Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Mga Hantungan at mga Kalalabasan | Sipi 609

Sa loob ng mahabang panahon, ang mga tao na naniniwala sa Diyos ay masugid nang nag-aasam ng isang magandang hantungan, at ang lahat ng mga naniniwala sa Diyos ay umaasa na biglang darating sa kanila ang mabuting kapalaran. Umaasa silang lahat na bago pa nila mamalayan ay masusumpungan nila ang mga sarili na payapang nakaluklok sa isang lugar o sa iba pang dako sa langit. Ngunit sinasabi Ko na ang mga taong ito, taglay ang magaganda nilang mga saloobin, ay hindi kailanman nakabatid kung sila ba ay naaangkop tumanggap ng ganoon kabuting kapalaran na nagmumula sa langit, o kaya ay maupo man lamang sa isang luklukan doon. Kayo, sa kasalukuyan, ay may mabuting kaalaman sa inyong mga sarili, ngunit umaasa pa rin kayo na matatakasan ninyo ang mga sakuna sa mga huling araw at ang kamay ng Makapangyarihan sa lahat kapag pinarusahan na Niya ang masasama. Tila ba ang pagkakaroon ng matatamis na pangarap at paghahangad sa mga bagay ayon sa kanilang kagustuhan ay isang karaniwang katangian ng lahat ng taong ginawang tiwali ni Satanas, at hindi bunga ng katalinuhan ng sinumang nag-iisang indibiduwal. Magkagayon pa man, hangad Ko pa ring wakasan ang inyong mga labis-labis na pagnanasa, gayundin ang inyong kasabikang magkamit ng mga pagpapala. Dahil napakarami ng inyong paglabag, at ang katunayan na patuloy na tumitindi ang inyong paghihimagsik, paano aakma ang mga bagay na ito sa inyong magagandang plano para sa hinaharap? Kung nais mong gumawa ng pagkakamali ayon sa iyong nais, nang walang pumipigil sa iyo, ngunit kasabay nito’y nais mo pa ring matupad ang mga pangarap mo, hinihimok kita, kung gayon, na magpatuloy sa iyong kawalang-ulirat at huwag nang gumising kailanman—sapagkat ang sa iyo ay isang hungkag na pangarap at sa harap ng matuwid na Diyos, hindi ka Niya gagawan ng pagtatangi. Kung nais mo lamang na matupad ang iyong mga pangarap, huwag kang mangarap kailanman; bagkus, ay harapin mo magpakailanman ang katotohanan at ang mga katunayan. Ito ang tanging paraan upang mailigtas ka. Ano, sa tiyak na pananalita, ang mga hakbang ng pamamaraang ito?

Una, tingnan mo ang lahat ng paglabag mo, at suriin ang anumang asal at mga saloobin mo na hindi umaayon sa katotohanan.

Ito ay isang bagay na madali mong magagawa, at naniniwala Ako na kaya itong gawin ng lahat ng matatalinong tao. Gayunman, yaong mga hindi kailanman nakaaalam kung ano ang kahulugan ng paglabag at katotohanan ay mga di-kabilang, sapagkat sa pangunahing antas ay hindi sila matatalinong tao. Nakikipag-usap Ako sa mga taong sinang-ayunan ng Diyos, matatapat, hindi lubhang lumabag sa anumang mga atas administratibo, at madaling makabatid ng kanilang mga paglabag. Bagama’t itong isang bagay na hinihingi Ko sa inyo ay madaling gawin, hindi lamang ito ang bagay na hinihingi Ko sa inyo. Ano’t anuman, umaasa Ako na hindi ninyo lihim na pagtatawanan ang hinihingi Kong ito, at lalong hindi ninyo ito mamaliitin o hahamakin. Seryosohin ninyo ito, at huwag itong ipagwalang-bahala.

Ikalawa, para sa bawat paglabag at pagsuway mo, dapat kang humanap ng isang katumbas na katotohanan, at pagkaraan ay gamitin ang mga katotohanang ito upang lutasin ang mga usaping iyon. Kasunod niyan, palitan mo ang iyong mapanlabag na mga kilos at masuwaying mga saloobin at mga kilos ng pagsasagawa ng katotohanan.

Ikatlo, dapat kang maging isang matapat na tao, hindi isang laging tuso at laging mapanlinlang. (Dito ay muli Kong hinihingi sa inyo na maging isang matapat na tao.)

Kung matutupad mong lahat ang tatlong bagay na ito, isa ka sa mapapalad—isang tao na natutupad ang mga pangarap at tumatanggap ng mabuting kapalaran. Marahil ay ituturing ninyong seryoso ang tatlong hindi kahali-halinang kahilingang ito, o marahil ay ituturing ninyo nang walang pananagutan ang mga ito. Ano’t anuman, ang Aking layunin ay ang tuparin ang inyong mga pangarap at maisagawa ang inyong mga mithiin, hindi ang pagtawanan kayo o gawin kayong hangal.

Maaaring payak ang Aking mga hinihingi, ngunit ang sinasabi Ko sa inyo ay hindi kasimpayak ng isa dagdagan ng isa ay dalawa. Kung ang ginagawa lamang ninyo ay basta pag-usapan ito, o magsalita nang magsalita tungkol sa mga hungkag at tila mahalagang mga pahayag, ang inyong mga plano at ang inyong mga hangarin ay magiging isang pahinang walang laman na lamang magpakailanman. Hindi Ako makararamdam ng habag sa inyo na nagdurusa sa loob ng maraming taon at nagpapakasipag nang husto sa paggawa ngunit wala namang napapala. Taliwas dito, papatawan Ko ng kaparusahan, hindi ng pabuya at lalong hindi ng simpatya, yaong mga hindi nakatugon sa Aking mga hinihingi. Maipalalagay ninyo marahil, bilang isang tagasunod sa maraming taon, na masipag na kayong gumawa anuman ang mangyari, at dapat kayong pagkalooban ng isang mangkok ng kanin sa sambahayan ng Diyos bilang tagapaglingkod. Sasabihin Ko na ang karamihan sa inyo ay nag-iisip sa ganitong paraan, dahil lagi na lamang ninyong sinusunod ang prinsipyo ng kung paano sasamantalahin ang mga bagay at hindi mapagsasamantalahan. Kaya’t sinasabi Ko sa inyo ngayon nang may lubos na pagkaseryoso: Wala Akong pakialam kung gaano man kapuri-puri ang iyong kasipagan, kung gaano man kahanga-hanga ang iyong mga kakayahan, kung gaano mo man kahigpit Akong sinusunod, kung gaano ka man kabantog, o kung gaano mo man pinabuti ang iyong pag-uugali; hangga’t hindi mo natutugunan ang Aking mga hinihingi, hindi mo kailanman makakamit ang Aking papuri. Iwaksi mo na sa lalong madaling panahon ang lahat ng iyong kaisipan at mga pagtataya at simulang seryosohin ang Aking mga hinihingi; kung hindi, gagawin Kong abo ang lahat ng tao nang sa gayon ay mawakasan na ang Aking gawain at, sa pinakamalala ay ipawalang-saysay ang Aking mga taon ng paggawa at pagdurusa, sapagkat hindi Ko madadala ang Aking mga kaaway at yaong mga tao na umaalingasaw sa kasamaan at may anyo ni Satanas sa Aking kaharian o dalhin sila sa susunod na kapanahunan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Paglabag ay Magdadala sa Tao sa Impiyerno

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

Kaugnay na Nilalaman

Kontakin Kami Gamit ang Messenger