3. Ano ang isang taong sumusunod sa kalooban ng Diyos at ano ang tunay na patotoo ng pananampalataya sa Diyos

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

“Si Noe ay lalaking matuwid at sakdal noong kapanahunan niya: si Noe ay lumalakad na kasama ng Dios. At nagkaanak si Noe ng tatlong lalake: si Sem, si Cham, at si Japhet. At sumama ang lupa sa harap ng Dios, at ang lupa ay napuno ng karahasan. At tiningnan ng Dios ang lupa, at, narito sumama; sapagka’t pinasama ng lahat ng tao ang kanilang paglakad sa ibabaw ng lupa. At sinabi ng Dios kay Noe, Ang wakas ng lahat ng tao ay dumating sa harap ko; sapagka’t ang lupa ay napuno ng karahasan dahil sa kanila; at, narito, sila’y aking lilipuling kalakip ng lupa. Gumawa ka ng isang sasakyang kahoy na gofer; gagawa ka ng mga silid sa sasakyan, at iyong sisiksikan sa loob at sa labas ng sahing. … At sa bawa’t nangabubuhay, sa lahat ng laman ay maglululan ka sa loob ng sasakyan ng dalawa sa bawa’t uri upang maingatan silang buhay, na kasama mo; lalake at babae ang kinakailangan. Sa mga ibon ayon sa kanikanilang uri, at sa mga hayop ayon sa kanikanilang uri, sa bawa’t nagsisiusad, ayon sa kanikanilang uri, dalawa sa bawa’t uri, ay isasama mo sa iyo, upang maingatan silang buhay. At magbaon ka ng lahat na pagkain na kinakain, at imbakin mo sa iyo; at magiging pagkain mo at nila. Gayon ginawa ni Noe; ayon sa lahat na iniutos sa kaniya ng Dios, ay gayon ang ginawa niya” (Genesis 6:9–22).

“Sinubok ng Dios si Abraham, at sa kaniya’y sinabi, Abraham; at sinabi niya, Narito ako. At kaniyang sinabi, Kunin mo ngayon ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak na si Isaac, na iyong minamahal at pumaroon ka sa lupain ng Moria; at ihain mo siya roong handog na susunugin sa ibabaw ng isa sa mga bundok na aking sasabihin sa iyo. At si Abraham ay bumangong maaga, at inihanda ang kaniyang asno, at ipinagsama ang dalawa sa kaniyang mga alila, at si Isaac na kaniyang anak: at nagsibak ng kahoy para sa haing susunugin, at bumangon at naparoon sa dakong sinabi sa kaniya ng Dios. … At sila’y dumating sa dakong sa kaniya’y sinabi ng Dios; at nagtayo si Abraham doon ng isang dambana, at inayos ang kahoy, at tinalian si Isaac na kaniyang anak at inilagay sa ibabaw ng dambana, sa ibabaw ng kahoy. At iniunat ni Abraham ang kaniyang kamay at hinawakan ang sundang upang patayin ang kaniyang anak” (Genesis 22:1–10).

“May isang lalake sa lupain ng Uz, na ang pangalan ay Job; at ang lalaking yaon ay sakdal at matuwid, at natatakot sa Dios, at humihiwalay sa kasamaan” (Job 1:1).

“At nangyari isang araw, nang ang kaniyang mga anak na lalake at babae ay nagsisikain at nagsisiinom ng alak sa bahay ng kanilang kapatid na panganay. Na dumating ang isang sugo kay Job, at nagsabi, Ang mga baka ay nagsisipagararo, at ang mga asno ay nagsisisabsab sa siping nila: At dinaluhong ng mga Sabeo, at pinagdadala; oo, kanilang pinatay ng talim ng tabak ang mga bataan; at ako lamang ang nakatanang magisa upang magsaysay sa iyo. Samantalang siya’y nagsasalita pa, ay dumating naman ang iba, at nagsabi, Ang apoy ng Dios ay nalaglag mula sa langit, at sinunog ang mga tupa, at ang mga bataan, at pinagsupok; at ako lamang ang nakatanang magisa upang magsaysay sa iyo. Samantalang siya’y nagsasalita pa, ay dumating naman ang iba, at nagsabi, Ang mga Caldeo ay nagtatlong pulutong, at dumaluhong sa mga kamelyo, at pinagdadala, oo, at pinatay ng talim ng tabak ang mga bataan; at ako lamang ang nakatanang magisa upang magsaysay sa iyo. Samantalang siya’y nagsasalita pa, ay dumating naman ang iba, at nagsabi, Ang iyong mga anak na lalake at babae ay nagsisikain at nagsisiinom ng alak sa bahay ng kanilang kapatid na panganay: At, narito, dumating ang malakas na hangin na mula sa ilang, at hinampas ang apat na sulok ng bahay, at lumagpak sa mga binata, at sila’y nangamatay; at ako lamang ang nakatanang magisa upang magsaysay sa iyo. Nang magkagayo’y bumangon si Job, at hinapak ang kaniyang balabal, at inahitan ang kaniyang ulo, at nagpatirapa sa lupa at sumamba; At sinabi niya, Hubad akong lumabas sa bahay-bata ng aking ina, at hubad na babalik ako roon: ang Panginoon ang nagbigay, at ang Panginoon ang nagalis; purihin ang pangalan ng Panginoon” (Job 1:13–21).

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Opisyal nang sinimulan ng Diyos ngayon ang pagperpekto sa mga tao. Upang gawing ganap, kailangang sumailalim ang mga tao sa pahayag, paghatol, at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, at maranasan ang mga pagsubok at pagpipino ng Kanyang mga salita (kagaya ng pagsubok ng mga taga-serbisyo). Bilang karagdagan, kailangang magawang matagalan ng mga tao ang pagsubok ng kamatayan. Iyon ay, ang sinuman na tunay na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay magagawang maghayag ng papuri mula sa kaibuturan ng kanilang puso sa gitna ng paghatol, pagkastigo, at mga pagsubok ng Diyos, at nagagawang lubos na sundin ang Diyos at talikuran ang kanilang mga sarili, kaya iniibig ang Diyos nang may taimtim na puso, paninindigan, at kadalisayan; gayon ang taong ganap, at ito rin ang gawain na gustong gawin ng Diyos, at ang gustong isakatuparan ng Diyos.

Hinango mula sa “Tungkol sa mga Hakbang ng Gawain ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Nagawa ni Jesus na tapusin ang tagubilin ng Diyos—ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan—dahil ibinigay Niya ang masusing pangangalaga sa kalooban ng Diyos, nang walang pansariling mga plano at pagsasaayos. Kaya, ganun din, Siya ay kaniig ng Diyos—ang Diyos Mismo, na isang bagay na nauunawaan ninyong lahat nang napakaigi. (Ang totoo, Siya ang Diyos Mismo na pinatotohanan ng Diyos. Binabanggit Ko ito dito upang gamitin ang katunayan ni Jesus upang isalarawan ang usapin.) Nagawa Niyang ilagay ang plano ng pamamahala ng Diyos sa pinakasentro, at palaging nanalangin sa Ama sa langit at hinangad ang kalooban ng Ama sa langit. Nanalangin Siya at nagsabi: “Diyos Ama! Ganapin yaong Iyong kalooban, at kumilos hindi ayon sa Aking mga kagustuhan kundi ayon sa Iyong plano. Maaaring mahina ang tao, nguni’t bakit Ka dapat mag-alala para sa kanya? Paano magiging karapat-dapat ang tao sa Iyong pag-aalala, ang tao na tulad ng isang langgam sa Iyong kamay? Sa Aking puso, nais Ko lamang na tuparin ang Iyong kalooban, at nais Ko na Iyong magagawa ang nais Mong gawin sa Akin ayon sa Iyong sariling mga kagustuhan.” Habang nasa daan patungong Jerusalem, si Jesus ay nagdurusa, na para bang isang kutsilyo ang pinipilipit sa Kanyang puso, subali’t Siya ay wala ni bahagya mang intensyong talikuran ang Kanyang salita; palaging mayroong isang makapangyarihang puwersang humihimok sa Kanya na sumulong kung saan Siya ay ipapako sa krus. Sa kahuli-hulihan, Siya ay ipinako sa krus at naging wangis ng makasalanang laman, tinatapos ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan. Nakawala Siya sa mga gapos ng kamatayan at ng Hades. Sa harap Niya, ang mortalidad, impiyerno, at Hades ay nawalan ng kapangyarihan, at nalupig Niya. Siya ay nabuhay sa loob ng tatlumpu’t tatlong taon, sa kabuuan nito ay palagi Niyang ginawa ang Kanyang makakaya upang tuparin ang kalooban ng Diyos ayon sa gawain ng Diyos sa panahong iyon, hindi kailanman isinasaalang-alang ang Kanyang pansariling pakinabang o kawalan, at palaging iniisip ang kalooban ng Diyos Ama. Kaya, matapos na Siya ay nabautismuhan, sinabi ng Diyos: “Ito ang sinisinta Kong Anak, na siya Kong lubos na kinalulugdan.” Dahil sa Kanyang serbisyo sa harap ng Diyos na ayon sa kalooban ng Diyos, inilagay ng Diyos ang mabigat na pasanin ng pagtubos sa buong sangkatauhan sa Kanyang mga balikat at pinahayo Siya upang tuparin ito, at Siya ay kwalipikado at nararapat na tumapos sa mahalagang gawaing ito. Sa kabuuan ng Kanyang buhay, tiniis Niya ang di-masusukat na pagdurusa para sa Diyos, at Siya ay tinukso ni Satanas nang di-mabilang na beses, nguni’t Siya ay hindi kailanman pinanghinaan ng loob. Binigyan Siya ng Diyos ng gayong napakalaking gawain dahil ang Diyos ay nagtitiwala sa Kanya, at nagmamahal sa Kanya, at kaya personal na sinabi ng Diyos: “Ito ang sinisinta Kong Anak, na siya Kong lubos na kinalulugdan.”

Hinango mula sa “Paano Maglingkod na Kaayon ng Kalooban ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Yaong naglilingkod sa Diyos ay dapat maging mga kaniig ng Diyos, dapat ay nakalulugod sila sa Diyos, at may kakayahan ng sukdulang katapatan sa Diyos. Ikaw man ay kumikilos sa pribado o sa harap ng publiko, ikaw ay nakatatamo ng kagalakan ng Diyos sa harap ng Diyos, ikaw ay may kakayahang manindigan sa harap ng Diyos, at paano ka man tratuhin ng ibang mga tao, lagi mong tinatahak ang landas na dapat mong tahakin, at masusing pinangangalagaan ang pasanin ng Diyos. Tanging ganitong mga tao ang mga kaniig ng Diyos. Na nakakaya ng mga kaniig ng Diyos na direktang maglingkod sa Kanya ay dahil nabigyan na sila ng dakilang tagubilin ng Diyos, at pasanin ng Diyos, nagagawa nilang damahin ang puso ng Diyos bilang kanila, at dalhin ang pasanin ng Diyos bilang kanila, at hindi nila isinasaalang-alang ang kanilang mga layunin sa hinaharap: Kahit na wala silang mga layunin, at hindi sila makikinabang, sila ay palaging maniniwala sa Diyos nang may mapagmahal na puso. At dahil dito, ang ganitong uri ng tao ay kaniig ng Diyos. Ang mga kaniig ng Diyos ay Kanya ring mga pinagkakatiwalaan; ang mga pinagkakatiwalaan lamang ng Diyos ang magagawang makibahagi sa Kanyang pagkabalisa, at sa Kanyang mga saloobin, at bagaman ang kanilang laman ay makirot at mahina, natitiis nila ang kirot at tinatalikdan yaong kanilang kasiyahan upang mapasaya ang Diyos. Nagbibigay ang Diyos ng mas maraming pasanin sa gayong mga tao, at kung ano ang nais gawin ng Diyos ay pinatutunayan ng ganoong patotoo ng mga tao. Sa gayon, nakalulugod ang mga taong ito sa Diyos, sila ay mga lingkod ng Diyos na kaayon ng Kanyang sariling puso, at ang mga tao lamang na tulad nito ang maaaring mamuno kasama ng Diyos.

Hinango mula sa “Paano Maglingkod na Kaayon ng Kalooban ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Para sa Diyos, kung ang tao man ay dakila o hamak, basta’t makikinig sila sa Kanya, makasusunod sa Kanyang mga tagubilin at sa Kanyang mga ipinagkakatiwala, at maaaring makipagtulungan sa Kanyang gawain, sa Kanyang kalooban, at sa Kanyang plano, upang matupad nang maayos ang Kanyang kalooban at ang Kanyang plano, ang asal na iyon ay karapat-dapat sa Kanyang pag-alaala at karapat-dapat na makatanggap ng Kanyang pagpapala. Pinahahalagahan ng Diyos ang ganitong mga tao, at tinatangi Niya ang kanilang mga gawa at ang kanilang pag-ibig at paggiliw para sa Kanya. Ito ang saloobin ng Diyos.

Hinango mula sa “Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Noong unang dinanas ni Job ang kanyang mga pagsubok, kinuha sa kanya ang lahat ng kanyang ari-arian at lahat ng kanyang anak, subali’t hindi siya nadapa o nagsabi ng anuman na kasalanan laban sa Diyos bilang bunga nito. Napagtagumpayan niya ang mga panunukso ni Satanas, at napagtagumpayan niya ang kanyang materyal na ari-arian at mga anak, at ang pagsubok ng pagkawala ng lahat ng kanyang makamundong ari-arian, ibig sabihin, nagawa niyang sumunod sa pagkuha ng Diyos sa kanya at nagbigay ng pasasalamat at papuri sa Diyos dahil dito. Ganito ang asal ni Job sa panahon ng unang panunukso ni Satanas, at ganito rin ang patotoo ni Job sa panahon ng unang pagsubok ng Diyos. Sa ikalawang pagsubok, iniunat ni Satanas ang kamay nito upang pahirapan si Job, at kahit na naranasan ni Job ang mas matindi pang sakit kaysa naranasan noon, sapat na ang kanyang patotoo upang kamanghaan siya ng mga tao. Ginamit niya ang kanyang katatagan ng loob, pananalig, at pagkamasunurin sa Diyos, pati na rin ang kanyang takot sa Diyos, upang muling matalo si Satanas, at muling sinang-ayunan at pinaboran ng Diyos ang kanyang asal at patotoo. Sa panahon ng panunuksong ito, ginamit ni Job ang kanyang tunay na asal upang ipahayag kay Satanas na hindi kayang baguhin ng sakit ng laman ang kanyang pananampalataya at pagsunod sa Diyos o alisin ang kanyang debosyon at takot sa Diyos; hindi niya tatalikuran ang Diyos o isusuko ang kanyang pagiging perpekto at matuwid dahil nahaharap siya sa kamatayan. Dahil sa determinasyon ni Job naging duwag si Satanas, dahil sa kanyang pananampalataya natakot at nanginig si Satanas, dahil sa pwersa ng kanyang pakikipaglaban kay Satanas buhay man o kamatayan ang kahihinatnan, nagkaroon ng malalim na galit at hinagpis si Satanas, dahil sa kanyang pagiging perpekto at matuwid, wala nang magagawa sa kanya si Satanas, kung kaya tinalikuran ni Satanas ang paglusob sa kanya at ang mga paratang nito laban kay Job sa harap ng Diyos na si Jehova. Nangahulugan ito na napagtagumpayan ni Job ang mundo, napagtagumpayan niya ang laman, napagtagumpayan niya si Satanas, napagtagumpayan niya ang kamatayan; siya ay isang taong ganap at lubos na pag-aari ng Diyos. Sa panahon ng dalawang pagsubok na ito, naging matatag si Job sa kanyang patotoo, at tunay na isinabuhay ang kanyang pagiging perpekto at matuwid, at pinalawak ang saklaw ng mga prinsipyo niya sa buhay na pagkatakot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Matapos maranasan ang dalawang pagsubok na ito, nagkaroon si Job ng mas mayamang karanasan, at dahil sa karanasang ito, naging mas magulang at mas marunong siya, naging mas malakas siya, nagkaroon ng mas matibay na paniniwala, at mas nagtitiwala siya sa pagiging tama at pagiging karapat-dapat ng katapatang pinanghahawakan niya. Binigyan si Job ng pagsubok ng Diyos na si Jehova ng malalim na pag-unawa at pakiramdam sa pagmamalasakit ng Diyos sa tao, at ipinaramdam sa kanya ang kahalagahan ng pag-ibig ng Diyos, at magmula noon naidagdag ang pagsasaalang-alang at pag-ibig para sa Diyos sa kanyang takot sa Diyos. Ang mga pagsubok ng Diyos na si Jehova ay hindi lamang sa hindi inilayo si Job mula sa Kanya, ngunit mas inilapit pa ng mga ito ang kanyang puso sa Diyos. Noong umabot sa sukdulan ang sakit sa laman na tiniis ni Job, dahil sa pag-aalalang nadama niya mula sa Diyos na si Jehova, wala siyang nagawa kundi sumpain ang araw ng kanyang kapanganakan. Ang ganitong asal ay hindi binalak, ngunit isang natural na pahayag ng pagsasaalang-alang at pag-ibig sa Diyos mula sa loob ng kanyang puso, ito ay isang likas na pahayag na nagmula sa kanyang pagsasaalang-alang at pag-ibig sa Diyos. Ibig sabihin, dahil kinapopootan niya ang sarili niya, at ayaw niya, at hindi niya matitiis na pahirapan ang Diyos, umabot ang kanyang pagsasaalang-alang at pag-ibig sa punto na hindi na niya iniisip ang kanyang sarili. Sa oras na ito, itinaas ni Job ang kanyang matagal nang pagsamba, pananabik at malasakit sa Diyos sa antas ng pagsasaalang-alang at pagmamahal. Kasabay nito, itinaas din niya ang kanyang pananampalataya, pagsunod at takot sa Diyos sa antas ng pagsasaalang-alang at pagmamahal. Hindi niya hinayaan ang kanyang sarili na gumawa ng anumang bagay na magdudulot ng pinsala sa Diyos, hindi niya pinahintulutan ang kanyang sarili ng anumang asal na makakasakit sa Diyos, at hindi niya pinayagan ang kanyang sarili na magdala ng anumang dalamhati, pighati, o kahit na kalungkutan sa Diyos dahil sa sarili niyang mga kadahilanan. Sa paningin ng Diyos, kahit na si Job ay ang dati pa ring Job, nagdala ang kanyang pananampalataya, pagsunod, at takot sa Diyos ng ganap na kaluguran at kasiyahan sa Diyos. Sa oras na ito, nakamit ni Job ang pagiging perpekto na inaasahan ng Diyos na makakamit niya, siya ay naging isang tao na tunay na karapat-dapat na tawaging “perpekto at matuwid” sa paningin ng Diyos. Ang kanyang mga matuwid na gawa ang nagpatagumpay sa kanya laban kay Satanas at nagpatibay sa kanyang patotoo sa Diyos. Gayundin, ang kanyang mga matuwid na gawa ay ginawa siyang perpekto, at nagtaas sa halaga ng kanyang buhay at mangibabaw nang higit pa sa kailanman, at gumawa sa kanya bilang ang unang tao na hindi na kailanman lulusubin at tutuksuhin ni Satanas. Dahil si Job ay matuwid, siya ay pinaratangan at tinukso ni Satanas; dahil si Job ay matuwid, siya ay ibinigay kay Satanas; at dahil si Job ay matuwid, napagtagumpayan at tinalo niya si Satanas, at nanindigan sa kanyang patotoo. Simula noon si Job ang naging unang tao na hindi na kailanman muling ibibigay kay Satanas, talagang humarap siya sa trono ng Diyos, at nabuhay sa liwanag, sa ilalim ng mga pagpapala ng Diyos na walang pagmamanman o paninira ni Satanas…. Siya ay naging isang tunay na tao sa paningin ng Diyos, siya ay napalaya …

Hinango mula sa “Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang kahit anong bagay sa buhay ni Pedro na hindi nagbibigay-kasiyahan sa kalooban ng Diyos ay bumabagabag sa kanya. Kung hindi nito natugunan ang kagustuhan ng Diyos, kung gayon makakaramdam siya ng taos na pagsisisi, at maghahanap ng isang angkop na paraan kung paano niya mapagsusumikapan na mapasaya ang puso ng Diyos. Sa kahit na pinakamaliit at pinaka-walang-kabuluhang aspeto ng kanyang buhay, kinailangan niya pa rin sa kanyang sarili na katagpuin ang ninanasa ng Diyos. Ganoon din siya katindi pagdating sa kanyang dating disposisyon, laging mahigpit sa kanyang mga kinakailangan sa kanyang sarili upang umusad nang mas malalim pa sa katotohanan. … Sa kanyang pananampalataya sa Diyos, hinanap ni Pedro na mapasaya ang Diyos sa lahat ng bagay, at hinanap na sundin ang lahat ng nagmula sa Diyos. Nang wala ni katiting na reklamo, kinaya niyang tanggapin ang pagkastigo at paghatol, pati na rin ang pagpipino, kapighatian at kakulangan sa kanyang buhay, kung saan wala sa mga nabanggit ang makapagbabago ng kanyang pag-ibig para sa Diyos. Hindi ba ito ang sukdulang pag-ibig para sa Diyos? Hindi ba ito ang katuparan ng tungkulin ng isang nilalang ng Diyos? Sa pagkastigo, paghatol, o kapighatian, laging may kakayahan kang makamit ang pagsunod hanggang kamatayan, at ito ang dapat na makamit ng isang nilalang ng Diyos, ito ang kadalisayan ng pagmamahal para sa Diyos. Kung kaya ng tao na magkamit ng ganito kahigit, kung gayon siya ay isang angkop na nilalang ng Diyos, at walang mas makapagpapasaya sa kalooban ng Lumikha.

Hinango mula sa “Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Kapag nababanggit si Pedro, walang katapusan ang pagsasabi ng mga tao ng mabubuting bagay tungkol sa kanya. Agad nilang ginugunita ang tatlong beses na itinakwil niya ang Diyos, paano niya sinubok ang Diyos sa pagsisilbi kay Satanas, at paano siya ipinako sa krus nang patiwarik sa bandang huli para sa Diyos, at iba pa. Ngayon ay magtutuon Ako sa paglalarawan sa inyo kung paano Ako nakilala ni Pedro at kung ano ang kinahinatnan niya sa huli. Malaki ang kakayahan ni Pedro, ngunit ang kanyang sitwasyon ay hindi kagaya ng kay Pablo: Inusig Ako ng kanyang mga magulang, mga demonyo sila na nasapian ni Satanas at, dahil dito, wala silang itinurong anuman kay Pedro tungkol sa Diyos. Si Pedro ay mautak, matalino, at mahal na mahal ang kanyang mga magulang mula pa sa pagkabata. Subalit pagtanda niya, naging kaaway siya nila dahil hindi siya tumigil kailanman sa pagsisikap na makaalam tungkol sa Akin, at paglaon ay tumalikod siya sa kanila. Ito ay dahil, una sa lahat, naniwala siya na ang langit at lupa at lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Makapangyarihan sa lahat at na lahat ng positibong bagay ay nagmumula sa Diyos at tuwirang lumalabas mula sa Kanya nang hindi naiimpluwensyahan ni Satanas. Ang pagkakaiba ng mga magulang ni Pedro sa kanya ay nagbigay sa kanya ng higit na kaalaman tungkol sa Aking kagandahang-loob at awa, sa gayon ay naragdagan ang kanyang hangaring hanapin Ako. Nagtuon siya hindi lamang sa pagkain at pag-inom ng Aking mga salita, kundi, bukod pa rito, sa pag-unawa sa Aking kalooban, at lagi siyang maingat sa kanyang puso. Dahil dito, lagi siyang sensitibo sa kanyang espiritu, at dahil dito ay nakaayon Siya sa Aking sariling puso sa lahat ng kanyang ginawa. Palagi siyang nakatuon sa mga kabiguan ng mga tao noong araw para magpasigla sa kanya, sa malaking pangamba na baka siya mabigo. Nagtuon din siya sa pakikibahagi sa pananampalataya at pagmamahal ng lahat ng nagmahal sa Diyos sa lahat ng kapanahunan. Sa ganitong paraan—hindi lamang sa mga negatibong aspeto, kundi ang higit na mahalaga, sa mga positibong aspeto—mas mabilis siyang lumago, kaya ang kanyang kaalaman ay naging pinakadakila sa lahat sa Aking presensya. Dahil dito, hindi mahirap isipin kung paano niya ipinaubaya ang lahat ng mayroon siya sa Aking mga kamay, paano niya isinuko maging ang paggawa ng mga desisyon tungkol sa pagkain, pananamit, pagtulog at kung saan siya nakatira, at sa halip ay tinamasa niya ang Aking mga kayamanan batay sa pagpapalugod niya sa Akin sa lahat ng bagay. Maraming beses Ko siyang isinailalim sa mga pagsubok—mga pagsubok, natural, na muntik na niyang ikamatay—ngunit sa kabila ng daan-daang pagsubok na ito, hindi siya nawalan ng pananampalataya sa Akin kailanman o nadismaya sa Akin. Kahit noong sabihin Ko na natalikuran Ko siya, hindi pa rin siya pinanghinaan ng loob, at patuloy niya Akong minahal sa isang praktikal na paraan at alinsunod sa dating mga prinsipyo ng pagsasagawa. Sinabi Ko sa kanya na hindi Ko siya pupurihin kahit minahal niya Ako, na sa huli ay ihahagis Ko siya sa mga kamay ni Satanas. Ngunit sa gitna ng mga pagsubok na ito, mga pagsubok na hindi sumapit sa kanyang laman, kundi sa mga salita, nanalangin pa rin siya sa Akin at nagsabing, “Diyos ko! Sa langit at sa lupa, at sa lahat ng bagay, mayroon bang sinumang tao, anumang nilalang, o anumang bagay na hindi Mo hawak sa mga kamay Mo, ang Makapangyarihan sa lahat? Kapag maawain Ka sa akin, labis na nagagalak ang puso ko sa Iyong awa. Kapag hinahatulan Mo ako hindi man ako karapat-dapat, lalo kong nadarama ang napakalalim na hiwaga ng Iyong mga gawa, dahil puno Ka ng awtoridad at karunungan. Bagama’t nahihirapan ang aking laman, naaaliw ang aking espiritu. Paanong hindi ko pupurihin ang Iyong karunungan at mga gawa? Kahit mamatay ako matapos Kang makilala, paanong hindi ko magagawa iyon nang may galak at masaya? Makapangyarihan sa lahat! Talaga bang ayaw Mo akong makita Ka? Talaga bang hindi ako karapat-dapat na tumanggap ng Iyong paghatol? Maaari kayang may isang bagay sa akin na ayaw Mong makita?” Sa gayong mga pagsubok, kahit hindi naintindihang mabuti ni Pedro ang Aking kalooban, malinaw na ipinagmalaki at ikinarangal niya na kinasangkapan Ko siya (kahit tinanggap niya ang Aking paghatol upang makita ng sangkatauhan ang Aking kamahalan at poot), at na hindi siya nabalisa sa mga pagsubok na ito. Dahil sa kanyang katapatan sa Aking harapan, at dahil sa Aking pagpapala sa kanya, naging isa siyang uliran at huwaran sa tao sa loob ng libu-libong taon.

Hinango mula sa “Kabanata 6” ng Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Noong siya ay kinakastigo ng Diyos, nanalangin si Pedro, “O Diyos! Ang aking laman ay masuwayin, at kinakastigo Mo ako at hinahatulan ako. Ako ay nagagalak sa Iyong pagkastigo at paghatol, at kahit hindi Mo ako nais, sa Iyong paghatol ay nakikita ko ang Iyong banal at matuwid na disposisyon. Kapag hinahatulan Mo ako, upang makita ng iba ang Iyong matuwid na disposisyon sa Iyong paghatol, ako ay nasisiyahan. Kung maipapahayag nito ang Iyong disposisyon at matutulutan ang Iyong matuwid na disposisyon na makita ng lahat ng nilalang, at kung magagawa nitong mas dalisay ang aking pagmamahal sa Iyo, upang maging kawangis Ako ng isang matuwid, ang paghatol Mo ay mabuti, sapagkat gayon ang Iyong mapagpalang kalooban. Batid ko na puno pa rin ako ng panghihimagsik, at na ako ay hindi pa rin naaangkop na lumapit sa harap Mo. Nais ko para sa Iyo na hatulan pa ako nang higit, kung sa pamamagitan man ito ng palabang kapaligiran o matitinding kapighatian; anuman ang ginagawa Mo, para sa akin ito ay napakahalaga. Ang Iyong pag-ibig ay napakalalim, at handa akong ilagay ang aking sarili sa Iyong pagsasaayos nang walang munti mang pagdaing.” Ito ang kaalaman ni Pedro pagkatapos niyang maranasan ang gawain ng Diyos, at ito rin ay isang patotoo sa kanyang pag-ibig sa Diyos. … Noong malapit na siyang mamatay, pagkatapos siyang magawang perpekto, sinabi ni Pedro, “O Diyos! Kung ako ay mabubuhay ng ilan pang mga taon, nais kong magkaroon nang higit pang dalisay at higit pang malalim na pag-ibig sa Iyo.” Noong siya ay ipapako na sa krus, nanalangin siya sa kanyang puso, “O Diyos! Ang Iyong panahon ay dumating na ngayon, ang panahong Iyong inihanda para sa akin ay dumating na. Ako ay dapat maipako sa krus para sa Iyo, dapat akong magpatotoo nito sa Iyo, at umaasa ako na ang aking pag-ibig ay makatutugon sa Iyong mga kinakailangan, at na ito ay magiging higit pang dalisay. Ngayon, ang makayang mamatay para sa Iyo, at maipako sa krus para sa Iyo, ay umaaliw at nagbibigay-katiyakan sa akin, sapagkat wala nang higit pang kasiya-siya sa akin kaysa makayang mapako sa krus para sa Iyo at mabigyang-kasiyahan ang Iyong mga nais, at makayang ibigay ang sarili ko sa Iyo, maialay ang aking buhay sa Iyo. O Diyos! Ikaw ay lubhang kaibig-ibig! Kung tulutan Mo akong mabuhay, lalo pa akong magiging handang ibigin Ka. Habang ako ay nabubuhay, iibigin Kita. Nais kong ibigin Ka pa nang higit na malalim. Hatulan Mo ako, at kastiguhin ako, at subukin ako dahil ako ay hindi matuwid, dahil ako ay nagkasala. At ang Iyong matuwid na disposisyon ay nagiging higit na maliwanag sa akin. Ito ay isang pagpapala sa akin, sapagkat naiibig Kita nang higit na malalim, at handa akong ibigin Ka sa ganitong paraan kahit na hindi Mo ako iniibig. Handa akong makita ang Iyong matuwid na disposisyon, sapagkat mas lalo ako nitong binibigyang-kakayahan upang isabuhay ang isang makabuluhang buhay. Nararamdaman ko na ang buhay ko ngayon ay higit na may kabuluhan, sapagkat ipinapako ako sa krus para sa Iyong kapakanan, at napakahalagang mamatay alang-alang sa Iyo. Gayon pa man hindi pa rin ako nakakaramdam ng kasiyahan, sapagkat lubhang kakaunti ang nalalaman ko hinggil sa Iyo, batid ko na hindi ko ganap na matutupad ang Iyong mga nais, at kakaunti ang mga naibayad ko sa Iyo. Sa aking buhay, hindi ko nakayang ibigay ang buong sarili ko sa Iyo; malayo pa ako roon. Habang lumilingon ako sa sandaling ito, nararamdaman ko ang lubhang pagkakautang ko sa Iyo, at mayroon na lamang ako ng sandaling ito upang bumawi mula sa lahat ng pagkakamali ko at lahat ng pag-ibig na hindi ko naibalik sa Iyo.”

Hinango mula sa “Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ngayon, dapat mong mabatid kung paano malupig, at kung paano kumikilos ang mga tao matapos silang malupig. Maaari mong sabihin na nalupig ka na, ngunit makakasunod ka ba hanggang kamatayan? Kailangan mong magawang sumunod hanggang sa kahuli-hulihan mayroon mang anumang mga maaasam, at hindi ka dapat mawalan ng pananampalataya sa Diyos anuman ang sitwasyon. Sa huli, kailangan mong matamo ang dalawang aspeto ng patotoo: ang patotoo ni Job—pagsunod hanggang kamatayan; at ang patotoo ni Pedro—ang sukdulang pagmamahal sa Diyos. Sa isang banda, kailangan mong maging kagaya ni Job: nawala ang lahat ng kanyang ari-arian, at pinahirapan ng sakit ng katawan, subalit hindi niya tinalikuran ang pangalan ni Jehova. Ito ang patotoo ni Job. Nagawang mahalin ni Pedro ang Diyos hanggang kamatayan. Noong siya ay ipako sa krus at hinarap ang kanyang kamatayan, minahal pa rin niya ang Diyos; hindi niya inisip ang sarili niyang mga inaasam o hinangad ang magagandang pag-asa o maluluhong saloobin, at hinangad lamang niyang mahalin ang Diyos at sundin ang lahat ng plano ng Diyos. Iyan ang batayan na kailangan mong makamtan bago ka maituring na nagpatotoo, bago ka maging isang tao na nagawang perpekto matapos na malupig.

Hinango mula sa “Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Panlulupig (2)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ano ba talaga ang tunay na patotoo? Ang patotoong binabanggit dito ay may dalawang bahagi: Ang isa ay patotoo ng pagkalupig, at ang isa pa ay patotoo na nagawa na siyang perpekto (na, natural, ay magiging patotoo kasunod ng malalaking pagsubok at kapighatian sa hinaharap). Sa madaling salita, kung kaya mong manindigan sa oras ng mga kapighatian at pagsubok, napagtiisan mo na ang pangalawang hakbang ng patotoo. Ang pinakamahalaga ngayon ay ang unang hakbang ng patotoo: magawang manindigan sa bawat pagkakataon ng mga pagsubok ng pagkastigo at paghatol. Ito ang patotoo na nalupig na ang isang tao. Iyon ay dahil ngayon ang panahon ng paglupig. (Dapat mong malaman na ngayon ang panahon ng gawain ng Diyos sa lupa; ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao sa lupa una sa lahat ay lupigin ang grupo ng mga taong ito sa lupa na sumusunod sa Kanya kahit sa paghatol at pagkastigo.) Kung may kakayahan ka o wala na magpatotoo na nalupig ka na ay nakasalalay hindi lamang sa kung nakakasunod ka hanggang sa pinakahuli, kundi, ang mas mahalaga, kung kaya mo, habang dinaranas mo ang bawat hakbang ng gawain ng Diyos, na tunay na maunawaan ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, at kung tunay mong nahihiwatigan ang lahat ng gawaing ito. Hindi ka makakalusot sa pagsunod lamang hanggang sa huli. Kailangan ay handa kang sumuko sa panahon ng bawat pagkakataon ng pagkastigo at paghatol, may kakayahan kang tunay na maunawaan ang bawat hakbang ng gawaing nararanasan mo, at kailangan mong magtamo ng kaalaman, at pagsunod sa disposisyon ng Diyos. Ito ang huling patotoo na nalupig ka na, na ipinababahagi sa iyo. Ang patotoo na nalupig ka na ay tumutukoy una sa lahat sa iyong kaalaman tungkol sa pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang mahalaga, ang hakbang na ito ng patotoo ay sa pagkakatawang-tao ng Diyos. Hindi mahalaga kung ano ang iyong ginagawa o sinasabi sa harap ng mga tao sa mundo o yaong mga may kapangyarihan; ang pinakamahalaga sa lahat ay kung nagagawa mong sundin ang lahat ng salitang nagmumula sa bibig ng Diyos at lahat ng Kanyang gawain. Kung gayon, ang hakbang na ito ng patotoo ay patungkol kay Satanas at sa lahat ng kaaway ng Diyos—ang mga demonyo at palaaway na hindi naniniwala na ang Diyos ay magkakatawang-tao sa ikalawang pagkakataon at darating upang gumawa ng mas dakilang gawain, at bukod pa roon, hindi naniniwala sa katotohanan ng pagbabalik ng Diyos sa katawang-tao. Sa madaling salita, patungkol ito sa lahat ng anticristo—lahat ng kaaway na hindi naniniwala sa pagkakatawang-tao ng Diyos.

…………

Ang huling hakbang ng patotoo ay ang patotoo kung nagawa kang perpekto o hindi—na ang ibig sabihin, dahil naunawaan mo na ang lahat ng salitang nagmumula sa bibig ng Diyos na nagkatawang-tao, nag-aangkin ka ng kaalaman tungkol sa Diyos at nakatitiyak ka tungkol sa Kanya, isinasabuhay mo ang lahat ng salitang nagmumula sa bibig ng Diyos, at nagagawa ang mga kundisyong hinihiling sa iyo ng Diyos—ang estilo ni Pedro at pananampalataya ni Job—kaya nakakasunod ka hanggang kamatayan, naibibigay mo nang lubusan ang iyong sarili sa Kanya, at sa huli ay nakakamtan ang larawan ng isang taong tumutugon sa pamantayan, na ibig sabihin ay ang larawan ng isang taong nalupig na at nagawang perpekto matapos danasin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Ito ang pangwakas na patotoo—ito ang patotoong dapat ibahagi ng isang taong nagawang perpekto sa huli. Ito ang dalawang hakbang ng patotoo na dapat mong ibahagi, at magkaugnay ang mga ito, bawat isa ay kailangang-kailangan. Ngunit may isang bagay na kailangan mong malaman: Ang patotoong kinakailangan ko sa iyo ngayon ay hindi patungkol sa mga tao sa mundo, ni hindi sa sinumang indibiduwal, kundi tungkol sa hinihiling Ko sa iyo. Nasusukat ito sa kung napapalugod mo Ako, at kung nagagawa mong lubos na tugunan ang mga pamantayan ng Aking mga hinihiling sa bawat isa sa inyo. Ito ang dapat ninyong maunawaan.

Hinango mula sa “Pagsasagawa (4)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Kinakailangan sa paniniwala sa Diyos ang pagsunod sa Kanya at pagdanas ng Kanyang gawain. Napakalaki ng nagawa ng Diyos—masasabi na para sa mga tao lahat ng ito ay pagpeperpekto, pagpipino, at bukod pa rito, pagkastigo. Wala pa ni isang hakbang ng gawain ng Diyos na nakaayon sa mga pagkaintindi ng tao; ang natamasa ng mga tao ay ang mababagsik na salita ng Diyos. Kapag pumarito ang Diyos, dapat matamasa ng mga tao ang Kanyang kamahalan at Kanyang poot. Gayunman, gaano man kabagsik ang Kanyang mga salita, pumarito Siya para iligtas at gawing perpekto ang sangkatauhan. Bilang mga nilalang, dapat tuparin ng mga tao ang mga tungkuling dapat nilang tuparin, at tumayong saksi para sa Diyos sa gitna ng pagpipino. Sa bawat pagsubok dapat nilang panindigan ang pagpapatotoong dapat nilang gawin, at gawin iyon nang lubhang matunog para sa Diyos. Ang isang taong gumagawa nito ay isang mananagumpay. Paano ka man pinuhin ng Diyos, nananatili kang puno ng tiwala at hindi nawawalan ng tiwala sa Kanya. Ginagawa mo ang dapat gawin ng tao. Ito ang hinihiling ng Diyos sa tao, at dapat magawa ng puso ng tao na lubos na bumalik at bumaling sa Kanya sa bawat sandaling lumilipas. Ito ay isang mananagumpay. Yaong mga tinutukoy ng Diyos na mga “mananagumpay” ay yaong mga nagagawa pang tumayong saksi at mapanatili ang kanilang tiwala at katapatan sa Diyos kapag nasa ilalim sila ng impluwensya ni Satanas at nilulusob ni Satanas, ibig sabihin, kapag nasa gitna sila ng mga puwersa ng kadiliman. Kung nagagawa mo pa ring magpanatili ng isang dalisay na puso sa harap ng Diyos at ng tunay na pagmamahal para sa Diyos anuman ang mangyari, ikaw ay tumatayong saksi sa harap ng Diyos, at ito ang tinutukoy ng Diyos na pagiging isang “mananagumpay.” Kung napakaganda ng iyong paghahangad kapag pinagpapala ka ng Diyos, ngunit umuurong ka kapag wala ang Kanyang mga pagpapala, kadalisayan ba ito? Yamang nakatitiyak ka na ang landas na ito ay totoo, kailangan mo itong sundan hanggang sa dulo; kailangan mong panatilihin ang iyong katapatan sa Diyos. Yamang nakita mo na ang Diyos Mismo ay naparito sa lupa upang gawin kang perpekto, dapat mong ibigay nang lubusan ang iyong puso sa Kanya. Kung masusundan mo pa rin Siya anuman ang Kanyang gawin, magpasya man Siya ng isang hindi kaaya-ayang kahihinatnan para sa iyo sa pinakadulo, ito ay pagpapanatili ng iyong kadalisayan sa harap ng Diyos. Ang pag-aalay ng isang banal na espirituwal na katawan at isang dalisay na birhen sa Diyos ay nangangahulugan ng pagpapanatili ng isang pusong taos sa harap ng Diyos. Para sa sangkatauhan, ang katapatan ay kadalisayan, at ang kakayahang maging taos sa Diyos ay pagpapanatili ng kadalisayan. Ito ang dapat mong isagawa. Kapag dapat kang manalangin, manalangin ka; kapag dapat kang makitipon sa pagbabahagi, gawin mo iyon; kapag dapat kang umawit ng mga himno, umawit ka ng mga himno; at kapag dapat mong talikdan ang laman, talikdan mo ang laman. Kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, hindi ka natataranta; kapag nahaharap ka sa mga pagsubok naninindigan ka. Ito ang katapatan sa Diyos.

Hinango mula sa “Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Katapatan sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang pagbabahagi ng isang matunog na patotoo para sa Diyos una sa lahat ay may kaugnayan sa kung mayroon o wala kang pagkaunawa sa praktikal na Diyos, at kung nagagawa mong magpasakop o hindi sa harap ng taong ito na hindi lamang karaniwan, kundi normal, at magpasakop kahit hanggang kamatayan. Kung ikaw, sa pamamagitan ng pagpapasakop na ito, ay tunay na nagpapatotoo para sa Diyos, ibig sabihin niyan ay naangkin ka ng Diyos. Kung makakapagpasakop ka hanggang kamatayan, at sa Kanyang harapan, wala ka nang mga reklamo, hindi ka nanghuhusga, hindi ka naninirang-puri, wala kang anumang mga pagkaintindi, at wala kang anumang mga lihim na motibo, sa ganitong paraan ay magtatamo ng kaluwalhatian ang Diyos. Ang pagpapasakop sa harap ng isang karaniwang tao na hinahamak ng tao, at nagagawang magpasakop hanggang kamatayan nang walang anumang mga pagkaintindi—ito ay tunay na patotoo. Ang realidad na kinakailangan ng Diyos na pasukin ng mga tao ay na nagagawa mong sundin ang Kanyang mga salita, isagawa ang mga ito, yumuko sa harap ng praktikal na Diyos at alamin ang sarili mong katiwalian, buksan ang iyong puso sa Kanyang harapan, at, sa bandang huli, maangkin Niya sa pamamagitan ng mga salita Niyang ito. Nagtatamo ng kaluwalhatian ang Diyos kapag nilulupig ka ng mga pahayag na ito at nahihikayat kang lubos na sumunod sa Kanya; sa pamamagitan nito, hinihiya Niya si Satanas at kinukumpleto ang Kanyang gawain. Kapag wala kang anumang mga pagkaintindi tungkol sa pagiging praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao—ibig sabihin, kapag nakapanindigan ka sa pagsubok na ito—mahusay mong naibahagi ang patotoong ito. Kung dumating ang araw na magkaroon ka ng lubos na pagkaunawa sa praktikal na Diyos at kaya mong magpasakop hanggang kamatayan kagaya ni Pedro, maaangkin ka ng Diyos at magagawa ka Niyang perpekto. Aumang ginagawa ng Diyos na hindi nakaayon sa iyong mga pagkaintindi ay isang pagsubok para sa iyo. Kung ang gawain ng Diyos ay nakaayon sa iyong mga pagkaintindi, hindi ka na kailangang magdusa o mapino. Ito ay dahil sa ang Kanyang gawain ay napaka-praktikal at hindi nakaayon sa iyong mga pagkaintindi kaya kailangan mong pakawalan ang mga pagkaintinding iyon. Kaya nga ito ay isang pagsubok para sa iyo. Dahil sa pagiging praktikal ng Diyos kaya lahat ng tao ay nasa gitna ng mga pagsubok; ang Kanyang gawain ay praktikal, hindi higit sa karaniwan. Sa pamamagitan ng lubos na pag-unawa sa Kanyang praktikal na mga salita at Kanyang praktikal na mga pahayag nang walang anumang mga pagkaintindi, at sa tunay na pagmamahal sa Kanya lalo pang lumalago ang Kanyang gawain, maaangkin ka Niya. Ang grupo ng mga tao na maaangkin ng Diyos ay yaong mga nakakikilala sa Diyos; ibig sabihin, yaong mga nakakaalam sa Kanyang pagiging praktikal. Bukod pa riyan, sila yaong mga nagagawang magpasakop sa praktikal na gawain ng Diyos.

Hinango mula sa “Yaong mga Tunay na Nagmamahal sa Diyos ay Yaong mga Talagang Nagpapasakop sa Kanyang Pagiging Praktikal” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Sinundan: 2. Tunay ba ang patotoo ng isang tao kung nananampalataya sila sa Diyos para lamang tamasahin ang Kanyang pagpapala

Sumunod: Tanong 1: Naniniwala tayo na ang pagbalik ng Panginoon ay nangangahulugan na ang mga nananalig ay direktang itataas sa kaharian ng langit, dahil nakasulat sa Biblia: “Kung magkagayon, tayong nangabubuhay, na nangatitira, ay aagawing kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin: at sa ganito’y sasa Panginoon tayo magpakailan man” (1 Tesalonica 4:17). Pinatototohanan mo na nagbalik na ang Panginoong Jesus, kaya bakit narito tayo ngayon sa lupa at hindi pa tayo nadadala?

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito