Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Gawain ng Diyos | Sipi 185

Ang paggawa ngayon sa mga inapo ni Moab ay pagliligtas sa mga nahulog sa pinakamatinding kadiliman. Bagama’t sila ay isinumpa, ang Diyos ay handang magkamit ng kaluwalhatian mula sa kanila, sapagkat lahat sila noong una ay mga taong wala ang Diyos sa kanilang puso; ang mahikayat lamang yaong mga wala ang Diyos sa kanilang puso na sundin at mahalin Siya ang tunay na paglupig, at ang bunga ng gayong gawain ang lubhang mahalaga at lubhang kapani-paniwala. Ito lamang ang pagkakamit ng kaluwalhatian—ito ang kaluwalhatiang nais makamit ng Diyos sa mga huling araw. Bagama’t mababa ang posisyon ng mga taong ito, tunay na itinaas sila ng Diyos dahil nagagawa na nila ngayong makamit ang gayon kadakilang pagliligtas. Ang gawaing ito ay napakamakahulugan, at sa pamamagitan ng paghatol Niya nakakamit ang mga taong ito. Hindi Niya layon na parusahan ang mga taong ito, kundi iligtas sila. Kung, sa mga huling araw, isinasagawa pa rin Niya ang gawain ng paglupig sa Israel, mawawalan ito ng kabuluhan; magkaroon man ito ng bunga, mawawalan ito ng halaga o anumang malaking kabuluhan, at hindi Siya magkakamit ng buong kaluwalhatian. Gumagawa Siya sa inyo, yaong mga nahulog sa pinakamadilim sa lahat ng lugar, yaong mga pinakaatrasado. Hindi kinikilala ng mga taong ito na may Diyos at hindi nalaman kailanman na may Diyos. Ang mga nilalang na ito ay lubhang nagawang tiwali ni Satanas kaya nalimutan na nila ang Diyos. Nabulag na sila ni Satanas at ni hindi man lang nila alam na may Diyos sa langit. Sa inyong puso, lahat kayo ay sumasamba sa mga diyos-diyosan at sumasamba kay Satanas—hindi ba kayo ang pinakahamak, ang pinakaatrasadong mga tao? Kayo ang pinakahamak sa lahat ng laman, walang anumang personal na kalayaan, at dumaranas din kayo ng mga paghihirap. Kayo rin ang mga tao sa pinakamababang antas ng lipunang ito, na wala kahit ng kalayaang manampalataya. Narito ang kabuluhan ng paggawa sa inyo. Ang paggawa sa inyo ngayon, mga inapo ni Moab, ay hindi para hiyain kayo, kundi para ihayag ang kabuluhan ng gawain. Para sa inyo, ito ay isang dakilang pagtataas. Kung ang isang tao ay may katwiran at kabatiran, sasabihin niya: “Ako ay isang inapo ni Moab, na tunay na hindi karapat-dapat na tumanggap ngayon ng ganito kadakilang pagtataas ng Diyos, o ng gayon kadakilang mga pagpapala. Sa lahat ng aking ginagawa at sinasabi, at ayon sa aking katayuan at kahalagahan, ni hindi man lang ako karapat-dapat sa gayon kadakilang mga pagpapala mula sa Diyos. Ang mga Israelita ay may dakilang pagmamahal sa Diyos, at ang biyaya na kanilang tinatamasa ay ipinagkakaloob Niya sa kanila, ngunit ang kanilang katayuan ay mas mataas kaysa sa atin. Si Abraham ay lubhang matapat kay Jehova, at si Pedro ay lubhang matapat kay Jesus—ang kanilang katapatan ay isandaang ulit na nakahihigit kaysa sa atin. Batay sa ating mga kilos, talagang hindi tayo karapat-dapat na magtamasa ng biyaya ng Diyos.” Ang paglilingkod ng mga taong ito sa Tsina ay hindi talaga maaaring iharap sa Diyos. Napakagulo nito; ang labis na pagtatamasa ninyo ngayon ng biyaya ng Diyos ay pagtataas lamang ng Diyos! Kailan ba ninyo hinangad ang gawain ng Diyos? Kailan ba ninyo naisakripisyo ang inyong buhay para sa Diyos? Kailan ba ninyo natalikuran kaagad ang inyong pamilya, inyong mga magulang, at inyong mga anak? Walang sinuman sa inyo ang nakapagsakripisyo ng gayon kalaki! Kung hindi ka nailabas ng Banal na Espiritu, ilan kaya sa inyo ang nakapagsakripisyo ng lahat? Sumunod lamang kayo hanggang ngayon dahil napuwersa at napilitan kayo. Nasaan ang inyong katapatan? Nasaan ang inyong pagsunod? Batay sa inyong mga kilos, dapat ay matagal na kayong napuksa—lahat kayo ay dapat na naalis. Ano ang nagawa ninyo para magtamasa ng gayon kadakilang mga pagpapala? Ni hindi kayo karapat-dapat! Sino sa inyo ang gumawa na ng sarili nilang landas? Sino sa inyo ang nakakita mismo sa tunay na daan? Lahat kayo ay tamad, matakaw, at salbahe na puro ginhawa ang hanap! Palagay ba ninyo ay napakagaling ninyo? Ano ang ipinagmamayabang ninyo? Kahit balewalain pa na kayo ay mga inapo ni Moab, napakataas ba ng inyong kalikasan o lugar ng kapanganakan? Kahit balewalain pa na kayo ay kanyang mga inapo, hindi ba mga inapo kayong lahat ni Moab, nang buung-buo? Mababago ba ang katotohanan ng mga bagay-bagay? Salungat ba sa katotohanan ang paglalantad ng inyong kalikasan? Tingnan ninyo ang inyong pagkabusabos, ang inyong buhay, at ang inyong pag-uugali—hindi ba ninyo alam na kayo ang pinakahamak sa lahat ng hamak sa sangkatauhan? Ano ang ipinagmamayabang ninyo? Tingnan ninyo ang inyong katayuan sa lipunan. Hindi ba nasa pinakamababang antas kayo? Palagay ba ninyo mali ang sinasabi Ko? Inialay ni Abraham si Isaac—ano na ang naialay ninyo? Inialay ni Job ang lahat-lahat—ano na ang naialay ninyo? Napakarami nang taong nag-alay ng kanilang buhay, nagyuko ng kanilang ulo, nagpadanak ng kanilang dugo upang hanapin ang tunay na daan. Nagawa na ba ninyo ang sakripisyong iyan? Kung ikukumpara, ni hindi man lang kayo nararapat na magtamasa ng gayon kalaking biyaya. Nasasaktan ba kayo kapag sinasabihan kayo ngayon na kayo ay mga inapo ni Moab? Huwag ninyong gaanong taasan ang tingin ninyo sa inyong sarili. Wala kang dapat ipagmayabang. Ang gayon kadakilang kaligtasan, ang gayon kadakilang biyaya ay buong layang ibinibigay sa inyo. Wala kayong naisakripisyo, subalit buong laya kayong nagtatamasa ng biyaya. Hindi ba kayo nahihiya? Ang tunay na daan bang ito ay isang bagay na hinanap at natagpuan ninyo mismo? Hindi ba ang Banal na Espiritu ang pumilit sa inyo na tanggapin ito? Hindi kayo nagkaroon kailanman ng pusong naghahanap, lalong wala kayong pusong naghahanap at nasasabik sa katotohanan. Nakaupo lang kayo at nasisiyahan dito; nakamit ninyo ang katotohanang ito nang wala ni katiting na pagsisikap. Ano ang karapatan ninyong magreklamo? Palagay mo ba napakahalaga mo? Kumpara sa mga nagsakripisyo ng kanilang buhay at nagpadanak ng kanilang dugo, ano ang inirereklamo ninyo? Tama at natural lamang na puksain kayo ngayon! Wala kayong ibang pagpipilian kundi sumunod nang sumunod. Talagang hindi kayo karapat-dapat! Karamihan sa inyo ay tinawag, ngunit kung hindi kayo napilitan sa inyong sitwasyon o hindi kayo natawag, lubos ninyong aayawan ang lumabas. Sino ang handang gumawa ng gayong pagtalikod? Sino ang handang iwan ang mga kasiyahan ng laman? Kayong lahat ay mga taong buong-kasakimang nagpapasasa sa kaginhawahan at naghahangad ng marangyang buhay! Nagkamit kayo ng napakadakilang mga pagpapala—ano pa ang masasabi ninyo? Ano ang mga reklamo ninyo? Tinulutan na kayong matamasa ang pinakadakilang mga pagpapala at pinakadakilang biyaya sa langit, at ngayon ay inihahayag sa inyo ang gawaing hindi pa nagawa sa lupa kailanman. Hindi ba ito isang pagpapala? Kinakastigo kayo nang ganito ngayon dahil lumaban at naghimagsik kayo laban sa Diyos. Dahil sa pagkastigong ito, nakita na ninyo ang awa at pagmamahal ng Diyos, at nakita na rin ninyo ang Kanyang katuwiran at kabanalan. Dahil sa pagkastigong ito at dahil sa karumihan ng sangkatauhan, nakita na ninyo ang dakilang kapangyarihan ng Diyos, at nakita na ninyo ang Kanyang kabanalan at kadakilaan. Hindi ba ito ang pinakapambihira sa mga katotohanan? Hindi ba ito isang buhay na may kahulugan? Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay puno ng kahulugan! Kaya, mas mababa ang inyong posisyon, mas pinatutunayan nito na itinataas kayo ng Diyos, at mas pinatutunayan nito ang malaking kahalagahan ng Kanyang gawain sa inyo ngayon. Ito ay sadyang isang kayamanang walang kasinghalaga, na hindi makukuha sa iba pang lugar! Sa pagdaan ng mga kapanahunan, walang sinumang nakapagtamasa ng gayon kadakilang kaligtasan. Ang katotohanan na mababa ang inyong posisyon ay nagpapakita kung gaano kadakila ang pagliligtas ng Diyos, at ipinapakita nito na ang Diyos ay tapat sa sangkatauhan—Siya ay nagliligtas, hindi namumuksa.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kabuluhan ng Pagliligtas sa Mga Inapo ni Moab

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

Kaugnay na Nilalaman

Kontakin Kami Gamit ang Messenger