hindi napapagod? Wala kang pakialam kung gaano ka magdusa, hindi ba?” Upang pahirapan ako, pinilit nila akong hukayin ang squat toilet gamit ang mga kamay ko, na sobrang nakapandidiri kung kaya’t gusto kong sumuka; ipinalinis pa nila sa akin ang mga tile ng sahig gamit ang sipilyo ko, at sadyang inihagis sa banyo ang mga pinasingawang rolyo ko ng tinapay. Kapag dumarating ang bantay sa kulungan upang suriin ang kalinisan ng selda, inaalis niya ang mga sapatos niya at naglalakad nang paikot na may suot na mga puting medyas. Kapag may nakita siyang anumang dumi sa mga ito, bubugbugin niya ako. … Sa harap ng walang-katapusang pagpapahirap na ito mula sa masasamang pulis at mga bilanggong iyon, naramdaman ko ang lubos na panghihina at labis na depresyon. Nagsimula kong maramdaman na mas mabuti pang mamatay kaysa patuloy na mabuhay na gaya nito. Habang nasa kailaliman ako ng aking kahinaan at pagdurusa, binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng pananalig at pagganyak na patuloy na mabuhay. Naalala ko na sinabi Niyang, “Marahil ay naaalala ninyong lahat ang mga salitang ito: ‘Sapagka’t ang aming magaang kapighatian, na sa isang sangdali lamang, ay siyang gumagawa sa amin ng lalo’t lalong bigat ng kaluwalhatiang walang hanggan.’ Dati, narinig na ninyong lahat ang kasabihang ito, nguni’t walang nakaunawa ng tunay na kahulugan ng mga salita. Ngayon, alam na alam ninyo ang tunay na kahalagahan ng mga ito. Ang mga salitang ito ang isasakatuparan ng Diyos sa mga huling araw. At ang mga ito ay mangyayari doon sa mga malupit na pinahirapan ng malaking pulang dragon sa lupain kung saan ito namamalagi. Inuusig ng malaking pulang dragon ang Diyos at ito ang kaaway ng Diyos, kaya sa lupaing ito, yaong mga naniniwala sa Diyos ay isinasailalim sa panghihiya at pang-uusig. Iyon ang dahilan kung bakit ang mga salitang ito ay magiging realidad sa inyong kalipunan ng mga tao” (“Napakapayak ba ng Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Itinuro sa akin ng mga salita ng Diyos na ang magawang dumanas ng pagpapahiya at pagpapahirap dahil sa aking pananampalataya ay isang tanda na itinangi ako at itinaas ng Diyos—isa itong malaking karangalan para sa akin! Subalit, duwag ako at walang sariling paninindigan; dahil dumanas ako ng kaunting pisikal na sakit at medyo napahiya, naiwala ko ang pananampalataya ko sa Diyos, at hindi nagnais na magpatotoo upang suklian ang pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ng pagdurusa. Nagbayad ang Diyos ng napakalaking halaga upang iligtas ako, kaya paano ko magagawang suklian Siya sa ganitong paraan? Paano ko magagawang labagin ang konsensya ko nang ganito at tumugon nang may ganitong pag-ayaw? Hindi ito maaari! Lubos na hindi ako maaaring maging mahinang nilalang na walang gulugod; lubos na hindi ako maaaring magbigay ng kahihiyan sa ngalan ng Diyos! Dahil doon, madalian akong nanalangin sa Diyos: “O Diyos, pinasasalamatan Kita dahil nililiwanagan Mo ako at ginagawa Mong maintindihan ko ang kahulugan ng pagdurusa. Para sa karangalan Mo, handa akong tiisin ang anumang uri ng pagdurusa; nais kong mapalugod Ka kahit pa buong buhay akong manatili sa bilangguan. Ang tanging hinihiling ko ay ang manatili Kang kasama ko, liwanagan at gabayan ako, at bigyan ako ng kakayahang maging matatag at matunog na magpatotoo sa Iyo sa buong panahon ng pagpapahirap ni Satanas.” Pagkatapos manalangin, naramdaman kong lubos akong sumigla, at nagkaroon ng lakas ng loob na harapin ang mahirap na kapaligirang iyon.

Sapagkat Napinsala Ako ng Mga Demonyo, Lalo Ko pang Natatanto Kung Gaano Kahalaga ang Biyaya ng Diyos

Pagkaraan ng ilang linggo, bumalik ang masasamang pulis upang tanungin ako, sinasabing hindi pa huli ang lahat upang makipagtulungan ako sa kanila, at nagbabanta na kung hindi, lalo pang magiging mahirap para sa akin ang mga bagay-bagay sa mga susunod na araw. Pagkatapos sumailalim sa ilang beses na mabagsik na pagpapahirap, matagal ko nang nakita ang malademonyong diwa nila at kinamuhian ko na sila nang tagos sa buto. Samakatuwid, gaano man nila ako inakit, pinagbantaan, at tinakot, hindi natinag ni bahagya ang pananampalataya ko. Noong tumagal, nagsimula silang tanungin ako bawat dalawang linggo hanggang sa wakas, dahil nakita nilang hindi talaga sila makakakuha ng anumang impormasyon mula sa akin, hinatulan nila ako ng dalawang taon na reedukasyon sa pamamagitan ng pagtratrabaho para sa mga krimeng “pagsasanhi ng kaguluhang pampubliko at paglahok sa mga ilegal na pagpupulong.”

Noong ika-24 ng Pebrero, 2006, ipinadala ako sa isang labor camp. Dahil sa pananampalataya ko sa Diyos, binansagan akong “maysalang politikal,” at sinadya ng mga bantay sa kulungan na italaga ako sa pinakamahirap, pinakanakakapagod, at pinakamapanganib na hurno ng ladrilyo upang isagawa ang aking trabahong pangreporma. Ang trabaho ko ay ang alisin ang mga naihurno nang mga ladrilyo mula sa mga hurno, na ang loob ay hindi bababa sa tatlong daang antas Sentigrado (572 antas Fahrenheit) ang temperatura. Sa umaga, pinakamababa ang temperatura, ngunit lagpas isandaang antas (212 antas Fahrenheit) pa rin ito. Kahit na kailangan naming magtrabaho sa ganoon kataas na mga temperatura, hindi kami binigyan ng mga bantay ng anumang kasuotang pantrabaho na hindi tinatablan ng init. Natutunaw na ang mga helmet naming pangkaligtasan matapos lang ang dalawang minuto ng pamamalagi sa lugar ng mga hurno, at upang hindi kami mapaso, kailangan naming pigilin ang aming hininga habang tumatakbo papasok at palabas nang buong bilis. Sapagkat wala kaming mga botang hindi tinatablan ng init, kapag pumupunta kami sa lugar ng mga hurno, kailangan naming salit-salitin ang paang ginagamit namin upang tumayo; kung hindi kami maingat, mapapaltos ang mga paa namin sa pagkapaso. Hindi sanay rito ang mga bagong bilanggo; pagkapasok nila, hindi nila makakayang manatili nang higit sa limang segundo bago sila tumakbo palabas. Dahil dito, isinaayos ng kapitan ng aming koponan na ang bawat pinuno ng pangkat ay may hawak na PVC na tubo na puno ng buhangin; ang sinumang tumakbo palabas ay hahatawin ng tubo. Kahit na ang mga tubong ito ay walang sapat na tigas upang makabali ng buto, nagdulot ang mga ito ng matinding latay. Tinawag ito ng mga preso na “pamalo ng balat.” Kapag pumapasok kami sa lugar ng mga hurno, hindi kami naglalakas-loob na huminga; kapag huminga kami ay parang humihinga kami ng apoy papasok sa mga butas ng aming ilong. Pagkatapos alisin ang ilang ladrilyo, kailangan naming mabilis na hatakin ang kartilya palabas, at kapag nasira ang isa sa mga gulong namin, hindi lang kami parurusahan, dadagdagan pa ang aming sentensiya, dahil sa krimeng “pagsira ng kagamitan sa produksyon at paglaban sa pagreporma.” Bilang mga preso, tungkulin namin araw-araw na punuin ang 115 kartilya ng malalaking ladrilyo at ang 95 ng maliliit na ladrilyo. Sa ganoong init, imposibleng tapusin ang tungkuling ito, ngunit hindi ka kailanman tinanong ng mga bantay kung bakit hindi mo ito natapos; tinanong lang nila kung bakit may mapanlaban kang damdamin tungkol sa paggawa. Dahil labis akong pinagpawisan sa pagtratrabaho ko sa init, nagkaroon ako ng matinding kakulangan ng potassium. Ilang ulit akong bumagsak sa sahig na walang malay, kaya ihahagis nila ako sa taas ng pader ng hurno upang malamigan ng ilang minuto. Pagkagising ko, paiinumin nila ako ng isang tasang maalat na tubig, at pipiliting bumalik sa trabaho. Ito ang una kong pagtikim ng kung ano ba ang ibig sabihin ng maabot ang sukdulan ko, kung ano ba ang di-matitiis na paghihirap, at kung ano ang pakiramdam ng gusto mo nang mamatay kaysa manatiling buhay. Dito, walang pakialam ang sinuman kung mabuhay ka ba o mamatay; ang tanging inaalala ng kapitan ng koponan ay kung natapos o hindi ng pangkat mo ang trabaho. Kung oo, wala siyang sasabihin, at kung hindi, wala rin siyang sasabihin, ngunit basta na lang siyang tuturo sa pinto ng hurno at aalis. Pagkatapos noon, tatawagin ng pinuno ng pangkat ang sinumang hindi natapos ang kanilang trabaho upang tumayo sa lugar ng mga hurno at mabugbog; pagkatapos nilang bumagsak sa sahig, nagkakapaltos ang buong katawan nila sa matinding pagkakapaso sa mainit na sahig. Bukod pa rito, kailangan nilang magpuno ng karagdagang dalawampung kartilya bawat araw, at hindi sila maaaring huminto hanggang magmakaawa sila. Sa pagharap sa ganitong uri ng kapaligiran, labis akong nanghina; ang ilang araw ng pagpapahirap ay para bang paglalakbay sa impiyerno. Sa isip ko, para talagang napakahabang panahon ang dalawang taon. Hindi ko alam kung paano ko makakayanan ang ganoong haba ng panahon, at nag-alala ako na bubugbugin ako ng masasamang pulis hanggang mamatay ako, o di kaya’y malilitson ako hanggang mamatay sa sobrang init. Habang mas pinag-iisipan ko ang maaaring mangyari, mas lalo kong naramdaman na nakakulong ako; naramdaman kong hindi ko na talaga kaya pang manatili sa malademonyong bilangguang ito—at kaya inisip ko na ang mamatay. Bawat araw magmula noon, naghanap ako ng pagkakataon na “makalaya.”

Isang araw sa wakas, dumating ang pagkakataon ko. Habang papaalis ang isang trak na puno ng ladrilyo, tumalon ako nang una ang ulo sa ilalim nito. Subalit, biglang huminto ang mga gulong ng sasakyan nang ilang pulgada lamang mula sa akin; nasira pala ang trak. Hinila ako palayo ng ilang preso, at sinabi ng punong bantay sa kulungan na tumatanggi akong tumanggap ng pagdidisiplina at wala akong pagnanais na baguhin ang mga luma kong gawi. Pagkatapos ay nagsimula siyang parusahan ako. Ipinasok nila ang isang kumikislap na batutang panguryente sa harap ng kamiseta ko, at sa sobrang sakit ay nahulog ako sa sahig na nangingisay. Pagkatapos noon, pinosasan nila ang mga kamay ko patalikod sa isang poste ng telepono at walang-awa akong pinaghahampas ng mga batutang panguryente. Pagkatapos ng hapunan, isinailalim ako sa pampublikong pagpaparusa upang bigyan ako ang reedukasyon at “iwasto” ang aking ideolohiya. … Ang walang-katapusang pagdurusa at pagpapahirap na ito ay nagbigay sa akin ng matinding takot, kawalan ng pag-asa, at pakiramdam na wala akong magagawa. Kung kailan nakikipagbuno ako sa tanong na paano ako magpapatuloy na mabuhay, lumitaw sa isip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Hindi alintana kung paano ka pipinuhin ng Diyos, nananatili kang puno ng pagtitiwala at hindi nawawalan ng pagtitiwala sa Diyos. Ginagawa mo kung ano ang dapat gawin ng tao. Ito ang kinakailangan ng Diyos sa tao, at dapat ang puso ng tao ay kayang ganap na bumalik sa Kanya at bumaling tungo sa Kanya sa bawat sandali. Ito ay isang mananagumpay. Sa kanila na tinutukoy ng Diyos na mga mananagumpay ay yaong nagagawa pang tumayong saksi, napapanatili ang kanilang pagtitiwala, at ang kanilang katapatan sa Diyos kapag nasa ilalim ng impluwensya ni Satanas at nasa ilalim ng pag-atake ni Satanas, iyon ay, kapag nasa loob ng mga puwersa ng kadiliman. Kung nagagawa mo pa ring mapanatili ang isang puso ng kadalisayan at ang iyong tunay na pag-ibig para sa Diyos anuman ang mangyari, ikaw ay tumatayong saksi sa harap ng Diyos, at ito ang tinutukoy ng Diyos na pagiging isang mananagumpay” (“Kailangan Mong Mapanatili ang Iyong Katapatan sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Nagdala ang mga salita ng Diyos ng sinag ng liwanag at init sa aking puso, kung kailan napakalapit ko nang mawalan ng pag-asa. Totoo iyon; sa katapusan, nais ng Diyos na bumuo ng isang pangkat ng mga mananagumpay na makakayang panatilihin ang kanilang pananampalataya at debosyon sa Kanya sa anumang malupit na kapaligiran, mamuhay ayon sa Kanyang mga salita at, panghuli, magbigay ng malakas at matunog na patotoo sa Diyos sa harap ni Satanas. Ang dahilan kaya nagamit na ni Satanas ang lahat ng posibleng paraan upang pahirapan at mapinsala ako ay dahil nais nito na samantalahin ang kahinaan ko, nilulusob ako habang marupok ako at pinipilit akong magkanulo sa Diyos—ngunit hindi ako maaaring maging simbolo ng kahihiyan ng Diyos! Napakatunay at praktikal ng pagmamahal ng Diyos sa akin; noong ako ay nasa aking pinakamahina at nag-aasam ako ng kamatayan, palihim pa rin akong binabantayan ng Diyos, pinangangalagaan ako at pinananatili akong buhay. Gaano man ako nanghina, wala Siya ni katiting na hangarin na iwanan ako; nanatiling hindi nagbabago ang pagmamahal Niya sa akin mula simula, at patuloy pa rin Niya akong nililiwanagan, ginagabayan, at tinutulungan na mahanap ko ang daan palabas ng sakit. Lubos na hindi ko magagawang biguin ang Diyos o saktan ang Kanyang damdamin. Nagpapasalamat ako sa paggabay ng Diyos; muli ako nitong hinayaang makita ang panlilinlang ni Satanas at makalakad pabalik mula sa bingit ng kamatayan. Hindi ko mapigilang umawit ng isang himno: “Mamahalin ko ang Diyos at magiging tapat ako sa Kanya at tatapusin ko ang aking misyon upang luwalhatiin ang Diyos. Determinado akong manindigan nang matatag sa patotoo sa Diyos, at hinding-hindi ako susuko kay Satanas. Ah, maaaring sumabog ang aking utak at dumaloy ang aking dugo, ngunit hindi mawawala ang tapang ng mga tao ng Diyos. Ang mga payo ng Diyos ay nasa puso, determinado akong pahiyain ang diyablong si Satanas. Itinatadhana ng Diyos ang pasakit at mga paghihirap, titiisin ko ang kahihiyan upang maging tapat sa Kanya. Hinding-hindi ko na muling paiiyakin o bibigyan ng alalahanin ang Diyos” (“Nais Kong Makita ang Araw ng Kaluwalhatian ng Diyos” sa Sumunod sa Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin).

Matapos kong magpasakop at maging handang tiisin ang lahat ng pagdurusa upang mapalugod ang Diyos, nagbukas ang Diyos ng isang labasan para sa akin: Dahil ang kapitan ng koponan ay hindi marunong bumasa at sumulat, nagpatulong siya sa akin sa pagsulat ng mga ulat, at magmula noon, hindi ko na kinailangang gumawa ng masyadong pagbubuhat ng ladrilyo. Pagkatapos noon, isang matandang kapatid mula sa iglesia ang dumating upang dalawin ako. Hinawakan niya ang kamay ko at lumuluhang sinabi, “Anak, nagdusa ka. Lubhang nag-aalala sa iyo ang mga kapatid mo, at ipinagdarasal ka naming lahat araw-araw. Dapat manatili kang matatag, at huwag kang yumuko sa harap ni Satanas. Dapat kang maging matibay at magpatotoo sa Diyos. Naghihintay kaming lahat na umuwi ka.” Sa malamig at walang-awang impiyernong ito ng tao, maliban sa mga mapang-aliw na salita ng Diyos, hindi pa ako nakarinig ng mainit na salita mula kaninuman. Ang marinig ang mabubuting salitang ito mula sa aking mga kapatid, mga salitang madalas kong marinig matagal na panahon na ang nakalipas, ay nagbigay sa akin ng malaking ginhawa at lakas ng loob. Sa mahabang panahon pagkatapos, napalakas ng pagmamahal ng Diyos ang loob ko; nakaramdam ako ng higit na kaluwagan, at mayroong sigla sa mga hakbang ko habang nagtratrabaho ako. Sa buong panahon ko sa bilangguan, ang mga araw na iyon ang pinakamabilis lumipas. Ito ay lalo na pagdating sa huling apat na buwan ko. Lagi akong nangunguna sa buwan-buwang inihahayag na listahan ng pangalan ng mga preso na napaikli ang sentensiya. Sa mga nagdaang buwan, ang listahan na ito ng mga pangalan ay nagtaglay lamang ng mga punong bilanggo, at mga pinuno ng koponan; ang mga presong walang anumang pera o kapangyarihan ay hindi nakasali. Para sa isang Kristiyanong gaya ko, na tinagurian ng pamahalaang CCP na isang “maysalang politikal,” lalo nang malamang na hindi ko matamasa ang ganoong pagtrato. Sa kadahilanang ito, lagi akong pinapalibutan ng ibang mga bilanggo at tinatanong, “Paano mo nagawa iyon?” Tuwing nangyayari ito, nagpapasalamat ako sa Diyos sa kaibuturan ng puso ko, dahil alam kong bunga ito ng Kanyang dakilang awa sa akin; ang pagmamahal ng Diyos ang nagbigay sa akin ng lakas.

Noong ika-7 ng Setyembre, 2009, pinalaya ako nang may pasubali. Hindi nagtagal pagkatapos noon, bumalik ako sa iglesia at itinuloy ang buhay-iglesia, at muli akong sumali sa mga nagpapalaganap ng ebanghelyo. Matapos kong maranasan ang panahong ito ng paghihirap, mas naging determinado ako at gumulang kaysa rati, at lalo ko pang itinangi ang pagkakataon na magampanan ang tungkulin ko. Sapagkat nakita ko na ang totoong mukha ng pagkalaban ng pamahalaang CCP sa Diyos at ang kalupitan nito sa mga tao, nagkaroon ako ng mas malalim na pagkaunawa kung gaano kahalaga ang pagliligtas ng Diyos. Kung hindi dumating nang personal ang Diyos, sa katawang-tao, upang gawin ang gawain ng pagdadala ng kaligtasan sa sangkatauhan, ang lahat ng nabubuhay sa ilalim ng sakop ni Satanas ay wawasakin at lulunukin nito. Mula sa puntong iyon pasulong, tuwing ginagampanan ko ang tungkulin ko, napakalayo ng saloobin ko mula sa kung ano ito sa nakalipas; naramdaman ko na ang gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagliligtas sa mga kaluluwa ng tao ay ang pinakamahalaga, at nais kong ilaan ang buo kong katapatan at igugol ang lahat ng aking lakas sa buong buhay ko upang dalhin ang mas maraming tao sa harap ng Diyos. Nais ko rin silang bigyang-kakayahan na magising mula sa pagkakabalot sa pagkakalito at panlilinlang na dala ng ateistang pamahalaang ito, na matanggap ang tustos ng buhay mula sa Diyos, at na makamit ang pagliligtas ng Diyos. Sa pagbabalik-tanaw ko sa dalawang napakahabang taon ng pagkakakulong na iyon, alam kong walang saysay na sinubukan ni Satanas na gamitin ang mapang-api nitong pang-aabuso upang pilitin akong ipagkanulo ang Diyos. Subalit, ginamit ng Diyos ang masamang kapaligiran na iyon upang palakasin ang aking pananampalataya, katapatan, at pagpapasakop sa Kanya, dinadalisay ang pagmamahal ko sa Kanya, at tinutulutan akong matanto ang karunungan at pagka-makapangyarihan sa lahat ng Diyos at magkamit ng malalim na pagpapahalaga sa katunayang ang Diyos ang kaligtasan ng sangkatauhan, at na Siya ay pagmamahal! Mula sa puso ko ay mayroong walang-hanggang pagsamba at papuri sa Diyos!

Kaugnay na Content