Pagpapatuloy ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Recital-kingdom-selection-5
Pagpapatuloy ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Mga Kategorya

Recital-the-word-appears-in-the-flesh-6
Mga Pagbigkas ni Cristo ng mga Huling Araw (Mga Seleksyon)

Pagpapatuloy ng Ikaapat na bahagi

Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan; nagawa man silang maging tiwali o sumusunod man sila sa Kanya, itinuturing ng Diyos ang mga tao bilang mga minamahal Niya—o gaya ng sinasabi ng mga tao, ang mga taong pinakamahalaga sa Kanya—at hindi Kanyang mga laruan. Bagama’t sinasabi ng Diyos na Siya ang Manlilikha at ang tao ay Kanyang nilikha, na para bang may kaunting pagkakaiba sa antas, ang realidad ay lahat nang nagawa ng Diyos para sa sangkatauhan ay sobra-sobra para sa ganitong kalikasan ng relasyon. Mahal ng Diyos ang sangkatauhan, inaalagaan ang sangkatauhan, at nagpapakita ng malasakit para sa sangkatauhan, parati rin at walang-tigil na naglalaan para sa sangkatauhan. Hindi Niya kailanman nararamdaman sa Kanyang puso na ito ay karagdagang gawain o bagay na karapat-dapat bigyan ng malaking parangal. Ni hindi rin Niya nararamdaman na ang pagliligtas sa sangkatauhan, pagtutustos sa kanila, at pagbibigay sa kanila ng lahat ng bagay, ay pagbibigay ng napakalaking ambag sa sangkatauhan. Tahimik at walang-imik lamang Siyang naglalaan para sa sangkatauhan, sa sarili Niyang paraan at sa pamamagitan ng sarili Niyang diwa at kung anong mayroon at kung ano Siya. Gaano man karami ang paglalaan at gaano man karaming tulong ang natatanggap ng sangkatauhan mula sa Kanya, hindi kailanman iniisip ng Diyos ang tungkol dito ni sinisikap na umako ng parangal. Ito ay itinatakda ng diwa ng Diyos, at tiyak rin na isa itong tunay na pagpapahayag ng disposisyon ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit, nakatala man o hindi sa Biblia o sa anumang ibang mga aklat, hindi kailanman natin nakikitang ipinahahayag ng Diyos ang Kanyang mga kaisipan, at hindi kailanman natin nakikitang inilalarawan o ipinahahayag ng Diyos sa mga tao kung bakit Niya ginagawa ang mga ito, o bakit masyado Niyang kinakalinga ang sangkatauhan, upang magpasalamat ang sangkatauhan sa Kanya o purihin Siya. Kahit Siya ay nasasaktan, kapag ang Kanyang puso ay may pinagdadaanang matinding sakit, hindi Niya kailanman kinalilimutan ang Kanyang pananagutan sa sangkatauhan o ang Kanyang malasakit para sa sangkatauhan, tinitiis Niya lamang ang lahat ng sakit at kirot nang tahimik at nag-iisa. Sa kabaligtaran, patuloy ang Diyos na naglalaan para sa sangkatauhan tulad nang lagi Niyang ginagawa. Kahit na ang sangkatauhan ay madalas na nagpupuri sa Diyos o nagpapatotoo para sa Kanya, walang kahit na ano sa mga asal na ito ang hinihingi ng Diyos. Ito ay dahil hindi kailanman hinahangad ng Diyos na ang anuman sa mga mabubuting bagay na ginagawa Niya para sa sangkatauhan ay maipagpalit sa pagkilala ng utang-na-loob o para ito ay mabayaran. Sa kabilang dako, ang mga may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan, ang mga tunay na sumusunod sa Diyos, nakikinig sa Kanya at tapat sa Kanya, at ang mga sumusunod sa Kanya—ito ang mga tao na madalas na makatatanggap ng mga pagpapala ng Diyos, at igagawad ng Diyos ang ganoong mga pagpapala nang walang pasubali. Higit pa rito, ang mga pagpapalang natatanggap ng mga tao mula sa Diyos ay madalas na higit pa sa kanilang mga naiisip, at higit rin sa anumang maibabalik ng mga tao kapalit ng kanilang nagawa o sa halagang kanilang pinagbayaran. Kapag tinatamasa ng sangkatauhan ang mga pagpapala ng Diyos, mayroon bang nakaaalala sa kung ano ang ginagawa ng Diyos? Mayroon bang nagpapakita ng malasakit para sa nararamdaman ng Diyos? Mayroon bang sinumang sumusubok na bigyang-halaga ang nadaramang sakit ng Diyos? Ang tiyak na sagot sa mga tanong na ito ay: Hindi! Kaya ba ng sinumang tao, kabilang na si Noe, na pahalagahan ang sakit na nadarama ng Diyos sa sandaling iyon? May nakauunawa ba kung bakit gagawa ng ganoong tipan ang Diyos? Hindi nila kaya! Hindi pinahahalagahan ng sangkatauhan ang nadaramang sakit ng Diyos hindi dahil hindi nila maunawaan ang sakit ng damdamin ng Diyos, at hindi dahil sa agwat na namamagitan sa Diyos at tao o sa pagkakaiba ng kanilang katayuan; sa halip, ito ay dahil walang pakialam ang sangkatauhan sa anumang mga nararamdaman ng Diyos. Ipinapalagay ng sangkatauhan na hindi umaasa sa iba ang Diyos—hindi kailangan ng Diyos ang mga tao upang lumingap sa Kanya, upang unawain Siya o pakitaan Siya ng pagsasaalang-alang. Ang Diyos ay Diyos, kaya wala Siyang nadaramang sakit, walang mga damdamin; hindi Siya malulungkot, Hindi Siya nakadarama ng hinagpis, ni hindi Siya umiiyak. Ang Diyos ay Diyos, kaya hindi Niya kailangan ang anumang pagpapahayag ng damdamin at hindi Niya kailangan ang anumang kaginhawahan ng damdamin. Kung kailanganin man Niya ang mga ito sa ilalim ng tiyak na mga pangyayari, Kanyang lulutasin ito ng Siya Mismo at hindi mangangailangan ng anumang tulong mula sa sangkatauhan. Sa kabaligtaran, ang mga mahihina, isip-batang mga tao ang nangangailangan ng pampalubag-loob ng Diyos, paglalaan, pagpapalakas, at kahit ang pag-aaliw Niya sa kanilang mga damdamin, kailan man, saan man. Ang ganoong kaisipan ay nakatago sa kailaliman ng mga puso ng sangkatauhan: Ang tao ang mahina; kailangan nila ang Diyos upang alagaan sila sa lahat ng paraan, karapat-dapat sila sa lahat ng pag-aalagang natatanggap nila mula sa Diyos, at dapat nilang hilingin mula sa Diyos ang anumang palagay nila na dapat ay sa kanila. Ang Diyos ang malakas; nasa Kanya ang lahat, at dapat na Siya ang maging tagapag-alaga ng sangkatauhan at tagapagkaloob ng mga pagpapala. Dahil Siya ay Diyos na, kaya Niyang gawin ang lahat at hindi kailanman Siya nangangailangan ng anuman mula sa sangkatauhan.

Dahil hindi nagbibigay-pansin ang tao sa anumang mga pagbubunyag ng Diyos, hindi niya kailanman nadama ang pighati, sakit, o galak ng Diyos. Nguni’t sa kabaligtaran, alam ng Diyos ang lahat ng pagpapahayag ng tao tulad ng palad ng Kanyang kamay. Tinutustusan ng Diyos ang mga pangangailangan ng lahat sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar, pinagmamasdan ang nagbabagong mga kaisipan ng bawa’t tao at sa gayon ay inaaliw at masidhing hinihikayat sila, at ginagabayan at iniilawan sila. Sa ngalan ng lahat ng mga bagay na nagawa ng Diyos sa sangkatauhan at lahat ng mga halagang Kanyang binayaran dahil sa kanila, may makikita bang mga pahayag ang mga tao sa Biblia o mula sa anumang sinabi ng Diyos hanggang sa ngayon na malinaw na nagsasabing hihingi ang Diyos ng anuman mula sa tao? Hindi! Sa kabaliktaran, kahit na paano balewalain ng mga tao ang kaisipan ng Diyos, paulit-ulit pa rin Niyang pinangungunahan ang sangkatauhan, paulit-ulit na tinutustusan ang sangkatauhan at tinutulungan sila, upang makasunod sila sa paraan ng Diyos para matanggap nila ang magandang hantungan na inihanda Niya para sa kanila. Pagdating sa Diyos, kung anong mayroon at kung ano Siya, ang biyaya Niya, ang awa Niya, at lahat ng mga pabuya Niya, ay ipagkakaloob nang walang pasubali sa mga nagmamahal at sumusunod sa Kanya. Nguni’t hindi Niya kailanman ipinahahayag sa sinumang tao ang sakit na pinagdusahan Niya o ang lagay ng isipan Niya, at hindi Siya kailanman nagrereklamo tungkol sa sinumang hindi nagsasaalang-alang sa Kanya o hindi nakaaalam ng Kanyang kalooban. Dinadala lamang Niya ang lahat ng ito nang tahimik, naghihintay sa araw na mauunawaan ng sangkatauhan.

Bakit ko sinasabi rito ang mga bagay na ito? Ano ang nakikita ninyo mula sa mga bagay na nasabi ko? Mayroong isang bagay sa diwa at disposisyon ng Diyos na pinakamadaling hindi mapansin, isang bagay na taglay lamang ng Diyos at hindi ninumang tao, kasama yaong sa tingin ng iba ay mga dakilang tao, mabubuting tao, o ang Diyos ng kanilang imahinasyon. Ano ang bagay na ito? Ito ang pagiging-hindi-makasarili ng Diyos. Kapag nagsasalita tungkol sa pagiging-hindi-makasarili, maaaring isipin mong ikaw rin ay lubhang hindi-makasarili, dahil pagdating sa iyong mga anak, hindi ka kailanmang nakikipagtawaran sa kanila at ikaw ay mapagbigay sa kanila, o iniisip mong ikaw rin ay lubhang hindi-makasarili pagdating sa iyong mga magulang. Ano man ang iyong palagay, kahit paano ay may konsepto ka sa salitang “hindi-makasarili” at iniisip ito bilang isang positibong salita, at ang pagiging isang tao na hindi-makasarili ay napakarangal. Kapag ikaw ay hindi-makasarili, sa palagay mo ay dakila ka. Nguni’t walang nakakakita sa pagiging-hindi-makasarili ng Diyos sa gitna ng lahat ng mga bagay, sa gitna ng mga tao, mga pangyayari at mga bagay na nakikita’t nahahawakan, at sa pamamagitan ng gawain ng Diyos. Bakit ganoon ito? Dahil ang tao ay masyadong makasarili! Bakit ko sinasabi iyon? Ang sangkatauhan ay nabubuhay sa isang materyal na mundo. Maaaring sumusunod ka sa Diyos, nguni’t hindi mo kailanman nakikita o napahahalagahan kung paano ka tinutustusan ng Diyos, minamahal, at nagpapakita ng malasakit para iyo. Kaya ano ang nakikita mo? Nakikita mo ang mga kamag-anak mo sa dugo na nagmamahal sa iyo o mapagpalayaw sa iyo. Nakikita mo ang mga bagay na kapaki-pakinabang sa iyong laman, kinakalinga mo ang mga tao at mga bagay na mahal mo. Ito ang tinatawag na pagiging-hindi-makasarili ng tao. Nguni’t ang mga ganitong “hindi-makasariling” mga tao ay hindi kailanman nagbibigay-pansin sa Diyos na nagbibigay sa kanila ng buhay. Kung ihahambing sa Diyos, ang pagiging-hindi-makasarili ng tao ay nagiging makasarili at kasuklam-suklam. Ang pagiging-hindi-makasarili na pinaniniwalaan ng tao ay walang-kahulugan at hindi-makatotohanan, may-halo, hindi-tugma sa Diyos, at hindi-kaugnay sa Diyos. Ang pagiging-hindi-makasarili ng tao ay para sa sarili niya, habang ang pagiging-hindi-makasarili ng Diyos ay isang tunay na pagbubunyag ng Kanyang diwa. Tiyak na dahil sa pagiging-hindi-makasarili ng Diyos kaya nakakatanggap ang tao ng patuloy na daloy ng tustos mula sa Kanya. Maaaring hindi kayo gaanong apektado ng paksang tinatalakay ko sa araw na ito at pawang tumatango lamang sa pagsang-ayon, nguni’t kapag sinusubukan mong pahalagahan ang puso ng Diyos sa iyong puso, matutuklasan mo nang hindi sinasadya: Sa lahat ng mga tao, mga pangyayari, at mga bagay na nadarama mo sa mundong ito, tanging ang pagiging-hindi-makasarili ng Diyos lamang ang totoo at tiyak, dahil ang pag-ibig lamang ng Diyos para sa iyo ang walang-pasubali at walang-dungis. Bukod sa Diyos, ang lahat ng anumang tinatawag na pagiging-hindi-makasarili ng sinuman ay pawang huwad, mababaw, hindi-matapat; mayroon itong layunin, mga tanging hangarin, may kapalit, at hindi kakayaning dumaan sa pagsubok. Maaari niyo pang sabihin na ito ay marumi, kasumpa-sumpa. Sang-ayon ba kayo?

Alam kong lubhang hindi kayo bihasa sa mga paksang ito at nangangailangan ng kaunting panahon para matanggap ang mga ito nang malalim bago ninyo tunay na maunawaan. Habang mas hindi kayo bihasa sa mga usapin at mga paksang ito, mas napatutunayan na ang mga paksang ito ay wala sa inyong puso. Kung hindi ko kailanman babanggitin ang mga paksang ito, may sinuman ba sa inyong nakaaalam ng kaunti tungkol sa mga ito? Sa palagay ko hindi ninyo kailanman malalaman ang mga ito. Tiyak iyan. Gaano man karami ang kayang maabot ng inyong isipan o maunawaan, sa madaling salita, ang mga paksang ito na tinatalakay ko ang pinakakulang sa mga tao at dapat nilang malaman nang higit pa sa lahat. Ang mga paksang ito ay napakahalaga para sa lahat—ang mga ito ay itinatangi at ang mga ito ay buhay, at ito ang mga bagay na dapat ninyong mataglay para sa hinaharap na paglalakbay. Kapag wala ang mga salitang ito bilang gabay, kapag wala ang iyong pagkaunawa sa disposisyon ng Diyos at diwa, lagi ka lamang may dala-dalang katanungan pagdating sa Diyos. Paano kang makakapaniwala sa Diyos nang maayos kung hindi mo man lamang Siya nauunawaan? Wala kang alam tungkol sa damdamin ng Diyos, sa Kanyang kalooban, sa lagay ng Kanyang isip, sa kung ano ang Kanyang iniisip, kung ano ang nagpapalungkot sa Kanya, at kung ano ang nagpapasaya sa Kanya, kaya paano ka magiging mapagsaalang-alang sa puso ng Diyos?

Kapag ang Diyos ay nababalisa, hinaharap Niya ang isang sangkatauhan na hindi man lamang Siya binibigyan ng anumang pansin, isang sangkatauhan na sumusunod sa Kanya at nagsasabing mahal Siya nguni’t lubusang hindi pinapansin ang Kanyang mga nararamdaman. Paanong hindi masasaktan ang Kanyang puso? Sa gawaing pamamahala ng Diyos, tapat Siyang nagsasakatuparan ng Kanyang gawain at nangungusap sa bawa’t tao, at hinaharap sila nang walang pasubali o pagtatakip, nguni’t sa kabaliktaran, ang bawa’t taong sumusunod sa Kanya ay sarado sa Kanya, at walang sinumang may gustong mas mapalapit sa Kanya, maunawaan ang Kanyang puso, o magbigay-pansin sa Kanyang mga nararamdaman. Kahit ang mga nagnanais na maging kapalagayang-loob ng Diyos ay ayaw mapalapit sa Kanya, maging mapagsaalang-alang sa Kanyang puso, o subukang maunawaan Siya. Kapag ang Diyos ay nagagalak at masaya, walang sinumang makababahagi sa Kanyang kasayahan. Kapag mali ang pagkakaunawa ng mga tao sa Diyos, walang sinumang makapagbibigay-aliw sa Kanyang sugatang puso. Kapag nasasaktan ang Kanyang puso, wala ni isang tao ang may gustong makinig sa Kanyang pagbubukas-loob sa kanila. Sa nagdaang ilang libong taon ng gawaing pamamahala ng Diyos, walang sinumang nakauunawa sa mga damdamin ng Diyos, ni awalang sinumang nakaiintindi o nakapagpapahalaga sa mga ito, at mas lalong walang sinumang maaaring tumayo sa tabi ng Diyos upang makibahagi sa Kanyang mga kagalakan at mga kapighatian. Ang Diyos ay namamanglaw. Siya ay namamanglaw! Namamanglaw ang Diyos hindi lamang dahil lumalaban sa Kanya ang tiwaling sangkatauhan, kundi lalong dahil sa yaong mga nagsisikap na maging espiritwal, yaong mga nagnanais na makilala ang Diyos at maunawaan Siya, at kahit yaong mga gustong mag-alay ng kanilang buong buhay sa Kanya, ay hindi rin alam ang Kanyang mga iniisip at hindi nauunawaan ang Kanyang disposisyon at Kanyang mga damdamin.

Sa katapusan ng kuwento ni Noe, nakikita nating gumamit ang Diyos ng di-karaniwang paraan upang ipahayag ang Kanyang mga damdamin sa panahong iyon. Ang paraang ito ay lubhang natatangi, at iyan ay ang paggawa ng tipan sa tao. Ito ay paraang nagpapahayag ng katapusan sa paggamit ng Diyos sa baha upang gunawin ang mundo. Mula sa labas, ang paggawa ng isang tipan ay para bang napaka-pangkaraniwang bagay. Walang ginagawa dito kundi gumamit ng mga salita upang bigkisin ang magkabilang partido sa pag-iwas sa mga paglabag, nang makatulong na matupad ang layunin na pangalagaan ang kapakanan ng magkabilang panig. Sa anyo, ito ay isang napaka-pangkaraniwang bagay, nguni’t sa nasa likod na mga dahilan at kahulugan ng paggawa nito ng Diyos, ito ay isang tunay na pagbubunyag ng disposisyon ng Diyos at lagay ng isipan. Kung isasantabi mo lamang ang mga salitang ito at hindi papansinin, kung hindi ko kailanman sabihin sa inyo ang katotohanan ng mga bagay-bagay, hindi talaga kailanman malalaman ng sangkatauhan ang pag-iisip ng Diyos. Marahil sa iyong imahinasyon ay nakangiti ang Diyos habang ginagawa Niya ang tipang ito, o marahil ay seryoso ang mukha Niya, nguni’t ano man ang pinakakaraniwang uri ng kahayagan ng Diyos sa imahinasyon ng mga tao, walang nakakakita sa puso ng Diyos o sa Kanyang nadaramang sakit, at lalo pa sa Kanyang pamamanglaw. Walang makagagawang pagkatiwalaan sila ng Diyos o maging karapat-dapat sa tiwala ng Diyos, o maging isang taong mapagpapahayagan ng Kanyang mga iniisip o mapagbubuksan Niya ng nadarama Niyang sakit. Iyan ang dahilan kung bakit walang ibang maaaring gawin ang Diyos kundi ang gawin ang ganoong bagay. Sa pang-ibabaw, madaling bagay ang ginawa ng Diyos na pagpapaalam sa naunang sangkatauhan, pagsasaayos sa nakaraan at paghuhugot ng ganap na konklusyon sa paggunaw Niya sa mundo sa pamamagitan ng baha. Subali’t ibinaon ng Diyos ang sakit mula sa sandaling ito sa kailaliman ng Kanyang puso. Sa panahong walang sinumang mapagbubuksang-loob ang Diyos, gumawa Siya ng tipan sa sangkatauhan, sinabi sa kanilang hindi na ulit Niya gugunawin ang mundo sa pamamagitan ng baha. Kapag lumilitaw ang bahaghari, ito ay upang ipaalala sa mga tao na minsan ay naganap ang ganoong pangyayari, upang magbabala sa kanila na huwag gumawa ng masasamang mga bagay. Kahit na sa ganoong kasakit na kalagayan, hindi kinalimutan ng Diyos ang sangkatauhan at nagpakita pa rin ng napakalaking malasakit para sa kanila. Hindi ba ito ang pag-ibig at pagiging-hindi-makasarili ng Diyos? Nguni’t ano ang iniisip ng mga tao kapag sila ay nagdurusa? Hindi ba’t ito ang panahong pinaka-kailangan nila ang Diyos? Sa mga panahong tulad nito, laging kinakaladkad palapit ng mga tao ang Diyos upang mapaginhawa sila ng Diyos. Kailanman, hinding-hindi bibiguin ng Diyos ang mga tao, at lagi Niyang iaahon ang mga tao mula sa kanilang mga mabibigat na suliranin at mabuhay sa liwanag. Kahit ganoong tinutustusan ng Diyos ang sangkatauhan, sa puso ng tao, ang Diyos ay isa lamang pildoras na pampalakas-loob, isang gamot na nakapagpapaginhawa. Kapag ang Diyos ay nagdurusa, kapag sugatan ang Kanyang puso, ang pagkakaroon ng isang nilikha o sinumang taong sasamahan Siya o pagiginhawahin Siya ay walang-dudang isang marangyang pagnanais lamang para sa Diyos. Hindi kailanman pinapansin ng tao ang mga damdamin ng Diyos, kaya hindi kailanman humihingi ang Diyos ni hindi umaasa na mayroong sinumang makaaaliw sa Kanya. Ginagamit lamang Niya ang Kanyang sariling mga pamamaraan upang ipahayag ang lagay ng Kanyang damdamin. Hindi iniisip ng mga tao na isang malaking bagay para sa Diyos ang dumaan sa kaunting pagdurusa, nguni’t kapag talagang sinubukan mo lamang na maunawaan ang Diyos, kapag totoong napahahalagahan mo ang mga taimtim na mga hangarin ng Diyos sa lahat ng Kanyang ginagawa, madarama mo ang kadakilaan ng Diyos at ang Kanyang pagiging-hindi-makasarili. Bagama’t gumawa ang Diyos ng isang tipan sa sangkatauhan gamit ang bahaghari, hindi Niya kailanman sinabi sa kahit kanino kung bakit Niya ginawa ito, bakit Niya itinatag ang tipan na ito, nangangahulugang hindi Niya kailanman sinabi sa kahit kaninuman ang Kanyang totoong mga kaisipan. Ito ay dahil walang sinumang nakaiintindi sa lalim ng pag-ibig na mayroon ang Diyos para sa sangkatauhang nilikha Niya sa pamamagitan ng Kanyang sariling mga kamay, at wala ring sinumang makapagpapahalaga kung gaano talaga kasakit ang pinagdusahan ng Kanyang puso noong nilipol Niya ang sangkatauhan. Kaya kahit sabihin Niya sa mga tao kung ano ang nadarama Niya, hindi nila kayang isagawa ang pagkakatiwalang ito. Kahit nasasaktan Siya, nagpapatuloy pa din Siya sa susunod na gawain Niya. Laging ibinibigay ng Diyos ang pinakamahusay na panig Niya, at ang mga pinakamahusay na bagay sa sangkatauhan habang tahimik na dinadala Niya mismo ang lahat ng pagdurusa. Hindi kailanman lantarang ipinahahayag ng Diyos ang mga pagdurusang ito. Sa halip, tinitiis Niya ang mga ito at tahimik na naghihintay. Ang pagtitiis ng Diyos ay hindi malamig, manhid, o walang-magawa, ni hindi ito tanda ng kahinaan. Ang pag-ibig at diwa ng Diyos ay palaging hindi makasarili. Ito ay isang likas na pagbubunyag ng Kanyang diwa at disposisyon, at isang totoong pagsasakatawan ng pagkakakilanlan ng Diyos bilang tunay na Manlilikha.

Sa pagsasabi ko nito, maaaring may ilang mga tao ang magkamali sa pagpakahulugan sa ibig kong sabihin. Ang paglalarawan ba sa damdamin ng Diyos sa ganoon detalye, nang may malaking kagilalasan, ay sinasadya upang makadama ng pagdaramdam ang mga tao para sa Diyos? May ganoon bang layunin? (Wala!) Ang tanging layunin Ko sa pagsasabi ng mga bagay na ito ay upang mas makilala ninyo ang Diyos, upang maunawaan ang bawat bahagi Niya, maunawaan ang Kanyang mga damdamin, upang mapahalagahan ang diwa at disposisyon ng Diyos, nang tunay at unti-unti, na ipinahahayag sa pamamagitan ng Kanyang gawain, bilang kabaliktaran ng paglalarawan sa pamamagitan ng mga walang-saysay na mga salita ng tao, mga liham at mga doktrina nila, o mga imahinasyon nila. Ang ibig sabihin, ang Diyos at ang diwa ng Diyos ay talagang umiiral—hindi sila mga ipininta, hindi haka-haka, hindi binuo ng tao, at tiyak na hindi nila ito ginawa. Nakikita na ba ninyo ito ngayon? Kung talagang nakikita ninyo ito, nakamit nga ng mga salita ko sa araw na ito ang kanilang layunin.

Tatlong paksa ang tinalakay natin sa araw na ito. Tiwala akong marami ang nakuha ng lahat mula sa pagsasamahan tungkol sa tatlong paksang ito. Maaari kong sabihin nang tiyak, sa pamamagitan ng tatlong paksang ito, binaliktad ng mga kaisipan ng Diyos na inilarawan ko o ang disposisyon at diwa ng Diyos na binanggit ko ang mga kuru-kuro at pagkaunawa ng mga tao tungkol sa Diyos, binaliktad pa nito ang paniniwala ng lahat sa Diyos, at higit sa rito, nabaliktad ang anyo ng Diyos na hinahangaan ng lahat sa kanilang mga puso. Ano pa man, inaasahan ko na ang natutunan ninyo tungkol sa disposisyon ng Diyos sa dalawang bahaging ito ng Biblia ay kapaki-pakinabang sa inyo, at inaasahan kong pagbalik ninyo susubukin ninyong lalo pang pag-isipan ito. Ang pagtitipon sa araw na ito ay nagtatapos na dito. Paalam!

0(Mga) Resulta ng Paghahanap