Tungkol sa mga Pangalan at sa Pagkakakilanlan (Ikalawang Bahagi)

Sa simula, nang hindi pa nasisimulan ni Jesus ang opisyal na pagsasagawa ng Kanyang ministeryo, katulad ng mga disipulong sumunod sa Kanya, minsan ay dumalo rin Siya sa mga pagtitipon, at umawit ng mga himno, nagbigay ng papuri, at binasa ang Lumang Tipan sa templo. Matapos Siyang mabautismuhan at umahon, ang Espiritu ay opisyal na bumaba sa Kanya at nagsimulang gumawa, ibinubunyag ang Kanyang pagkakakilanlan at ang ministeryo na isasagawa Niya. Bago ito, walang nakakaalam sa Kanyang pagkakakilanlan, at maliban kay Maria, maging si Juan ay hindi rin ito alam. Si Jesus ay 29 nang Siya ay bautismuhan. Nang matapos ang Kanyang bautismo, bumukas ang kalangitan, at isang tinig ang nagsabi: “Ito ang sinisinta Kong Anak, na Siya Kong lubos na kinalulugdan.” Nang nabautismuhan na si Jesus, nagsimulang magpatotoo ang Banal na Espiritu sa Kanya sa ganitong paraan. Bago Siya mabautismuhan sa gulang na 29, namuhay Siya na parang isang normal na tao, kumakain kung kailan Siya dapat kumain, normal na natutulog at nagbibihis, at walang anuman sa Kanya ang naiiba sa ibang tao, bagama’t siyempre, ito ay sa mga makalamang paningin lang ng tao. Minsan ay mahina rin Siya, at minsan ay hindi rin Niya mabatid ang mga bagay, katulad ng nakasulat sa Biblia: Ang Kanyang katalinuhan ay lumawig kasabay ng Kanyang edad. Ang mga salitang ito ay nagpapakita lamang na nagkaroon Siya ng karaniwan at normal na pagkatao, at na hindi Siya bukod-tanging naiiba sa ibang normal na mga tao. Siya ay lumaki rin bilang isang karaniwang tao, at walang natatangi sa Kanya. Ngunit Siya ay nasa ilalim ng pangangalaga at pag-iingat ng Diyos. Matapos mabautismuhan, nagsimula Siyang matukso, at pagkatapos ay sinimulan Niyang gampanan ang Kanyang ministeryo at gumawa, at nagtaglay ng kapangyarihan, karunungan, at awtoridad. Hindi ito nangangahulugang hindi kumilos sa Kanya ang Banal na Espiritu bago ang Kanyang bautismo, o wala sa Kanya. Bago ang Kanyang bautismo, nanahan sa Kanya ang Banal na Espiritu ngunit hindi pa opisyal na nagsimulang gumawa, dahil may mga limitasyon kung kailan ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain, at bukod dito, ang mga karaniwang tao ay may karaniwang paraan ng paglaki. Ang Banal na Espiritu ay palaging nananahan sa Kanya. Nang isinilang si Jesus, kakaiba Siya sa iba, at lumabas ang isang tala sa umaga; bago Siya isilang, nagpakita ang isang anghel kay Jose sa isang panaginip at sinabi sa Kanya na manganganak si Maria ng isang sanggol na lalaki, at ang sanggol na iyon ay ipinaglihi ng Banal na Espiritu. Matapos mabautismuhan si Jesus, sinimulan ng Banal na Espiritu ang Kanyang gawain, ngunit hindi ito nangahulugan na bumaba lamang ang Banal na Espiritu kay Jesus. Ang kasabihan na bumaba sa Kanya ang Banal na Espiritu na parang isang kalapati ay tumutukoy sa opisyal na pagsisimula ng Kanyang ministeryo. Ang Espiritu ng Diyos ay nananahan na sa Kanya noon pa man, ngunit hindi pa Siya nagsisimulang gumawa, dahil hindi pa dumarating ang tamang panahon, at ang Espiritu ay hindi nagsimulang gumawa nang padalus-dalos. Ang Espiritu ay nagpatotoo sa Kanya sa pamamagitan ng bautismo. Nang Siya ay umahon mula sa tubig, nagsimulang opisyal na kumilos ang Espiritu sa Kanya, na nagpahiwatig na ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ay nagsimula nang tuparin ang Kanyang ministeryo, at sinimulan na ang gawain ng pagtubos, ibig sabihin, ang Kapanahunan ng Biyaya ay opisyal nang nagsimula. Kaya, may oras para sa gawain ng Diyos, anuman ang ginagawa Niyang gawain. Matapos ang Kanyang bautismo, walang natatanging pagbabago kay Jesus; Siya ay nasa Kanyang orihinal na katawang-tao pa rin. Iyon lamang, sinimulan Niya ang Kanyang gawain at ibinunyag ang Kanyang pagkakakilanlan, at Siya ay puno ng awtoridad at kapangyarihan. Sa bagay na ito, Siya ay iba na mula sa dati. Iba na ang Kanyang pagkakakilanlan, na ibig sabihin ay mayroong malaking pagbabago sa Kanyang katayuan; ito ay ang patotoo ng Banal na Espiritu, at hindi ang gawaing isinagawa ng tao. Sa simula, hindi alam ng mga tao, at medyo nalaman lang nila nang nagpatotoo na ang Banal na Espiritu kay Jesus sa ganoong paraan. Kung nagsagawa ng dakilang gawain si Jesus bago magpatotoo ang Banal na Espiritu sa Kanya, ngunit wala ang patotoo ng Diyos Mismo, gaano man kadakila ang Kanyang gawain, hindi kailanman malalaman ng mga tao ang Kanyang pagkakakilanlan, dahil walang kakayahan ang mga mata ng tao na makita ito. Kung wala ang hakbang ng pagpapatotoo ng Banal na Espiritu, walang makakikilala sa Kanya bilang ang Diyos na nagkatawang-tao. Kung, matapos magpatotoo ng Banal na Espiritu sa Kanya, nagpatuloy si Jesus na gumawa sa parehong paraan, nang walang pagkakaiba, hindi ito magkakaroon ng ganoong epekto, at dito ay pangunahing ipinakita rin ang gawain ng Banal na Espiritu. Matapos magpatotoo ng Banal na Espiritu, kinailangang magpakita ang Banal na Espiritu Mismo, nang sa gayon ay malinaw mong mamalas na Siya ang Diyos, na nasa Kanya ang Espiritu ng Diyos; hindi mali ang patotoo ng Diyos, at mapatutunayan nito na ang Kanyang patotoo ay tama. Kung iisa ang Kanyang gawain bago at pagkatapos ng patotoo ng Banal na Espiritu, ang ministeryo Niya sa katawang-tao at ang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi mabibigyang-diin, at sa gayon hindi magkakaroon ng kakayahan ang tao na makilala ang gawain ng Banal na Espiritu, dahil walang magiging malinaw na pagkakaiba. Matapos magpatotoo, kinailangang panindigan ng Banal na Espiritu ang patotoong ito, at kaya kinailangan Niyang ipamalas ang Kanyang karunungan at awtoridad sa pamamagitan ni Jesus, na naiiba sa nakaraan. Siyempre, hindi ito ang epekto ng bautismo—ang bautismo ay isang seremonya lang—iyon lamang, ang bautismo ang paraan upang maipakita na oras na upang isagawa ang Kanyang ministeryo. Ang ganoong gawain ay upang maipakita nang malinaw ang dakilang kapangyarihan ng Diyos, maipakita nang malinaw ang patotoo ng Banal na Espiritu, at pananagutan ng Banal na Espiritu ang patotoong ito hanggang sa pinakawakas. Bago isagawa ang Kanyang ministeryo, nakinig din si Jesus sa mga turo, nangaral at nagpalaganap ng ebanghelyo sa iba’t ibang lugar. Hindi Siya nagsagawa ng anumang dakilang gawain dahil hindi pa dumarating ang panahon upang isagawa Niya ang Kanyang ministeryo, at dahil din mapagpakumbabang nagtago ang Diyos Mismo sa katawang-tao, at hindi nagsagawa ng anumang gawain hanggang dumating ang tamang panahon. Hindi Siya gumawa bago ang bautismo dahil sa dalawang dahilan: Una, dahil ang Banal na Espiritu ay hindi pa opisyal na bumababa sa Kanya upang gumawa (na ibig sabihin, hindi pa ipinagkakaloob ng Banal na Espiritu kay Jesus ang kapangyarihan at awtoridad upang isagawa ang ganoong gawain), at kahit na nalaman Niya ang Kanyang sariling pagkakakilanlan, hindi magagawa ni Jesus na isagawa ang gawain na nilayon Niyang gawin paglaon, at kakailanganin Niyang maghintay hanggang sa araw ng Kanyang bautismo. Ito ang panahon ng Diyos, at walang may kakayahang sumalungat dito, kahit na si Jesus Mismo; hindi kayang gambalain ni Jesus Mismo ang Kanyang sariling gawain. Siyempre, ito ang pagpapakumbaba ng Diyos, at ang kautusan din ng gawain ng Diyos; kung hindi gumawa ang Espiritu ng Diyos, walang makagagawa sa Kanyang gawain. Pangalawa, bago Siya nabautismuhan, Siya ay isang napakakaraniwan at ordinaryong tao lamang, at walang pinagkaiba sa iba pang mga karaniwan at ordinaryong tao; isa itong aspeto kung paanong ang Diyos na nagkatawang-tao ay hindi higit sa karaniwan. Hindi sinalungat ng Diyos na nagkatawang-tao ang mga pagsasaayos ng Espiritu ng Diyos; gumawa Siya sa maayos na paraan at nang napakanormal. Pagkatapos lang ng bautismo saka nagkaroon ng awtoridad at kapangyarihan ang Kanyang gawain. Na ang ibig sabihin, bagama’t Siya ang Diyos na nagkatawang-tao, hindi Siya nagsagawa ng mga higit sa pangkaraniwang gawa, at lumaki Siya na katulad ng iba pang mga normal na tao. Kung nalaman agad ni Jesus ang Kanyang sariling pagkakakilanlan, nagsagawa ng mga dakilang gawain sa buong lupain bago ang Kanyang bautismo, at naging kakaiba sa normal na tao, ipinapakita ang sarili Niya bilang katangi-tangi, hindi lang magiging imposible para kay Juan na isagawa ang kanyang gawain, kundi hindi rin magkakaroon ng paraan upang masimulan ng Diyos ang susunod na yugto ng Kanyang gawain. Pinatunayan sana nito na ang ginawa ng Diyos ay naging mali, at sa tao, magmimistulang ang Espiritu ng Diyos at ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ay hindi nagmula sa iisang pinanggalingan. Kaya, ang gawain ni Jesus na naitala sa Biblia ay ang gawain na isinagawa matapos Siyang bautismuhan, ang gawaing isinagawa sa loob ng tatlong taon. Hindi naitala sa Biblia ang Kanyang ginawa bago Siya mabautismuhan dahil hindi Niya isinagawa ang gawaing ito bago Siya mabautismuhan. Isa lang Siyang karaniwang tao, at kumatawan sa isang karaniwang tao; bago sinimulan ni Jesus na isagawa ang Kanyang ministeryo, wala Siyang ipinagkaiba sa normal na mga tao, at walang nakikitang pagkakaiba sa Kanya ang ibang tao. Nang si Jesus ay tumuntong sa gulang na 29 saka lamang Niya nalamang dumating Siya upang tapusin ang isang yugto ng gawain ng Diyos; bago noon, Siya Mismo ay hindi ito alam, dahil ang gawaing isinagawa ng Diyos ay hindi higit sa karaniwan. Nang dumalo Siya sa isang pagtitipon sa sinagoga noong Siya ay labindalawang taong gulang, hinahanap Siya ni Maria, at isang pangungusap lang ang Kanyang sinabi, sa parehong paraan ng kahit na sinumang bata: “Inay! Hindi mo ba alam na dapat Kong unahin ang kalooban ng Aking Ama kaysa sa lahat?” Siyempre, dahil Siya ay ipinaglihi ng Banal na Espiritu, hindi ba Siya magiging katangi-tangi sa isang paraan? Ngunit ang Kanyang pagiging katangi-tangi ay hindi nangahulugang Siya ay higit sa pangkaraniwan, kundi na minahal Niya lamang ang Diyos nang higit kaysa sa sinumang ibang bata. Kahit na Siya ay isang tao sa anyo, ang Kanyang diwa ay katangi-tangi pa rin at iba sa lahat. Ngunit pagkatapos lamang ng Kanyang bautismo saka Niya naramdaman ang pagkilos ng Banal na Espiritu sa Kanya, naramdaman na Siya ang Diyos Mismo. Noon lamang narating Niya ang gulang na 33 na talagang napagtanto Niyang nilayon isagawa ng Banal na Espiritu ang gawain ng pagpapapako sa krus sa pamamagitan Niya. Sa gulang na 32, nalaman Niya ang ilang panloob na katotohanan, gaya ng nakasulat sa Ebanghelyo ni Mateo: “At sumagot si Simon Pedro at sinabi, Ikaw ang Cristo, Ang anak ng Diyos na buhay. … Mula ng panahong yao’y nagpasimulang ipinakilala ni Jesus sa Kaniyang mga alagad, na kinakailangang Siya’y pumaroon sa Jerusalem, at magbata ng maraming bagay sa matatanda at sa mga pangulong saserdote at sa mga eskriba, at Siya’y patayin, at muling ibangon sa ikatlong araw.” Hindi Niya alam sa simula pa lang kung anong gawain ang Kanyang gagawin, kundi na sa isang tiyak na panahon. Hindi Niya ito ganap na alam nang Siya ay isinilang; unti-unting kumilos sa Kanya ang Banal na Espiritu, at mayroong proseso sa paggawa. Kung sa pinakasimula pa lang, nalaman na Niyang Siya ang Diyos, at si Cristo, at ang nagkatawang-taong Anak ng tao, na isasakatuparan Niya ang gawain ng pagpapapako sa krus, bakit hindi Siya gumawa noon pa? Bakit pagkatapos lamang Niyang sabihin sa Kanyang mga disipulo ang tungkol sa Kanyang ministeryo na nakaramdam si Jesus ng kalungkutan, at taimtim na nanalangin para rito? Bakit nagbukas ng daan si Juan para sa Kanya at binautismuhan Siya bago Niya naunawaan ang maraming bagay na hindi pa Niya nauunawaan? Pinatutunayan nito na ito ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao sa laman, at upang Kanyang maunawaan, at makamit, mayroong proseso, dahil Siya ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, na ang gawain ay iba sa direktang ginawa ng Espiritu.

Ang bawat hakbang sa gawain ng Diyos ay sumusunod sa iisang agos, at kaya sa anim na libong taon ng plano ng pamamahala ng Diyos, ang bawat hakbang ay malapit na sinundan ng kasunod, mula sa pagkakatatag ng mundo hanggang sa kasalukuyan. Kung walang magbubukas ng daan, walang makasusunod; dahil may mga nakasunod, may mga nagbukas ng daan. Sa paraang ito, ang gawain ay naipasa, nang paisa-isang hakbang. Ang isang hakbang ay sinusundan ng isa pa, at kung walang magbubukas ng daan, magiging imposible na simulan ang gawain, at walang magiging paraan ang Diyos upang sumulong sa Kanyang gawain. Walang hakbang ang sumasalungat sa iba, at ang bawat isa ay sumusunod sa iba na parang agos; ang lahat ng ito ay isinasagawa ng iisang Espiritu. Ngunit kung nagbukas man ng daan ang isang tao o ipinagpatuloy ang gawain ng isa pa, hindi ito ang tumutukoy ng kanilang pagkakakilanlan. Hindi ba tama ito? Si Juan ang nagbukas ng daan, at ipinagpatuloy ni Jesus ang kanyang gawain, kaya nagpapatunay ba ito na ang pagkakakilanlan ni Jesus ay mas mababa sa pagkakakilanlan ni Juan? Isinagawa ni Jehova ang Kanyang gawain bago si Jesus, masasabi mo ba na mas mataas si Jehova kaysa kay Jesus? Hindi mahalaga kung sila man ay nagbukas ng daan o nagpatuloy ng gawain ng iba; ang pinakamahalaga ay ang diwa ng kanilang gawain, at ang pagkakakilanlan na kinakatawan nito. Hindi ba tama ito? Dahil nilayon ng Diyos na gumawa sa kalagitnaan ng tao, kinailangan Niyang iangat yaong mga kayang gawin ang gawain ng pagbubukas ng daan. Nang nagsimula pa lang na mangaral si Juan, kanyang sinabi, “Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang Kaniyang mga landas.” “Mangagsisi kayo; sapagka’t malapit na ang kaharian ng langit.” Nangusap siya sa ganoong paraan mula sa pinakasimula, at bakit niya nasabi ang mga salitang ito? Sa pagkakasunud-sunod ng mga salitang ito, si Juan ang unang nangusap ng ebanghelyo sa kaharian ng langit, at si Jesus ang sumunod na nangusap. Ayon sa mga kuru-kuro ng tao, si Juan ang nagbukas ng bagong landas, kaya siyempre mas dakila si Juan kaysa kay Jesus. Ngunit hindi sinabi ni Juan na siya ang Cristo, at hindi nagpatotoo ang Diyos sa kanya bilang minamahal na Anak ng Diyos, kundi ginamit lang siya upang buksan at ihanda ang daan para sa Panginoon. Siya ang nagbukas ng daan para kay Jesus, ngunit hindi siya maaaring gumawa sa ngalan ni Jesus. Ang lahat ng gawain ng tao ay pinanatili rin ng Banal na Espiritu.

Sa kapanahunan ng Lumang Tipan, si Jehova ang nanguna sa daan, at kumatawan ang gawain ni Jehova sa buong kapanahunan ng Lumang Tipan, at sa lahat ng gawaing isinagawa sa Israel. Itinaguyod lang ni Moises ang gawaing ito sa lupa, at ang kanyang pagsisikap ay itinuturing na pakikipagtulungan ng tao. Sa panahong iyon, si Jehova ang nangusap, tumawag kay Moises, at itinaas Niya si Moises sa gitna ng mga tao ng Israel, at ginawa si Moises na pangunahan ang mga tao patungo sa ilang at papunta sa Canaan. Hindi ito gawain ni Moises mismo, kundi personal na iniutos ni Jehova, kaya si Moises ay hindi maaaring tawaging Diyos. Naglatag din si Moises ng kautusan, ngunit ang kautusang ito ay personal na iniatas ni Jehova. Iyon nga lamang, si Moises ang ipinagpahayag Niya nito. Gumawa rin si Jesus ng mga utos, at pinawalang-bisa ang mga kautusan sa Lumang Tipan at ibinigay ang mga utos para sa bagong kapanahunan. Bakit si Jesus ay Diyos Mismo? Dahil mayroong pagkakaiba. Sa panahong iyon, ang gawaing isinagawa ni Moises ay hindi kumatawan sa kapanahunan, ni nagbukas ng bagong daan; pinangasiwaan siya ni Jehova pasulong at ginamit lamang siya ng Diyos. Nang dumating si Jesus, nagsagawa na si Juan ng isang hakbang ng gawain ng pagbubukas ng daan, at nagsimula nang ipalaganap ang ebanghelyo ng kaharian ng langit (sinimulan ito ng Banal na Espiritu). Nang dumating si Jesus, direkta Niyang isinagawa ang Kanyang sariling gawain, ngunit may malaking pagkakaiba sa Kanyang gawain at sa gawain ni Moises. Si Isaias ay nagpahayag din ng maraming propesiya, ngunit bakit hindi siya ang Diyos Mismo? Hindi nagpahayag ng maraming propesiya si Jesus, ngunit bakit Siya ang Diyos Mismo? Walang naglakas-loob na magsabi na ang gawain ni Jesus sa panahong iyon ay nagmulang lahat sa Banal na Espiritu, ni naglakas-loob na sabihin na lahat ng iyon ay nagmula sa kalooban ng tao, o na ito ay ganap na gawain ng Diyos Mismo. Walang paraan ang tao para suriin ang ganoong mga bagay. Maaaring sabihin na si Isaias ay nagsagawa ng ganoong gawain, at nagpahayag ng ganoong mga propesiya, at ang lahat ng ito ay nagmula sa Banal na Espiritu; hindi direktang nagmula ang mga ito kay Isaias mismo, kundi mga pahayag mula kay Jehova. Hindi nagsagawa ng maraming gawain si Jesus, at hindi nangusap ng maraming salita, ni nagpahayag Siya ng maraming propesiya. Para sa tao, ang Kanyang pangangaral ay hindi masyadong dakila, ngunit Siya ang Diyos Mismo, at hindi ito maipapaliwanag ng tao. Walang sinuman ang naniwala kay Juan, o kay Isaias, o kay David, ni walang sinuman ang tumawag sa kanila na Diyos, o Diyos na David, o Diyos na Juan; wala pang nagsabi ng ganoon, at si Jesus lang ang kailanman ay tinawag na Cristo. Ang pag-uuring ito ay ginawa ayon sa patotoo ng Diyos, sa isinagawa Niyang gawain, at sa ministeryong Kanyang isinakatuparan. Kaugnay ng mga dakilang tao sa Biblia—sina Abraham, David, Josue, Daniel, Isaias, Juan at Jesus—sa pamamagitan ng gawaing kanilang isinagawa, masasabi mo kung sino ang Diyos Mismo, at kung aling mga uri ng tao ang mga propeta at kung alin ang mga apostol. Kung sino ang ginamit ng Diyos, at kung sino ang Diyos Mismo, ay napagkaiba at natukoy sa pamamagitan ng kanilang diwa at ng uri ng gawain na kanilang isinagawa. Kung hindi mo kayang makita ang pagkakaiba, nagpapatunay ito na hindi mo alam ang kahulugan ng paniniwala sa Diyos. Si Jesus ay Diyos dahil nangusap Siya ng maraming salita, at nagsagawa ng maraming gawain, sa partikular ang pagpapamalas Niya ng maraming himala. Gayundin, si Juan ay nagsagawa rin ng maraming gawain, at nangusap ng maraming salita, gayundin si Moises; bakit hindi sila tinawag na Diyos? Si Adan ay direktang nilikha ng Diyos; bakit hindi Siya tinawag na Diyos, sa halip ay tinawag lang na nilalang? Kung may magsasabi sa iyo, “Ngayon, nagsagawa ng maraming gawain ang Diyos, at nangusap ng maraming salita; Siya ang Diyos Mismo. Samakatuwid, dapat ding Diyos Mismo si Moises dahil siya ay nangusap ng maraming salita!” dapat may ganting-tanong ka sa kanila, “Sa panahong iyon, bakit nagpatotoo ang Diyos kay Jesus, at hindi kay Juan, bilang Diyos Mismo? Hindi ba naunang dumating si Juan kaysa kay Jesus? Alin ang mas dakila, ang gawain ni Juan o ni Jesus? Para sa tao, nagmimistulang mas dakila ang gawain ni Juan kaysa kay Jesus, ngunit bakit nagpatotoo ang Banal na Espiritu kay Jesus at hindi kay Juan?” Pareho ang nangyayari sa ngayon! Noong panahong iyon, nang pinangunahan ni Moises ang mga tao sa Israel, nangusap si Jehova sa kanya mula sa mga ulap. Hindi direktang nangusap si Moises, kundi sa halip ay direkta siyang pinangunahan ni Jehova. Ito ang gawain ng Israel sa Lumang Tipan. Wala kay Moises ang Espiritu, o kung ano ang Diyos. Hindi niya magagawa ang ganoong gawain, kaya mayroong malaking pagkakaiba sa pagitan ng gawaing kanyang ginawa at sa ginawa ni Jesus. At ito ay dahil ang isinagawa nilang gawain ay magkaiba! Kung ang isang tao ay ginamit ng Diyos, o isang propeta, o apostol, o ang Diyos Mismo, ito ay mababatid sa pamamagitan ng kalikasan ng kanyang gawain, at ito ang magwawakas sa iyong mga pagdududa. Nakasaad sa Biblia na tanging ang Cordero ang makapagbubukas sa pitong tatak. Sa paglipas ng mga kapanahunan, marami sa mga dakilang tao na iyon ang naging tagapagpaliwanag ng mga banal na kasulatan, kaya masasabi mo bang lahat sila ay ang Cordero? Masasabi mo bang ang kanilang mga paliwanag ay mula lahat sa Diyos? Sila ay mga tagapagpaliwanag lang; wala silang pagkakakilanlan ng Cordero. Paano sila magiging karapat-dapat na magbukas ng pitong tatak? Totoo na “Tanging ang Cordero ang makapagbubukas ng pitong tatak,” ngunit hindi Siya pumarito upang buksan lamang ang pitong tatak; hindi kinakailangan ang gawaing ito, ginagawa ito nang walang kaugnayan. Siya ay ganap na malinaw tungkol sa Kanyang sariling gawain; kailangan ba Niyang maglaan ng maraming oras upang ipaliwanag ang mga banal na kasulatan? Kailangan bang idagdag “ang Kapanahunan ng Pagpapaliwanag ng Cordero sa mga Banal na Kasulatan” sa anim na libong taon ng gawain? Pumarito Siya upang magsagawa ng bagong gawain, ngunit nagbibigay din Siya ng mga pahayag tungkol sa gawain sa nakaraan, na ipinauunawa sa mga tao ang katotohanan ng anim na libong taong gawain. Hindi na kailangang ipaliwanag ang napakaraming sipi mula sa Biblia; ang susi ay ang gawain ngayon, iyon ang mahalaga. Dapat mong malaman na hindi dumating ang Diyos para lamang magbukas ng pitong tatak, kundi upang isagawa ang gawain ng pagliligtas.

Ang alam mo lang ay bababa si Jesus sa mga huling araw, ngunit paano ba talaga Siya bababa? Ang isang makasalanang tulad mo, na katutubos pa lang, at hindi pa nabago, o nagawang perpekto ng Diyos, makakaayon ka ba ng puso ng Diyos? Para sa iyo, na ang dating ikaw pa rin, totoo na ikaw ay iniligtas ni Jesus, at na ikaw ay hindi itinuturing na isang makasalanan dahil sa pagliligtas ng Diyos, ngunit hindi ito nagpapatunay na ikaw ay hindi makasalanan, at hindi marumi. Paano ka magiging banal kung hindi ka pa nababago? Sa iyong kalooban, puno ka ng karumihan, sakim ka at masama, ngunit ninanais mo pa ring bumaba na kasama ni Jesus—hindi ka ganoon kasuwerte! Nalaktawan mo ang isang hakbang sa iyong pananalig sa Diyos: Natubos ka pa lang, ngunit hindi pa nabago. Para maging kaayon ka ng puso ng Diyos, kailangang ang Diyos Mismo ang gumawa ng gawain ng pagbabago at paglilinis sa iyo; kung ikaw ay tinubos lamang, wala kang kakayahang magtamo ng kabanalan. Dahil dito hindi ka magiging karapat-dapat na makibahagi sa magagandang biyaya ng Diyos, dahil nalaktawan mo ang isang hakbang sa gawain ng Diyos na pamamahala sa tao, na isang mahalagang hakbang sa pagbabago at pagperpekto. Kaya ikaw, na isang makasalanang katutubos pa lang, ay walang kakayahang direktang manahin ang pamana ng Diyos.

Kung wala ang pagsisimula ng bagong yugtong ito ng gawain, sino ang nakaaalam kung hanggang saan makararating kayong mga ebanghelista, mangangaral, tagapagpaliwanag, at tinatawag na mga dakilang espirituwal na tao! Kung wala ang pagsisimula ng bagong yugtong ito ng gawain, ang inyong sinasabi ay magiging lipas na! Ito ay kung hindi tungkol sa pag-akyat sa trono, ay paghahanda sa tayog ng pagiging hari; kung hindi pagtatanggi sa sarili ay pagsupil sa katawan ng isang tao; kung hindi pagiging matiisin ay pagkatuto ng mga aral mula sa lahat ng bagay; kung hindi pagpapakumbaba ay pag-ibig. Hindi ba’t ito’y pag-uulit lang ng dati nang aral? Ito ay isang pagtawag lang sa parehong bagay ng ibang pangalan! Kung hindi pagtatakip sa ulo ng isang tao at paghahati ng tinapay, ay pagpapatong ng mga kamay at pagdarasal, at pagpapagaling ng maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo. Magkakaroon ba ng anumang bagong gawain? Magkakaroon ba ng anumang posibilidad ng pag-unlad? Kung magpapatuloy kang manguna nang ganito, bulag kang susunod sa doktrina, o susunod sa nakaugalian. Naniniwala kayo na napakatayog ng inyong gawain, ngunit hindi ba ninyo alam na lahat ito ay ipinasa at itinuro ng “matatandang tao” na iyon noong sinaunang panahon? Hindi ba’t ang lahat ng inyong sinasabi at ginagawa ay mga huling salita ng matatandang tao na iyon? Hindi ba’t ang mga ito ang inutos ng matatandang tao na ito bago sila namatay? Sa tingin mo ba, nakahihigit ang inyong mga kilos sa mga kilos ng mga apostol at propeta sa mga nakaraang salinlahi, at nakahihigit pa sa lahat ng bagay? Ang simula ng yugtong ito ng gawain ay nagwakas sa inyong pagsamba sa gawain ni Witness Lee na paghahangad na maging hari at umakyat sa trono, at itinigil ang inyong kayabangan at maingay na pananalita, upang hindi kayo makapangialam sa yugtong ito ng gawain. Kung wala ang yugtong ito ng gawain, palalim nang palalim kayong lulubog hanggang sa hindi na kayo matutubos. Napakarami ng mga lipas na nasa inyo! Sa kabutihang-palad, ibinalik kayo ng gawain ngayon; kung hindi, sino ang nakakaalam kung saang landas kayo pupunta! Dahil ang Diyos ay ang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma, bakit hindi ka naghahangad ng mga bagong bagay? Bakit ka laging nananatili sa mga lumang bagay? At kaya, ang pag-alam sa gawain ng Banal na Espiritu ngayon ang pinakamahalaga!

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.